DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 20: The Handkerchief

☆

5/11/2025

0 Comments

 

Until i'm over you

Valerie


SANDALING huminto ako sa pag-iyak nang lumapit sa akin ang isang babae. Iniabot niya sa akin ang isang puting panyo. “Heto, o.” 

Kahit hindi ko pa nakikita ang mukha niya, kinuha ko naman ang panyo dahil basang-basa na rin ang mukha ko dahil sa pag-iyak.

“Is it okay if I sit behind you?” tanong niya. May upuan din kasi sa likuran ng kinauupuan ko. 

Tumango na lang ako. Dahil okay lang naman talaga, saka ginamit ko na rin ang panyo niya. Nahihiya ako dahil hindi pa rin ako matigil sa pag-iyak. Tinakpan ko na lang ang mukha ko gamit ang panyo. 

Nilingon ko ang babae pero nakatalikod siya sa akin. Parang deretso lang ang tingin niya kaya hindi ko makita ang mukha. Nakaputing sleeveless dress siya, mahaba ang buhok na kulay-brown, at ang puti ng balat.

“I know this is a bit strange, but you can tell a stranger your problem. It’s like barking at a tree, and I’ll make sure you’re on the right tree. What happened to you, sis?” tanong niya. Boses pa lang niya na parang mahinahon at mahinhin, mapapasagot ka agad.

Parang magaan ang pakiramdam ko sa kanya. Parang ang bait-bait kasi niya. She offered me her handkerchief kahit hindi niya ako kilala. And now, she was sitting behind me offering to be a friendly ear.  

Kaya ikinuwento ko sa babae ang lahat ng nangyayari. Mula sa pagiging close namin ni Shane na parang mag-boyfriend na, hanggang sa biglaan niyang hindi pagpaparamdam, at ang mga tsismis sa bar.

Hindi kaagad siya nakasagot pagkatapos kong magkuwento. Pero ilang saglit pa… “Mukhang mahirap nga `yan, sis. Pero hindi ka dapat agad naniniwala sa sinasabi ng iba, unless you have proof.” 

Sa puntong iyon, lumingon na ako sa kanya pero hindi siya humaharap sa akin.

“Better wait for him to tell you the real reason. Then it’s up to you kung tatanggapin mo ang rason niya o hindi,” dagdag pa niya.

“Eh, paano kung hindi niya na sabihin sa akin?” tanong ko.

“Bakit naman?” tanong niya pabalik.

“Kasi hindi na siya nagpaparamdam. It feels like has forgotten about me. Parang dahil sa pangarap niya, tinalikuran na niya ako.” Sa tuwing sinasabi ko iyon,  kumikirot ang puso ko.

“Hmm... maybe someday, malalaman mo rin ang mga sagot sa tanong mo. But for now, think of the people who love you. `Yong mga taong laging nandiyan para sa `yo, sila ang kunan mo ng lakas. Kaya mo `yan, sis. Fight!”

Parang may kakaibang kapangyarihan ang sinabi ng babae dahil unti-unting gumaan ang pakiramdam ko. Tama siya. This was not the end. Nandiyan pa si Papa para sa akin, nandiyan pa ang mga kaibigan, at ang mga kasama ko sa bar.
“Thank you. Naranasan mo na rin ba ang makalimutan or ma-ignore?” Sa gaan ng pakiramdam ko sa kanya, parang gusto ko siyang maging ka-close.

Bahagyang natawa ang babae. Pati pagtawa ang cute parang hindi makabasag-pinggan `tong si Ateng.

“Sorry if I laughed. Naalala ko lang kasi `yong pick-up line ng boyfriend ko about sa pag-ignore ng friend request, eh,” paliwanag niya, sabay tawa uli. 

Tumigil siya sa pagtawa mayamaya at naging seryoso na. “Anyway, minsan nagtatampo ako sa boyfriend ko kapag hindi niya ako pinapansin. May mga oras kasi na kailangang niyang mag-focus sa pag-aaral, `tapos ako naman maraming free time. Kaya `ayun, magpa-pabebe na lang ako sa kanya `pag may time na siya sa akin.”

“Pabebe talaga, sis?” tanong ko, sabay tawa. At least, nakuha kong tumawa kahit paano.

“Oo, effective sa kanya, eh,” sagot niya.

Nagtawanan kami na para bang saglit kong nakalimutan ang ginawa ni Shane.

“Pero lagi ko siyang iniintindi. Pangarap niya `yon, eh. Ipinangako ko sa sarili ko noon na hindi ako hahadlang sa mga pangarap niya,” sabi niya.

Napabilib ako sa babaeng ito. Kanina lang, nawawalan na ako ng pag-asa sa lahat ng bagay. Pero dahil sa kanya, lumakas uli ang loob ko. 

Hindi ako susuko. Magpapatuloy pa rin ako. Siguro maniniwala na lang ako sa kasabihang... kung kayo, kayo talaga.

“Thank you, sis. Ginanahan ako sa sinabi mo,” sagot ko. Grabe, gusto ko talaga siyang maging friend. “Ano nga pala’ng pangalan mo?”

Tumawa na naman siya nang napakahinhin. “That’s not how barking at a tree works, sissy. Maybe someday if we meet again. I have to go na, you can keep my handkerchief. It was really fun talking to you. Sana nakatulong ako.”

Umalis ang babae nang hindi lumilingon sa akin. Habang papaalis siya, nagpasalamat uli ako. “Salamat sa `yo! Okay na `ko! Sana magkita tayo uli!”

Nakakagaan ng pakiramdam. Sana talaga makita ko siya uli. Gusto ko siyang maging kaibigan.






Present

Kier

NATAPOS ang kuwento ni Valerie tungkol sa nakaraan niya habang nandito pa rin kami sa food park at umiinom ng frappé.

“Tapos `ayun! `Ayun na nga lahat ng nangyari,” sabi ni Valerie.

“So... After n’on wala na talaga kayong communication ni Shane? Hindi pa rin niya naipaliwanag sa `yo kung bakit bigla na lang siya nagkagano’n?” Napapakunot-noo ako sa nangyari kay Valerie. Ang labo naman pala kasi ng Shane na iyon.

Hindi siya sumagot at uminom na lang ng frappé. Hindi ko alam pero na-curious tuloy ako kaya magtatanong pa ako. “Oo nga pala, bakit sa kabila ng ginawa ni Shane sa `yo, eh, gusto mo pa rin siya?”

“Naniniwala pa rin kasi ako na may mabigat siyang dahilan. Saka, wala, eh. Sabihin mo nang tanga ako, pero hanggang ngayon mahal ko pa rin siya,” giit niya. 

Eh, di ang tanga nga niya. “Ang tanga mo.” Pagkasabi ko niyon, inapakan na naman niya ang paa ko. Malakas kaya napaaray ako. “Aray! Sabi mo sabihin kong ang tanga mo, eh!”

Tinaasan lang niya ako ng kilay at uminom uli siya ng frappé.

Ito talagang dragon na `to, ang pikon. Teka, nakaka-curious din iyong babae sa park na nakausap niya, “Pero nakita mo ba uli siya? `Yong babae sa park?”

Hindi agad sumagot si Valerie dahil sumisipsip pa siya sa frappé niya pero mayamaya, “Hindi na nga, eh. Gusto ko pa naman siyang maging kaibigan.”

Naalala ko si Jana sa ikinuwento niyang babae sa park. Parang siya iyon na parang hindi, eh. Ewan pero na-miss ko tuloy si my loves.

“Dahil sa sinabi niya sa akin nang araw na iyon, lalo akong nagkaroon ng lakas ng loob at hindi mawalan ng pag-asa. Someday, makakapag-usap din kami ni Shane at makikita ko rin ang mama ko. Maitatanong ko ang mga tanong na dapat may sagot,” sabi pa ni Valerie. 

Nakita ko sa mukha niyang determinado talaga siya sa gusto niyang mangyari. Kahit puwedeng masasaktan lang siya kapag nalaman niya ang katotohanan.

“Kaya...” Tumabi sa akin si Valerie at inakbayan ako. “Dahil friend na kita at may kasalanan ka sa akin kagabi, dapat tulungan mo akong makausap si Shane, saka sasama ka sa aking tumambay sa airport minsan.”

Nagulat naman ako sa sinabi niya. “Huh? Akala ko quits na tayo kasi inilibre kita ngayon?”

“Hindi pa. Malaki kaya ang kasalanan mo sa akin,” sagot niya.

Ayos talaga ang dragon na ito, idinamay pa ako. Nakakaawa siya sa kabilang banda pero hindi puwede iyon dahil nag-aaral ako. “Hindi pa ako puwede, malapit na ang exam ko. Kailangan kong mag-review”

Bumitaw siya sa pagkakaakbay sa akin. “Sige pagkatapos na lang. Kailan ba ang exam mo, Your Honor?”

“In three months.” Napasipsip ako sa frappé ko.

“`Lapit na nga,” sabi niya at muli akong inakbayan. “Manlibre ka kapag nakapasa ka, ah? Korean food dapat.” 

“Oo na, sige na.” Pumayag na lang ako, saka tinanggal ang braso niya sa balikat ko. “Kakasuhan kita ng bullying at extortion `pag nakapasa ako, eh.”

Bahagyang tumawa si Valerie at bumalik na sa upuan niya kanina sa tapat ko. “Hala, ang bait-bait ko kaya. Ako nga ang lagi mong binu-bully, eh. Kawawa naman ako.”

Aba! Nagpa-cute pa ang dragon na ito, eh, ako naman talaga ang lagi niyang pinagtitripan.

Pagkatapos maubos ang frappé, nagpaalam na ako kay Valerie. Uuwi na kami ni Pogi.  Uuwi na rin siguro si Valerie o baka pupunta pa siya sa mga kaibigan niya.





BACK to my normal world. Aral, aral, aral hanggang sa makapasa, hanggang sa matupad ang mga pangarap ko.

Naging busy ako sa pag-aaral dahil malapit na talaga ang Bar exam. Kailangan kasi, unang take pa lang ay makapasa na ako. Para mapuntahan ko na si Jana sa Saudi. 

Lumipas ang mga araw at buwan. Naging madalang ang pag-uusap namin ni Jana. Sobrang busy raw niya at sobrang busy ko rin. Mga isang beses sa isang linggo na nga lang kami kung mag-usap. `Tapos, chat lang. Pinapadalhan niya ako ng pictures niya minsan. Pampagana ko raw sa pag-aaral. 

Pero mas gusto ko sanang makausap si Jana, marinig ang boses niya, at makapag-catch up kami sa isa’t isa. 

Hindi rin ako ginagambala ng dragon. Mukhang busy rin yata siya.

Isinubsob ko ang sarili ko sa pag-aaral hanggang sa nagkaroon ako ng free time. Nag-chat ako kay Jana para maibsan ang pagod ko.

Me: Hi, my love, kumusta ka? Free time ko ngayon. Sana makausap kita. I miss you.

Naghintay ako pero hindi nag-reply si Jana. Ang nag-chat tuloy ay ang dragon este si Valerie.

Valerie: Hoy, panget! Active ka, ah. Free time?

Me: Hoy, dragon! Hindi na ako free, nag-chat ka na, eh.

Valerie: Lolo mo hindi free.

Me: Ano’ng kinalaman ng lolo ko rito?

Valerie: Nagsisi siya kasi may pangit siyang apo. LOL!

Me: `Corny mo! Wala ka na naman magawa kaya pinagtitripan mo na naman ako?

Valerie: `Buti nga may nagtsa-chat sa `yo, eh. Siguro network lang nagme-message sa `yo. `Wawa naman.

Me: Ka-chat ko kaya si Jana my loves. Baka ikaw ang walang ka-chat.

Valerie: Weh? Talaga lang, ah.

Valerie: Meron kaya. Nagte-text nga sa akin lagi si Taehyung at si Jungkook, eh.

Me: Tunog-mangkok! LOL. Mukhang mga K-pop artist `yan, eh. Paano naman magte-text sa `yo ang mga `yan?

Valerie: Inggit ka lang.

Me: Huh? Alam ko na! Baka mga number `yan ng network `tapos nilagyan mo lang ng name. LMAO.

Valerie: Tse! Hindi tayo bati! Binu-bully mo na naman ako. Sad.

Me: Luh. Huwag ka nang ma-sad. Mukha ka na ngang dragon, eh, magiging worst pa. Hahaha.

Valerie: Hindi talaga kita bati! `Kala mo diyan.

Me: Hahaha. Talo ka talaga sa akin sa asaran.

Valerie:  Tse!


Talo talaga sa akin sa asaran itong si Valerie. Hindi na nga ako nag-reply baka lalo pang mapikon. Ilang saglit pa, tumunog uli ang phone ko at nag-chat pala uli si Valerie.

Valerie: Huwag mo kaming kakalimutan `pag naabot mo na ang pangarap mo, ah.

Me: Oo naman. Ipapakulong pa kita, eh. Joke!

Valerie: Kainis ka. Seryoso na nga ako, eh. Galingan mo sa exam, ha? Saka `yong libreng Korean buffet `pag nakapasa. Hehe.

Me: Hahaha. Ikaw talaga. Thank you.

Valerie: Sige na manonood pa ako ng K-pop music awards. Mag-review ka na uli. Bye-bye, your honor.


Nakakatuwa talaga si Valeng.  Ang lakas ng trip. Pero at least, napasaya niya ako saglit.

“Okay… So, wala pa ring message si Jana at wala na naman akong magawa. I think it’s time to rest.” Humiga ako sa kama. Biglang tumahol si Pogi. Talino talaga nitong aso ko, he always knew when I was not busy to play with him. Kaso, pagod talaga ako. “Sorry, bud. I’m so tired to go outside.” Binigyan ko na lang siya ng dog treat. “Here!” 

Ipipikit ko na sana ang mga mata ko nang biglang tumunog na naman ang phone ko. May nag-chat. Napangiti naman ako habang kinukuha ang phone. “Ayaw talaga akong tigilan ng dragon na `to.”

Pero pagbukas ko ng phone, si Jana pala ang nag-chat.

Jana: My love. Sorry if I wasn’t able to give you time recently. Sobrang busy lang. Ano’ng ginagawa mo? Saglit lang ako now.

Imbes na sumaya, nalungkot ako. Hindi ko alam kung bakit pero parang nainis din ako nang sabihin ni Jana na saglit lang siya.

Me: Bakit saglit ka lang? Ano ba’ng ginagawa mo? Hindi mo ba ako puwedeng bigyan ng oras? Ganyan ka ba ka-busy?

Jana: I’m working. Alam mo naman `yon, `di ba?

Me: Grabe naman `yang work na `yan! Sorry. Parang mas busy ka pa kasi sa presidente, eh.

Jana: What? So ano’ng iniisip mo sa akin, ha?

Me: Sabi ko lang, bigyan mo ako ng time. `Tapos ikaw sasabihin mong may iniisip ako agad. May dapat ba akong isipin?

Na-seen lang niya ang chat ko pero ilang saglit pa, nag-reply naman siya.

Jana: My love, wala po. Busy lang talaga ako. Tiwala naman, o.

Me: Kaunting time lang kasi ang hinihingi ko. Kahit mag-good morning or mag-good night sa akin hindi mo na ginagawa, eh.

Jana: Pagod lang ako sa trabaho.

Me: Good morning and good night lang, hindi kaya? Hindi naman mahirap `yon, `di ba?

Jana: I’m sorry. I’m so tired. Siguro mamaya na lang tayo mag-usap. Binibigyan na nga kita ng time, inaaway mo pa ako.

Me:  Sige ganyan naman, eh. Gusto ko lang intindihin mo rin ako. Kasi ako iniintindi kita.

Jana:  Iniintindi din naman kita. Hindi ko lang talaga kaya sa sobrang pagod. Huwag ka namang magalit please. I can’t chat any longer.

Me:  Why can’t you chat any longer? Is there something I have to know?

Jana: Please, let’s not do this. We’re too far away from each other para mag-away.  Malapit na rin ang exam mo. Pagkatapos n’on, magkikita na tayo.
​

Gusto kong sabihing, “Alam mo, Jana, mabuti pa...”

Huminga ako nang malalim. Ang hirap at ang bigat sa pakiramdam. Hindi ko kaya iyong ganito, kaya mabuti pa nga siguro na tapusin na lang.
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly