DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 31: The Strong Woman

☆

5/11/2025

0 Comments

 

UNTIL I'M OVER YOU

​Kier

​
MAAYOS at formal ang hitsura ng babae. Mukha siyang office girl. Naka-makeup, naka-white blazers, at skirt. Cute siya na mukhang masiyahin pa yata kundi lang sa mukha siyang nahihiya na humarap sa akin ngayon.

Nilapitan ko siya at nginitian. Inalok ko rin ang kamay ko sa kanya.  “Hi! I’m Attorney Kier de Leon.”

“Uhm... H-hello po, Attorney.” Nakipagkamay naman siya pero agad ding nag-iwas ng tingin sa akin.

Hindi ko na lang iyon pinansin. Niyaya ko silang maupo ng kanyang ina sa mga upuan na nasa harap ng desk ko. “Tara po. Pag-usapan natin kung ano ang maitutulong ko sa inyo.”

Tumalikod ako at lumakad papunta sa desk ko. Pero narinig kong bumulong ang babae na parang nagmamakaawa sa nanay niya.

“`Ma, ano ba? Tara na. Nakakahiya. Umalis na tayo dito.”

“Tumigil ka nga diyan, babae ka! Ginawa-gawa mo `yan `tapos ngayon mahihiya ka?!” narinig kong sagot ng nanay niya. Ang lakas ba naman ng boses, eh. Mukhang lalo pa niyang ipinahiya ang kanyang anak.

Nang makaupo ako sa likod ng desk ko, umupo na rin silang mag-ina. Nakayuko lang ang babae. Ang nanay naman niya ay ipinatong ang braso sa desk ko.

“Attorney, ito po ang problema. Ito kasing anak ko, dalawang buwan nang buntis. `Tapos, itong magaling na lalaki, ayaw siyang panagutan! Tumakas na at umuwi na raw ng probinsya! Aba! Ano siya sinusuwerte? Gusto naming kasuhan para magbigay ng sustento!”

Ramdam ko ang galit sa boses ng ginang. Sa lakas ng boses niya, parang sa akin pa yata siya galit. Grabe `to. Mala-Godzilla.

“Kung walang maibibigay na sustento, dapat makulong siya! Kasuhan natin ng rape, Attorney!” dagdag pa ng ale.

“Teka lang po, Misis. Huminahon po kayo. Pag-iisipan po nating mabuti ang puwedeng ikaso sa kanya. Kasi hindi po tayo puwedeng magsampa ng kaso na hindi naman ginawa ng tao. Unless...” Bumaling ako sa babae, saka ko itinuloy ang sinasabi ko. “Na-rape ka ba talaga?”

Nakayukong umiling ang babae. Hindi pa rin siya makatingin sa akin. Hinawakan niya sa braso ang nanay niya at nagmakaawa. “`Ma, tama na `tong iskandalong ito. Umalis na lang tayo. Ayoko na ng gulo.”

“Tumigil ka diyan, ha! Baka gusto mong kalbuhin kita? Punyemas ka! Lalandi-landi ka! Nakita mong hirap na hirap tayo sa buhay. Hindi ka pa nga nakakatulong sa amin, may idadagdag ka pang palalamunin!” 

Bakas sa mukha ng babae ang hiya dahil sa inaasta ng kanyang ina. Narinig ko ang mga bulong niya na pinapatigil na ito sa pagsasalita.

“`Ma, ano ba? Nakakahiya. Makipag-usap ka naman nang maayos.”

Pumiglas sa pagkakahawak ang ale. “Hindi! Mabuti nang alam ni Attorney na hikahos tayo sa buhay at kung gaano kasakit sa akin `yang pagkakamali mo! Maling-mali `yang magiging anak mo!”

Naiyak ang babae. Pinili ko namang tumahimik na lang.

“`Ma, tumigil ka na, please! Oo nagkamali ako pero `wag mo naman sabihing pagkakamali ang ipinagbubuntis ko. Nagkamali ako sa napiling lalaki pero hindi pagkakamali ang magiging baby ko. Itinadhana siya sa akin at bubuhayin ko siya kahit mag-isa lang ako!” Parang hindi na niya napigilan ang damdamin niya. 
Agad siyang tumayo at nag-walk out palabas ng opisina ko. 

“Saan ka pupunta?! Bumalik ka rito!” Agad siyang hinabol ng nanay niya.

I was left stunned at what happened. That was too much of a scene for my first ever client sa sarili kong law office. But come to think of it, naiinis ako sa lalaking nakabuntis sa kanya. Tumakas na lang dahil takot sa responsibilidad. May mga tao talagang walang kuwenta.

Hinintay kong bumalik ang mag-ina pero ilang minuto ang lumipas, wala pa rin sila. Ilang saglit pa, may panibagong client na dumating. Isang matandang lalaki na humihingi ng tulong para sa insurance na ayaw ibigay sa kanya. Ibinigay niya sa akin ang lahat ng detalye at impormasyon na makakatulong sa kaso. Tinanggap ko ang kaso na gusto niyang isampa sa kompanya at nangakong tutulungan siya. Pagkatapos niyon, sinabi kong tatawagan ko na lang siya para bigyan siya ng update sa kaso. Kailangan ko rin kasi ng oras para pag-aralan iyon.

Pagkaalis ng matandang lalaki, bigla akong nakaramdam ng gutom. Hindi pa pala ako nag-aalmusal dahil sa sobrang excitement ko sa first day ng sarili kong law office. Nagke-crave ako sa breakfast meal ng Jollibee do’n sa kabilang kanto. Mapuntahan nga.

Sumilip ako sa bintana bago umalis. Umuulan pala sa labas. Kinuha ko ang payong na itim at lumabas muna ng opisina. Siniguro kong naka-lock ang aking opisina bago umalis. Mahirap pala ang magsolo nang ganito, walang mapag-iiwanan. Sayang baka may client na pumunta. Siguro dapat na akong maghanap ng secretary. Hindi ko pa sana balak pero mukhang kailangan na. Minsan talaga ang kuripot ko. Naalala ko tuloy si Jana na laging nagrereklamo noon na kuripot ako sa sarili ko pero hindi sa kanya.

Paglabas ko ng building, nakita ko sa may bench chair ang babae kanina. She was across the road at the mini garden in front of our building. Nagpapaulan siya at nakayuko lang. 

Ano kaya ang nangyari sa away nilang mag-ina kanina?

Teka? Buntis siya, `di ba? Makakasama sa baby niya ang ginagawa niya.
Saktong nag-red light para sa mga sasakyan. Tumawid ako papunta sa babae. Nang makalapit sa kanya, agad ko siyang pinayungan.

Napatingin siya sa akin at bakas sa mukha ang pagkabigla. “A-Attorney?”

“Hi! Bakit ka nagpapaulan? Makakasama sa baby mo `yan.”

Pinunasan niya ang kanyang mga mata. Umiiyak ba siya? Hindi ko napansin dahil basa na siya ng ulan. Humawak siya sa kanyang tiyan at nag-iwas ng tingin. “N-nagpapalipas lang ako ng oras, Attorney.”

Nakaramdam talaga ako ng pag-aalala sa batang dinadala niya. “Kung gusto mong magpalipas ng oras, `wag dito. Nababasa ka at gaya nga ng sabi ko, makakasama sa baby mo kapag nagkasakit ka. Halika, ihahatid kita do’n sa silungan.”

Hindi naman siya umangal at agad na tumayo. Naglakad kami papunta sa malapit na establishment para sumilong.

“P-pasensiya na sa abala, Attorney. Lalo na sa iskandalo kanina,” nahihiyang sabi ng babae.

“Huwag mong isipin `yon. Sabihin na lang nating sanay na ako sa mga gano’ng eksena dahil sa trabaho ko.” 

Ang totoo niyan hindi. Karamihan sa mga client ko dati ay mga bigating tao, mga mayayaman, at professional. But I believed that should help her out from being embarrassed.

Pero na-curious ako sa kanya. The way she said na hindi pagkakamali ang baby niya, made me wonder who she really was. How strong she was. 

“I’m about to eat breakfast at Jollibee. Would you like to join me?” Naisip kong isama siyang kumain para sa baby niya. Kawawa naman kasi at baka magkasakit pa sila.

“Naku! `Wag na po, Attorney. Nakakahiya po,” natataranta niyang tanggi.

“Please. I insist. Nagpaulan ka kanina at mas malaki ang chance mong magkasakit kapag hindi ka kumain. Kawawa ang baby sa tiyan mo. Huwag ka nang mahiya. Besides you’ll be my client,” sabi ko.

Huminto ang babae sa paglalakad at ganoon din ako. Gulat siyang napatingin sa akin. “Ano pong ibig n’yong sabihin, Attorney?” 

Bahagya akong natawa. Masyado siyang magalang. “Kier. Ako si Kier. Nasa labas naman tayo ng opisina ko kaya hindi mo `ko kailangang tawaging attorney. Para na rin maging mas komportable ka sa akin at masabi mo ang tungkol sa kaso. What I mean is I will help you and your mom with your case. Shall we talk about it over a nice meal?”

Saglit siyang tumingin sa akin, pagkatapos ay yumuko, saka ngumiti.  “S-sige... Sir Kier.”

Magalang pa rin. Pero ayos na iyon kaysa attorney siya nang attorney. Naalala ko naman si Valerie. Siya naman your honor ang tawag sa akin. Kumusta na kaya iyon? Matagal na kaming hindi nagkakausap.

Pagdating namin sa Jollibee, nag-alok ang babae na siya na raw ang maghahanap ng puwesto namin dahil medyo maraming tao. Ako naman ang o-order ng food namin. Pagkatapos kong umorder at dalhin ang pagkain sa napili niyang puwesto sa tabi ng glass wall, naabutan ko siyang nagpupunas ng mukha gamit ang panyo. Hinintay ko siyang matapos at nagsimula na kaming kumain.

Kakagat na sana ako sa burger pero nakita ko siyang pumikit at nagdasal. Nahiya ako dahil hindi naman ako nagdarasal bago kumain kaya ipinikit ko na lang din ang mga mata ko at ibinaba sa table ang burger ko.

Ilang segundo rin akong nakapikit. Pagdilat ko, kumakain na rin ang babae ng in-order kong chicken meal para sa kanya. Sana lang hindi niya napansin na hindi talaga ako nagdasal. Nakakahiya sa kanya na nagdasal talaga.

Matapos naming kumain, naisip kong itanong sa kanya ang tungkol sa kaso.
 “Since wala na ang mama mo, maipapaliwanag mo na sa akin nang maayos ang kaso na gusto n’yong isampa. Triggered si Mama mo kanina, eh. Galit na galit.”

Napangiti ang babae. “Pasensiya ka na kay Mama, Sir Kier. Gano’n talaga `yon. Saka kasalanan ko naman kung bakit niya ako ipinahiya kanina.” Yumuko siya at naging seryoso ang tono. “Pero ayaw ko talagang magsampa ng kaso. Kung ayaw ng lalaking `yon sa akin at sa baby ko, wala akong pakialam sa kanya. Bubuhayin ko mag-isa ang baby ko at hindi namin siya kailangan. Tumakbo siya kung gusto niya. Kakayanin ko namang maging ama at ina sa magiging anak ko.”

Bumilib ako sa sinabi niya. Ang lakas ng loob niya. Siguradong alam niya ang magiging hirap sa pagpapalaki ng bata nang mag-isa pero mukhang determinado siyang kayanin ang lahat. She was indeed a strong woman.

“`Sabagay tama ka. Kung ayaw talaga niya, `wag na siyang pilitin. Para balang araw, pagsisihan niya ang ginawa niya. Pero kung ako ang tatanungin, mas magandang kasuhan siya para naman maging halimbawa siya sa mga lalaking tumatakas din sa responsibilidad. But of course, it still depends on you. Kung magbago ang isip mo, handa kitang tulungan.”

Uminom siya ng hot choco at nagpunas ng mga labi gamit ang tissue. “Huwag na talaga, Sir Kier. Ayokong pag-aksayahan ng oras ang isang taong walang kuwenta. Pagkatapos niyang sabihin na gusto niyang ipalaglag ang anak ko dahil hindi raw siya handa, wala na akong nararamdaman sa kanya. Ni ayaw ko nga siyang makita at makausap. Ayokong ang maging ama ng anak ko ay isang taong gusto siyang patayin.”

Agad na nag-init ang ulo ko sa lalaking nakabuntis sa kanya. “Aba! Mukhang masahol pa sa walang kuwenta ang lalaking `yan, ah. Halang ang kaluluwa. Pasalamat siya at ayaw mo na siyang kasuhan dahil papatungan ko talaga siya ng kasong magpapakulong sa kanya ng panghabang-buhay.”

Hindi ko alam kung bakit pero bahagyang natawa ang babae kaya tiningnan ko siya nang may pagtataka.

“Triggered ka rin, Sir Kier? Hayaan n’yo na po `yon. Ang maganda kong naging desisyon ay ang hayaan siyang mawala sa buhay ko. Kasalanan ko na nagpakatanga ako sa kanya noon kaya para sa magiging anak ko, no more stupid Alleiea.” 

Alleiea pala ang pangalan niya. I believed hindi kami nagkakilala nang formal kanina. 

“Alam mo bilib ako sa `yo. Ang tapang at ang lakas ng loob mo. Saka Alleiea pala ang name mo?”

Napangiti si Alleiea at napahawak sa kanyang bibig. “Ay, sorry! Hindi ko pala nasabi, Sir Kier. Nakakahiya uli tuloy, pero very, very light na lang.”

Bahagya akong natawa at inabot sa kanya ang kamay ko para makipagkamay. “Ulitin na lang natin para maayos. I’m Kier. Kier de Leon.”

Ngumiti siya at nakipagkamay sa akin. “Alleiea Bier po.”

“Nice to meet you, Alleiea. Teka, nasaan na pala ang mama mo?” tanong ko.

“Nauna na siyang umuwi pagkatapos naming magtalo kanina. Nasaktan ako sa mga sinabi niya kaya nakita mo akong nagpapaulan kanina. Sorry uli kanina, Sir Kier,” sagot niya.

“Don’t mention it.” Uminom ako ng hot choco at tinanong uli siya. “Saan ka after nito? Since ayaw mo nang magsampa ng kaso.”

“Actually, maghahanap dapat ako ng trabaho. Kaya nakabihis po ako ng ganito. Kaya lang itong si Mama kanina, hinatak ako papunta sa opisina n’yo. Libre daw kasi. Heto basa na ako kaya bukas na lang uli ako maghahanap,” sagot niya. “Ewan ko ba do’n masyadong nangangamba. Eh, tapos naman ako ng college kahit diploma course lang. Pero alam ko, sapat na `yon. Sasamahan ko na lang ng lakas ng loob.”

Hindi ko maiwasang mapangiti. Natutuwa ako dahil isa talaga siyang matibay na babae.

“Ano ba’ng tinapos mo baka matulungan kitang maghanap?” 

Umiling si Alleiea. “Naku, Sir Kier, `wag na po. Sobrang nakakahiya na. Nilibre n’yo na nga po ako. Saka secretarial naman po ang natapos ko with high grades, kaya malakas po ang pakiramdam kong matatangap ako agad. Kahit kaka-graduate ko lang two months ago.”

“Secretarial?” 

What the? Parang tadhanang makilala ko itong si Alleiea. Saktong naghahanap ako ng secretary. 

Tumingin siya sa akin nang may pagtataka. “Oo, Sir Kier. S-secretarial po. May problema po ba?”

“Actually... I’m looking for a secretary doon sa office ko. If you want I can hire you now.” Hindi na ako nag-isip kung qualified ba si Alleiea. Tingin ko, sapat na sa aking malaman na determinado siya.

Nagulat siya sa sinabi ko at parang hindi makapaniwala. “T-talaga po, Sir Kier? S-sure po ba kayo?”

Nginitian ko siya. Pakiramdam ko, nakatulong ako sa isang nangangailangan. “Yes, I’m sure. Start ka na tomorrow, if you want.”

“Oh, my God!” Napahawak si Alleiea sa kanyang bibig pagkatapos ay hinawakan niya ako sa kamay at inalog-alog. “Thank you po! Thank you po talaga!”

“Salamat din kasi nakatipid ako sa oras para mag-interview bukas ng mga applicants at maglagay ng ads para sa job posting,” nakangiti kong sabi. Napatingin ako sa relo ko at napansing kalahating oras na pala mula nang umalis ako sa opisina. Tumayo ako at inayos ang suit ko. Kailangan ko nang bumalik. “Paano, Miss Secretary? I’ll see you tomorrow? We’ll discuss your salary and your work tomorrow, too.”

Tumayo siya at nginitian ako. “Yes, Sir Kier. I won’t be late... T-thank you.”

Umalis ako sa Jollibee at iniwan si Alleiea. Sakto rin na wala nang ulan sa labas. Ang gaan sa pakiramdam ng makilala si Alleiea. Para bang sinadyang magkakilala kami dahil kakailanganin namin ang isa’t isa. I liked her personality already. Ang tapang niya at mukhang determinado. Mukhang magiging magaling siyang secretary.
NEXT CHAPTER
BACK TO CHAPTERS
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly