DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 7: The Past Part 6

☆

5/11/2025

0 Comments

 

Until i'm over you

Kier

 “KIER, pasok ka. Kausapin ka raw ni Mama,” sabi ni Jana. 

Pumasok ako sa bahay nila at dumeretso kami sa living room.

“Dito ka lang muna, ah? Kukuha lang ako ng maraming tubig,” sabi ni Jana at bigla na siyang nawala.

Maraming tubig? Bakit kailangan ng maraming tubig? Siguro, sasabunin ako at kailangan ko ng pambanlaw.

Naupo ako sa isang sofa, nakatalikod sa may bandang hagdanan.

“`Ma, ready na po siya!” sigaw ni Jana. Hindi ko alam kung nasaan siya.

“Sige, pababa na ako!” pasigaw na sagot ng mama niya.

Dinig ko ang bawat hakbang ng mama ni Jana pababa ng hagdan. At kada hakbang, tumutulo ang pawis ko. Kinakabahan na ako sa maaaring mangyari.

Papalapit nang papalapit ang mga hakbang hanggang sa…

“So... ikaw pala si Kier de Leon?” tanong ng isang ginang.

“Ah, opo. Good morning po,” nahihiya kong bati pero nagawa kong ngumiti.

Nakasuot ng red dress ang mama ni Jana. Gusto kong matawa dahil para siyang nagmumurang-kamatis sa suot niya. Parang hindi kasi bagay sa edad niya. `Buti na lang, napigilan ko.

Kaso sa tuwing titingin ako sa mama ni Jana, natatawa talaga ako sa loob-loob ko. Diniinan ko na lang ang mga labi ko para hindi tuluyang matawa. Parang sasabog na ang bibig ko at malapit na talagang humagalpak ng tawa. Ilang saglit pa, naluluha na ang mga mata ko sa pagpipigil pero baka mapansin na niya ako. Lagot!

“Ako nga pala si Jizelle. Ako ang mama ni Jana. Sinabi niya sa akin na sinagot ka na raw niya. Tama ba?” tanong ni Tita Jizelle.

“Ah, opo, kahapon lang po,” sagot ko.

Parang nawala na ang urge kong tumawa. Pero nang mapatingin uli ako sa kanya... Bumalik iyon pero pinigilan ko talaga. Ang kaso this time, napansin na niya.

“Ano’ng nakakatawa, Mr. de Leon?”

“Ah, wala po… Tita.  May naalala lang po akong joke,” natatarantang paliwanag ko.

“Joke pala, ah! Alam mo bang hindi puwedeng magka-boyfriend si Jana? Dahil lahat ng manliligaw niya… kinain ko na!”

Humalakhak si Tita Jizelle at nag-iba ang hitsura niya. Tinubuan siya ng mga pakpak ng paniki sa likod. Ang mga braso at kamay niya ay nagkaroon ng kaliskis. Humaba rin ang kanyang mga kuko sa paa at kamay. Nasira ang damit niya at unti-unti siyang lumaki. Naging kulay-pula si Tita Jizelle at nagkaroon ng buntot. Naging malahalimaw ang ulo niya.

Hindi…

Hindi siya isang halimaw…

Si Tita Jizelle ay isang… dragon!

Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan dahil hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.

Bumuka ang bibig ng dragon at nagbabadya itong magbuga ng apoy.

“Jana! M-mukhang kailangan ko na `yong tubig,” tawag ko habang pawis na pawis at hindi na makakilos.

Ilang saglit pa, binugahan na ako ng apoy ni Tia Jizelle.

“Jana!”

“Aaaaagggghhh!”

“Aagghh!”

“Aagh!”

PANAGINIP.

`Buti na lang, panaginip.

Nagising akong hingal na hingal at pinagpapawisan. Time check: Two thirty-seven AM. Sa tingin ko, hindi pa ako nakakatulog. Kapag nakakatulog ako saglit, napapanaginipan ko iyong mangyayari mamaya. Iba’t ibang scenario pero palaging nagta-transform sa isang dragon si Tita Jizelle, ang mama ni Jana.

Sobrang kinakabahan pa rin ako. Naalala ko kasi iyong sinabi ni Jana na badass si Tita Jizelle. Kung ano-ano tuloy ang naiisip ko. Na-imagine ko tuloy na dating Rambo si Tita, o kaya naman ay isang dating spy.

Tumingin ako kay Pogi, `buti pa siya, tulog na tulog. Samantalang ako pakiramdam ko, sasabak ako sa giyera o sa isang boxing fight mamaya. Mas nakakakaba pa ito sa exam, eh. 

Paano kung ayaw sa akin ng mama ni Jana? Baka paghiwalayin niya kami. Huwag naman sana.

Bahala na si Batman!

Mayamaya, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Paggising ko, nine AM na. Thank God, there wasn’t any nightmare that time.

Nag-check ako ng phone para tingnan kung nag-message si Jana at hindi nga ako nagkamali.

Jana: Kier, dito ka mag-lunch. Aasahan ka raw ni Mama.

Me: Sige, my love. Kinakabahan pa rin ako.

Jana: Hala, lagot ka. Hahaha.

Me: Jana, naman, eh.

Jana: Hahahaha.

Si Jana talaga. Takot na nga ako, lalo pa akong tinakot.

Kumain ako ng breakfast at nag-jogging kami ni Pogi sa labas. Pagkatapos, minabuti kong maghanda na para sa pagbisita ko kina Jana.





SINALUBONG ako ni Jana sa gate nila. “Hi, Kier!” Niyakap niya ako at binigyan ng halik sa pisngi.  “Tamang-tama, nakaluto na kami ng pagkain,” sabi niya. 

Pumasok na kami sa loob. May kaya sina Jana kahit paano. Maganda at maayos ang buong bahay.

“`Ma, nandito na po si Kier!” tawag ni Jana sa kanyang ina.

This is it! Makikita ko na ang mama ni Jana. Sana hindi siya nanghiram ng damit sa anak niya at sana hindi siya magiging dragon.

Lumabas mula sa dining room ang isang ginang. Salungat sa panaginip ko. Simple lang ang mama ni Jana. Kaya lang, medyo malayo ang mukha nilang mag-ina. Siguro ang kamukha ni Jana ay iyong tatay niya.

“Good afternoon po, Tita,” bati ko.

“Good afternoon, hijo,” sagot ng mama ni Jana na mukhang mabait naman pala.

Agad akong nagmano sa kanya.

“Salamat. God bless you,” sagot niya.

“`Ma, siya po si Kier de Leon, boyfriend ko po. Kier, this is my awesome Mom Jizelle,” pakilala ni Jana sa amin.
“Pleased to meet you po, Tita Jizelle,” sabi ko.

Nginitian naman ako ni Tita Jizelle. “Likewise. Halina kayo, kakain na tayo.”

Dumeretso kami sa dining room at naupo. May nakahanda doong pork sinigang, chocolate cake, at four season na juice.
Religious ang pamilya nina Jana. Nagdasal muna kami bago kumain.

“Ako lahat ang gumawa niyan,” sabi ni Jana habang nakangiti.

“Wow! Talaga? Hindi ko alam na marunong ka palang magluto,” masaya kong sagot.

“Maraming talent `yang si Jana. Magaling gumuhit, masarap pang magluto. Huwag mo lang pakakantahin,” singit ni Tita Jizelle, sabay tawa.

“Magaling kaya akong kumanta. `Di ba, my love?” paglalambing ni Jana sa akin.

Imbes na sumagot, kumain na lang ako. “`Sarap ng sinigang mo! Ang galing mo talagang magluto.”

“Sabi ko, kanta hindi luto. Kier, naman, eh,” sabi ni Jana. 

Natawa kami ni Tita Jizelle.

“So, Kier, Law student ka raw sabi ni Jana?” tanong ni Tita Jizelle.

Hala mukhang oras na ng paglilitis ko. Nilunok ko muna ang kinakain ko at uminom ng tubig. “Opo, Tita. Mga two years mahigit pa po bago maka-graduate.”

Marahang tumango lang si Tita Jizelle. Pagkatapos naming kumain, dumeretso kami sa living room at naupo. Uminom kami ng tea at doon ipinagpatuloy ni Tita Jizelle ang pagkilatis sa akin.

“Kier, nasaan ang mga magulang mo?” tanong niya.

“Nasa probinsya po sa Pampanga. Happily retired na po. May mango farm po kami doon. `Yon po ang pinagkakaabalahan nilang i-manage,” sagot ko.

“Sila ba ang nagpapaaral sa `yo?” tanong uli ni ni Tita Jizelle.

“Opo, bale po `yong tution fee and needs ko sa school, matagal na nilang napaghandaan. Bata pa lang po ako, nakapag-ipon na sila para sa future ko. Pero `yong cost of living allowance ko po dito, ako po ang nagpo-provide para sa sarili ko.”

“Talaga? Paano naman, hijo?” tanong niya na mukhang bumilib sa narinig.

“Stock market investment and trading po. Magaling po do’n ang parents ko kaya bata pa lang ako noon, may investment na ako. Itinutuloy ko na lang ang nasimulan nila,” paliwanag ko.

“Ah, I see. Madiskarte ka, ah. Maganda `yan,” nakangiting sabi niya.

Nakangiti naman si Jana sa tabi ko na parang bilib na bilib din sa akin.

“Kier, tungkol sa relasyon n’yo nito ni Jana...” sabi ni Tita Jizelle, mayamaya. 

Napalunok ako sa kaba. Patay, ano kaya ang sasabihin niya?

“Okay lang naman sa akin. Nasa wastong edad naman na ang anak ko at nakapagtapos na rin ng pag-aaral. Dati lang ako strict sa kanya dahil gusto ko siyang makapagtapos muna. Pero if dumating kayo sa point na gusto n’yo nang itaas ang relasyon n’yo at mag-decide nang magpakasal, dapat makatapos ka muna ng pag aaral, ah? It’s not just for Jana but also for you.”

“Mama, naman kasasagot ko lang kay Kier, kasal agad?” sabi ni Jana.

“Eh, doon din naman ang tuloy ng isang relasyon, hindi ba? Kung magkakaroon kayo ng relasyon ngayon pero wala namang planong magpakasal balang araw, eh, dapat hindi na lang kayo pumasok sa ganyang level. Nag-aaksaya lang kayo ng panahon,” sabi ni Tita Jizelle.

Tama naman si Tita Jizelle. Ang suwerte ko na rin kay Jana. Magaling magluto, matalino, at maganda pa. Huwag mo nga lang pakakantahin. Siguro nga someday, sa kasalan din hahantong ang relasyon namin.

“Opo, Tita. Susundin po namin ang payo n’yo. At mamahalin ko pa po ang anak n’yo,” seryoso kong sagot.

“Mabuti naman, hijo.”

Mukhang mabait naman pala si Tita Jizelle. Iniisip ko tuloy kung bakit sinabi ni Jana na badass ang mama niya, eh, parang pareho silang hindi makabasag-pinggan.

“Let me show you around the house, Kier,” aya ni Jana sa akin.

“Sige na maiwan ko muna kayo at ako’y maglilinis pa sa kusina,” sabi naman ni Tita Jizelle.

“Sige po, Tita, maraming salamat po sa masarap na pagkain at sa pagtanggap sa akin,” sabi ko.

Itinour ako ni Jana sa bahay nila. Pagkatapos, napagpasyahan naming manood ng movie sa kuwarto niya. Nakaakbay ako sa kanya at nakayakap naman siya sa akin. `Sarap sa feeling!

Mga bandang five PM ako umalis ng bahay nila. Inihatid nila akong mag-ina sa gate nila. Ang sarap ng feeling at nakakahinga na ako nang maluwag. `Buti na lang, cool lang si Tita Jizelle sa relasyon namin ni Jana.

Pag-uwi ko sa apartment ko, nag-text si Jana.

Jana: Mom likes you. Hindi nga ako nagkamali sa `yo.

Me: Talaga? Mabait naman pala si Tita, eh. Salamat sa lunch, ah?

Biglang may nag-notify sa FB ko sa phone. Nag-update pala si Jana ng relationship status. Alam na ng lahat na girlfriend ko na siya. Yes!

Ipinagpatuloy namin ang pag-uusap sa Messenger. Pinag-usapan namin ang mga taong nag-comment sa post. Sinabi niya sa akin kung sino ang mga iyon at kung ano sila sa buhay ng girlfriend ko.

Natigil ang usapan namin nang biglang baguhin ni Jana ang usapan...

Jana: My love, nandito si Andrew sa bahay.

Me: What? Sige papunta na ako diyan.

Mokong na iyon! Siguro nakita na niya na in a relationship na kami ni Jana kaya bigla siyang pumunta doon.
Nagmadali akong umalis ng bahay. Sabi ko sa sarili ko, I needed to protect my treasure.

Ilang saglit pa, nakarating ako sa bahay nina Jana. Nandoon nga ang kotse ng mokong. Naabutan ko sina Jana at Andrew na nag-uusap sa labas.

“Ano ba, Andrew? Nasasaktan ako!” sabi ni Jana. Nakahawak si Andrew sa braso niya nang mahigpit.

“Jana, matagal na akong nanliligaw sa `yo pero si Kier two months pa lang sinagot mo na? You know, I’m better than him!” sabi ni Andrew.

Kumulo ang dugo ko sa galit. Agad ko silang nilapitan. “Bitawan mo ang girlfriend ko!” Sinuntok ko nang malakas si Andrew sa mukha.

Natumba siya. Pagkatapos ay tumayo at pinunasan ang ilong na dumugo. “Siya ba ang ipinagmamayabang mo, Jana?” galit na tanong niya. “Ikaw?” sabay turo sa akin. “May bahay ka na ba? May kotse ka ba?”

“Masaya ako sa kanya, Andrew, at mahal ko si Kier!” singit ni Jana.

“Masaya? Hindi ka mapapakain ng saya! Malay mo pagka-graduate niyan, sa notaryo lang bumagsak `yan!” panghahamak ni Andrew sa akin.

Galit na galit na ako at gusto ko nang bugbugin ang mokong na ito pero pinipigilan ako ni Jana.

“Jana `pag pinili mo `ko, pati sa kama pasasayahin kita,” sabi ni Andrew.

That’s it! Hindi ka lang pala mayabang, bastos ka pang mokong ka!

“Tarantado ka, ah!” sigaw ko at sinugod si Andrew. Pero bago ako makalapit, bigla siyang naglabas ng baril at itinutok iyon sa akin.

“Ano, kakasa ka ba dito? Matapang ka, `di ba? Tingnan ko ang tapang mo dito!”

“`Wag, Andrew! Please! Tama na! Pabayaan mo na kami ni Kier,” pakiusap ni Jana.

Kinabahan din ako sa baril na hawak niya kaya napahinto ako. Pero siniguro ko na nasa likuran ko lang si Jana. 

Nang akala namin nanganganib na kami, laking gulat namin nang biglang lumabas si Tita Jizelle. 

“Drop your gun, kid, or you’ll have a taste of my husband Hector!” sabi niya, sabay kasa sa hawak na shotgun at itinutok iyon kay Andrew. It was a double-barreled shotgun with the name Hector etched on its body.

Natakot naman si mokong.  “Hindi pa tayo tapos.” Itinago niya ang baril at tumakbo na papunta sa kotse niya. 

Kahit nasa kotse na si Andrew, nakatutok pa rin sa kanya ang shotgun ni Tita Jizelle kaya agad nang pinaandar ni mokong ang kotse at umalis na.

“Nasaktan ba kayo?” tanong ni Tita Jizelle sa amin ni Jana.

Gulat na gulat ako sa pangyayari kaya hindi ako nakasagot.

“Hindi po, `Ma. Thank you,” sabi ni Jana. Naiyak siya at yumakap sa ina.

“Kier, ayos ka lang ba?” tanong ni Tita Jizelle.

“Ah... Opo... Tita... Ah... Opo... Ayos lang po ako,” natatakot kong sagot.

Kung kanina natakot ako sa baril ni Andrew, mas takot na ako ngayon kay Hector, The Shotgun at kay Tita Jizelle.

“Pumasok muna kayo baka balikan kayo n’on. Pinagsisisihan kong pinatuloy ko `yong bastos na `yon sa pamamahay ko,” sabi ni Tita Jizelle.

Pumasok kami ni Jana sa loob at naupo sa living room. Napayakap naman siya sa akin na nanginginig pa sa nangyari. Mayamaya, nakatulog na siya.
​
Ngayon, alam ko na kung bakit sinabi ni Jana na badass si Tita Jizelle. `Buti na lang, hindi ako luko-luko, kung hindi, matitikman ko rin si Hector.
NEXT CHAPTER
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly