DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 9: The Annoying Girl

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

NAGULAT ako. Iyong sinasabing anak ni Kuya Gilbert ay iyong babaeng nakahanap kay Pogi sa airport at iyong babaeng nakaalitan ko noon.

Sa hindi malamang dahilan, makita ko lang siya ay kumukulo na agad ang dugo ko sa inis.

“Akalain mo `yon? Si panget pala `to, eh,” sabi ng anak ni Kuya Gilbert. “Nasaan si Pogi?” tanong pa niya.

Aba! Makapang-asar ito. Akala naman niya, maganda siya. Pero wala na akong oras para makipagtalo pa.

“Tulog si Pogi at wala akong oras makipag-asaran sa `yo. Sumakay na tayo sa taxi at ihatid mo na `ko,” inis kong sabi dahil late na talaga ako.

“Aba, teka lang!” sabi niya at biglang sumakay sa driver seat.

“Good girl!” sabi ko naman at sinubukang buksan ang pinto sa passenger seat pero naka-lock iyon.

Kinatok ko ang bintana para sabihing dapat niyang buksan ang pinto. Pero hindi niya iyon binuksan. Nakita kong tumatawa lang siya sa loob ng taxi.

Pumunta ako sa bintana ng driver seat at doon kumatok. “Ano ba? Buksan mo kaya `yong pinto para makasakay ako!”

Narinig kong tinanggal ng babae ang lock ng pinto sa passenger seat kaya agad kong sinubukang buksan ang pito. Pero bago ko pa man mabuksan iyon, agad din niya iyong ini-lock uli.

The hell? Pinagtitripan ako ng babaeng `to, ah!

Nakita ko namang tawa siya nang tawa sa loob ng taxi.

“Seriously? Nananadya ka ba?” naiinis kong tanong.

Tuwing kakatukin ko ang bintana ng passenger seat, tatanggalin niya ang lock ng pinto pero ibabalik niya iyon kapag hahawakan ko na ang door handle.

Binuksan ng babae ang bintana at muli akong inasar. “Naiinis ka na ba, Your Honor?”

“Miss, I don’t really have time for this. Can you just open the door and let me in?” At this point, bad trip na talaga ako at malapit ko na siyang... grrr. God knows what.

Tinaasan naman niya ako ng kilay. “Your Honor, `pag may kailangan ka, dapat matuto kang makiusap nang maayos,” sabi niya.

I gave her a fake smile then pretended to be kind. “Okay sige. Puwede po ba akong pumasok na sa inyo pong taxi upang makaalis na tayo?”

“Good job, Your Honor.” Inalis ng babae ang lock ng pinto. At this time, pinapasok na niya ako.

Pagsakay ko, nakahinga ako nang maluwag. “Thanks.”

“Bilisan mo na, Miss, kasi male-late na talaga ako,” sabi ko. “And stop calling me your honor, hindi ako judge.”

“Okay, sige mas gusto mo ang panget. Eh, di panget na lang,” sabi niya at tumawa pa.

“I have a name and it’s Kier,” sabi ko.

“Okay, Kier. I don’t care,” masungit niyang sagot.

Ano kaya’ng problema ng babaeng ito sa akin?

Pinaandar agad niya ang taxi at bumiyahe na kami. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko, pero parang gusto kong gumanti sa kanya at pagtripan din siya.

“Alam mo buti pa `yong tatay mo mabait. Bakit hindi ka nagmana?” tanong ko.

“Mabait ako. Sa `yo lang hindi,” sagot niya.

“What?! What have I done to you? Saka teka, bakit parang alam mo yata na Law student ako? Ah, I see what’s happening here. Interesado ka sa akin at pang-aasar ang way mo para maging close tayo. Sorry pero may girlfriend na ako,” mayabang kong sabi.

“Excuse me? Ako? Interesado sa `yo?” tanong niya, pagkatapos ay nagkunwaring nasusuka. “Hello! Hindi kita type, `no! Naikuwento ka lang sa akin ni Papa kaya alam ko. If I knew na ikaw pala `yong ikinukuwento niya, hindi na sana ako nakinig at hindi na sana kita sinundo,” naiinis na sabi pa niya. “Hindi ko rin tinatanong kung may girlfriend ka na. But for your information, Your Honor, may boyfriend din ako, `no!” 

“Alam ba ng boyfriend mo na boyfriend mo siya?” pang-asar ko.

Hindi siya sumagot at natahimik na lang. Parang nagalit siya sa tanong ko dahil mayamaya, bigla niyang tinapakan ang preno ng sasakyan dahilan para mauntog ako sa kinauupuan ko.

Napahawak ako sa noo ko dahil medyo masakit ang pagkakauntog ko. “Aray! Ano ba? Ayusin mo naman `yong pagmamaneho mo.”

Natawa ang babae at bumawi ng pang-aasar. “Oh, sorry, panget, masakit ba?”

Nakakabad trip na talaga siya. Ano ba ang trip ng babaeng ito? Bakit kaya tuwang-tuwa siyang pinagtitripan ako?

Biglang nag-ring ang phone ko. Si Kuya Gilbert ang tumatawag kaya sinagot ko agad. “Hello, Kuya Gilbert?”

“Hello, Sir Kier, nagkita na po ba kayo ni Valeng?” tanong niya sa kabilang linya.

“Opo, Kuya Gilbert, nasa biyahe na po kami ngayon,” sagot ko.

Biglang sumingit ang anak ni Kuya Gilbert. “Panget, si Papa ba `yan? Pakitanong naman kung kumusta ang pakiramdam niya.”

Pinagbigyan ko siya kahit may halong pang-aasar ang pakiusap niya. “Kuya Gilbert, kumusta raw po kayo sabi ng anak n’yo?”

“Pakisabi bumubuti naman na at huwag kamo siyang mag-alala,” sagot ni Kuya Gilbert.

“Sige po, Kuya. Get well soon.”

“Salamat po, Sir Kier. Mag-iingat po kayo.”

Pagkatapos ay ibinaba ko na ang phone.

“O, ano’ng sabi ni Papa?”

“Okay na raw siya at huwag kang mag-alala...” sagot ko at biglang tumawa nang malakas. “VALENG!!” Hindi ko napigilang tumawa dahil sa pangalan niya. Inasar ko pa siya nang inasar. “Valeng! Valeng! Valeng!”

“Valeng? Knock-knock?” tanong ko mayamaya.

“Shut up! It’s Valerie. V-A-L-E-R-I-E!” inis na inis na sabi niya.

Sa loob-loob ko, nakabawi rin ako. Pero hindi doon nagtatapos ang paghihiganti ko. Hindi ko pa rin siya tinigilan kahit mukhang inis na inis na siya. “Sabihin mo, who’s there, dali!”

“Bakit? Close ba tayo?” naiinis niyang tanong.

“Knock-knock? Who’s there? Valeng! Valeng who?” pang-aasar ko pa.

Tahimik lang siya at mukhang pikon na. Well, sinimulan niya, eh. Taste the strength of my revenge!

“O, ang Valeng, Valeng mong sumayaw, Valeng mong gumalaw...”

“Sige, ituloy mo `yan, ihihinto ko `tong taxi!” babala niya sa akin.

“Joke lang. Sige na, hindi na. Hindi ka naman mabiro... Valeng!” sabi ko, sabay tawa.

“`Sus! Ang babaw ng kaligayahan mo, eh, `no? Ano kaya’ng nakakatawa do’n?” sabi ni Valerie na mukha pikon na talaga.
Pikon pala `tong babaeng `to, eh. Ako talaga ang kampeon ng asaran.

Pero sa kabila ng saya, bigla kong na-miss si Jana. Tiningnan ko ang phone ko para i-check kung may message siya, ang kaso wala.

Minabuti kong mag-message sa kanya. Kahit alam kong baka hindi siya mag-reply.

Me:  Hi, my love. How’s it going? I’m on my way to school. Please send me a message when you’re free. I love you, and I miss you so much. Take good care.

I waited…

And waited…

Biglang tumunog ang phone ko at na-excite ako. Puwede Baka si my love na.

One message received.

8888: LOAD PANALO: Thank you for reloading yesterday. You now have 4 Spins! Visit www.LoadPanalo123.com now. Data charges may apply. Spin and you may win a Samsung S6! DTI-FTEB SPD#2012 s16. Until 2/28/17. Play games and you can win a Samsung S6 today!

Potek naman! Text lang pala mula sa network provider ng phone ko.

Napabuntong-hininga na lang ako. Miss ko na talaga si Jana. Kahit isang buwan pa lang mula nang dumalang ang communication namin. Hindi ako sanay.

“Hoy, panget! Bakit tumahimik ka?” tanong ni Valerie, mayamaya.

Dahil sa pangungulila ko kay Jana, hindi ko na lang pinansin ang pang-aasar niya. Pinagtuunan ko na lang ng pansin ang biyahe.

“Valeng! Nasaan na tayo? Bakit ang traffic yata?” sabi ko nang mapansing hindi na gumagalaw ang taxi.

Sinubukan niyang tanawin ang mga nauunang sasakyan sa amin. “May banggaan yata sa unahan kaya hindi na tayo umuusad,” sagot niya.

Naloko na. Kapag hindi pa kami nakaandar siguradong late na talaga ako.

“Si Kuya Gilbert may dinadaanang shortcut `pag traffic or `pag malapit na akong ma-late. Baka alam mo `yon?”  suggestion ko.

Hindi umimik si Valerie at parang wala siyang balak sundin ang suggestion ko. Pero ayaw ko namang maghintay lang kaya kinulit ko pa siya. “Valeng, mag-shortcut na lang tayo, o.”

“Huwag na, mabilis lang `to. Saglit lang at mawawala rin `yong traffic,” sagot niya.

Hindi talaga ako puwedeng umasa at maghintay rito. Masisira ang record ko.

Muli kong kinulit si Valerie para makumbinsi ko siyang mag-shortcut na lang. “Valeng, please mag-shortcut na tayo. Habang wala pang sasakyan sa likuran natin para makaatras ka.”

Hindi siya umiimik at nakatingin lang sa daan.

“Uy! Valeng!”

Patuloy ko siyang kinulit. This time, hinamon ko na siya nang may pang-aasar. Baka sakaling mapilitan siya. “Ah! Siguro hindi mo alam `yong shortcut, `no?”

“Anong hindi? Alam ko kaya,” giit niya.

“Eh, bakit ayaw mo pang mag-shortcut?” tanong ko.

Mukhang napikon na si Valerie at bigla niyang inatras ang taxi. Mabilis niyang pinaandar iyon at nag-iba na kami ng route.
“Good girl!” sabi ko. This time, seryoso siya at naka-focus lang sa pagmamaneho.

Naalala ko na dapat ko nga palang pasalamatan ang babaeng ito kahit malakas siya mang-trip at kahit masungit siya. “`Nga pala, Valeng...”

 “O, bakit, panget?”

“Ito naman ang sungit talaga. Gusto ko lang magpasalamat para doon sa ginawa mo sa airport,” sabi ko.

“Alin do’n? `Yong sinabi kong pangit ka?”  tanong niya, sabay tawa.

“Kunwari nakakatawa. Haha. Saka ikaw lang ang nagsabi sa akin na pangit ako. Marami kayang nagkakagusto sa akin noong high school,” giit ko.

“`Sus! Mga nene lang pala iyon, eh. Baka ako lang ang malinaw na matang nakilala mo,” sabi niya, sabay tawa nang mahina.

Hindi ko na lang pinansin ang pang-aasar ni Valerie. “Anyway, I’m talking about Pogi. Na-realize ko lang na maganda `yong ginawa mo. Na siniguro mo muna na `yong may-ari talaga kay Pogi ang kukuha sa kanya. Kung ibang tao `yon, baka nakuha na siya ng iba. Kaya… salamat.”

Nakita ko sa rearview mirror na ngumiti siya.

“Aba, naman. Mabait ka naman pala kahit papa’no, eh. Sige, babawasan ko na ang pagtawag sa `yo ng panget,” sagot niya.
Mukhang mabait naman ang babaeng ito kahit napakasungit at malakas mang-asar. Naalala ko iyong sinabi ni Kuya Gilbert tungkol sa asawa niya.

“Nasabi nga pala sa akin ni Kuya Gilbert na minsan, tumatambay ka raw sa airport dahil nagbabaka-sakali ka na makita ang mama mo. Any luck?” tanong ko.

Hindi pinansin ni Valerie ang tanong ko at nanatili siyang seryoso sa pagmamaneho.  Mukhang ayaw niyang pag-usapan ang tungkol doon. Hindi rin pala maganda na in-open ko ang tungkol doon.

Minabuti kong hindi na lang siya kulitin. Tiningnan ko na lang ang social media account ni Jana. I browsed through her pictures and reminisced our memories together. Four months na lang at Bar exam na. Kapag nakapasa ako, pupuntahan ko agad siya sa Saudi.

Napansin kong tahimik lang si Valerie, mukhang naubusan na ng ipang-aasar sa akin.

“Valeng, puwede mo bang buksan ang radio or mag-play ka naman ng music?”

“Good idea!” Ngumiti siya at ikinabit ang phone niya sa music player ng taxi. Nag-play siya ng music at sinabayan na ang kanta.

What the hell? Anong kanta `yan? sabi ko sa sarili ko. Parang nakakainis pakinggan.

“Anong klaseng kanta `yan, Valeng?! Do you even understand the lyrics?” tanong ko.

“That’s ‘Ooh, Aah’ by TWICE. FYI, that’s a K-pop song! Saang lupalop ka ba galing at hindi mo alam `to?” sabi niya at tuloy pa ring sinasabayan ang kantang hindi naman maintindihan.

“Baguhin mo nga `yong song please,”  pakiusap ko.

“Bakit ba? Taxi ko kaya `to,” matapang niyang sagot.

“Hindi kaya sa `yo `to. Kay Kuya Gilbert `to!” giit ko naman.

“Ah, gano’n, ah. Mas gusto mo ang kanta ni Papa, ah. Teka lang,” sabi ni Valerie. Tinanggal niya ang phone niya sa music player at nagsagsak siya ng USB flash drive na nakuha niya sa compartment sa tabi ng player. Agad niyang pinatugtog ang kanta mula sa flash drive.

Kung liligaya ka sa piling ng iba
At kung ang langit mo ay ang pag-ibig niya 
Tututol ba ako? Kung kagustuhan mo? 
Sapat na ang minsa’y minahal mo ako

“What the f? Sige na patayin mo na lang! `Wag na tayong mag-music,” sabi ko.

Nakakainis. Wala bang matinong music `tong taxi na `to?

“As you wish, Your Honor,” sagot ni Valerie at pinatay na ang music. “Ang lalim ng hugot ni Papa, `no?” sabi niya.
“Oo nga, eh,” sagot ko, saka napangiti.

Ilang minuto pa, napansin kong kanina pa kami bumibiyahe pero parang pa ikot-ikot lang kami.
“Valeng, nasaan na tayo?” tanong ko.

Inihinto niya ang taxi at napakagat siya sa hintuturo niya. “Ah... Eh...” Humarap siya sa akin. “Actually...”

Tiningnan ko siya at hinintay ang kanyang sasabihin.
​
“... Naliligaw tayo.”
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly