DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 41: Good Times

☆

5/12/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier


WHAT the hell? Ano ang problema ni Valerie at kailangan niyang tanungin kung kaninong soup ang mas masarap? Nagseselos ba siya kay Alleiea? 

Hmm... Mukhang pagkakataon ko na para bawian ang dragon na `to. Aasarin ko nga…

Muli akong humigop ng mainit na sabaw mula sa chicken soup ni Alleiea at ipinakita ko kay Valerie na sarap na sarap ako. “Hmm, yummy! Ang sarap nito. Thank you talaga dito, Alleiea.”

Ngumisi ako at tumingin kay Valerie na sobrang sama na ng tingin sa akin. Naka-cross arms siya at parang uusok na sa galit. Nakakatawa siyang tingnan.

Ilang saglit pa, bigla siyang tumayo. “Shane, halika na! Uuwi na ako.”

Lumabas si Valerie ng pinto nang hindi man lang nagpapaalam sa akin. Sumunod din si Shane sa kanya pero nagawa naman niyang magpaalam sa amin ni Alleiea. Asar-talo talaga ang dragon. 

Teka tama ba iyong ginawa ko? After all she did for me... Damn! I messed up again. Babawi na lang ako kapag gumaling ako. Kailangan ko na rin naman siyang pagpahingahin, eh.

“S-Sir Kier, baka po nagalit sa akin si Miss Valerie? Hindi ko po kasi alam na gumawa pala siya ng soup. Hindi na po sana ako nagluto,” nag-aalalang sabi ni Alleiea.

Umiling naman ako at muling humigop ng kaunting sabaw. “`Wag mong intindihin `yon. Ganito lang talaga kami mag-asaran. Saka `buti nga at nagdala ka. Medyo out of this world `yong lasa ng soup ni Valeng, eh. Salamat uli dito, ah.”

Bahagyang yumuko naman si Alleiea at nakita kong namula ang mga pisngi niya habang pilit na itinatago ang ngiti. Hanggang ngayon, nahihiya pa rin siya sa akin. Bakit kaya?

“Alleiea, huwag mo ring intindihan `yong sinabi ni Shane. Tingin ko naman, kaya ko na. Ayoko ring mapagod ka. Buntis ka pa naman.”

Umiling-iling si Alleiea habang nakatingin sa akin. “Okay lang, Sir Kier. Gusto ko rin naman po na alagaan kayo.” 

Nagulat ako sa sinabi niya at bahagyang napaawang ang bibig ko.

“I-I mean, gusto ko na rin po kasi kayong makabalik sa opisina. Para makapagsimula na uli tayong tumulong sa mga nangangailangan,” natataranta niyang sabi.

Nginitian ko si Alleiea. “Iyon lang ba? O baka naman miss mo na ako sa opisina?” Umiwas naman siya ng tingin kaya binawi ko agad. “Biro lang, Alleiea.” 

Tingin ko crush ako nitong secretary ko. Nakakatuwa siya. Minsan para siyang si Jana na pabebe, pagkatapos minsan naman para siyang si Valerie na sobrang lively.





FOR FIVE days, si Alleiea ang tumulong sa akin dito sa bahay. Maasikaso siya at maalaga. Higit sa lahat, masarap magluto. Ipinapahatid ko siya sa cab tuwing hapon para umuwi. Ayoko namang gabihin siya kaya hapon pa lang ay pinapauwi ko na siya. 

After five days, nakakatayo na ako kahit medyo ika-ika pa ang lakad kaya pinagbakasyon ko na muna si Alleiea at nangakong babalik na ako sa opisina next week.

Bigla kong naalala habang nasa bahay kasama ang aso ko, hindi ko pa pala naite-text si Valerie. Lagot baka galit na naman sa akin iyon. Bigla namang tumunog ang doorbell. Pagbukas ko ng gate, tumambad sa akin si Valerie. 

Speaking of the dragon.

Nginitian ko siya pero hindi siya ngumiti pabalik. Pinapasok ko siya sa bahay at pagsara ko ng pinto, bigla niya akong sinuntok sa braso.

“Aray! Bakit?!”

“Para `yan sa soup ko na hindi mo na-appreciate! At heto pa!” Pinalo naman niya ako sa dibdib na agad ko namang sinalag ng braso ko. “Para sa pagpili mo kay Alleiea na mag-alaga sa `yo kaysa sa `kin!”

What the—? Is she jealous or something?

“Huh? Ano’ng sinasabi mo? I just thought na pagod ka na kasi kaya sinunod ko `yong suggestion ni Shane,” takot kong paliwanag.

“Ano? Ano’ng ginawa n’yo dito ni Alleiea, ha? Nagbahay-bahayan?” galit na tanong ni Valerie. 

Nagseselos nga siya. Ngumisi ako. “Why are you asking? Nagseselos ka, `no?”

Bigla naman siyang parang tumiklop at nag-iwas ng tingin. “Huh? Hindi ah... ano... ano kasi...”

“Yes?”

“Ano... Wala lang... basta!” sabi ni Valerie.

Napangiti ako sa inaasal niya. Kahit hindi niya aminin, halatang nagseselos siya. Nakakatuwa, ang cute niya. 

Tinawanan ko siya kaya sinungitan uli niya ako. “Ano’ng nakakatawa?”

Ngumisi ako. “Ang cute mo, eh.”

“Eh, di wow! Hindi ako cute!” sagot niya.

“Ayaw mo? Eh, di `wag. Joke na lang `yon!” sabi ko at tumawa.

“Ah, gano’n?!” Sa inis ni Valerie, hindi niya sinasadyang sipain ako sa may bandang hita kung saan masakit pa ang pilay ko.

“Aargh!” Nawalan ako ng balanse at natumba kay Valerie. Hindi niya nagawang pigilan ang pagbagsak ko dahil hindi niya kinaya ang bigat ko.

Natumba rin siya at napaibabaw ako sa kanya. Naglapit ang mga mukha namin, nagkatitigan kami, at parehong hindi makapagsalita.

Tumingin si Valerie sa mga mata ko at… sa mga labi ko. Ganoon din ang ginawa ko. Pero sinabayan iyon ng hindi maipaliwanag kong kaba at nanginginig na mga kamay.

Damang-dama ko sa dibdib ko ang pagtibok ng puso ni Valerie. Mabilis iyon at parang kinakabahan. Sumasabay rin iyon sa lakas ng tibok ng puso ko.

Pumikit siya at pumikit din ako. Naramdaman ng mga labi ko ang hininga niya. Napakainit at parang nananabik.

Napahawak si Valerie sa baywang ko. Unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa kanyang mukha at nagdikit ang aming mga ilong.

Kinakabahan ako. 

Bumibilis ang paggalaw ng mga dibdib namin. 

Pero…

Biglang tumunog ang doorbell kaya sabay kaming napadilat.

“I… ah... I… uhm… I better check that,” nahiya kong sabi.

Tumango naman si Valerie. Pinilit kong tumayo kahit mahirap. Tumayo rin siya pero hindi makatingin sa akin.

Napakamot-ulo na lang ako. “Uhm... Ako na lang ang titingin sa labas.”

Ngumiti si Valerie pero hindi pa rin siya makatingin sa akin. Tumango lang uli siya. Lumabas ako at tiningnan ko kung sino ang nasa gate.

“Hello, Sir, pizza delivery!” bati ng delivery boy sa akin.

“Pizza?! Teka, baka wrong address ka? Hindi naman ako nagpa-deliver ng pizza, eh,” sagot ko.

“Sabi po kasi dito, Sir, sa resibo, ito po `yong address.” Ipinakita niya sa akin ang resibo.

Address ko nga! “Valeng! Nag-order ka ba ng pizza?” tawag ko kay Valerie.

Sumilip si Valerie sa pinto. “Oo, Kier! Pakibayaran na lang, ah!”

Binayaran ko ang delivery boy at kinuha ang pizza.

“Sir, asawa mo `yon? `Ganda po. Suwerte n’yo!” pahabol na sabi pa ng lalaki.

Ewan ko kung bakit pero napangiti ako sa sinabi niya kaya binigyan ko siya ng tip.

Bumalik ako sa loob ng bahay dala ang pizza. Pagbukas ko ng pinto, nagkabanggaan kami ni Valerie na may dalang dawalang baso ng orange juice. Natapunan ang T-shirt na suot ko. Ipinatong ko sa mesa ang pizza at agad kong hinubad ang T-shirt ko.

Natulala si Valerie. Bahagyang napaawang ang bibig niya. Hindi siya makapagsalita at nakatingin lang sa akin. Namumula ang mukha niya. Bakit kaya?

Bigla niyang iniwas ang tingin sa akin at tumalikod na. “Magbihis ka nga!”

“Teka lang ito na! Aakyat na sana ako para kumuha ng T-shirt kaso natulala ka, eh,” nang-aasar na sabi ko. Pumunta pa ako sa harap niya. Natatawa ako. “Ano ba’ng problema? Bakit hindi ka tumitingin sa akin?”

Hindi pa rin siya tumitingin sa akin at pulang-pula na ang kanyang mukha. 
“Epal ka! Magbihis ka na nga!” nakangiti namang sabi niya.

“Actually, parang mas komportable `yong ganito. Ang init kasi, eh.” 

“Weh? Feeling model ka na niyan? Tumigil ka nga. Hindi ka pa nga naliligo, eh! Magkasing-amoy na kayo ni Pogi,” sabi ni Valerie habang pabirong tinatakpan ang mga mata at ilong niya.

“Ang bango ko kaya!” Pinilit ko pang ipaamoy sa kanya ang kilikili ko.

Iniwas niya ang kanyang ulo na madikit sa kilikili ko pero pinipilit ko talagang ipaamoy sa kanya. Napatili siya nang malakas habang nagtatawanan kami.

“Ang bango ko, `di ba?”

Tawa naman nang tawa si Valerie, “Yuck! Amoy-aso!”

“Ah, gano’n!” Inasar ko uli siya sa pamamagitan ng pagpilit kong ipaamoy ang kilikili ko. Napatili naman siya nang napatili at nagtawanan kami.

“Puppy kilikili power!”

Patuloy ang asaran namin nang biglang may mag-doorbell na naman.

Not again! Bakit ba lagi kaming naiistorbo?

Biglang na-excite si Valerie. “Nandiyan na sila!”

“Huh? Sino?”

“Si Papa, saka si Tita Evang! Kaya magbihis ka na kung hindi isusumbong kita kay Papa.” Lumabas si Valerie para salubungin sina Kuya Gilbert.

Agad naman akong umakyat kahit medyo hirap. Pumasok ako sa kuwarto ko at nagbihis. Pagbaba ko, nasa sala na sina Kuya Gilbert at Aling Evang.

Binati ko agad si Kuya Gilber.  “Kuya Gilbert! Glad to see you again!” Nagkamayan kami.

 “Sir Kier! Kumusta? Mukhang big time na po tayo, ah?” sagot ni Kuya Gilbert habang pinagmamasdan ang bahay ko.

“Hindi naman po, Kuya Gilbert, sakto lang. Kier na lang po ang itawag n’yo sa akin. Aling Evang! Kumusta na po kayo? Long time, no see, ah. Kumusta ang bulaklak?” bati ko naman kay Aling Evang.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at umirap. “Who you?”

Nagtawanan naman kaming lahat.

“Aba! Mukhang nadiligan na ang nabubulok na bulaklak kaya hindi na ba ako kilala?” 

“Alam mo `yan, Kier! Bukang-buka ang pamumulaklak ng pinakamagandang bulaklak!” 

Walang pagbabago itong si Aling Evang.

Nagpatuloy ang tawanan at kuwentuhan naming apat. Kumain kami ng pizza at nagkuwento si Aling Evang ng mga karanasan nila ni Kuya Gilbert.

Nakakakilig na nakakabaliktad ng sikmura dahil ang tanda na nila. Pero napatitig ako kay Valerie. Kitang-kita ko sa mukha niya ang saya habang tinitingnan sina Kuya Gilbert at Aling Evang. Parang masaya siya para sa kanyang ama. Ang saya ko kapag nakikita siyang masaya.

Kinagabihan, naisipan din namin na mag-karaoke. Kinanta ni Kuya Gilbert ang kantang “Pusong Bato” na ikinaselos naman ni Aling Evang.

Parang hindi pa raw kasi nakaka-move on si Kuya sa ex niya kapag iyon ang kinakanta niya. Pero sinusuyo naman siya ni Kuya Gilbert, pagkatapos. Dahil easy to get si Aling Evang, mabilis silang nagkabati.

Pa-bagets talaga itong dalawang ito.

Bumawi naman si Aling Evang at kinanta niya ang kantang “Ang Boyfriend Kong Baduy” at “Dayang Dayang.” Laughtrip ang buong karaoke session namin dahil sa kanya.

Siyempre, hindi papahuli ang dragon. Nag-concert siya. Mga sampung sunod-sunod na kanta. Hindi ko naman maasar, dahil grabe, ang ganda talaga ng boses niya!

Natapos si Valerie nang hindi man lang napapaos. Galing!

“Thank you, Araneta! I love you!” sigaw ni Valerie sa mic.

“Ang galing talaga ng anak ko!” Tuwang-tuwa naman si Kuya Gilbert.

“O, Kier, ikaw naman! Ikaw na lang ang hindi pa kumakanta sa atin, ah,” sabi ni Aling Evang.

Agad naman akong tumanggi. Nakakahiya. “Ay, wala po akong talent diyan, Aling Evang. Kayo na lang po uli.”

“Naku, `wag na, Tita. Baka mahirapan tayong umuwi kasi babagyo `pag si puppy ang kumanta,” singit ni Valerie.

Biglang kinilig si Aling Evang. “Ang cute ng tawagan nila, o! Papi `tapos ikaw naman si Mami!” Humalakhak siya na halos kitang-kita na ang dulo ng kanyang mga gilagid.

Bigla akong napainom ng juice. Nakakahiya. 

“Huh? Hindi `yon Papi na Papa, Tita. Puppy po as in aso siya! Mukha kasi siyang dog!” giit ni Valerie.

“Asus! Don’t me, others only! Diyan nagsisimula `yan, sa asaran,” sabi ni Aling Evang.

“Kier, kumanta ka na nga lang. Heto, o. Mag-duet kayo ni Valerie.”

Kaysa asarin kami ni Valerie, kinuha ko na lang ang isa pang microphone na iniabot sa akin ni Aleng Evang. “Sige, pagandahan po tayo ng duet, ah. Kayo naman next ni Kuya Gilbert,” hamon ko. “Valeng, ayusin mo!”

“Ako pa ba? Ang matatalo, maglilinis ng pinagkainan,” Tumawa si Valerie at itinapat sa bibig ang hawak niyang mikropono. Pagkatapos, nagsimula na ang intro ng kakantahin namin; “Pagkakataon” by Shamrock featuring Rachel Ann Go.

Ako muna ang nauna. “Nabuhay muli ang damdamin nang magtagpo ang landas natin. Kay tagal nating `di nagkita. Binibining kay ganda, kumusta ka?”

Si Valerie. “Wala ka pa ring pinagbago. Kinikilig pa rin `pag tinititigan mo. Sa kilos mong mapang-akit, mga balahibo ko’y tumitindig.”

Ako uli. “Kung dati’y `di ko nagawa ang magtapat. Ngayon handa na akong gawin ang nararapat.”

Sabay na kami. “Hindi ko na palalampasin ang pagkakataon. Hindi na kita iiwasan pa, hindi tulad noon. Hindi ko na palalampasin ang pagkakataon. Upang sabihin na mahal na mahal kita.” Nang matapos ang kanta…

Score: 100!

“Luh, luh, luh! Ang sweat naman! Nakakapawis!” biro ni Aling Evang. “Kiss naman diyan!”

“Papa, o, si Tita Evang!” sumbong ni Valerie kay Kuya Gilbert. Nagtawanan kami.

“Joke lang!”

“Ikaw talaga, Evang ng buhay ko. Halika na sa kusina at maghugas na tayo ng pinggan. Hindi natin matatalo `yan,” sabi ni Kuya Gilbert. Magka-holding hands pa silang pumunta ni Aling Evang sa kusina.

Bumaliktad na naman ang sikmura ko!

Naiwan kami ni Valerie sa sala.

“Marunong ka naman palang kumanta, eh.” Nakangiti siya sa akin at parang proud pa ang tingin. 

Pa-humble naman ako nang kaunti. “Hindi naman. Sakto lang.”

Muli siyang nag-concert. Maging ako ay nagkaroon na rin ng lakas ng loob na kumanta. Salit-salitan kami hanggang sa nakabalik sina Aling Evang sa sala. Kuwentuhan at tawanan naman ang naganap. 

Pagsapit ng nine PM, nagpaalam na sila sa akin. Naunang sumakay sa taxi si Kuya Gilbert at katabi naman niya si Aling Evang.

Naiwan naman saglit si Valerie at magkatitigan kami habang nakangiti sa isa’t isa. “Thank you for this day.” Bigla niya akong binigyan ng kiss sa pisngi. “Good night!”

Nagulat ako at napahawak sa pisngi ko. Siya naman ay parang hiyang-hiya na sumakay agad ng taxi. Naiwan akong speechless pero may maluwang na ngiti sa mga labi.
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly