DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 40: Soup Battle

☆

5/12/2025

Comments

 

until i'm over you

Kier

HINDI agad ako nakasagot sa sinabi ni Shane na kukunin na raw niya si Valerie. Iba ang nararamdaman ko. Para bang nagseselos ako at ayoko na umalis si Valerie sa tabi ko.

“I think Val has stayed long enough to care for you. I can get you a private nurse. Since wala na si Mr. Valdez wala na rin threat sa mga buhay natin.”

Tama si Shane. May mga pagkakataon na nakakahiya na kay Valerie. But she was always insisting na alagaan ako. Bukod pa doon, masaya ako na kasama ko si Valerie.

Naputol ang usapan namin nang makabalik si Valerie sa sala.

“Shane, pag-usapan natin uli ang tungkol diyan mamaya. Sa ngayon tikman mo muna ang dragon soup este chicken soup ni Valerie,” alok ko kay Shane.

 Magkahalong gulat at excitement naman ang nakita ko sa mukha ni Shane. “Talaga? Hindi ko alam na marunong ka palang magluto, Val?”

“First time ko `yan pero sabi ni Kier masarap daw. Teka at ikukuha kita.”
Pumunta si Valerie ng kusina at kumuha ng soup.

“Well, I guess this is her last day na aalagaan ka,” sabi ni Shane. “Kumusta, Kier? Gumagaling ka na ba?”

“Getting better. Magaling mag-alaga itong si Valerie, eh,” sagot ko.

Kumunot ang noo ni Shane. “Good. Mukhang kaya naman ng nurse na alagaan ka. Hindi na kailangan na si Valerie pa kaya kukunin ko na talaga siya.”

Nagulat ako sa sinabi ni Shane. Parang nagseselos yata siya. Hindi ko alam kung bakit pero parang nakaramdam din ako ng selos. Parang feeling ko, may umaangkin kay Valerie kahit hindi naman siya sa akin.

“We’ll see about that.” Nagkatitigan kami nang masama ni Shane na parang malapit nang magsuntukan. “Depende naman kay Valerie kung gusto na niyang umalis, `di ba?”

Biglang sumingit si Valerie sa gitna namin at masayang ibinigay ang soup kay Shane. “Here’s your chicken soup, Shane!”

“Wow mukhang masarap `to, ah!”

Kinuha ni Shane ang soup na inialok ni Valerie. Hinipan muna niya iyon, sinandok ng kutsara ang sabaw, at tinikman.

Ngumisi ako at sa loob-loob ko. Tingnan na lang natin kung in love ka pa rin sa kanya pagkatapos mong makatikim ng dragon soup na lasang ewan. Bwahahaha!

“Ang sarap!” sabi ni Shane at kumain pa siya nang kumain ng soup ni Valerie.

“What the—? I mean, sabi sa `yo, pare, masarap, eh!” Grabe, seryoso ba itong si Shane? Hindi kaya masarap iyon!

“Yeah! It’s really good! I think I’ll have another bowl later,” sabi ni Shane na maganang-maganang kumain ng dragon soup.

May betsin siguro sa dila itong si Shane? Paano niya nasabing masarap? Eh, akala ko nga kanina nakatikim ako ng sinabawang medyas.

“Yehey!” Tuwang-tuwa si Valerie. “I think I just discovered my new talent!” Pakanta-kanta pa siya na pumunta sa kusina. “Ililigpit ko lang `yong mga ginamit ko sa pagluluto.”

Pinanood kong kumain si Shane at hinihintay kong masuka siya. Pero grabe! Ang tindi ng sikmura ng taong ito!

Matapos ubusin ni Shane ang karumal-dumal na dragon soup, sinundan niya si Valerie sa kusina para ibigay ang bowl. Sinilip ko sila at mukhang napansin ni Shane na nagmamatyag ako.

“Salamat, Val! Ang sarap talaga! Aabangan ko ang next mong iluluto, ah?” Ibinigay ni Shane ang bowl kay Valerie. Nakita kong hinawakan niya si Valerie sa may baywang habang nakatingin siya sa akin.

Teka lang. Parang binabakuran na agad nito si Valerie, ah.

“Aargh! Valeng! Sumasakit ang sugat ko sa braso!” pag-arte ko.

“Wait lang, Kier! Nandiyan na ako!” Agad na itinigil ni Valerie ang kanyang ginagawa at nagmadali siyang pumunta sa akin. Tinabihan niya ako at sinuri ang braso ko, “Saan ang masakit? Dito ba?” Hinaplos-haplos pa niya ang braso ko.

Nginitian ko si Shane habang hindi nakatingin si Valerie. Dito lang siya, moreno. `Cause I need her.

“Aargh! Val, parang sumakit yata ang ulo ko sa init ng panahon sa labas. Meron ka bang paracetamol diyan?” 

Aba! Mukhang hindi papatalo itong si Shane Moreno de Mestiso, ah? Best actor din!

“Teka lang, Shane! Ikukuha ko kayo ng gamot ni Kier.” Nataranta naman si Valerie. “Kier, wait lang. Kukunin ko lang ang gamot n’yo.”

Kinuha niya ang mga gamot sa ibabaw ng refrigerator sa may kusina. Ibinigay niya sa akin ang isa, saka pinuntahan si Shane at ibinigay ang isa pang gamot. Hinilot-hilot din niya ang ulo ni Shane.

“Sobrang sakit ba, Shane? Pumikit ka muna at hihilutin kita.”

Ngumisi naman si Shane na parang inaasar pa ako. Naiinis ako at hindi ko alam kung bakit. Gusto ko, ako lang inaalagaan ni Valerie.

“Valeng, hindi ko maiinom itong gamot. Kailangan ko ng tubig.”

“Ay, oo nga pala! Wait lang Kier, ah.” Iniwan ni Valerie si Shane at pumunta ng kusina.

“Aargh! Kailangan ko rin pala ng tubig, Val!” 

Hindi talaga papatalo sa akin itong si Moreno.

“Wait lang! Ikinukuha ko na kayo!” 

Muli kaming nagkatinginan nang masama ni Shane na parang naglalabanan habang hindi nakatingin si Valerie sa amin.

Hindi ako papatalo sa `yo, Moreno. Inangasan ko siya at inangasan din niya ako.

Hindi namin napansin na nasa harap na pala namin si Valerie.

“Guys, ito na ang tubig n’yo, o!”

Nagulat kami nang ibuhos ni Valerie ang malamig na tubig sa akin at kay Shane.

“Akala n’yo hindi ko alam ang ginagawa n’yo? Gusto n’yo pa ba ng tubig? Ikukuha ko kayo, isang balde pa! Diyan na nga kayo!” Kinarga ni Valerie si Pogi at umakyat siya papunta sa guest room ng bahay ko.

“Valeng! Ang lamig ng tubig. Come back here please! I need your hug!” tawag ko kay Valerie.

“Me, too!” sabi naman ni Shane.

Isinara ni Valerie ang pinto nang napakalakas at sumigaw. “Ewan ko sa inyo!”
Sinisi ko si Shane, masyado kasing papansin. “Ikaw kasi, eh!” 

“Bakit ako? Ikaw kaya `yon!”

Wala kaming nagawa kundi ang magpunas na lang ng sarili mula sa tubig na ibinuhos sa amin ng dragon.

“Oo nga pala, Shane,” sabi ko. “Paano mo kami nailigtas ni Valerie noon? Ang sabi sa akin ni Andrew, pinapatay ka na niya? And how did you find us?”

“Kinaya kong manlaban doon sa tauhan niya kaya nakatakas ako. Kaso wala akong malay habang ibinibiyahe niya ako kung saan niya ako itatapon. Hindi ko alam kung nasaan kayo. Agad akong naghanap ng phone para makahingi ng tulong. Apparently, pinaghahanap na tayo ng mga pulis noon dahil nakita tayo ng secretary mo habang dinudukot ng mga tauhan ni Mr. Valdez. She was able to get the plate number of the van na ginamit para kidnapin tayo kaya nai-report niya agad `yon sa mga pulis. Kaya when I asked them, nasa malapit na lang sila. Kasama ang kaibigan ko na taga-NBI. She’s one of the top NBI agents and masasabi kong magaling talaga siya. Pinuntahan namin ang area kung saan huling nakita ang van through CCTV cameras that NBI has access into. When we got there, hindi namin makita kung saan kayo itinago, hanggang sa nakarinig kami ng putok ng baril.”

Marahan akong tumango-tango. “I think I should give my secretary a raise. Ano nga pala’ng pangalan ng kaibigan mong NBI agent? Gusto ko sana siyang pasalamatan one day.”

“Don’t bother, pare! Masyado siyang busy.”

“I see. What about Mr. Valdez? Patay na talaga siya?” tanong ko.

Tumango si Shane. “Yes. Kaya wala na talagang threat sa buhay namin. Malaya na kami.”

Muling tumunog ang doorbell sa gate sa gitna ng pag-uusap namin ni Shane.
Pipilitin ko sanang tumayo para tingnan kung sino ang nasa labas pero pinigilan ako ni Shane.

“Ako na, Kier.”

Tumayo si Shane at lumabas. Sino naman kaya iyong tao sa labas?

Ilang saglit pa, bumalik si Shane kasama ang secretary kong si Alleiea.

Binati agad ako ni Alleiea nang may kasamang ngiti. “Hi, Sir Kier. Kumusta po?” May dala siyang Tupperware na may lamang pagkain.

“Hi, Alleiea! Medyo bumubuti na ang lagay ko. Upo ka,” sagot ko naman.

Umupo siya sa sofa malapit sa tabi ko. “Sorry po kung ngayon lang ako nakadalaw. Marami pong ginagawa sa opisina, eh.”

Sinapo ko naman ang mukha ko. Nawala sa isip ko iyong law office ko, “Ay, oo nga pala. God! Nakalimutan ko nang may office nga pala ako. Pasensiya na, Alleiea.”

“Okay lang, Sir Kier. Nakaya ko naman ang lahat ng gagawin pero isinara ko muna ang office ngayon at in-inform ko na lang ang mga clients about sa kondisyon mo.” 

Mabuti na lang magaling itong si Alleiea, sinalo niya ako at ang office. “Salamat, Alleiea. Salamat din sa pagdalaw sa akin no’ng tulog pa ako.”

Parang nagulat naman siya at namula ang kanyang mga pisngi. “P-paano n’yo po nalaman?”

Ngumiti ako. “Sinabi sa akin nina Mama at Papa. Siyanga pala, kilala mo na ba itong si Shane? Shane si Alleiea, secretary ko.”

“Kilala ko siya, Sir Kier. Na-starstruck nga ako no’ng siya ang magbukas ng pinto, eh. Pero very, very light lang,” sabi ni Alleiea. Bumaling siya kay Shane at kinawayan ang lalaki. “Hello again.”

Nginitian naman siya ni Shane at kinawayan din.

“Siyanga pala, Sir Kier, may dala akong sopas para makain mo. Gusto n’yo pong ipainit ko?”

Naku naman, soup na naman. Pero nagugutom na ako at nakakahiya naman kung tanggihan ko si Alleiea dahil nag-effort pa siyang magluto. Sana lang hindi ito kasinsama ng dragon soup ni Valeng. “Sige alam mo ba `yong kitchen ko?”

“Ako na ang bahala, Sir Kier. Pag-aaralan ko agad nang very, very fast,” nakangiting sagot ni Alleiea at dinala na ang soup sa kusina.

Abala lang si Shane sa pagtingin sa phone niya. Ako naman, nanonood ng TV habang naghihintay sa soup ni Alleiea.

Sakto naman na bumaba si Valerie. “Sino’ng dumating kanina?”

“Si Alleiea, `yong secretary ko,” sagot ko.

“Hi, Val! Bati na tayo, ah,” nakangiting sabi naman ni Shane pero sinungitan lang siya ni Valerie.

“Tse! Magsama kayo ni lumpong puppy.” 

Tatlong mahahaba ang sofa ko. Kulay-brown iyon at linen ang tela kaya malambot. Kinorte ko iyong letter U at may parihabang babasaging mesa sa gitna. Nasa west side ako nakaupo at nasa east side naman si Shane. Dumaan sa harap ko si Valerie at umupo siya sa south side.

Umusog si Shane at tumabi kay Valerie. “Val, I think puwede na kitang ihatid pauwi sa inyo. Gumagaling na itong si Kier.”

“Hindi pa puwede. Hindi pa kaya ni Kier na mag-isa dito,” giit naman ni Valerie. 

Nginitian ko si Shane na may halong pang-aasar.

Nakangising tumingin sa akin si Shane. “Puwede naman siguro na ang mag-alaga sa `yo ay `yong si Alleiea. Mukha namang may care siya sa `yo, eh. Ipinagluto ka pa nga niya.”

“Ano’ng pinagluto?” kunot-noong tanong ni Valerie.

Bigla namang lumabas si Alleiea mula sa kitchen dala ang isang bowl na naglalaman ng mainit na sopas. “Ready na po ang soup na niluto ko para sa inyo, Sir Kier.” Inilapag niya ang isang bowl ng soup na may kasamang kutsara sa mesa sa harap ko at binati si Valerie. “Hello, Miss Valerie.”

Binigyan naman siya ng pilit na ngiti ni Valerie. Ano kaya ang problema ni dragon? Saka magkakilala na pala sila? Siguro noong dumadalaw si Alleiea sa akin sa hospital.

Gutom na talaga ako kaya agad kong kinuha ang kutsara at titikman ko na sana ang soup ni Alleiea nang--

“Teka lang, Kier! `Di ba busog ka na sa soup ko? Bakit kakain ka pa?” 

Ang sungit magtanong ni Valerie. Hindi ko naman maamin na ipinakain ko lang kay Pogi iyong soup niya kaya gutom pa ako. Palusot na lang. “G-gusto ko lang kasing tikman `tong niluto ni Alleiea. Sayang naman kasi `yong pagkain kapag hindi kinain.”

Hindi na ako pinigilan ni Valerie kaya nakahigop na ako ng mainit na sopas. Ang masasabi ko lang... This was way better than the dragon soup. Legit na masarap itong luto ni Alleiea.

“Ang sarap nito, Alleiea. Marunong ka palang magluto?” 

Namula ang mga pisngi ni Alleiea at napangiti siya. “Very, very light lang, Sir Kier. Tinuruan ako ni Mama.”

“It’s settled then!” singit ni Shane. “Val, you can now go home dahil puwede naman na itong si Alleiea ang mag-alaga muna kay Kier.”

Tumango-tango naman si Alleiea. “O-okay lang po sa akin.”

Napatingin ako kay Valerie at parang hindi maipinta ang mukha niya.

“Wait lang,” sabi ni Valerie at tumingin sa akin. “Kier, sabihin mo...”

Napalagok ako at kinabahan sa susunod niyang sasabihin.

“… Kaninong soup ang mas masarap. Sa kanya o sa akin?”
NEXT CHAPTER
Comments
HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS | ASK ME
Proudly powered by Weebly