DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 24: Kiss Of The Dragon

☆

5/11/2025

0 Comments

 

Until i'im over you

​Kier

ANO ANG nangyayari?

Bakit ako hinahalikan ni Valerie?

Ang lambot at ang init ng mga labi niya.

Nanginginig ang mga kamay ko. Anong klaseng pakiramdam ito? Bakit parang nadadala ako?

This was wrong, but…

Sumabay naman ang tugtog sa radyo ni Manong Driver—isang love song. Habang parang biglang saglit na tumigil ang paghinga ko.

Kissing you is not what I had planned
And now I’m not so sure just where I stand
I wasn’t looking for true love
But now you’re looking at me
You’re the only one I can think of
You’re the only one I see.

Napapikit din ako habang naghahalikan kami ni Valerie. Tuluyan na akong nadala. Tuluyan ko nang nakalimutan ang lahat ng mga bagay.

Parang gumaan ang buong paligid. Nagtayuan ang mga balahibo ko. Anong klaseng mahika nito?

All I need
Is just a little more time
To be sure of what I feel.
Is it all in my mind
`Cause it seems so hard to believe
That you’re all I need.

Parang… parang isang magnet ang halik ni Valerie. Dalang-dala ako at hindi ko na talaga napigilan. Dahan-dahan ko na ring hinawakan ang mukha niya at tumugon din sa mga halik niya.

Pagkatapos ng ilang segundo, biglang tumigil si Valerie sa paghalik sa akin pero nanatiling magkalapat ang mga labi namin.

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata para tingnan kung bakit biglang huminto si Valerie. Nang makita ko siya, parang natauhan siya at nanlalaki ang mga mata.

Nanlaki rin ang mga mata ko sa gulat. Natauhan na rin ako at alam kong mali ang ginawa namin.

Lumayo sa akin si Valerie at bigla akong sinampal. “Kier, bakit mo ako hinalikan?!”

“Huh? Ikaw kaya ang humalik sa akin!” giit ko.

“Huh? Okay ka lang?! Por que lasing ako magte-take advantage ka na? Nakakainis ka!” Pinalo niya ako nang pinalo sa braso.

“Teka lang! Teka lang! Ikaw nga talaga `yong humalik sa `kin, promise!” paliwanag ko. Para may magpatibay sa sinabi ko, idinamay ko na si Manong Driver. “Manong, `di ba siya po `yong humalik sa akin?”

Nakita ko sa salamin na ngumiti si Manong at napakamot sa ulo. “Ay, wala po akong alam diyan, Sir.”

“Nakakainis ka, Kier! Bumaba ka na nga!” naiinis na sabi ni Valerie.

“Teka lang, Valeng, malayo pa kaya sa amin ito. Maawa ka naman.”

Tumingin siya sa akin nang masama na para bang pinag-iisipan kung pabababain ako o hindi.

“Huwag mo `kong kakausapin. Nakakainis ka!”

Hindi ko alam pero parang natatawa ako sa pagtatalo namin.

“Valeng...” Hihingi sana ako ng sorry pero agad niya akong binara.

“Sabing huwag mo akong kakausapin, `di ba? Huwag mo rin ako titingnan!”

“Okay! Okay!  Ang sungit naman ng dragon na `to. Ikaw na nga ang nagnakaw ng halik sa akin, eh.” Itinaas ko ang kamay ko tanda ng pagsuko. `Kakatakot siyang magalit, eh.

“Ang kapal talaga ng mukha mong pangit ka! Hindi kita hahalikan, `no!”

Sa isip ko… Ginawa mo na nga, eh.

Ngumisi ako at hindi na lang umimik baka kasi lalong magalit ang dragon.

“Manong! Pakipatay nga po `yong radyo n’yo!” sabi ni Valerie. Ang sungit niya at parang kumukulo na siya sa inis. Tumutugtog pa pala kasi iyong love song.

Grabe iritang-irita siya. Siya naman ang humalik sa akin pero siya pa iyong naiinis. Pero at least, gising na siya ngayon.

Nanatili kaming hindi nag-iimikan ni Valerie. Hanggang sa makarating kami sa bahay niya.

“Good-bye, panget! Kailangan kong mag-toothbrush nang matagal na matagal! Puro germs pa naman `yong lips mo. Huwag na huwag mong babanggitin sa iba ang nangyari, ah! Patay ka talaga sa akin!” Dinuro-duro pa niya ako.

Tumango naman ako nang tumango. “Yes, Ma’am! Yes, Ma’am!”

Bumaba si Valerie ng taxi at dumeretso sa loob ng bahay nila. Nagpahatid na rin ako sa taxi hanggang sa apartment ko.

Habang nasa biyahe, hindi ko matanggal sa isip ko ang nangyari. Bakit parang naiwan sa labi ko ang lambot ng mga labi ni Valerie? Bakit parang puro siya ang naiisip ko ngayon?

Biglang tumunog ang phone ko. Nagpadala pala ng message si Valerie.

Valerie: Hoy! Uhmm.. Let’s forget about this night. Ingat ka. Good night!

Hindi ko alam kung paano ako magre-reply kaya minabuti kong hindi na lang sumagot sa message niya.

Pag-exit ko sa messaging app ng phone, tumambad sa akin ang wallpaper ko, picture ni Jana.

Naloko na!

Yari ako nito!

Paano ko ngayon ipapaliwanag kay Jana ang nangyari?

I believed I had just cheated on her! Yari talaga!

Pag-uwi ko, nag-message agad ako kay Jana. Kailangan kong magpaliwanag. Sana lang, huwag siyang magalit. Hindi ko naman sinasadya, eh. 

Patay talaga ako!

Tinatawag ko po lahat ng mga santo. Save me! Heto na ita-type ko na... then, send.
Me: My love, gising ka pa ba? Uhmm, kasi… tawag ka sana may gusto lang ako sabihin. Tingin ko kasi, may kasalanan ako sa `yo. Sana pag-usapan natin. I miss you.

Naghintay ako pero hindi nagawang mag-reply ni Jana. Minabuti kong matulog na lang at magpahinga.

Paggising ko kinabukasan, agad akong nag-check ng phone kung may message si Jana. Pero bigo ako, wala pa rin hanggang ngayon. Nakakapagtaka, kahit seen wala.

Nagpahinga lang ako nang araw na iyon. Ipinasyal ko si Pogi saglit. Nanood din ako ng movie. Walang reply si Jana buong maghapon at hindi rin ako ginagambala ng dragon.

Speaking of dragon. Naalala ko na naman iyong kagabi. `Kainis! Bakit ba nangyari iyon? Hindi tuloy mawala sa isip ko. Paano ko ba iyon ipapaliwanag kay Jana? Bahala na!

Nagsawa akong manood ng movie. At pagsapit ng hapon, minabuti kong lumabas muna. Sa hindi malamang dahilan, nagkusa ang mga paa ko na pumunta sa bar kung saan kumakanta si Valerie.

Pagdating ko roon, hindi ang banda ni Valerie ang kumakanta. Inilibot ko ang aking tingin sa paligid. Nakita ko sina Karlo at Rex sa isang table. Parang may pinagtatalunan yata. 

Nilapitan ko sila para kumustahin. “Hey, bros! What’s up?”

Si Rex ang unang pumansin sa akin. “Uy! Ikaw pala, Kier. What’s up, men?” At nakipag-apir siya sa akin.

Sumunod din si Karlo, “Insan, ikaw pala. `Musta, `musta?”

“Mamaya pa kayo tutugtog?” tanong ko kina Rex at Karlo.

“Cancel, pare. Hindi raw okay si Valeng, eh. Lasing daw siya kagabi. Pahinga raw muna siya,” sagot ni Rex.

“Ah, kaya pala. Manonood pa naman sana ako. Ano’ng pinagtatalunan n’yo kanina?” tanong ko uli. 

“Bad trip kasi itong si Rex, insan!” sabi ni Karlo at dinuro si Rex.

“Eh, Sira-ulo ka pala, eh!” giit ni Rex at akma nang susuntukin si Karlo.

Agad akong gumitna sa kanila dahil baka bigla silang magsuntukan. “Woah, woah! Guys, chill lang. Ano ba’ng problema? Upo muna tayo.” 

Sumunod naman sila at naupo kami sa monobloc chair.

“Ano ba’ng nangyayari? Ilang buwan ko lang kayong hindi nakita, `tapos ngayon nagkakagulo na kayo?” tanong ko.

“Wala namang gulo dapat, insan, kung hindi lang nakikialam `to,” sabi  ni Karlo at muling dinuro si Rex.

Gumanti rin naman ng duro si Rex. “Ogag ka pala, eh! `Wag mo akong dinuduro, ah.”

Naguguluhan na ako sa dalawang ito. Ano ba talaga ang pinag-aawayan nila?
“Teka, teka. Ano ba kasi talaga ang nangyayari dito?”

“Kasi ganito `yon, insan,” baling ni Karlo sa akin. “Isang araw, napagtripan namin na makipag-date kay Cheska. `Tapos ako `yong nauna. Noong una, laro-laro lang talaga. Gusto lang naming matawa ni Rex. Pero hindi ko akalain ang nangyari, insan. Sa kabila pala ng malalaki niyang braso at malamandirigmang pangangatawan, mayroon palang isang anghel sa lupa na nagtatago sa kanyang pang-UFC fighter na wankata! Sinabi ko kay Rex na may gusto na ako kay Cheska. Noong una, tawa lang siya nang tawa. Pero noong turn na niyang makipag-date kay Cheska, Aba! Na-in love din siya, insan. Putek lang, `di ba?!” dagdag pa niya. “Walang talo-talo, bro!” sabi ni Karlo mayamaya.

“May the best rockstar win na lang, boy!” bawi naman ni Rex.

What the F did I just hear from these two bozos?

Napakunot-noo ako at seryoso ko silang tiningnan. “Seryoso ba kayo diyan? Last time na nagkita-kita tayo, halos takot na takot kayo kay Cheska. Ngayon in love na kayo? Hindi ba kayo nagayuma?”

Gusto kong matawa pero sa hitsura ng dalawang ito na hindi tumatawa mukhang seryoso nga sila.

“Oo nga pala, Rex... Paano kayo ni Colleen kung may gusto ka na rin kay Cheska?” tanong ko kay Rex.

Biglang nalungkot ang mukha ni Rex. “Break na kami ni Colleen, pare. Two months ago na.”

“Kitams, insan! Gagawin lang niyang panakip-butas si Cheska!” singit ni Karlo.

“Hindi totoo `yan! Ikaw nga, ang habol mo lang kay Cheska ay `yong malabulubunduking Sierra Madre niyang hinaharap, eh! Ako, gusto ko talaga si Cheska,” giit ni Rex.

Natatawa ako sa pinag-aawayan ng dalawang ito. Sino ang mag-aakala na magkakagusto kay Cheska ang dalawang kaibigan ko pagkatapos lang ng isang date?

“Guys, c’mon! Napakasimpleng bagay lang itong pinag-aawayan n’yo. Huwag n’yong paglalaruan ang damdamin ni Cheska. Kahit mixed martial arts fighter `yon, babae pa rin `yon. Kung hindi naman kayo sigurado na mamahalin n’yo siya, eh, mabuti pang `wag n’yo na lang ituloy. Tigilan n’yo na `yang pantitrip n’yo,” sabi ko. “Masisira lang `yong banda sa ginagawa n’yo eh,” dagdag ko pa.

Nanahimik lang silang dalawa. Parang nag-sink in naman ang payo ko.
Ilang saglit pa ay nag-aya si Karlo. “Mabuti pa uminom na lang tayo.”

“Sige, pero pass muna ako diyan. Uminom din ako kagabi, eh. Makikipagkuwentuhan na lang ako sa inyo,” sabi ko.

Nag-order si Rex ng isang bucket ng beer at nagsimula silang mag-inuman ni Karlo.

“Rex, ano’ng nangyari sa inyo ni Colleen?” tanong ko.

“Ewan ko, pare. Tingin ko, nainip na siya,” malungkot na sagot ni Rex.

“Paanong nainip, pare? Sayang naman `yong six years relationship n’yo.”

“`Ayun na nga pare, eh. Six years pero hindi siya nanghinayang. Samantalang ako, naliligo na ng pampamanhid para lang makalimot.” Mabilis na namula ang mga mata ni Rex. Doon pa lang, kita mo na ang sakit na nararamdaman niya.

“Mali rin kasi ako, pare. Sa loob ng six years, wala akong naipakita sa kanya. Hindi ko naipakita na magkakaroon kami ng magandang future kasama ang isa’t isa. Sana mas pinaghandaan ko ang magkaroon ng sariling bahay at ang pakasalan siya,” dagdag pa ni Rex matapos tumungga ng beer sa bote.

Sa puntong ito, sobrang naawa ako kay Rex. Ang sakit kaya niyong pinaghirapan mo, binigyan mo ng buong oras at buhay mo, pero sa bandang huli pala, iiwan din ninyo ang isa’t isa.

Sana lang hindi ako iwan ni Jana. Hindi ko kakayanin. Sana mapag-usapan namin nang maayos iyong nagawa kong kasalanan.

“Kaya kung ako sa `yo, Kier, lagyan mo ng ceiling ang relasyon n’yo ni Jana. Dapat bigyan mo ng goal ang sarili mo. Kunwari, after two years dapat kasal na kayo. Huwag mong paghihintayin nang matagal. Kung matagal man, ipakita mo na ginagawa mo `yong makakaya mo para balang-araw, ikasal kayo. Huwag mo akong tularan, happy-go-lucky lang ako. Inisip ko lang na mahal na mahal niya ako kaya ginagawa ko lang ang gusto ko. Hindi ko naisip na puwede siyang mawala.”

Natigilan ako sa sinabi ni Rex. Tama siya. Hindi ko dapat paghintayin nang matagal si Jana. Sana talaga nakapasa ako sa Bar exam, kung hindi nakakahiya kay Jana. Alay ko pa naman sa kanya ang lahat ng ginagawa ko.

“Pasensiya ka na, pare, kung nakipag-away pa ako sa `yo. Hindi ko alam na ganyan pala kabigat ang pinagdadaanan mo,” sabi ni Karlo, saka binigyan ng bro hug si Rex.

“Okay naman ako, pare. Naiintindihan ko naman si Colleen. Mas iniisip ko ang kapakanan niya kaysa sarili ko. Kung magiging maayos at masaya siya sa piling ng iba, hahayaan ko na lang siya,” sagot ni Rex. 

Sa puntong ito, ina-absorb ko lang ang lahat ng payo ni Rex.

“Huwag kang mag-alala, pare. Nandito lang kami kung kailangan mo ng diversion pang-move on,” sabi ko kay Rex bilang suporta.

“Oo nga, sa `yo na nga lang si Cheska,” nakangiting sabi ni Karlo, sabay tapik sa balikat ni Rex.

“Hey guys! Sinasabi ko sa inyo, tigilan n’yo si Cheska. Kapag `yon napikon sa inyo, malamang bali `yang mga buto n’yo,” babala ko sa dalawa.

“Nabawasan tuloy ang babatiin ko ng happy monthsary!” biro ni Karlo at nagtawanan kami.

“Maiba tayo. Kumusta ang exams mo, pare?” tanong ni Rex sa akin.

“Ayos naman, pare. Mukhang makakapasa naman ako. Grabe `yong mga tanong. May point nga do’n na sabi ko sana naging gitarista na lang ako forever,” sagot ko at muli kaming nagtawanan.

Kumain ako ng pulutan nilang pork sisig. Habang sila naman ay uminom ng beer sa bote.

“Sayang wala si Valeng pati si Cheska,” sabi ni Rex matapos uminom.

“Oo nga, eh. Sino kaya ang nakainuman ni Valeng kagabi at lasing na lasing siya?” tanong ni Karlo.

Bigla akong parang nabilaukan sa tanong ni Karlo. Mabuti na lang, hindi ko ipinahalata. Sasabihin ko ba na ako ang kasama ni Valerie kagabi at… nag-kiss kami? Huwag na lang siguro, malakas mang-asar ang dalawang ito, eh. Yari din ako sa dragon kapag may ibang nakaalam.

Uminom ako ng tubig para itulak ang sisig sa lalamunan kong parang bumara. Pagbaba ko ng baso, ako ang sumagot para hindi na sila mag-isip. “Baka nag-inom mag-isa.”

Ang hirap kapag guilty ka sa isang bagay.

Nagtagal ako sa bar kasama sina Karlo at Rex. Masaya kaming nagkuwentuhan ng tungkol sa mga bagay-bagay.

Matapos ang mahabang gabi, umuwi na ako sa apartment. Pag-uwi ko, napansin kong matamlay si Pogi.

“Hey, buddy. What’s wrong? Are you hungry?” Nilagyan ng pagkain ang kainan ni Pogi at dumeretso na ako sa kuwarto para matulog.





KINABUKASAN, maaga pa lang ay may kumakatok na sa pinto ng apartment kaya agad akong nagising kahit inaantok pa.

Malamang ang dragon iyon. Wala sigurong almusal kaya magpapalibre na naman.

Pagbukas ko ng pinto, laking gulat ko sa aking nakita.

“Tita Jizelle? Ano pong ginagawa n’yo dito? Bakit po kayo nandito sa Pilipinas?”

Hindi siya sumagot at parang balisa ang kanyang hitsura.

“P-pasok po kayo.” Pinapasok ko si Tita Jizelle sa loob.

“Kier...” mahinang sabi ni Tita Jizelle, saka iniabot sa akin ang isang kahon at isang… sulat.

Ano kaya ito?
NEXT CHAPTER
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly