DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 32: The Secretary

☆

5/11/2025

0 Comments

 

Until I'M Over you

Alleiea

AKALA ko malas na ang araw na ito dahil sa eskandalong ginawa ni Mama kanina. Pero sino ang mag-aakala na may suwerte pa pala ako? Lord, thank you! You really moved in mysterious ways. May trabaho na ako bukas. And it’s all thanks to You!

Ang saya-saya talaga. Ang bait ni Sir Kier, pagkatapos ang guwapo pa. Mukhang gaganahan akong magtrabaho bukas.

Tanghali na ako nakarating sa amin. Sobrang traffic kasi sa EDSA. Habang naglalakad ako sa street pauwi sa apartment namin, napangiti ako. Naramdaman kong uminit ang mga pisngi ko. Naalala ko kasi iyong kanina na pinayungan ako ni Sir Kier. Parang eksena sa mga Asian drama! Nakakakilig!

Pero teka, ano ba ang ginagawa ko? Kakagaling ko lang sa panloloko ng isang lalaki pero heto na naman ako. Parang nagkakagusto agad sa taong unang beses ko pa lang nakilala. Bakit kasi ang talino ng utak ko pero parang ang bobo nitong puso ko? 

Sana naman kung iibig uli maging matalino ka na puso kahit very, very light lang muna.

Dapat hindi ko muna isipin ang crush-crush or love-love na iyan. Dapat mag-focus ako sa trabaho para hindi problemahin ni Mama ang pagbubuntis ko.

Sa isang lumang condominium kami nakatira. Pero apartment ang tawag ng mga tao rito. May anim na floor ito at kada floor ay may sampung unit. Murang-mura lang ang upa kaya nakayanan namin. Si Mama kasi, tagalinis lang ng mga puntod sa malapit na sementeryo. Si Papa naman, karpintero. Okay naman ang tirahan namin. Medyo madilim nga lang dahil dim o parang mapupundi na ang mga ilaw sa labas, pagkatapos ay amoy-luma ang paligid dahil siguro sa mga namuong alikabok sa pader. Keribells lang naman ang mga bagay na iyon. Ang problema lang, nasa fourth floor ang unit namin at walang elevator ang building. Kaya para talaga akong umakyat ng bundok sa tuwing uuwi.

Heto na aakyat na ako papuntang fourth floor. Baby hawak ka nang mabuti, ha? Medyo mapapalaban si Mommy sa mga hagdan. Very, very light lang naman ang hirap pero kapit ka, ha?

Pagdating ko sa huling baitang sa fourth floor, nakahawak na ako sa railings at parang hingal na hingal na. Sanay naman na ako dito noon, kaso worried ako para sa dinadala ko. Kaya siguro nakakapagod nang umakyat. 

Kakatuntong ko pa lang sa fourth floor, pero narinig ko na agad si Mama. Ang lakas ng boses niya at mukhang sinesermunan na naman niya si Papa na gabi-gabi na lang lasing kung umuwi. 

Si Mama talaga hindi pa nasanay.

Hindi muna ako pumasok sa unit namin. Hinintay kong humupa ang pagsabog ng nuclear bomb este na matapos si Mama sa pagsesermon kay Papa. Alam ko kasing mamayang gabi, magkayakap na naman sa pagtulog ang dalawa. Kapag nilambing kasi siya ni Papa parang bumibigay siya agad. Siguro mana ako kay Mama, bobo rin ang puso. Haaays.

Habang nakatambay, lumabas ang kapitbahay namin at kaibigan kong si Mingay. Nilapitan niya ako at tinabihan.

“Hoy, girl, ano bagang palabas sa bahay n’yo at ang ingay? Nirarambo na naman ba ni Mamshie mo si Papshie mo?”

Natawa ako. `Buti na lang talaga, funny itong kaibigan ko. Sa tuwing problemado ako, si Mingay lagi ang clown ko at shoulder to cry on.

“As usual, girl. Pasensiya na, ah,” sagot ko.

Pabiro niya akong sinanggi sa braso. “`Sus naman, girl. Hindi mo naman kailangang mag-sorry, eh. Sanay na kami, eh.” 

Laking Batangas si Mingay kaya ganoon ang accent niya. Madalas may “eh” sa dulo. Pero nakakatuwa siya. Kaso parang hindi ko alam kung seryoso siya o nagpapatawa.

“Ano baga ang nangyari sa lakad n’yo? Nakasuhan n’yo na `yong butiking nang-iwan sa `yo?” tanong niya.

“Grabe ka sa butiki, girl. Mamaya niyan maging kamukha niya ang baby ko, `wag naman sana,” sagot ko. Tumingin ako at humawak sa tiyan ko. “Anak, dapat kamukha ka ni Mommy, ah? Don’t worry `di ko iisipin ang mukha n’ong Mike na `yon para `di mo maging kamukha.”

Muli akong bumaling kay Mingay. “Hindi ko kinasuhan, girl. Bahala na siya sa buhay niya. Hindi namin siya kailangan ng magiging anak ko. Isang buwan na rin naman siyang wala kaya moving on na ako. Saka nga `di ba parang hindi naman talaga kami naging seryosong mag-on. Hindi ko nga alam ang paboritong kulay n’on at kung ano-ano pa tungkol sa kanya, eh.”

“Ala, eh. Kaso nagpabuntis ka agad, eh, kahit one month pa lang kayo, eh. Tanga-tanga, girl, `no?” 

Kinurot ko si Mingay sa braso. Ang sakit ng sinabi niya, eh. Pero totoo naman kasi. “Grabe ka sa akin, girl. Nilasing ako ng gago, eh. `Tapos ako naman itong si bobo at tanga, bumigay kasi happy-happy, party-party. `Tapos guwapong-guwapo pa ako sa kanya dati. Pusong-bobo talaga.”

“Baliktad kasi `yong puwesto ng puso at utak mo, girl. Pero hayaan mo na, natuto ka naman na. Life goes on, sabi ni Mang Karding. Kahit anong mangyari, eh, basta humihinga walang susuko sa buhay,” sabi ni Mingay habang kinakamot ang kanyang kanang tainga.

Niyakap ko si Mingay mula sa likuran at ipinatong ko ang baba ko sa balikat niya. “Hoy, girl. Hindi na. Nagiging smart na ang heart ko kahit very, very light lang. Saka tama ka. Wala talagang sukuan hanggang may buhay. Pero sino si Mang Karding?”

“Ala, eh. Imbento ko lang `yon, tanga.”

Bumitaw ako sa pagkakayakap kay Mingay nang maalala ang mga magandang nangyari sa araw na ito. ”Ang good news, may trabaho na ako bukas as secretary ng isang lawyer `tapos ang the best pa nito ang guwapo ng boss ko!”

Pabiro akong binatukan ni Mingay na ramdam ko dahil napalakas. “Aray, girl! Dahan-dahan naman.”

“Sira ka talaga. Nakakita ka lang ng guwapo, nagbubunyi ka na diyan, eh. Akala ko baga smart na si heart?” 

“Oo nga, smart na si heart. Sinabi ko lang naman na guwapo. Hindi ko sinabing crush ko. Siguro kaunti, pero very, very light lang,” giit ko.

Kinuha ni Mingay ang tsinelas niya at inambang ipapalo sa akin. “Tsitsenalasin kita nang very, very hard diyan. Very, very light na pagkagusto ka pang nalalaman, eh. Umayos ka. Magtrabaho ka. Para sa inyo ni baby mo `yan, Alleiea.”

Grabe `to si Mingay, makasermon, wagas. Parang si Mama.

“Biro lang, girl. Ito naman. Gagalingan ko talagang magtrabaho. Ikaw walang kang gig mamayang gabi?”

“Meron pero tinatamad ako. Simula kasi no’ng umalis baga si Valeng sa banda para mag-training bilang member ng isang pop girl group, parang nawalan na baga ako ng gana sa pagbabanda,” sagot ni Mingay habang isinusuot muli ang tsinelas niya.

“Mukhang magiging big time na `yong kaibigan mo na `yon. Sayang `di ko siya na-meet bago siya maging sikat.” Napansin kong tahimik na sa loob ng unit namin. Mukhang tapos na ang pagbasa ni Mama sa mga kasalanan ni Papa. Nagpaalam ako kay Mingay at pumasok na sa unit.

Pagpasok ko, tulog na si Papa sa kuwarto at si Mama ay naglilinis ng mesa. Nakita ako ni Mama pero hindi niya ako pinansin. Pero sinabi ko pa rin na may trabaho na ako at start na ako bukas. Hindi ko alam kung good news sa kanya iyon. Pero okay na rin na hindi kami magtalo ngayong gabi para maaga akong makapasok bukas. 

Haays, galit pa rin sa akin si Mama. Ganoon siguro talaga dahil twenty-one years old pa lang ako at buntis. May mga mas maaga pa ngang nabubuntis sa akin pero basta hindi napagplanuhan at biglaan, mahirap siguro talagang tanggapin. Tinakbuhan pa ako kaya ganoon na lang talaga ang galit ni Mama. Pero kahit ano pa ang sinapit ko, hindi ko pagsisisihan na magkaka-baby ako. Siya ang magiging inspirayon ko para kayanin ang mundo.






KINABUKASAN, maaga akong nakarating sa opisina ni Sir Kier. Pero wala pa siya at naka-lock pa ang pinto. Sumobra yata ag excitement ko, napaaga ang dating ko. Ilang minuto ang lumipas, dumating na rin si Sir Kier. Naka-black suit and white shirt siya. Lawyer na lawyer ang datingan dahil pati buhok, ang ganda ng pagkakasuklay. Ang linis niyang tingnan at pormal na pormal. Mukha pa siyang masiyahin.

Nang magkatinginan kami, agad siyang ngumiti at binati ako. “Good morning! Ang aga mo, ah.”

“Good morning, Sir Kier.” Ngumiti rin ako pero agad na nahiya kaya napayuko nang kaunti.

Inayos niya ang kanyang suit sa harap ko at sumenyas na tingnan ko siya. “How do I look?”

Gusto ko sanang sabihin na ang guwapo niya pero nakakahiya. Baka iba pa ang isipin niya. “Y-you look good, Sir Kier.”

“Thanks, and you’re...” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. “You look okay.”

Binigyan ko siya ng pilit na ngiti. Alam ko kasi na parang hindi niya nagustuhan ang look ko.  “T-thank you po, Sir.” 

Nakakahiya nang very, very hard. Ang pangit kasi ng suot ko parang pang-manang. Long sleeved shirt na kulay-dilaw at medyo maluwag sa akin. Pagkatapos, palda na kulay-itim na halos matakpan na ang mga paa ko. Sa lola ko kasi ito. No choice dahil iyong suot ko kahapon na galing sa ukay-ukay, nabasa na. Hindi bale, tiis-tiis muna. Pagkasuweldo na lang ako bibili ng maayos na damit.

Dumeretso si Sir Kier sa pinto ng office at binuksan iyon. Pagpasok namin sa loob, napansin kong hindi niya binaligtad ang sign board namin sa pinto para maging “OPEN” mula sa pagiging “CLOSE.” Gagawin ko sana pero bigla niya akong pinigilan.

“`Wag muna tayong mag-open, Alleiea. After lunch na lang. I need to discuss your work and your salary muna. Then I want you to help me check the things we need in our office.”

Ipinakita sa akin ni Sir Kier kung saan ako magtatrabaho—sa isang desk na makikita agad pagpasok ng opisina. Ako raw kasi ang unang haharap sa mga client. Pagkatapos ay pumasok kami sa isang kuwarto. Pumunta si Sir Kier sa likod ng desk niya at naupo sa pang-bossing niyang upuan na black leather. Umupo naman ako sa isa sa mga upuan na nasa harap niya.

Tinanong ako ni Sir Kier ng mga bagay tungkol sa akin. Itina-type niya iyon sa computer. Age, birth date, address, contact number, schools na pinasukan, at iba pang mga personal information. Nakalimutan ko pala kasi na magpasa ng resumé. Mabuti na lang at mabait si Sir Kier dahil nakalimutan din naman daw niyang sabihin sa akin. Nakakatuwang pagmasdan si Sir Kier. Palangiti at parang walang problema. Suwerte ko talaga at siya ang boss ko. Parang hindi ako makakaramdam ng stress sa trabaho ko. Kung meron man, siguro very, very light lang.

Ipinaliwanag niya sa akin ang mga trabaho ko katulad ng admin tasks, pag-aayos ng schedules niya, pagharap sa mga client, pagsagot ng phone para sa mga inquiries, at pagtulong sa kanya sa iba pang mga bagay sa opisina. Tingin ko naman, kaya ko. `Buti na lang talaga, ginalingan ko ang secretarial noong college. Samahan mo pa ng inspirasyon dito sa tiyan ko kaya walang imposible!

Ipinaliwanag din ni Sir Kier ang mga government benefits ko kasama na rin ang mga perks ko sa company niya at ang matindi dito... iyong salary. Nanlaki ang mga mata ko kasi sobrang higit pa iyon sa magkasamang kinikita nina Mama at Papa. Ang saya! Hindi na ako mamomroblema at baka magkabati na rin kami ni Mama.

“Thank you talaga, Sir Kier!” Nakipagkamay sa akin si Sir Kier at dalawang kamay kong hinawakan iyon dahil sa sobrang kasiyahan. “Maraming, maraming salamat.”

“You’re welcome and I’m looking forward to working with you everyday,” nakangiti niyang sagot. “Excuse me for a moment, Alleiea.” Biglang tumunog ang phone niya kaya agad niya iyong sinagot at lumabas ng kuwarto. 

Ako naman, napatili nang sobrang hina para hindi marinig. Sasabog na kasi ako sa sobrang kasiyahan kaya inilabas ko na. Ang suwerte ko talaga kahapon pa. 

Lord, thanks dahil inutusan N’yo yata si Mama na kaladkarin ako papunta dito.`Tapos ang guwapo pa po ni Sir Kier. Sign N’yo rin po ba ito para sa love life ko?

Bigla akong napailing. Heto na naman kasi ako, ang bilis magkagusto. Mamaya niyan may girlfriend o asawa na pala itong si Sir Kier. 

Focus, Alleiea! Dapat sa work ka mag-focus para sa inyo ni baby at kalimutan ang mga love-love na `yan.

Napatingin ako sa desk ni Sir Kier. May mga Law books doon at mga pen na nakaayos. Then napansin ko ang isang picture frame. Nakatalikod iyon sa akin kaya hindi ko makita kung sino. Na-curious ako kaya lumingon muna ako para masigurong wala si Sir Kier, pagkatapos ay dahan-dahan kong iniharap sa akin ang picture frame. May picture doon ng… isang magandang babae. Ewan ko pero nakaramdam ako ng very, very light na lungkot. Sabi ko na, taken na itong si Sir Kier at mukhang sobrang ganda pa ng asawa niya.
Next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly