DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 39: Dragon Soup

☆

5/12/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

“KIER... Kier, please... Kier, wake up...”

Nagising ang diwa ko sa pag-iyak ng isang babae. Ang lambot ng pakiramdam ko sa likod. Nakahiga na yata ako sa isang kama. Parang nasa ospital yata ako. I heard the beeping sound of a machine and I smelled some medicines. 

Bahagya kong idinilat ang aking mga mata para makita ang paligid. Tama, nasa ospital na nga ako. Nakita ko si… Valerie na nagbabantay sa akin. Nakayuko lang siya at umiiyak. Hindi pa naman ako patay pero iyak na siya nang iyak. 

Hmmm... Biruin ko nga.

Ilang saglit pa, pumasok sa kuwarto sina Mama at Papa. Hindi pa ako gaanong nagmumulat ng mga mata para hindi nila mahalatang gising na ako.

Hinaplos ni Mama ang likod ni Valerie. “Hija, magpahinga ka muna. Kami na muna ng papa ni Kier ang bahala sa kanya. Halos isang linggo ka nang nandito at nagbabantay sa kanya. Huwag kang mag-alala, tatawagan kita agad paggising niya.”

What the  isang linggo? Tulog ako nang isang linggo? Ano ba ang nangyari? Pinilit kong alalahanin ang akala kong isang panaginip. Tama... isang linggo na pala ang lumipas simula nang dukutin kami ni Mr. Valdez at pahirapan ako ni Andrew.

“Tita, dito lang po ako, please. Dito lang po ako sa tabi niya. Gusto ko po makita siyang ligtas, gusto ko pong malaman agad na okay siya,” sagot ni Valerie.

“Hija, huwag kang mag-alala, malakas `yang si Kier. He’ll wake up soon... Trust me,” sabi ni Papa.

Niyakap ni Mama si Valerie at nilapitan naman ako ni Papa. Hinaplos niya ang ulo ko at inayos ang damit ko. Dumilat ako. Nanlaki ang mga mata ni Papa nang makita na gising ako kaya agad ko siyang kinindatan.

Mukhang na-gets agad ni Papa ang ginagawa ko kaya hindi niya sinabi kay Valerie na gising na ako.

My father cleared his throat and said. “Ah... eh... Valerie hija, puwede bang makisuyo sa `yo bumili ng makakain? Nakalimutan kasi naming bumili kanina.”

Pabirong pinalo ni Mama si Papa. “Ano ka ba naman? Kakatapos lang nating kumain, ah?”

“Eh... para mamaya lang sana,” giit ni Papa.

Pinagalitan lang siya ni Mama. “Tumigil ka nga. Nakakahiya dito kay Valerie.”

“Uhmm... Okay lang po, Tita,” sagot naman ni Valerie. Nagpunas siya ng luha at ngumiti. “Sige po, Tito, ako na po ang bahala.”

Umalis si Valerie at naiwan kaming tatlo nina Mama at Papa sa kuwarto.

Kinurot ni Mama si Papa sa may tagiliran. “Ikaw talaga! Nakakahiya kay Valerie inutusan mo pa.”

“Aray! Let me explain, mahal,” sabi ni Papa at tumingin sa akin. “Kier anak, okay na. Nakaalis na si Valerie.”

Tuluyan kong iminulat ang aking mga mata at gulat na gulat naman si Mama na naiiyak-iyak pa. 

Agad niya akong niyakap. “Kier anak! Diyos ko! Salamat po!”

“Hi, `Ma!” Niyakap ko si Mama at nakipag-fist bump ako kay Papa. “Thanks, `Pa!”

“Kumusta, anak? May masakit pa ba sa `yo? Ano’ng nararamdaman mo?” nag-aalalang tanong ni Mama.

“Medyo okay na po. Pero medyo ramdam ko pa rin ang sakit ng katawan ko at ang sugat ko sa braso,” sagot ko.

“Ang mahalaga ligtas ka na!” Hinalikan ako ni Mama sa noo at inayos ang aking buhok. “Kailan ka pa nagising? Don’t tell me matagal na at magkakuntsaba lang kayo nitong papa mo?”

Ngumiti ako. “Kanina lang po, `Ma. Gusto ko lang pong sorpresahin si Valerie pagbalik niya. `Buti nga, na-gets agad ni Papa, eh.”

Tumawa si Papa. “Siyempre naman! Sa akin ka kaya galing!”

“Eh, di kayo na!” singit ni Mama at nagtawanan kaming tatlo.

Nagpatuloy ang kuwentuhan namin nina Papa at Mama. Ikinuwento nila kung sino ang mga dumalaw sa akin. Dinalaw raw ako ng secretary ko na si Alleiea, si Shane, si Aling Evang, si Karlo, si Rex, si Cheska, at maging si Kuya Gilbert. Sinabi ko rin ang plano kong sorpresa para kay Valerie.

Ilang saglit pa, dumating ang doktor at sinuri ang aking kondisyon.

“Okay! Mr. de Leon, you’re getting better. You can go home soon. Maybe after two to three days.”

Natuwa si Mama sa narinig na diagnosis ng doktor. “Talaga, Doc? Mabuti naman kung gano’n! Maraming salamat!”

Pag-alis ng doktor, sakto namang dumating si Valerie kaya nagkunwari uli akong tulog pero binuksan ko nang kaunting-kaunti ang mga mata ko para makita ang nangyayari. Um-acting naman sina Mama at Papa.

“Hija, may kailangan kang malaman,” malungkot na sabi ni Papa kay Valerie.

Nagulat naman si Valerie. “A-ano po `yon? Ano po’ng nangyayari?”

Nagkunwari namang umiiyak si Mama. “Hindi ko ito kaya. Mabuti pa... Mabuti pa kayo na lang ang mag-usap.” Nagmadaling lumabas siya ng kuwarto. Ayos talaga itong parents ko. Ang bilis sumakay sa akin.

Bumuntong-hininga si Papa. “Valerie, huwag ka sanang panghinaan ng loob. Ang sabi ng doktor, malubha si Kier dahil sa dami ng nawalang dugo sa kanya. Walang kasiguruhan kung kailan siya magigising.”

Natulala si Valerie at parang maiiyak na. Nilapitan niya ako at niyakap. “Don’t worry. Kahit gaano katagal, nandito lang ako, maghihintay sa paggising mo.”

“Valerie, ikaw muna sana ang magbantay kay Kier. Pupuntahan ko lang ang mama niya,” sabi ni Papa.

Pinunasan ni Valerie ang luha niya. “Opo, Tito. Ako na po ang bahala. Hindi ko po siya iiwan.”

“Salamat, hija.” Lumabas si Papa ng kuwarto at sinundan si Mama. 
Naiwan kami ni Valerie sa kuwarto. Inayos niya ang higaan ko at hinaplos ang ulo ko. “Ang daya mo naman, eh!” Umiyak na siya. “Marami pa tayong pagkukuwentuhan, `di ba? Kier naman, o! Gising na please. Miss na kita... Miss na miss...”

Sa loob-loob ko, natatawa na talaga ako pero kailangang pigilan. Para mas epic iyon kapag gising na ako.

Napabuntong-hininga si Valerie at pinunasan ang kanyang luha. Ano kaya ang nasa isip niya?

“Kier, if you can hear me. Salamat sa pagsasakripisyo mo para sa akin. Halos itinaya mo ang buhay mo para lang iligtas ako. Utang ko sa `yo kung bakit ligtas ako at walang galos. Gusto kong malaman mo na mahalaga ka rin sa `kin. All these years kahit malayo tayo sa isa’t isa...” Hinawakan ni Valerie ang kamay ko. “... hindi ka nawala sa isip ko.”

“May mga time pa nga na naglalakad lang ako kung saan, `tapos nai-imagine ko na bigla kitang makakasalubong or magkakabungguan tayo. `Kainis ka kasi, eh! Hindi mo man lang ako tine-text noon. As in wala man lang paramdam. Kahit mga post ko sa Facebook hindi mo nila-like. Pero ayos lang. Alam ko naman na nagmu-move on ka kay Jana noon. Kung naririnig mo ako, Kier, masayang-masaya ako na nakita uli kita. Kaya please, gising na, o!” 

Magkasunod na tuwa at pagkalungkot ang nakita ko kay Valerie. Natiis kong huwag muna gumising kahit parang sasabog na ako at kailangan ko na talagang ilabas ang ngiti ko na talagang lalampas na yata sa tainga ko.

Muling napabuntong-hininga si Valerie. “Lord, please po...”

Bahagya kong idinilat ang aking mga mata para makita kong mabuti kung ano ang ginagawa ni Valerie. Nakapikit siya at parang nagdarasal.

“Lord, una po sa lahat, Thank you at iniligtas N’yo kami ni Kier sa kapahamakan. Isa lang po ang hiling ko. Sana po gisingin N’yo na siya. Sana po gumaling siya agad. Lord, sorry po kung palagi ko siyang pinagtitripan noon, inaasar, binubugbog, at kung dragon ako sa kanya. Nakakatuwa po kasi talaga siya. Ang pikon niya kasi...”

Wala na, hindi ko na napigilan. Natatawa na talaga ako na natutuwa. “Ikaw kaya ang mas nakakatawa!” sabi ko at tumawa nang tumawa.

Gulat na gulat si Valerie nang marinig ang boses ko. “Kier! Thank God!” Mabilis siyang yumakap sa akin na parang nakita uli niya ang special na tao para sa kanya na matagal niyang hindi nakita. Bumitiw siya sa pagkakayakap, pagkatapos. “Teka lang!” 

Naku, mukhang alam na niya. 

“Kanina ka pa ba gising? Narinig mo ba ang lahat?”

Sumipol na lang ako at ngumisi. “Secret!” Tumawa ako nang tumawa. 

Naasar naman si Valerie. Pabiro niya tuloy akong sinuntok sa tiyan. “Nakakainis ka talaga!”

“Wait! Aray! Hinay-hinay naman! Still recovering, you know. So...” Hinawakan ko ang kanyang kamay. “Na-miss mo pala ako?”

“Yuck! Bakit ko naman mami-miss ang pagmumukha mong mukhang puppy? Asa ka pa!” giit niya.

“Cute kaya ang mga puppy! So, cute ako?” pabiro kong tanong.

“Huh? Okay ka lang? Si Pogi ang cute na puppy. Ikaw hindi!” 

“At least, puppy, ikaw DRAGON!!”

“Tse! Pasalamat ka, may mga pilay ka pa. Kundi...”

Bumangon ako at inilapit ang mukha ko sa mukha niya. “Kundi ano?”

Ikinagulat ni Valerie ang ginawa ko at talagang napatigil siya. Tinitigan ko siya sa mukha habang dahan-dahan pa akong lumalapit sa kanya.

Bigla niyang tinakpan ng kamay niya ang mukha ko at itinulak ako. “Alam mo, matulog ka na lang kaya uli? Mas mabait ka `pag tulog, eh. `Tapos huwag ka nang gumising.”

“`Sus na-miss mo lang ako, eh,” nakangisi kong sabi.

“Eh, di wow!” 

Nakita kong namumula ang mga pisngi niya kaya tinitigan ko siya at nginitian. Agad naman siyang tumalikod.

Biglang pumasok sina Mama at Papa sa kuwarto. 

“O, kumusta kayo?” bati ni Mama.

“Tita, gising na po si Kier!” sabi ni Valerie na masayang-masaya.

“Oo, kanina pa actually. Gusto ka lang daw niyang sorpresahin.”

“Tita, naman! Tinulungan n’yo pa si Kier,” sabi ni Valerie na parang luging-lugi. Nagtawanan kaming lahat.






HINDI umalis si Valerie sa tabi ko hanggang sa maka-recover ako. Umuwi na rin sa probinsya sina Mama at Papa. Inalagaan talaga ako ni Valerie kaya hindi ko na rin siya masyadong inaasar. Siya rin ang nagpapakain sa akin. Grabe, spoiled talaga ako sa dragon na ito ngayon. Hindi siya nagsawang gawin iyon sa akin hanggang sa araw na makalabas ako ng ospital. Umuwi kami sa bahay ko at doon ako nagpatuloy na magpagaling.

“Thanks for waiting! Ready na ang soup!” sabi ni Valerie na may dala-dalang mainit na chicken soup sa kuwarto ko.

Medyo hirap pa kasi akong maglakad at gumalaw kaya ipinagluto niya ako. Lagi lang akong nakaupo sa may sofa.

Ngumiti ako. “Salamat, Valeng! Marunong ka palang magluto?”

“Ah... Eh...” Nahiya siya at hindi makatingin sa akin. “Ang totoo, first time ko ito. S-sana magustuhan mo.”

“Sige tikman natin `yan.”  

Ipinatong niya sa table na nasa harap ko ang soup. “Kaya mo na ba? Gusto mo ako ang magsubo sa `yo?” alok niya.

“Hindi na, Valeng. Kaya ko na. Nakakahiya naman sa `yo kung magpasubo pa ako.” Tiningnan ko ang chicken soup na ginawa niya. Mukhang okay naman para sa isang first timer. Hinawakan ko ang kutsara at marahang sumandok ng sabaw. Hinipan ko muna iyon nang kaunti, saka tinikman. Nang lumapat sa dila ko ang mainit na soup…

Oh, my God! Ano `to?! Dragon soup?! Hindi ko maipaliwanag ang lasa pero hindi masarap!

“O, kumusta? Masarap naman ba?” excited na tanong ni Valerie.

“Ah, oo ang sarap! Grabe! Parang hindi first time!” sabi ko kahit parang maduduwal na.

“Yehey! Igagawa kita next time ng iba pang soup,” masayang sabi ni Valerie.

Naku po! Huwag na please. Naloko na. Paano ko uubusin ito? Kailangan ko ng palusot.

“Valeng, puwede mo ba akong ikuha ng kumot sa kuwarto sa itaas? Medyo nilalamig kasi ako, eh.”

Ngumiti naman si Valerie. “Sige. Dito ka lang. Ubusin mo `yan para gumaling ka agad. May dragon power `yan.”

Oo nga, eh. Sa lakas ng dragon power ng soup na ito, lasang paa ng dragon.

Umakyat si Valerie sa kuwarto. Nang mapansin kong hindi niya ako makikita sa gagawin ko, agad kong tinawag si Pogi.

“Pogi! Come here, buddy! Please help Daddy.”

Inilapag ko ang bowl para ipakain kay Pogi ang dragon doup. `Buti na lang at matindi ang sikmura nitong aso ko kinain agad niya ang soup. 

“Good boy!”

Malapit na sanang maubos ni Pogi ang soup nang biglang dumating si Valerie.

“I got the blanket!”

Agad kong kinuha ang bowl kay Pogi at kunwaring kinakain ko iyon. “Salamat, Valeng! Grabe ang sarap ng soup mo!”

“Talaga?” Sinilip niya ang bowl. “O, malapit mo nang maubos, ah. Ubusin mo na.”

Patay!

“Huh? Uhm, busog na yata ako, eh.”

Kumunot ang noo niya. “Kier, naman, dapat mong ubusin `yan para gumaling ka agad. Iinom ka pa ng gamot pagkatapos niyan.”

Umiling ako at nagkunwaring nanghihina.

Kaso walang effect kay Valerie. “Sige na! Mga tatlong subo na lang `yan.”

Napalagok ako. Patay talaga! May laway na ni Pogi `to, eh.

“Ubusin mo na. Dali!”

Naku, galit na siya. “Yes, Ma’am!” Kinuha ko ang kutsara at sumandok ng soup. Dahan-dahan ko iyong inilapit sa bibig ko.

Habang papalapit, parang nakikita ko pa ang mga bacteria sa soup na nagdiriwang dahil malapit na silang makapasok sa katawan ko.

Tulungan N’yo po ako! Magkakasakit yata ako lalo.

Pumikit na lang ako at inisip na ramen ang kakainin ko. Isusubo ko na sana ang kutsara nang biglang tumunog ang doorbell.

“Teka, titingnan ko muna kung sino nasa labas,” sabi ni Valerie at agad na lumabas para tingnan kung sino ang nag-doorbell.

Whew! Saved by the bell! Suwerte pa rin!

Agad kong pinakain uli kay Pogi ang soup at agad naman niya iyong naubos. Good boy!

Ilang saglit pa, bumalik si Valerie sa loob ng bahay kasama si Shane.

“Kier, si Shane pala ang nag-doorbell sa labas.”

“Hey, Shane, kumusta? Napadalaw ka?” bati ko.

“Gusto ko lang sanang makita si Valerie,” sagot ni Shane at tinanguan ako. “Kumusta ka na?”

Kinuha ni Valerie ang bowl sa mesa. “Wait lang, ah. Dadalhin ko lang ito sa kusina.”

Naiwan kami ni Shane sa sala. 

Umupo siya sa sofa na nasa tapat ko. “Kier, ang totoo niyan kaya ako naparito...”

Seryoso ang mukha ni Shane at para bang ang tapang ng tingin niya sa akin.
“... ay para kunin na si Valerie.”
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly