DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 3: The Past Part 2

☆

5/10/2025

Comments

 

until i'm over you

☆
​Kier

FIRST time yata sa buhay ko na makakita ng babaeng nabihag agad-agad ang puso ko. Ang kaso, mukhang naagaw na agad siya ng iba. Ang torpe ko kasi. Dapat kasi kinuha ko na ang number ni Jana. Magka-chat na sana kami noong nakaraang limang araw. Ngayon dahil sa katangahan, mukhang sinayang ko lang ang isang pagkakataon na isang beses lang mangyayari sa buhay ko.

Nakaakbay iyong mokong na lalaki kay Jana pero parang dedma lang si Jana dahil busy sa pagdo-drawing. I felt disappointed, kaya ginusto ko na lang na umuwi. 

“`Lika na, Pogi. Uwi na lang tayo.”  Hinila ko iyong tali ni Pogi pero ayaw niyang umalis sa puwesto namin. Parang gusto niyang kumawala at pumunta kay Jana.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko at binitawan ko ang tali niya. Hindi nga ako nagkamali, tumakbo siya papunta kay Jana habang tumatahol.

Agad namang napansin ni Jana si Pogi. Tuwang-tuwa niyang sinalubong ang aso.

“Pogi!”

Hinaplos-haplos niya si Pogi. Ang aso ko naman, parang nakita ang mommy niya sa tuwa. Sana nga lang siya na ang mommy ni Pogi at ako naman ang daddy. 

Tumingin si Jana sa paligid. Mukhang hinahanap niya ako. Napatingin siya sa direksiyon ko. Kumaway siya at tinawag ako nang may ngiti sa mga labi. “Kier, ano’ng gingawa mo diyan? `Lika dito!”

Abot-tainga naman ang ngiti ko nang marinig na tinawag ni Jana ang pangalan ko. Nag-jogging ako papunta kay Jana para medyo astig ang entrance ko. “Hi, Jana! Sorry naistorbo ko kayo. Ito kasing si Pogi biglang tumakbo,”  paliwanag ko.

Pero sinadya ko naman talagang mang-istorbo.

Nagtatalon si Pogi sa harap ni Jana. Tuwang-tuwa talaga ang aso ko sa kanya. 

Tumayo si Jana at humarap sa akin. “Bakit ngayon ka lang pumunta dito sa park?” tanong niya.

Natuwa ako sa tanong niya. She had been waiting for me? Mukhang may pag-asa pa kami. Yes! 

“Ah... eh... sorry. May pasok  kasi ako sa school at gabi na ang uwi ko. Every Saturday and Sunday lang ako walang pasok.”

“Okay lang. `Good to see you again, pati si Pogi,” sabi niya at binigyan ako ng napakagandang ngiti.

This time, naka-dress uli si Jana na light blue pero medyo backless nang kaunti. Kitang-kita ang kaputian niya. At talagang bagay na bagay sa kanya ang damit.

Bigla namang umeksena iyong mokong na lalaking kasama niya. “Ah! I see. So student ka pa lang pala? I’m Andrew by the way.” At inabot niya ang kamay sa akin. 

Kinamayan ko siya pero hinigpitan ko nang kaunti. Nginitian ko, pagkatapos. Ngiting-aso na bigla na lang mangangagat. Ang yabang kasi ng Andrew na ito. Kung makapagsabi sa akin na student pa lang. Hintayin mo kong gumraduate, mokong ka. 

Napansin ni Andrew na humigpit ang hawak ko kaya mukhang hinigpitan din niya ang hawak sa akin. Kung anime lang ito, siguro may parang kuryente na sa gitna namin.

Biglang sumingit si Jana kaya tinigilan na namin ni Andrew ang handshake war.

“Kier, classmate ko si Andrew noong college. Architect din siya. Bigla siyang bumisita sa bahay kaya isinama ko siya dito,” pakilala niya sa lalaki. “Andrew, meet Kier. New friend ko dito sa community. He’s a Law student.”

Classmate pa pala dati ni Jana `tong mokong na mayabang na `to.

“Ah, Law student ka pala,” sabi ni Andrew habang marahang tumatango at tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.

Akala mo, basta-bastang estudyante lang ako, ah, sabi ko sa isip ko. `Pag gumraduate ako, sisilipin ko ang lahat ng gagawin mong project kung legal ba lahat. 

Mainit na agad ang dugo ko sa lalaki kahit kakikilala pa lang namin. Hindi ko alam pero nayabangan talaga ako sa kanya.
Nakipaglaro lang si Jana kay Pogi hanggang sa medyo napalayo na sila sa amin. Naiwan tuloy ako kasama ang mokong na si Andrew.

“So, pare, saan naka-park ang kotse mo? Do you own a house nearby?” tanong ni Andrew.

Gagong  `to. Ang yabang talaga! Teka. Easy lang, Kier. Baka magalit si Jana kapag pinatulan ko `to.

“Malapit lang ako dito kaya naglakad lang kami ng aso ko. Diyan ako sa may malapit na apartment,” sagot ko.

“Ah, apartment lang?”  tanong ni Andrew na may halong pagmamayabang. “Eh, ang kotse mo?  Mine is the one parked over there.” Itinuro niya ang isang red na kotse. “That’s a Toyota 86, dude. Isn’t she a beauty? Mind you, bro, that’s two million pesos in case you don’t know.”

Aba! Hindi lang pala mayabang ang mokong na ito, Mr. Price Tag pa. Hindi ko na lang pinansin ang mga pagyayabang niya. Wala naman akong makukuha doon, eh. Sabi nga nila ang latang may laman, tahimik lang. Pero ang wala, maingay.
Tiningnan ko na lang sina Jana at Pogi na naglalaro sa di-kalayuan. Nakakawala talaga ng stress kapag nakikita kong masaya si Jana.

“Nanliligaw ka ba kay Jana?” maangas na tanong ni Andrew, mayamaya.

Nabigla ako sa tanong niya. Hindi agad ako nakasagot. Kaya kahit hindi ko pa sigurado kung doon pupunta ang nararamdaman ko kay Jana, “Oo, pare. Bakit?” sagot ko na may halo ring angas.  

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko. I know, second time pa lang naming nagkikita ni Jana. Pero wala, eh, I think tinamaan talaga ako nang malupit.

Natawa si Andrew. “Good luck, pare. Matagal ko nang nililigawan `yang si Jana, since college pa.”  Ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko. “Tumigil ka na lang, pare, habang maaga. Baka masaktan ka lang.”

Hindi ko na lang siya pinansin. On the other hand, kawawa rin pala ang mokong na ito kasi matagal nang naghihintay kay Jana pero hindi pa rin siya sinasagot. Well, siguro dahil na rin sa ugali niya. Napakayabang kasi. At mukha ring hindi basta-basta babae si Jana. Hindi niya kayang silawin ng pera, eh.

Okay lang naman kung hindi ako sagutin ni Jana. Masaya naman siyang kasama at gustong-gusto siya ni Pogi. Kaya okay lang ma-friendzoned ako. Pero… huwag sana.

Lumapit si Jana sa amin, mayamaya at binalingan niya si Andrew. “Andrew, can I ask you a favor?”

“Yes, of course. Anything for my princess,” sagot ni Andrew.

“Si Mama kasi nag-text, gusto raw niyang pumunta dito. Puwede mo ba siyang sunduin?” tanong ni Jana.

“Sure! I’ll get Tita Jizelle for you,”  sagot ni Andrew sa maamong boses.

Nginitian naman siya ni Jana. “Thank you.”

Tumalikod na ang mokong at sumakay sa kotse niya. Pinatunog pa niya nang malakas ang engine para siguro magmayabang sa akin bago iyon pinatakbo. 

Mukhang wala yata akong laban sa kanya pagdating sa porma at pera. Most of the girls pa naman, mas gusto iyong mga rich-type guys. Sana na lang tama ako na hindi ganoon si Jana.

Binunggo ni Jana ng balikat niya ang braso ko. “So, where are we going?”

Nagulat ako sa tanong niya. “Huh? Teka akala ko pupunta dito si Mama mo?”

Tumawa si Jana. “Hindi. Pinaalis ko lang si Andrew. `Kulit kasi n’on, eh. Sinabi ko naman na dati na hanggang friends lang kami pero nanliligaw pa rin. Saka kayo talaga ni Pogi ang hinihintay ko dito,”  sagot ni Jana.

Wow! Akalain mo iyon? Kami pala ang hinihintay niya. Mukhang lalo talagang lumalaki ang chance ko sa kanya. 

“Ah, sige,” nahihiya kong sabi. “Uhm… Puwede tayong pumunta sa mall. Lalagyan ko lang ng diaper si Pogi.”

“Teka, may regalo nga pala ako kay Pogi,” sabi ni Jana at kinuha ang isang paper bag sa bench. Iniabot niya iyon sa akin.

“Ano `to?” tanong ko.

Ngumiti siya at sinabing, “Buksan mo na.”

Nasorpresa ako. Hindi ko akalain na kahit second time pa lang naming nagkikita, nag-abala na siyang bigyan ng regalo si Pogi. Binuksan ko agad ang regalo. Tumambad sa akin ang isang black and white dog collar na mukhang customized pa dahil may pangalan ni Pogi sa gitna.

Nginitian ko siya. “Wow! Ayos `to, ah! Thanks, Jana. Nag-abala ka pa.”

“You’re welcome, Kier.” Kinuha niya sa akin ang collar at ipinakita ang isang bahagi niyon kung saan puwede akong magsulat or maglagay ng info. ”This is where you can put your name and contact number. If ever mawala uli si Pogi, puwede kang tawagan ng makakapulot sa kanya.”

“Hanep! Hindi ko ito naisip dati, ah?” sabi ko. “Salamat talaga.” 

Agad kong tinanggal ang lumang collar ni Pogi at ipinalit ang regalo ni Jana. “Here you go, buddy. Lalo kang pumogi, ah, Bagay na bagay sa `yo.” Hinaplos ko ang aso.

“Halika na. Baka bumalik na agad si Andrew,” aya ni Jana, pagkatapos.

“Ay, oo nga pala. Sige, let’s just buy a diaper on our way. Kaso...” 

She gave me a look that she was waiting for what I was about to say.

Nahiya akong sabihin pero nilakasan ko na lang ang loob ko. “Kaso magta-taxi lang tayo. Wala pa akong kotse, eh.”

Natawa si Jana at biglang kumapit sa braso ko. “Okay lang `yan. Wala naman sa akin kung wala kang kotse, eh. Tara na!”

Napangiti ako at natuwa sa sinabi niya. Ang suwerte ko talaga kapag naging girlfriend ko siya. Sobrang dalang na ngayon ng katulad niya. Ang masasabi ko lang, ganitong babae ang for keeps. Si Jana iyong babaeng pagsisikapan mong maibigay ang lahat sa kanya. Iyong gagawin mo ang lahat para maging keeper niya.




NAGPUNTA kami sa mall, kumain, at namasyal. Matapos ang isang napakasayang araw, bumalik din kami sa park.
“Thank you for this day, Kier. Nag-enjoy ako,” nakangiting sabi ni Jana.

“Wala `yon. Ako nga dapat `yong magpasalamat. Thank you din, Jana. Ang saya mo talagang kasama,” sagot ko.

“Ewan ko ba pero komportable na akong kasama ka. Alam mo `yong parang matagal na tayong magkakilala? Ang gaan-gaan kasi ng loob ko sa `yo,”  sabi niya.

“Talaga? Gano’n nga rin ang nararamdaman ko, eh. Lalo na `tong si Pogi parang mas maamo pa siya `pag kasama ka kaysa sa akin, eh.”

Nginitian ako ni Jana at kinarga naman niya si Pogi.  “Totoo ba `yon, Pogi? Gusto mo si Mommy Jana?” sabi niya habang bini-baby ang aso.

Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi naman siguro ako nagkamali ng dinig, `di ba? Did she just say Mommy Jana? Hindi talaga ako makapaniwala. Nagdiwang ang lahat ng cells ko sa katawan.

“Mommy?” tanong ko. Mas maganda na ang sigurado.

Bigla siyang nahiya at namula ang mga pisngi. “Ay, sorry. Joke lang `yon.”

Ay, joke lang pala.

“Ahm… Jana.. Puwede ko bang makuha ang phone number mo? At puwede rin ba kitang i-add sa FB?” tanong ko.

“Oo naman!” sagot niya, saka ibinigay sa akin ang phone number niya pati na rin ang name niya sa FB.

Kinuha ko ang phone ko at inilagay roon ang number niya. Nang ia-add ko na siya sa FB... “Jana, hindi kita ma-add sa Facebook. Parang sira yata `yong Facebook ko, eh,” sabi ko.

“Ay, gano’n? Sige ako na lang ang mag-a-add sa `yo.” Kinuha niya ang kanyang phone at nag-send ng friend request sa akin. “`Ayan, na-add na kita,” sabi niya at tumingin sa phone ko para i-check kung nag-appear na sa akin ang friend request niya. 

Pinindot ko ang Delete button sa friend request.

Natatawa ako sa loob-loob ko. Sana gumana itong moves ko.

“O, bakit mo dinecline `yong friend request ko?” nagtataka niyang tanong.

Kunwari ay bumuntong-hininga ako nang napakabigat. “Hindi ko kasi matanggap na hanggang friends lang tayo.”

Natawa si Jana. “Ikaw talaga!” Pabiro niya akong sinuntok sa braso. “Tugish!”

Natawa ako sa banat ko pati na rin sa “sound effect” ng suntok niya. “Naks, may tunog pa `yong suntok mo, ah?”

Tawa siya nang tawa. “Kasi naman, eh!”

Ang cute talaga ni Jana. Bigla akong natulala habang nakatingin sa mukha niya.

Bigla naman siyang nahiya at biglang tinakpan ang mukha ko. “Bawal tumitig. May bayad.”

Natawa ako at muling tinitigan ang mukha niya. “Sorry, `di ko mapigilang matulala sa ganda mo.”

Nag-iwas ng tingin si Jana. Kitang-kita ko ang pamumula ng mukha niya. “Bahala ka. Magkakautang ka nang marami.”

“Okay lang. Basta masilayan lang kita nang madalas,” banat ko naman.

Ngumiti lang siya at yumuko na parang itinatago sa akin ang kilig.

“Ah, Jana...” pag-iiba ko sa usapan. Nahihiya pa ako nang kaunti pero hindi ko na talaga palalampasin ang pagkakataon.

“Puwede ba tayong lumabas bukas? Pero tayo lang dalawa. Iiwan ko muna si Pogi sa apartment.”

“Sige wala naman akong gagawin, eh,” sagot niya agad.

Napangiti ako nang napakaluwang. Yes! It's a date tomorrow! Nagdiwang na naman ang mga cells ko sa katawan pati na ang puso kong kanina pa nagra-rock and roll.

Pero nahihiyang tumango na lang ako. “N-nice... Uhm, thank you. Thank you, Jana.”

Nginitian niya ako. Ilang saglit pa, napatingin siya sa phone niya nang umilaw iyon. “Kier, maggagabi na. Hinahanap na ko ni Mama. Nag-text na siya,” sabi niya.

“Puwede ba kitang ihatid sa inyo ngayon?” tanong ko.

“Huwag na, Kier. Palabas daw si Mama ng bahay dala `yong kotse namin. I’ll meet her on the way. See you tomorrow na lang,” sagot niya at binigyan na naman ako ng malaanghel na ngiti.
​
Umalis na si Jana. Naglakad na rin kami ni Pogi pauwi. Sobrang saya ko ngayong araw na ito. Excited na rin ako sa date namin bukas.
Next chapter
Comments
HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS | ASK ME
Proudly powered by Weebly