DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 23: Those Who Were Forgotten

☆

5/11/2025

0 Comments

 

UNTIL I'm OVER YOU

​Kier



AKALA ko tapos na ang lahat ng awkward na sitwasyong masasaksihan ko ngayong araw pero may mas matindi pa pala. Si Aling Evang at si Kuya Gilbert nagde-date? What the horse biscuit!

“Ano’ng ginagawa mo dito, Papa… at sino `yang kasama mo?!” Sa tono pa lang ng boses nitong si Valerie, mukhang wala siyang kaalam-alam sa love life ng papa niya.

Gulat na gulat din naman si Kuya Gilbert na hindi pa mabuo nang maayos ang sasabihin. “Valeng anak! Bakit ka nandito? H-hayaan mong magpaliwanag si Papa.”

“Hindi pa naman tayo sigurado na nag-asawa na talaga si Mama ng iba, ah? Bakit po kayo nakikipag-date?!” 

Sa lakas ng boses ni Valerie, napapalingon na sa amin ang mga taong dumaraan at nakatambay rin sa paligid.

“Anak, huminahon ka. Doon tayo sa banda ro’n mag-usap,” sagot ni Kuya Gilbert. Lumayo sila ni Valerie sa amin ni Aling Evang. Mukhang mag-aaway ang mag-ama.

Pabiro ko namang tinakot si Aling Evang. “Hala ka, Aling Evang, akala mo madidiligan ka ngayon, ah.”

Bahagyang natawa si Aling Evang, “Oo nga, eh. Sayang, driver pa naman siya. For sure, sweet lover.”

Desperada na talaga `tong matandang `to. “Teka, Aling Evang, paano kayo nagkakilala ni Kuya Gilbert?”

“Eh, di ba nga madalas ka niyang sinusundo. Tuwing susunduin ka ni Gilbert, napapadaan `yan sa flower shop,” pagkuwento ni Aling Evang habang nakatingin kay Kuya Gilbert na mukhang paulit-ulit na nagpapaliwanag kay Valeng sa di-kalayuan.

Jusko, ako pa pala ang may kasalanan. “O, `tapos?” 

“Maganda ang lola mo. Kaya tuwing dadaan si Gilbert sa flower shop, humihinto siya saglit at binubuksan niya ang bintana niya,” dagdag pa ni Aling Evang, nakangiti pa with beautiful eyes. “Nagpapa-cute naman ako, `tapos kinikindatan niya ako lagi.”

Napakunot-noo ako sa kuwento niya. Parang ang bilis kasi. “So kindat lang bumigay ka na?”

“Puwedeng hindi pa tapos `yong kuwento, `di ba. Atat tayo, Kier? Atat tayo?”

Tumawa ako sa sinabi ni Aling Evang. Minsan kasi sarcastic na patawa siya katulad ngayon. “Sige na, continue.”

“`Tapos no’ng panlimang balik na niya sa flower shop ko, naglakas-loob na siyang bumaba ng taxi niya at lumapit sa akin.”

Ano ba `tong matandang `to pabitin ang kuwento. “`Tapos ano’ng sabi niya sa `yo?”

“`Ayun na nga! Ang angas pa nga n’ong paglapit niya sa akin kasi nakataas `yong kuwelyo niya at nakabukas ang polo niyang blue kaya nakita ko ang puti niyang sando. Slow motion pa nga `yong paglapit niya, eh,” malanding pagkukuwento ni Aling Evang. “`Tapos nang makalapit siya, sabi ko with mahinhin na voice, ‘Hello! Gusto me ba ng buleklek?’”

Jusko po! Na-i-imagine ko ang kuwento ni Aling Evang na parang isang lumang pelikula noong panahon ni FPJ.

Parang bumabaliktad pa yata iyong sikmura ko sa kuwento ng matandang ito. “`Tapos ano’ng sabi niya?”

“Sabi niya… ‘Magandang umaga, binibini. Ang ganda ng mga bulaklak mo, pero may isang bulaklak dito na angat ang ganda.’ Sinabi niya `yon habang nakatingin sa akin. Siyempre kilig to the bones ang lola mo. `Tapos `ayun, inaya niya akong lumabas. Kaya nandito na kami. Sabi niya, hiwalay na raw sila ng dati niyang asawa, eh.”

Grabe, desperada talaga itong si Aling Evang, ang bilis bumigay.

“Ang easy to get mo naman, Aling Evang.” Tumawa ako nang malakas pero agad kong tinakpan dahil baka marinig ako ni Valeng at iba pa ang isipin niya.

“Eh, alam mo namang malapit nang mabulok ang bulaklak kaya dapat nang diligan,” biro niya.  Nagtawanan kami.

Tumingin ako kina Valerie at Kuya Gilbert. Mukhang hindi pa rin magkasundo ang mag-ama base sa mukha ni Valerie na parang magbubuga na ng apoy.

“Siya pala si Valeng? Siya pala ang magiging stepdaughter ko kung sakali,” sabi ni Aling Evang.

Nagulat ako. “Aba naman! Sure na sure ka na, Aling Evang, ah?” sagot ko, saka natawa. “Baka assuming ka lang.”

“Malay natin. Ang ganda ni Valeng. Siguro girlfriend mo `yan ngayon kung hindi naging kayo ni Jana.”

Nagulat uli ako sa sinabi ni Aling Evang. Hindi ko alam pero parang hindi ko alam kung ano ang isasagot ko? 

“Huh? Aling Evang? Hindi, ah! Hindi kami bagay. Ano? Huh? Ano uli?” Nataranta ako sa hindi malamang dahilan. 

Tumawa naman si Aling Evang. “Naku, Kier, baka may something na kayo, ah. Lagot ka kay Jana.”

“Wala! Aling Evang talaga. Gumagawa ka pa ng issue. Mayayari ako niyan, eh,” giit ko.

Pagkatapos mag-usap nina Valerie at Kuya Gilbert, padabog na nagmamadaling lumapit sa akin si Valerie. “Hoy, Kier!”

“Yes, Ma’am?” sagot ko at napalunok sa takot.

“Alis na tayo dito!” Hinila niya ako sa kamay palayo kina Aling Evang.

“Sige po, Aling Evang at Kuya Gilbert, mauna na po kami,” paalam ko sa kanila.

“Sir Kier, ikaw muna bahala kay Valeng, ah,” bilin ni Kuya Gilbert. 

Narinig ko pa kahit medyo nakakalayo na kami ng dragon. Pero hindi ko na nagawang sumagot dahil nagmamadali si Valerie. Hindi rin naman ako nanlaban. Nang makalayo na, huminto kami saglit.

“Teka lang, Valeng. Saan ba tayo pupunta?” Aasarin ko sana siya pero pagtingin ko, umiiyak na pala siya. “Valeng? Bakit?” Nawala ang ngiti sa mukha ko at naramdaman ko ang lungkot niya. “Come here.” Niyakap ko siya. Hinaplos ko rin ang likod niya para gumaan ang  kanyang pakiramdam.

“Nakakainis, Kier! Nakakainis!” sabi ni Valerie habang umiiyak.

Hindi talaga niya matanggap kung ano man ang napag-usapan nila ng papa niya. Pero nakakalungkot talaga ang makita siyang umiiyak. “Tahan na, Valeng. Pag-usapan natin `yan nang maayos. Gusto mo ng ice cream?”

Bumitaw siya sa akin at pinalo ako sa braso. “Kasi naman, eh! Ayoko ng ice cream!”

“Eh, ano’ng gusto mo?” nakangiting tanong ko.

Pinunasan niya ang luha niya, saka sumagot. “Samahan mo ako. Iinom ako.”

“Huh? Valeng, umiinom ka ba? Magagalit ang papa mo sa `yo. Mali `yan. Ang mabuti pa, ihahatid na lang kita sa inyo,” pangaral at alok ko.

Tiningnan niya ako nang masama at imbes na makinig sa akin, “Bakit `di mo na lang ihatid ang sarili mo? Diyan ka na nga! Iinom akong mag-isa!” Tumalikod na siya at nagmamadaling lumayo.

“Wait, Valeng! Don’t do this,” pigil ko pero hindi siya nakinig.

Wala akong nagawa kundi samahan si Valerie. Sinubukan ko siyang kumbinsihin na huwag na lang uminom. Niyaya ko siyang maglaro sa arcade, kumain ng Korean food, hunting-in si Shane, at kung ano-ano pa. Pero hindi talaga siya nagpapigil.

Hinawakan ko siya sa braso nang malapit na kami sa bar. “Valerie, please. Hindi pag-inom ang sagot sa sakit na nararamdaman mo.”

“Bitawan mo nga ako! Isa pang hawak, babanatan na kita.” Inambahan niya ako ng suntok habang nakatingin sa akin nang masama. 

Agad naman akong bumitaw at itinaas ang mga kamay ko. “Sorry na. Sige na, hindi na.”

Seryoso si Valerie. Mukhang gusto talaga niyang uminom ng alak. Kaya sasamahan ko na lang siya. Baka mapaano pa siya pag-uwi.

Pumasok kami sa Padis Point Bar at pumuwesto sa isang table doon. Nilapitan kami agad ng waiter at tinanong kung ano ang order namin.

“Flavored vodka, please. One bottle,” sabi ni Valerie sa waiter. “I want the best-seller, saka `yong malakas ang tama.”

Uh, oh! This girl really wanted to get drunk. Naloko na. “Valeng, masyadong malakas `yon, ah?” But not on my watch. “Kuya, please, `wag vodka. Beer na lang ang ibigay mo sa kanya.”

“`Wag kang makikinig sa kanya, Kuya. Ako ang magbabayad. Flavored vodka, please,” sabi ni Valerie.

Ang tigas ng ulo ng dragon na ito. No choice talaga ako.

“Sige po, Ma’am. Sa inyo po, Sir, ano po?” tanong ng waiter.

“Orange juice na lang po,” sagot ko. Dahil magpapakalasing ang babaeng ito, dapat ako ay hindi.

Pag-alis ng waiter, tahimik lang si Valerie, seryoso lang ang mukha niya.

Minabuti kong huwag muna siyang kausapin at tumingin na lang ako sa phone ko. As usual, wala pa ring message si Jana. Presidente na yata ng Saudi ang girlfriend ko, eh. `Kainis lang!

Mayamaya pa, dumating ang waiter at ibinigay ang order naming flavored vodka at orange juice na may kasamang dalawang baso. Agad namang nilagyan ni Valerie ng vodka ang baso niya at ininom iyon. Mga limang beses niyang ginawa iyon bago siya tumigil. Parang sanay na sanay siya sa pag-inom. Kung ako iyan, naduwal na ako dahil ang hapdi ng vodka sa lalamunan.

“Valeng, huwag kang masyadong uminom, ah? Dahan-dahan lang,” paalala ko.

Hindi niya ako pinansin. Tulala lang siya. Mukhang malalim ang iniisip. Mayamaya pa, uminom na uli siya.

Minabuti kong kausapin na si Valerie dahil mukhang sasabog na siya. “Valeng? Ano ba’ng problema? Puwede mong sabihin `yan sa akin. Mas mahirap `yan `pag hindi nilalabas.”

Inubos niya ang vodka sa baso at ibinagsak ang baso sa mesa. Tumingin siya sa akin na parang gusto na akong suntukin, pero sa halip, naglabas siya ng sama ng loob. “Nakakainis lang kasi, Kier! Hindi pa naman sigurado na may iba na talaga si Mama `tapos makikipag-date na siya agad.” 

“Eh, ano ba’ng sabi ni Kuya Gilbert?” tanong ko.

“Sabi niya, tanggapin ko na lang daw na iniwan na kami ni Mama. Na dapat lahat ay tanggapin ko na lang. Hindi naman gano’n kadali `yon, eh. Isa pa, hindi naman mismo nanggaling kay Mama `yong balita na may asawa na siyang iba,” sagot ni Valerie. 

Mukhang naluluha na siya. Napansin ko rin na parang lasing na yata si Valerie dahil mapula na ang mukha niya. Pati pananalita niya, sobrang carefree na, akala mo may kaaway sa kanto.

“Isa pa `tong Shane na `to. Kung kalimutan ako, parang wala kaming pinagsamahan. Ano `yon na-brainwash siya? Amnesia? Give me a break!”

“Huminahon ka lang, Valeng. Lasing ka na. Tama na `yan.” Sinubukan kong kunin ang bote ng vodka sa kanya.

Pero agad niyang inilayo sa akin ang bote. “Ano ba?! Huwag ka ngang epal! Wala ka kasing problema kaya hindi mo alam kung ano ang pakiramdam ng makalimutan. Kinalimutan ako ng mama ko at kinalimutan ako ng lalaking mahal ko. Hindi mo alam `yon, Kier! Kaya huwag kang makialam!”

Bigla kong naalala ang problema ko kay Jana. Parang sumikip ang dibdib ko at parang ang lahat ng hinanakit ni Valerie ay naramdaman ko rin. 

Kinuha ko baso ko. “May problema rin ako kaya hindi ka nag-iisa. Akin na `yang vodka at maglalagay ako sa baso ko.”

Ibinigay sa akin ni Valerie ang bote at nagsimula na rin akong uminom. Gumuhit sa lalamunan ko ang vodka pero hindi ko iyon alintana dahil sa dinaramdam kong problema namin ni Jana na parang wala na yatang solusyon. 

“Alam mo hindi lang ikaw ang nakalimutan. Si Jana kasi parang hindi na ako naniniwala sa rason niya. Alam mo bang halos hindi na siya nagtsa-chat sa akin? Kapag nagtsa-chat siya, sobrang saglit lang. Parang hindi man lang niya ako mabigyan ng oras. Ewan ko ba pero parang mas busy pa siya sa Presidente or sa isang scientist. Kahit mag-good morning or mag-good night sa akin, wala na. Ako naman, mahal ko siya, kaya iniintindi ko na lang.”

Tumungin ako sa baso ng vodka at natulala.  “Sad truth is... kapag mahal mo, kahit masakit magpapakatanga ka.” 

“Sorry, Kier. Hindi ko alam na may itinatago ka palang ganyang problema.” 
At least ngayon, mas mahinahon na ang pananalita ni Valerie nang maglabas din ako ng hinaing ko sa buhay. 

Tiningnan ko siya at bahagyang nginitian. “Hayaan mo na. Gano’n talaga, eh. Siguro after two weeks pupuntahan ko siya sa Saudi para maintindihan ko ang trabaho niya. Saka baka makauwi rin daw sila dito this month.” 

Inilapit ni Valerie ang hawak niyang baso sa baso ko at ipinagpingki namin ang mga iyon nang mahina. Cheers kung baga. Cheers para sa dalawang may problema sa buhay at sa pag-ibig. Sabay kaming uminom ng vodka. Uminom lang ako nang kaunti at inubos naman niya ang kanya.

“Tungkol sa papa mo, Valeng. Hindi sa nakikialam ako. Siguro hayaan mo muna si Kuya Gilbert. Malungkot siya sa pag-alis ng mama mo noon pero nakita mo ba kanina kung gaano siya kasaya kasama si Aling Evang? I think that’s something you haven’t seen for a long time. Huwag kang mag-alala mabait si Aling Evang. Kalog `yon kaya mapapatawa niya lagi ang papa mo.”

Hindi sumagot si Valerie at tumitig lang sa basong hawak. Ilang saglit pa, bumuntong-hininga siya at hinawi ang kanyang bangs. “Siguro nga tama ka, Kier.”

Mayamaya, muli siyang nagsalin ng vodka sa kanyang baso at ininom iyon. Pagkatapos, tumingin siya sa akin pero mapungay na ang kanyang mga mata. “Nagiging dalawa ka, Kier. Ayos `yan! Tara bugbugin natin si Shane!”

“Lasing ka na, Valeng. Ang mabuti pa, umalis na tayo dito. Magbi-bill out lang ako.” Kinuha ko ang baso niya at ang bote ng vodka. Inilagay ko ang mga iyon sa bakanteng table sa tabi namin para ilayo sa kanya. 

Iniurong ni Valerie ang upuan niya hanggang sa makatabi niya ako. Pagkatapos, isinandal niya ang ulo niya sa balikat ko. Pagtingin ko sa mukha niya, nakapikit na siya. Mukhang nakatulog na sa sobrang kalasingan.

Tinawag ko ang waiter at binayaran na ang in-order namin. Pagkatapos, sinubukan kong gisingin si Valerie. “Valeng, gising na, aalis na tayo.”

Tinapik-tapik ko ang mukha niya para magising siya pero umuungol lang siya at parang sinasabing ayaw pa niyang umalis. 

Paano kami uuwi nito? No choice. Kailangan ko siyang buhatin. Tumayo ako at itinayo ko rin siya sa kinauupuan namin. Iniakbay ko ang braso niya sa balikat at leeg ko at hinawakan ko siya sa baywang para alalayan. Nakisama naman siya at nakuha pang maglakad kahit nakapikit.

Nang makalabas kami ng bar, muntik pang matumba si Valerie. Mabuti na lang, nakaalalay ako sa kanya. Huminto kami sa paglalakad at iniupo ko muna siya sa isang bench.

“Valeng? Kaya mo pa bang maglakad? Malayo pa ang waiting area ng taxi.” 
Hindi sumagot si Valerie at nanatili lang na nakapikit. Mabuti na lang, hindi marami ang nainom ko. Kung hindi, dalawa kaming matutulog sa daan.

“No choice, Valeng, bubuhatin kita, ah!” paalam ko. Ipinasan ko sa likod ko si Valerie at nilakad ang halos isandaang kilometro papunta sa taxi bay.

“Ang bigat mo naman, dragon! Huwag kang susuka, ah,” sabi ko pero mukhang tulog na tulog lang siya dahil halos lahat ng bigat niya ay pasan-pasan ko.

Pagdating namin sa taxi bay, suwerte dahil walang pila at nakasakay kami agad.

“Valeng, saan ka nga pala nakatira?” tanong ko kay  Valerie na sinusubukan kong gisingin. Wala talaga. Tulog na talaga siya at nakanganga pa.

Kinuha ko ang wallet niya sa kanyang bag at nag-check ng ID. Tiningnan ko ang address niya at mukhang alam ko kung saan ang lugar na iyon. Agad kong sinabi kay Manong Driver kung saan at pinaandar na niya ang taxi.

Habang tulog si Valerie na nakanganga, kinunan ko siya ng litrato. Natatawa-tawa pa ako habang ginagawa iyon. Ang sarap lagyan ng meme iyong mukha niya na nakanganga. Pangontra sa dragon!

Habang nasa biyahe, biglang nagising si Valerie. “Kier...” Nakangiti siya at bahagyang nakabukas ang mga mata.

“O, Valeng, bakit? Papunta tayo sa inyo, ihahatid kita. Lasing na lasing ka kaya matulog ka muna,” sabi ko.

Muli siyang pumikit. This time, isiniksik niya ang sarili niya sa tabi ko at isinandal ang ulo sa balikat ko. Humawak din siya sa braso ko. Hinayaan ko na lang siya dahil sa sobrang kalasingan niya. For sure, hindi naman niya maaalala ito kinabukasan. Tumingin na lang ako sa mga ilaw sa daan at sa mga kasabay naming mga sasakyan.

Ilang saglit pa, iniangat ni Valerie ang ulo niya mula sa pagkakasandal sa balikat ko. Pagtingin ko sa kanya, nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang kaliwang pisngi ko. 


“Shane...”

Dahan-dahang nilapit ni Valerie ang mukha niya habang nakahawak sa pisngi ko. Nanlaki naman ang mga mata ko at parang hindi nakagalaw sa bilis ng pangyayari. Pumikit siya at bigla niyang…

Bigla niyang…

Bigla niya akong hinalikan.
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly