DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 22: A Series of Awkwardness

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

ALAM mo iyong tipong ganadong-ganado ka? Iyan lang naman ang epekto kapag ang mga taong mahal mo ay kuntodo suporta sa iyo. 

Ang Bar exam ay tumakbo nang isang buwan, four consecutive Sundays. From Monday to Saturday, aral lang ako. Natapos ang mga araw ng Bar exam at talagang sobrang hirap ng mga tanong. Parang pang Who Wants To Be A Billionaire. Pero dahil matagal ko na itong napaghandaan, tingin ko ay pasado naman.

Sana nga makapasa. Gusto ko nang makita si Jana.

Last day ng Bar exam. Pagod na pagod ako pagkatapos. Feeling ko, pigang-piga ang utak ko. Parang catsup na wala na yatang laman, pagkatapos kailangan mong lagyan ng tubig para masimot mo iyong loob.

`Buti na lang talaga, hindi ganito ang mga tanong:

Ano ang tamang pagsulat ng “Ikaw Lang Sapat Na” sa Jejemon world?
a.      1khAw lNg S4pat NhuA
b.      IkH4w LnG S4ph4t N4
c.       Iq4W  l4nG S4p4t Nh4
d.      qAw LaNg Saph4t N4A

`Di ba? Matindi pa sa Periodic Table Of Elements!

Paglabas ko ng school, hindi ko inaasahan na inaabangan pala ako ni Valerie. Nakita niya agad ako kaya kinawayan niya ako. 

Nilapitan ko siya. “Valeng? Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Obvious naman, `di ba? Eh, di hinihintay ka,” mataray niyang sagot pero nakangiti naman.

Napahawak naman ako sa batok ko. “Teka. Wala naman akong utang sa `yo, `di ba? Saka after pa ng results `yong free Korean buffet mo sa akin.” 

“Wala. Wala lang akong magawa. Naisip ko lang, for sure, napiga ang utak mo.” Nakangiting tumango siya. “Tara, lagyan natin ng laman.” 

Sinapo ko ang ulo ko. Tama si Valerie, pakiramdam ko nga, drained na drained ako. “Well, napiga nga nang sobra `yong utak ko. Ano naman ang gagawin natin?”

“Kain tayo. Libre ko,” sabi niya na may halong yabang pa ang tono.

“Huh?” Hinawakan ko ang noo ni Valerie para tingnan kung may sakit siya.

 “May sakit ka ba? Manlilibre ka bigla, eh.”

Hinawi naman niya ang kamay ko. “Ano’ng akala mo sa akin, buraot? May pera kaya ako. Tara na, kain na tayo.”

Nagsimulang maglakad si Valerie at sumabay naman ako.

“Saan naman tayo kakain?” tanong ko.

Matalim siyang tumingin sa akin pero mayamaya ay bigla ring ngumiti. “Sa isawan or sa pishbolan. Akala mo, ililibre kita sa mahal, `no? Neknek mo!”

Napangiti naman ako. I thought this was the kind of company I needed today. 
“Game! Ano’ng akala mo sa akin, hindi kumakain ng street foods? Sanay yata ako diyan.”

Tiningnan ako ni Valerie nang may pagdududa at tinaasan pa ako ng kaliwang kilay. “Talaga lang, ha? Tingnan natin ang tibay mo, Your Honor.”

Nagpunta kami sa isang malapit na kalye na punong-puno ng mga food cart. May nagtitinda ng fishball, kwek-kwek, squidball, chicken ball, football, basketball, siomai, shawarma, kulambo, isaw, barbeque, at iba pa. Medyo marami ang tao doon. Makakarinig ka pa ng recording ng isang lalaking monotone ang boses at parang hindi gusto ang ginagawa na nagsasabing, “Pasok mga suki. Presyong-Divisoria. Sampu, sampu, bente, bente, at iba pa.” Nakabisado ko agad, paulit-uli, eh.

Namangha naman ako kahit papaano sa lugar dahil first time kong makapunta. “Meron pa lang ganito dito?”

“`Ayan, kasi! Hindi ka gumagala pagkatapos ng school. Masarap dito. Mura na, marumi pa!” 

Napatingin ako kay Valerie na deretso lang ang tingin sa akin at nakangiti. She said marumi rito, eh, bakit dito kami kakain? Naloko na.

Napansin niyang seryoso ako at mukhang nabasa niya ang iniisip ko—na sineryoso ko ang sinabi niyang marumi ang kakainan namin. Pabiro niya akong binunggo at bahagya siyang tumawa. “Joke lang! Ito naman. `Wag kang mag-alala, okay dito at malinis naman.”

Pinuntahan namin ang iba’t ibang mga food cart. Kumain kami ng fishball, isaw, paa ng manok, at siomai. Ngayon ay nasa cart kami na nagtitinda ng itlog pugo na binalutan ng orange na harina, o kung tawagin ay kwek-kwek. 

Nakakatuwang pagmasdan si Valerie. Ang simple lang niya at walang arte sa katawan.

“Valeng, may itatanong ako sa `yo,” sabi ko, pagkatapos lunukin ang isang pirasong kwek-kwek.

Sumagot naman si Valerie kahit ngumunguya pa. “Ano `yon?” 

“Alam mo `yong game na Angry Birds?” tanong ko.

“Oo naman.” Ngumuya muna siya bago sumagot. “Ano’ng meron?”

“Alam mo ba kung bakit walang kulay-orange na Angry Bird?”

Nag-isip si Valerie at napainom ng buko juice. “Wala ba? Parang meron, eh.”

“Wala nga. Trust me.” Kumuha ako ng panibagong stick para muling tumusok ng kwek-kwek.

“Hmm... O, sige. Bakit?” Uminom si Valerie ng buko juice.

Doon ko na binitawan ang joke. “Kasi raw baka magmukha silang kwek-kwek!”

Naibuga ni Valerie ang iniinom na buko juice at tumawa nang tumawa. `Buti na lang at hindi ako nabugahan. Wala talagang pakundangan minsan ang babaeng ito.

“Havey!” Napahawak si Valerie sa balikat ko kakatawa. Halos maiyak na nga siya. “Saan mo nakuha `yan?”

“Sa radyo ng papa mo kanina,”  sagot ko at nagtawanan kami. Bigla akong may naalala at agad kong kinuha ang phone ko sa bulsa. “Ay, takte! Nakalimutan kong mag-message kay Jana! Excuse lang, Valeng, ah.” 

“Sige lang,” sagot ni Valerie na medyo hindi pa rin nakaka-recover sa joke ko. Narinig ko pa siyang kinausap iyong nagtitinda ng kwek-kwek. “Manong, tutuhog pa ako orange na angry bird. ah.”

Agad akong nag-chat kay Jana kahit wala pa rin siyang chat sa akin.

Me: My love. Tapos na po `yong mga exam. Ang hirap ng mga tanong pero kinaya ko naman. Kasama ko nga pala si Valeng ngayon. Nandito kami sa isang street na maraming food cart ng mga street foods. Kumakain lang. Wish you were here. I miss you.

Naghintay ako saglit ng reply pero wala pa rin. Hindi pa rin siya nagbabago.

“Hoy, Kier. Siyanga pala,” sabi ni Valerie habang kumakain ng kwek-kwek.

“O, bakit? Dahan-dahan lang sa pagkain. Ang takaw mo talaga.” Bakit parang na-sense ko na mukhang may kailangan yata ang dragon na ito?

“May lakad ka ba mamaya?” tanong niya.

Sabi ko na. Heto na siya. Isasama na naman niya ako sa mga kalokohan niya kaya dapat sabihin ko, meron. “M-meron!”

“Meron daw. Hala, tigilan mo nga ako. Bahay at school lang alam mong puntahan, eh. Sama ka sa akin mamaya.” 

Nautal pa kasi ako, eh. Nahalata tuloy niya. I was terrible at lying.

“Huh? Saan naman?”

“May nakapagsabi na nasa Mall Of Asia daw si Shane mamaya. May ka-date daw.”

Sabi ko na, eh! Hindi manlilibre ito nang walang kailangan. Si Shane Moreno de Mestiso na naman pala. Itong dragon na ito, kailan kaya matututo? 

Naisip kong humawak sa tiyan ko at nagkunwaring masakit iyon para makatakas sa mga balak niya. “Argh! Aray! Ang sakit ng tiyan ko! Kailangan ko na yatang umuwi, Valeng.”

Agad niyang binitawan ang kinakaing kwek-kwek at hinawakan ako sa likod. Mukhang effective, nag-alala sa akin si Valerie.

“Hala, naku! Kier? Ano’ng nangyari? Saan ang masakit?”

Nakahawak pa rin ako sa tiyan ko at hininaan ko ang boses ko. “Dito sa bandang itaas ng tiyan ko.”

“Hala!” Napahawak si Valerie sa bibig niya at agad na tinawag ang mga tao sa paligid. “Manong! Kuya! Tulungan n’yo po kami!”

Lumapit ang ilan sa mga taong nandoon at nakiusisa sa amin. “Ano’ng nangyari, Miss?”

“Ito po kasing kaibigan kong si Kier...” Huminto si Valerie sa sasabihin, parang hinintay niyang tingnan namin siya nang may pananabik. 

Ilang saglit pa…

“Natatae na!” sigaw ni Valerie at tumawa siya nang tumawa. “Natatae na siya!!”

Nagtawanan naman ang mga tao sa paligid. Lumapit ang isa at nilatagan ako ng diyaryo. “O, heto, p’re. Diyan mo na lang ilabas.”

Ang isa pang lalaki ay inabutan naman ako ng takip ng Yakult. “Heto, o, pamunas.”

Nagtawanan silang lahat nang malakas kaya itinigil ko na ang acting ko. Grabe naman ang mga tao dito. Imbes na ituro kung nasaan ang CR sa taong natatae, pinagtripan pa ako.

Kaasar! Naisahan ako ng dragon.

“Ang pangit ng acting mo, Your Honor. Halatang-halata! Galingan mo sa susunod, ah.” Wala pa ring tigil si Valerie sa pagtawa.

“Kainis ka talagang dragon ka! `Lika na nga, alis na tayo. Nakakahiya sa mga tao dito,” sabi ko at hinawakan siya sa braso.

Tawa pa rin siya nang tawa habang may bitbit na buko juice. “Acting ka pa, ah.”

Pumunta kami sa malapit na train station. Pagdating namin doon, sobrang daming tao kaya tinamad na ako. “Valeng, ang daming tao, `wag na lang tayo tumuloy,” suggestion ko.

“Kaya natin `yan! Basta pagsasakay na tayo ng tren, ilabas mo `yong pagiging mandirigma mo. Ilalabas ko naman ang pagiging dragon ko,” sagot ni Valerie habang nag-iinat pa ng mga braso.

“Nice naman. So tanggap mo na ngang dragon ka?” nakangiti kong tanong.

Inirapan naman niya ako. “Eh, di wow!” 

Pinagmasdan ko ang paligid. Tagaktak ang pawis ng mga tao. Siksikan na rin kahit sa pagpila sa pagbili ng ticket. “Palagi bang ganito kagrabe ang mga tao rito?”

Natawa si Valerie. “Yes. Gano’n talaga. Hindi ka diyan dapat mamangha. Just wait and see.”

Matapos naming bumili ng ticket, nag-abang kami sa susunod na tren. Nasa unahan kami ng pila kaya makakasakay kami agad pagdating ng tren. Kaya lang ang dami na palang tao sa likuran namin. Mukhang tulakan pa yata sila. Patay!

Mayamaya pa, dumating na ang tren. Ang mga katabi namin sa pila ay parang naghahanda na sa pagsugod sa giyera. Nag-iinat-inat pa iyong isa. Si Valerie naman, seryosong-seryoso at nakaabang na rin. Parang naghahandang bumuga ng apoy.

Huminto na ang tren sa harap namin. Pagbukas ng pinto, parang mga Spartans at Persians ang nagsisuguran para makalabas at makapasok ng tren.

Na imagine ko tuloy…

“Spartans! Seize your glory!”

“Attack!”

Naipit kami ni Valerie sa gitna, kaya para hindi kami magkahiwalay, hinawakan ko ang kamay niya. Tuloy pa rin ang tulakan at hindi pagbibigayan ng mga pasahero. Grabe talaga. Para na kaming sardinas sa sobrang siksikan.

Naitulak kami ni Valerie hanggang sa gitna ng tren. Sa sobrang sikip, hindi ko namalayan na magkaharap na pala kaming dalawa. Magkadikit na ang mga katawan namin. Nagkahiyaan kami at hindi makatingin sa isa’t isa. Para hindi matumba or madala ng puwersa sa pag-andar ng tren, humawak ako sa hawakan sa itaas. `Buti na lang, abot ko iyon.

Kaya lang hindi makahawak si Valerie sa hawakan sa itaas dahil pati iyon ay occupied na rin ng mga kamay ng ibang mga pasahero. Nagulat ako nang bigla siyang humawak sa baywang ko. Nahiya ako dahil magkadikit na nga kami, sa akin pa siya nakahawak. Maging siya ay hindi rin makatingin sa akin at tahimik lang. Ganoon na rin ang ginawa ko, hindi ko na siya tiningnan at nanahimik lang din ako.

Lalo kaming nasiksik pagdating ng susunod na station dahil nadagdagan pa ang mga tao. Pinagpapawisan na ako. Hindi ko alam kung bakit pero parang kabado ako. This time kasi nakayakap na sa akin si Valerie at nasa dibdib ko na ang mukha niya.

“Kier? Uhm... S-sorry. Naiipit na kasi ako sa likuran,” mahinang sabi ni Valerie na hiyang-hiya na rin.

“Ah... Eh... Okay lang. M-masikip naman t-talaga,” nautal kong sabi. Napalunok pa ako. Nahihiya na rin kasi ako. Hindi ko alam pero parang pakiramdam ko, namumula ang mukha ko. 

Ang init ng katawan ni Valerie, siguro dahil sa siksikan na talaga.

“Okay ka lang ba diyan?” tanong ko, mayamaya.

Tumango lang si Valerie.  Kumakabog nang mabilis ang dibdib ko. Halos fifteen minutes kaming magkadikit at fifteen minutes din siyang nakayakap sa akin.

Pagdating sa sumunod na station, maraming nagbabaan. Pero may isang pasaherong lalaki na inasar kami bago lumabas. “`Sweet n’yo, pare. Ang suwerte mo.”

“Epal ka, Kuya,” pagtataray ni Valerie.

Nang medyo lumuwang na at nagkaroon na ng space, agad na tumalikod sa akin si Valerie.

“Uhm... Valeng…” Hihingi sana ako ng sorry nang bigla niyang putulin ang sasabihin ko.

“Malapit na tayo, Kier. Mag-ready ka na.”

Bumaba kami sa last station. Sumakay kami ng taxi papunta sa MOA. Habang nasa biyahe, hindi kami nag-iimikan ni Valerie. Nahihiya rin siguro siya. Sa passenger seat kami nakaupo. Sa magkabilang dulo pa na parang biglang ayaw naming makatabi ang isa’t isa.

Awkward but I had to break the ice. I cleared my throat and said, “Valeng, alam mo na ba kung saan exactly si Shane sa MOA?” Tumingin ako sa kanya. Napansin kong parang nagpipigil siyang tumawa o parang kinikilig, saka parang namumula ang mga pisngi niya.

“Ha? Ano `yon, Kier?” Mukhang may iniisip pala siya kanina at hindi nakikinig sa akin.

“Sabi ko, alam mo na ba kung nasaan si Shane sa MOA?” pag-ulit ko.

“Hindi pa. Makikita rin natin `yon. Pagkakaguluhan naman `yon ng mga tao, eh.”

Hindi na ako muling nagtanong pa at pinagmasdan ko na lang ang mga sasakyan, building, at mga halaman mula sa bintana ng sasakyan.

Pagdating sa Mall Of Asia, naglibot agad kami pero hindi namin makita ang mestiso na crush ng kaibigan ko.

Hanggang sa may mga nagtiliang mga babae sa hindi kalayuan.

“Kiyaah! Nawawala ang panty ko!”

“Na kay Shane Moreno! Nandoon siya sa may ice skating rink!”

“Punta na tayo, mga beshy, ibibigay ko rin sa kanya `yong sa `kin!”

“Ako `papabuntis na!”

Ang lalandi naman talaga ng mga `to.

Parang nagningning naman ang mga mata ng dragon nang tingnan ko siya.

“Kier! Tara na!” matinis na sabi ni Valerie. Hinila niya ako at tumakbo kami papunta sa ice skating rink.

Pagdating namin doon, grabe, ang dami ng tao. Halos hindi kami makasingit para makita si Shane. Pero dahil dragon ang kasama ko, walang pakundangan niyang isiniksik ang sarili at sumunod naman ako. Hanggang sa nakasingit kami sa unahan at nakita namin si Shane sa likod ng transparent wall ng ice skating rink. May kasama siyang babae. Masaya silang nag-i-skate. Masama naman ang tingin ni Valerie na para bang selos na selos.

“Natutunaw na `yong yelo umalis ka na diyan, Ate. Ako dapat ang nandiyan, eh,” sabi ni Valerie habang pinapanood si Shane.

Bigla namang sumabad sa kanya ang isa pang babae. “Excuse me. Bagay kaya sila. Huwag ka ngang ambisyosa diyan.”

Tinaasan ni Valerie ng kilay ang babae. 

At bago pa man magkaroon ng war of the dragons, gumitna agad ako sa kanila at sinubukan kong ibaling sa akin ang atensiyon ni Valerie. “Sino ba `yong kasama niya?” tanong ko.

“Si Mara, isa ring singer,” sagot ni Valerie.

“Mara? Mara ano? Mara Clara?” nakangiti kong tanong. Sinusubukang magpatawa.

“Mara. Just M-A-R-A. Walang last name. Parang Adele, Beyonce, Eminem. Ganern!” sagot niya.

Nagshu-shoot pala si Shane at iyong Mara ng music video. Kaya narinig namin na kumakanta sila.

“`Sus! Magaling ka pang diyan kumanta, Valeng,” sabi ko.

Napangiti naman siya. “Thanks, Kier. Sige na nga, alis na lang tayo dito. Punta na lang tayo sa seaside. Sana matunaw `yong yelo!” pahabol niya bago kami umalis.

Pumunta kami ng seaside at naglibot-libot lang.

“Tingnan mo si manong at si manang, o, kahit matanda na, nagde-date pa rin.” Itinuro ko iyong mag-partner na medyo may katandaan na. Magkatabi silang nakaupo sa seaside at pinagmamasdan ang dagat.

Matalim na tumingin si Valerie sa itinuro kong mag-partner. “Teka parang kilala ko `yong lalaki, eh.” At ilang saglit pa, nagmamadali siyang lumakad palapit doon. 

Parang pamilyar nga sila sa akin. Lumapit na rin ako.

Kinalabit ni Valerie ang lalaki at paglingon niyon, nagulat siya sa nakita…  “Papa?!”

Si Kuya Gilbert nga. Lumingon din sa amin ang babaeng kasama ni Kuya Gilbert… at ako naman ang nagulat.

“Aling Evang?!”
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly