DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 33: Realization

☆

5/11/2025

0 Comments

 

Until I'M Over You

Alleiea


NAKAKA-DISAPPOINT, bagay na bagay si Sir Kier at iyong babaeng nasa picture na ito. Pero okay lang, at least, nahanap nila ang isa’t isa. Kasi parang perfect together sila, eh. Puwede silang bida sa mga Asian drama. Siguro sign na rin ito ni Lord na tigilan ko talaga iyong mga crush-crush. Focus talaga dapat sa work.

“Isn’t she lovely?”

“Ay, asong baliw!” Nagulat ako nang marinig si Sir Kier sa likuran ko. Mabilis kong ibinalik ang picture sa desk niya. Mabuti na lang at hindi iyon nahulog.

Tumingin ako sa kanya. “S-sorry po, Sir Kier. Na-curious lang po ako.”

Bahagyang tumawa si Sir Kier. “Okay lang.” Umupo uli siya sa upuan niya at inayos ang litratong pinakialaman ko kanina. Napatitig siya roon at nagbago ang pinta ng kanyang mukha. Parang bigla siyang nalungkot at parang biglang nagbago ang aura niya.

“Where are we?” tanong niya.
Bigla na naman akong hindi makatingin sa kanya. Nakakahiya kasi talaga iyong ginawa ko. Sana hindi niya isipin na pakialamera ako. Very, very light naman, eh.

“Uhmm... Tapos na po, Sir Kier. Pero itse-check ko po kung ano pa `yong mga dapat nating bilhin para dito sa office.”

“That’s right. Tara let’s make a list then punta tayo sa mall para bilhin ang mga kulang.” Tumayo si Sir Kier at sumunod naman ako. Oras na para magpakitang-gilas.

Naisip kong pumunta sa desk ko para tingnan kung may magagamit ako doon na paper at pen. Hindi nga ako nagkamali, kompleto ang mga gamit na pang-secretary sa desk ko. Mula papers, ledgers, pens, at kung ano-ano pang gamit sa opisina. May tablet pa at laptop. 

Bongga! Sa akin ba ang mga ito?

“Do you like your secretarial tools?” narinig kong sabi ni Sir Kier. Mukhang napansin niyang napatitig ako sa mga gamit na nasa desk ko. And did he say… my secretarial tools?

“S-Sir Kier, do you mean... these are all...”

“Yours!” nakangiti niyang tapos sa sasabihin ko. Lumapit siya sa akin at kinuha ang tablet. “Use this one to list down what we need.” 

Inabot ko naman iyon at tumango.

“`Tapos itong laptop, you can take it home if you want. Kung sakaling may mga trabaho kang dapat tapusin after office hours, doon na lang sa bahay n’yo para `di ka gabihin,” dagdag pa niya.

“Wow!” Napahawak ako sa bibig ko at nanlaki ang mga mata ko. Nasorpresa ako sa mga perks ko. “Thank you, Sir Kier!”

Thankful talaga ako sa tiwalang ibinibigay niya kahit two days pa lang kaming nagkakakilala. Parang gusto kong yakapin si Sir Kier dahil sa saya. Pero not professional kaya hindi dapat. I’ll do my best na lang bilang ganti sa mga kabaitan niya. Kaya work nang very, very hard, Alleiea!

In-open ko ang tablet at sinimulan nang ilista ang mga gamit na wala sa opisina katulad ng coffeemaker, snacks, sofa para sa mga client. Nag-suggest din ako ng mga halaman at paintings sa wall para mas maging stylish at professional ang dating ng office. Sa tuwing nagsa-suggest ako ng mga decorations, nakangiting napapatingin sa akin si Sir Kier. Nakakahiya pero baka natutuwa siya sa trabaho ko. Kaya mas ginaganahan ako.

“Wow! Hindi ko alam na marami pa pala tayong kulang. Thank you, Alleiea,” sabi ni Sir Kier. Tumingin siya sa paligid at nakita kong bigla siyang napabuntong-hininga. Bakit kaya? Hindi kaya sumobra ako sa mga inilista? Hala, baka masyado nang magastos.

“S-Sir Kier, may problema po ba? Gusto n’yo po ba na bawasan ko ang mga inilista ko?”

Ngumiti siya at umiling. “No, no, no. That was nothing. May naalala lang ako. Tara na at mag-mall na tayo. We have to be here after lunch.”

Phew... `Buti na lang. Akala ko nagkamali agad ako.


PUMUNTA kami ni Sir Kier sa isang shop na puro gamit pang-office ang ibinibenta. Siya ang nakipag-usap sa mga staff at ide-deliver na lang daw ang mga binili namin. Then nagpunta kami sa mga home decors. Sinunod niya lahat ng suggestion ko at ipina-deliver na lang din sa office ang mga napili niya.

“Pagod ka na, Alleiea?” tanong ni Sir Kier habang palabas kami ng home decor shop.

“Hindi naman po, Sir Kier. Very, very light lang.”

Natawa si Sir Kier sa sagot ko kaya bahagya na rin akong natawa.

“Nakakatuwa `yang expression mo na `yan. You remind me of a friend of mine. Tapos `yong mga decisions mo kanina sa style and designs...” sabi niya habang nakangiti pero biglang nawala ang ngiti mayamaya. “... remind me of another person.”

Ewan ko pero parang may pinagdaraanan si Sir Kier. Twice ko na siyang nakita na biglang nagbabago ng ekspresyon. Dapat siguro hawaan ko siya ng never-give-up aura at fighting spirit namin ng anak ko.

“Talaga ba, Sir Kier? Baka hindi naman. Baka very, very light lang?” nakangiti kong sabi.

Effective! Natawa siya.

“Tingin ko mapapa-very, very light na rin ako one of these days.”

Nagtawanan kami habang naglalakad.

“Just one more stop then magla-lunch na tayo. Gutom ka na ba, Alleiea?”

Umiling ako. “Okay lang, Sir Kier.”

“Pakisabi kay baby mo, kaunting tiis. Don’t worry `pag medyo malaki na ang tiyan mo, babawasan ko naman ang work mo,” sabi niya.

Agad naman akong umalma. “Hala, okay lang, Sir Kier. Kaya ko po. Kaya namin ni baby.”

Ngumiti lang siya. Patuloy kaming naglakad hanggang sa matapat sa isang tindahan ng mga damit pambabae na hitsura pa lang, mukhang mamahalin na. Plains and Prints.

“Bibilhan n’yo po ng regalo `yong babae sa picture, Sir Kier?”

Ngumiti lang siya at dere-deretsong pumasok sa loob ng shop kaya sumunod naman ako.

“I wish I can.”

Napakunot-noo na lang ako. Bakit naman kaya parang hindi niya puwedeng regaluhan iyong girl? Saka ano ang ginagawa namin dito?

Nang nasa loob na kami ng shop, huminto si Sir Kier at tumingin sa akin.

 “Alleiea, nandito tayo para sa isa sa mga perks mo. I want you to choose some dresses as your office attire at ako na ang bahala sa mga mapipili mo.”

Nagulat ako. Sobra-sobra ng kabaitan at tulong ang ibinibigay niya sa akin. Abuso na ito kaya dapat humindi na ako.

“Naku, Sir Kier, `wag na po! Marami po akong damit sa bahay. Saka hindi po ako nagsusuot ng mga ganito kasi `di ko po alam kung paano dalhin. Baka hindi po bagay sa akin.”

“Iyan lang ba ang problema?” Tumawag si Kier ng saleslady at agad naman siyang nilapitan niyon.

“Good day, Sir. How may I help you?”

“Good day. Can you help my friend here choose a style that will suit her? Casual outfits for the office?” 

Teka, did he say friend? Ibig ba niyang sabihin ikino-consider na niya akong friend? `Kakatuwa naman.

“No problem, Sir. I will just call our style manager.”

Pinasalamatan ni Sir Kier ang saleslady na iniwan na kami, pagkatapos.

Sabi ko na, hindi okay kay Sir Kier ang attire kong office lola. Pero nakakahiya na, eh. “Sir Kier, naku `wag na po talaga. Nakakahiya na po.”

Tinawanan lang ako ni Sir Kier. Lumapit siya sa mga damit at sinipat ang mga iyon. “Alleiea, just think of this as a uniform in our office because we need to impress our clients. Not that I don’t like your fashion style but my friend owns this shop and he helped me set up our office. Kaya gusto ko sana itong brand niya ang makikita niya `pag bumisita siya sa office.”

Naintindihan ko ang sinabi ni Sir Kier kaya hindi na ako umangal pa. Dumating ang style manager at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Pagkatapos, inutusan niya ang saleslady na kumuha ng mga damit. Inakbayan ako ng style manager at dinala sa fitting room. Iniabot niya sa akin ang isang kulay-maroon na sleeveless dress. Wala na iyong tag price. Don’t tell me binayaran na agad `to ni Sir Kier? 
Isinuot ko ang damit sa loob ng fitting room. Sakto iyon sa size ko at hanggang tuhod ang haba. Namangha ako sa sarili pagtingin sa salamin. Feel ko gumanda ako nang very, very light. Mas mukha na akong office girl. 

Nagtagal ako sa loob ng fitting room dahil sobrang na-feel ko talaga ang pagharap sa salamin. Naitanong ko talaga sa sarili ko na, “Ikaw ba `to, Alleiea?” Pumorma-porma pa ako na parang nagpo-photoshoot. Grabe ang galing ng style manager. Nakuha niya agad ang size ko at kung anong damit ang babagay sa akin.

Ilang saglit pa, lumabas na ako ng fitting room.

“Wow! You look fabulous. Sabi ko na bagay sa `yo `yan. At sigurado akong babagay rin sa `yo ang iba pa naming napili. Binabayaran na ni Sir ang lahat sa cashier,” sabi ng baklang style manager.

“Thank you po.”

Hinintay ko si Sir Kier na matapos magbayad. Nakakahiya kasi kung lalapit ako. Baka kasi ako lang ang nagandahan sa looks ko. Pagharap niya, agad kong iniwas ang tingin ko at yumuko.

“Wow, Alleiea! Bagay sa `yo! You look good!”

Lalo akong nahiya sa papuri ni Sir Kier. Uminit tuloy ang mga pisngi ko. “T-thank you po, Sir Kier. Lalo na po sa mga damit.”

Isang malaking paper bag ng Plains and Prints ang nakita ko sa tabi niya. Mukhang iyon ang iba ko pang damit. `Kakahiya naman kung siya pa ang magdadala. Nilapitan ko iyon at kukunin sana pero... Nauna niyang hinawakan kaya nahawakan niya ang kamay ko. Agad kong iniatras ang kamay ko at nagkatinginan kami.

Ngumiti si Sir Kier. Ipinakita niya ang bitbit na paper bags. “Ako na, Alleiea. Hindi ako kumportable na pinagdadala ng bitbitin ang kasama kong babae.”

“S-sige po, Sir Kier.” 

Kung siya, hindi komportable, ako sasabog naman sa hiya nang very very hard. Nakakahiya kasi talaga dahil hindi ko naman siya boyfriend… boss ko siya. Pero dahil nga boss ko siya, hindi ako makaangal.

Alam kong may asawa o girlfriend na si Sir Kier. Pero hindi ko pa rin maiwasang kiligin. Another scene na naman kasi ito sa mga Asian drama, eh. Iyong bibilhan ng damit si girl ni guy, pagkatapos, ipapa-make over pa. Naku huwag naman sana niya akong ipa-make over. Tatakbo na talaga ako.





MABUTI na lang, walang makeover na naganap. Nandito na kami ngayon sa Max’s. Hinihintay na lang namin ang order namin, pagkatapos ay kakain na kami. Magkatapat kami ni Sir Kier. Para kaming nagde-date. Kinakabahan tuloy ako. Baka mamaya biglang dumating iyong asawa niya at baka kung ano ang isipin sa amin. 

Haay, Alleiea, ano ba’ng iniisip mo?

“Is there a problem?”

Ay, naku naman. Napalakas yata ang bulong ko. “W-wala po, Sir Kier. Kinausap ko lang si baby.”

Ngumiti si Sir Kier at tumingin saglit sa relo niya. “Maaga pa naman pala. Ano nga pala’ng sabi ng mama mo nang malaman niyang may trabaho ka na? Sinabi mo ba?”

“Sinabi ko po, Sir Kier, kaso hindi po kami nagpapansinan. Galit po talaga siya dahil sa ipinagbubuntis ko ngayon, saka sa pagkakamali ko ng pagpili ng lalaki.”

“Ganyan talaga. Sa una lang `yan. Mahal ka pa rin ng mama mo,” sabi niya.

Natulala lang ako sa mesa at nalungkot. ”I doubt po. Parang ang gusto lang niya kasi, pera. Dahil sawa na siya sa kahirapan. Ako `yong inaasahan niya pero heto nagkamali ako. Mali rin daw ang baby ko. Medyo tama naman siya pero never kong sasabihin na mali ang baby ko. Kasi ibinigay siya sa akin ni Lord.”
“Yes, tama ka naman about sa baby mo pero huwag mong sasabihin na hindi ka mahal ng mama mo. Ako kasi lumaki ako sa paulit-ulit na pangaral ni Mama. Ang ikakasaya nila ay ang pag-abot ko ng mga pangarap ko. `Tapos lagi nilang ikinukuwento sa akin ang mga consequences kapag nakabuntis ako or kapag hindi ko pinlano nang mabuti ang pag-aasawa. Sinasabi nila na masasaktan sila kapag nagmadali ako sa buhay. Kasi hindi lang daw buhay ko ang puwedeng masira pati na rin ang sa magiging partner ko…”

“...There’s always a right time and right age for everything kasi when we were young we were all naive and just curious. Hindi natin naiisip ang consequences ng mga bagay and that’s what our parents wanted to share with us... the consequences of things. Kasi sila naranasan na nila at nakita na nila ang epekto. Kung iisipin nating mabuti, since we were young, our parents let us do things kung wala namang masamang epekto sa atin ang mga bagay. Pero kapag ikakapahamak natin nagagalit sila at pinipigilan nila tayong gawin iyon...”

“...I think your mom loves you so much kaya gano’n na lang ang naging reaksiyon niya at pakikitungo sa `yo. She’s hurt deep inside. But she wants you to learn. Look at yourself now, ang optimist mo at determinado ka. Kapag inisip mong mabuti naging ganyan ka kasi akala mo may doubt sa `yo ang mama mo at hindi ka niya mahal. But in fact, she is testing you and teaching you how. Iba-iba lang talaga ang way ng mga magulang sa pagmamahal ng anak pero one thing is for sure, they love us.”

Tumagos sa puso ko at sa damdamin ko ang lahat ng binitawang mga salita ni Sir Kier. Napaisip ako sa lahat ng sinabi niya. Kaya hindi ko napigilan na tumulo ang luha sa aking mga mata. 

Sorry, Mama. Akala ko mas matalino ako sa `yo pero `yon pala ang bobo ko para hindi makita ang mga bagay na gusto mong ituro sa akin.

“Oh, no. Sorry, Alleiea. Napahaba pala ang sinabi ko at baka naging sermon sa `yo. P-pasensya na.”

Umiling ako at agad na pinunasan ang luha ko sa aking mga mata. “Hindi po, Sir Kier. Gusto ko nga pong mag-thank you sa inyo. Lalo ko pong na-realize ang sitwasyon ko sa mga sinabi n’yo at naintindihan ko na si Mama. Promise, makikipagbati ako kay Mama at yayakapin ko siya pag-uwi ko.”

Ngumiti si Sir Kier at inabutan ako ng tissue. “Make sure na yakapin mo siya nang very, very tight, ah?”

Natawa ako at ganoon din siya. “Nahahawaan na kita ng very, very ko, Sir Kier.”

Ilang saglit pa dumating na ang in-order naming food at kumain na kami. Pagkatapos kumain, na-curious ako kung ilang taon na si Sir Kier dahil ang galing niya magbigay ng advice. “Sir Kier, ilang taon na po kayo? Ang galing n’yo kasing magbigay ng payo.”

Ngumiti siya nang bahagya. “Hindi naman. Ang papa ko kasi, mahilig magpayo kaya na-adapt ko. But I’m twenty-five.”

“Hindi pa pala kayo matanda, Sir Kier. Eh, si Ma’am po na nasa picture, ilang taon na po siya?”

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Sir Kier. Naku, out of bounds yata ang tanong ko.

“I guess kailangan kong sabihin sa `yo ang tungkol sa kanya para mas maging komportable tayo sa trabaho...” Bumuntong-hininga si Sir Kier kaya naisip ko na huwag na lang niyang ituloy ang kuwento. Pero sa kabilang banda, curious din ako.

“Her name was Jana. Dati ko siyang girlfriend and she meant the world to me...” Tulala lang si Sir Kier. Ako naman, kinakabahan sa sasabihin niya. “She was the whole reason kung bakit ako nakapagtapos ng Law. She was my everything. She was my destiny. Until... until cancer took her life. Nangyari iyon after I finished taking my Bar exams. After I thought I could already be with her. But I was too late.”

Nanlaki ang mga mata ko at napahawak ako sa aking bibig. Naramdaman ko ang sakit sa mga salitang sinabi ni Sir Kier. Kaya pala ganoon na lang ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya minsan. Sobrang sakit pala kasi ng naranasan niya. Hanggang ngayon siguro, nalulungkot pa rin siya sa likod ng mga ngiti niya.

“Hindi ko na nga dapat itutuloy ang maging lawyer pero para sa kanya napagdesisyunan kong magiging magaling akong lawyer at tutulong sa mga talagang nangangailangan ng hustisya. She sacrificed everything for me. That’s why I decided to build my own law office, `cause I want to help those who are in need. And I’m doing this in her honor.”

Muling namasa ang mga mata ko. Pero pinigilan kong maluha dahil baka maiyak din si Sir Kier. Agad kong pinunasan ang mga mata ko bago pa man tumulo ang luha, pagkatapos ay hinawakan ko ang kamay ni Sir Kier. “Don’t worry, Sir Kier. Tutulungan po kitang maging successful ang law office in honor of Jana.”

Napangiti ko naman siya. “Salamat, Alleiea.”





SA LOOB ng isang buwan na pagtatrabaho ko sa law office ni Kier, maraming nagbago sa buhay ko. Nagkabati na kami ni Mama at nasa bahay na lang sila ni Papa. Hindi ko na sila pinagtrabaho dahil sapat na ang kita ko. Hindi na nga sila nag-aaway at nagla-loving-loving na lang. 

Lalo rin akong napapalapit kay Sir Kier. Unprofessional pero mas masayang magtrabaho kapag kaibigan at kasundo mo ang katrabaho mo. Palagi kaming sabay mag-lunch. Sumasabay rin ako sa sasakyan niya kapag uwian. Kapag walang ginagawa sa office, nagkukuwentuhan kami ng mga past experience namin. 

Hanggang sa tuloy-tuloy ang naging pagdagsa ng mga clients namin. Sa loob ng isang buwan, marami kaming naipanalong mga kaso. Nakakapagod pero sulit naman dahil masaya ang mga client.

One day, lumabas saglit si Sir Kier para makipagkita sa pinsan niyang si Sir Karlo na madalas dumalaw rito sa opisina at ako lang ang naiwan. Isang babaeng nakaitim na T-shirt, itim na cap, at sunglasses ang pumasok sa opisina. Blonde ang buhok niya at fit and sexy ang pangangatawan. 

Sino kaya siya? Baka artista?

Nilapitan ko siya at agad na binati. “Good afternoon. Welcome po sa office ni Attorney Kier de Leon. How can we help you?”
“Hello. May I see your boss?”

“He’s out for a meeting but he’ll return soon. Would you like a cup of coffee while waiting for him?” alok ko.

“No, thanks. Kindly give this to him when he arrives please.” Ibinigay sa akin ng babae ang isang papel na naka-fold at nagmamadali siyang umalis ng opisina.

Sino kaya siya? Ano kaya ang papel na ito?
Next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly