DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 18: Valerie's Past Part 3

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Valerie

ANG TAGAL. Ano ba kasi iyong sasabihin ni Shane at bakit parang hindi niya mabigkas? Kung gusto niya ako, sabihin na niya kasi gusto ko rin siya. 

“Valerie...”

Biglang hinawakan ni Shane ang mga kamay ko na nakapatong sa table. Nakatitig pa rin siya sa akin at ganoon din ako.

“Yes, Shane?”

“Valerie, I don’t know exactly what I feel about you. But I am really happy when I’m with you. Wala kang arte sa katawan at napakagaan mong dalhin. Gusto ko na palagi kang kasama, gusto kong palagi kang nandiyan,” sabi ni Shane.

Hindi ako nakapagsalita. Natulala lang ako sa kanya at bahagya pang nakabukas ang bibig ko.

“Valerie... I... Uh... I... I like you as my very special friend.”

Seryoso si Shane base sa mga tingin niya sa akin. At… ako naman itong gaga, assumera. `Ayan tuloy! Friendzoned ang drama! Ouch!

Pero kahit hindi iyon ang ini-expect kong sabihin ni Shane, masaya na rin akong nalaman na may special feelings siya para sa akin. Kahit special friend lang. A bit disappointed, pero may pangarap iyong tao, eh. Maghihintay na lang ako na makamit niya iyon.

“Thank you, Shane. Huwag kang mag-alala, lagi akong nandito para sa `yo. Para suportahan ka, pasayahin ka at para tulungan kang kumanta,” nakangiti kong sagot.

Nginitian din niya ako at hinawakan sa kaliwang balikat. “Salamat talaga, Valerie.”

Pagkatapos ng special lunch date namin, nag-practice kami sa studio niya. Ang saya namin nang araw na iyon. Napagtripan din naming mag-picture habang nagkukulitan.




LUMIPAS ang mga panahon at lalo kaming naging malapit sa isa’t isa ni Shane. Madalas niyang hinahawakan ang mga kamay ko. Minsan, niyayakap din niya ako. Unti-unti kong napansin na mas nahuhulog na ako sa kanya dahil sa mga kakaibang bagay na ginagawa niya para sa akin. Hinahatid niya ako sa bahay gabi-gabi, madalas kaming kumakain sa labas, namamasyal, at parang date na talaga kapag kasama ko siya.

Kung makikita kami ng mga tao na magkasama, parang kami na talaga. As in boyfriend ko siya, girlfriend niya ako. Unofficially Yours ang drama. 

Tingin ko nga mahal ko na si Shane. Oo, mukhang mahal ko na nga siya. Pero kaibigan lang ang gusto niya. Saklap!

One day, nagkaroon ng meeting ang staff at mga performer ng bar para sa Valentine’s event. Kami ni Shane ang napiling mag-perform.

Kilig to the bones naman ako! Duet with Shane! Kiyaa!

“I’m pretty sure magiging the best ang performance natin. Kasama ko ba naman ang pinakamagaling kumanta sa bar na ito, eh,” sabi ni Shane habang nakatingin sa akin at nakangiti.

Pabiro ko naman siyang hinampas sa braso. “Hindi kaya! Ikaw nga ang magdadala sa akin, eh.”

“Anong ako? Ikaw kaya!” giit naman ni Shane at bigla akong kiniliti sa tagiliran.

“Huwag diyan, Shane!” At napatili ako nang malakas.

Napatingin naman sa amin ang mga tao sa paligid. Napakamot-ulo si Shane habang nakangiti at ako naman, binigyan lang sila ng peace sign.

Pabiro kong pinalo si Shane sa braso at binulungan. “Ikaw talaga. Sabi ko huwag mo akong kikilitiin do’n, eh.”

Mahina lang siyang tumawa. “Sorry na.”

Matapos ang meeting at paglabas namin ng bar…

 “Labas tayo? Let’s celebrate!”

Nagulat naman ako sa invitation ni Shane. “Celebrate agad? Hindi pa nga tayo nakakatugtog!”

“Okay lang `yan. Lagi tayong magse-celebrate nang magkasama kahit maliit na bagay lang.” 

Napangiti ako sa sinabi niya. Wala bang araw na hindi ako kikiligin sa lalaking ito? Ang suwerte ko, shocks!

Nagpunta kami ni Shane sa isang restaurant sa seaside. May mga yacht sa dagat, may mga bangka. Sayang nga lang at hindi namin naabutan ang sunset. 

Ang perfect ng moment. I think ito na iyong pagkakataon para itanong ko kay Shane kung ano ba talaga kami. Kung may nararamdaman din ba siya sa akin. Alam kong hindi dapat ako ang nagtatanong ng ganoon, pero ano ba ang dapat gawin sa pusong nalilito?

“Thank you for your order, Sir. Pakihintay na lang po for ten to fifteen minutes,” sabi ng lalaking waiter, pagkatapos kunin ang order namin.

“Okay, sige. Pakibilisan na lang,” sagot ni Shane. Umalis na ang waiter.

Kung mayroon akong ayaw kay Shane, iyon ang pagiging masyado niyang bossy. Pero ayos lang, tanggap ko pa rin kung ano siya.

Okay! Kaming dalawa na lang. Itatanong ko na. “Uhm... Shane?”
“Bakit, Val, may problema ba?” tanong niya. 

“Val” na ang tawag niya sa akin para daw mas madali. Close naman na kami kaya hinayaan ko na lang.

“W-wala naman. May gusto lang akong itanong.” Nag-iwas ako ng tingin dahil sobra na iyong kabog ng dibdib ko dahil sa kaba.

“Ano `yon, Val?” Hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa mesa kaya medyo nawala ang kaba ko.

“Uhm... kasi...” Itatanong ko na sana kung ano ang nararamdaman niya sa akin nang biglang tumunog ang phone niya.

“Sorry, Val, si Miss CJ, tumatawag. Sagutin ko lang.”

Tumango naman ako.

Nag-usap sina Shane at Miss CJ. Parang may sinabi si Miss CJ kay Shane. Dahil pagkatapos nilang mag-usap, parang na-excite si Shane at tuwang-tuwa pang ibinalita sa akin ang nalaman niya.

“Val, good news! May mga manager daw na pupunta sa bar para sa Valentine’s event at naghahanap ng talent!” 

Nanlaki naman ang mga mata ko. “Talaga? Ano pa’ng sabi?” 

“`Ayun humugot uli. Sabi niya magpapansin daw ako, kasi siya raw hindi pinansin ng mahal niya,” sagot ni Shane. Nagtawanan kami.

“Si Miss CJ talaga, puro hugot.” Bahagya akong natawa. Medyo nabitin din kasi ako sa sasabihin ko.

“Oo nga, eh. Hugot is life nga raw. Pero that’s going to be a knocking opportunity kaya dapat nating galingan!” Kitang-kita sa mga ngiti ni Shane na para siyang bata na nabigyan ng magandang laruan. I know nasa isip na niya ngayon na puwede na siyang ma-discover. Which may become his big break. “Ano nga pala `yong itatanong mo, Val?”

Sa puntong iyon, mukhang magiging wrong timing kung tatanungin ko siya ng tungkol sa amin. Chance na niya iyon para ma-discover, para matupad niya ang mga pangarap.

“Ah... wala! Itatanong ko lang kung ano `yong kakantahin natin sa Valentine’s event?” palusot ko na lang. Siguro pagkatapos na lang ng event, saka ko itatanong sa kanya ang tungkol sa amin.

“Uhmm.. What do you think, Val? Siguro pop or kahit medyo pop, basta makasayaw tayo kahit kaunti. Pero dapat maganda rin `yong pagkanta natin.” Nakahawak si Shane sa baba niya na mukhang nag-iisip.

Inalis ko muna sa isip ko ang tungkol sa amin at nag-focus para sa magiging performance namin. “Let me think. Hmm...”




Present

Kier

“AHA! HUHULAAN ko kung ano’ng kinanta n’yo?” Maganda na iyong kuwento ni Valerie pero dahil sa bigla kong naisip na kanta, magiging masaya pa kung eepal ako.
“Epal ka, hindi pa nga tapos `yong kuwento ko, eh! Pero sige ano? Sige nga!” hamon niya.

Hindi ko pa sinasabi pero natatawa na ako sa loob ko. Kaya bago pa man ako sumabog sa kakatawa, sinabi ko na. “Tatlong bibe!” Humalakhak ako nang malakas.

Napakunot-noo naman si Valerie. “Huh? Ano’ng pinagsasasabi mo?”

Tawa pa rin ako nang tawa. “Ikaw pala ang tagabundok, eh. Hindi mo alam `yon? Ay, hindi pala tatlong bibe. Tatlong dragon!”

Tinaasan niya ako ng kilay kaya lalo ko pa siyang inasar. This time kinanta ko na para ma-gets niya. “May tatlong dragon akong nakita. Mapayat, mataba mga dragon. Pero ang bumubuga ng apoy ay iisa. Siya ang lider na ang ngalan ay Valeng! Valeng dragon, Valeng dragon, Valeng dragon!”

Tumawa ako nang tumawa matapos kumanta. Kapag talaga komportable ka sa taong kasama mo, lalabas iyong pagiging isip-bata mo minsan. Halos sumakit na at maluha na ako sa kakatawa. 

Hanggang sa bigla niyang apakan ang paa ko sa ilalim ng table. “Aray! Hindi na!”

Tiningnan ako nang masama ni Valerie. “Last mo na `yan, ah! Huwag ka kasing magulo. Itutuloy ko na `yong kuwento.”

“Oo na, sige na, ituloy mo na!” Ang pikon talaga ng dragon na `to.

“Nasaan na nga ba ako?” tanong niya.

“Nandito sa food park. Kasama ko,” sagot ko naman, sabay tawa.

Maging si Valerie ay natawa na rin. “Mali! Nasa puso ko!”

Nagulat ako sa sinabi niya kaya huminto ako sa pagtawa. Mukhang napansin din niya na medyo awkward iyong sinabi niya kaya huminto rin siya sa pagtawa at biglang nahiya.

“J-joke `yon, ah! Expression lang `yon! I mean wala lang `yon!” giit pa niya.

Bahagya naman akong natawa. Nakita ko na iyong expression na iyon sa social media. Uso kasi kaya siguro ganoon ang nasabi ni Valerie. “Doon ka na sa nag-iisip na kayo ng kakantahin ni Shane.”

“`Ayun! `Tapos `yon na nga. Itutuloy ko na `yong kuwento kaya huwag kang umepal, ah,” sabi niya. 

“Yes, Ma’am!”



Flashback continuation…

Valerie

​


TAHIMIK na nag-iisip si Shane. Ako naman, naghahanap sa phone ko ng mga kantang pinakikinggan ko na puwede naming i-cover. Ilang saglit pa, nakapili na ako at napatayo pa. 

“Alam ko na, Shane! Alam ko na kung ano ang kakantahin natin. Tara practice na tayo sa inyo.” 

Napatayo rin si Shane at napangiti. “`Buti na lang, ikaw ang partner ko sa performance na `to! Kain muna tayo, `tapos deretso tayo sa studio ko.”

Pagkatapos kumain, dumeretso kami sa bahay ni Shane at nag-practice. Mayroon lang kaming one week para mag-prepare. Araw-araw akong pumupunta sa kanila para mag-practice. Halos wala nang araw na hindi kami nagkikita. Kaya lalo kaming napapalapit sa isa’t isa.

Minsan gusto ko na ngang sabihin na mahal ko siya. Kaya lang natatakot ako. Lalo na ngayon na lumaki na ang pag-asang maabot na niya ang kanyang pangarap. Lagi kong naaalala na ayaw niya ng girlfriend o ang pumasok sa  isang relationship dahil baka makasagabal lang iyon.

Lumipas ang isang linggo at Valentine’s na. Valentine’s performance na namin mamaya. Sakto naman ang theme ng napili naming kanta. Love song na pop.

Papunta pa lang ako sa bar nang makaramdam ako ng inggit sa mga tao sa paligid. Halos lahat kasi may partner at may dala silang flowers, chocolates, teddy bear, at kung ano-ano pa. Never akong nakaranas ng ganoon. Hindi pa naman ako nagkakaroon ng boyfriend pero parang may boyfriend na rin ako sa katauhan ni Shane. Dati hindi ako naiinggit sa mga mag-jojowa kapag Valentines. Pero ngayon, parang nag-e-expect ako na mabigyan. Kahit ano, basta galing kay Shane.

Pagdating ko sa bar, sobrang busy na ang mga tao. Ang lahat ng staff ni Miss CJ ay natataranta na rin sa lahat ng utos niya.

“O, Arriane! Bernalyn! Sabi ko naman sa inyo, kunin n’yo agad `yong mga hindi nagamit na decorations. Kita n’yo `yong mahal ko, nakuha agad ng iba,” utos ni Miss CJ sa dalawang staff na halos mahilo na sa kung ano ang uunahing gawin.

“Mara! Karen! Mary! Nasaan na `yong ipinapahanap ko sa inyong mga ingredient ng cocktail? Hanapin n’yo agad `pag nawawala! Ang pag-ibig minsan hinahanap, hindi hinihintay. Kayo naman, Ruthlin at Roanne! Ano pang gingawa n’yo dito? Gawin n’yo na agad ang inuutos ko!” 

“Yes, Ma’am! Lalakad na po kami. Wait lang po,” sagot ni Ate Roanne.

“Sige lang. Sanay naman akong maghintay, eh!” sabi ni Miss CJ.

Combo iyong mga hugot niya ngayon, ah, isinabay pa sa mga utos. Dapat nga ay kumikilos din siya para pumayat naman siya. Triple na ng braso ko iyong hita niya. Kahit hindi niya sabihin, tiyak ko may kinalaman sa pagiging brokenhearted niya ang mga hugot at pagtaba niya. 

Minabuti kong batiin si Miss CJ nang may ngiti, baka mawala ang inis niya. “Hi, Ma’am CJ! Busy, ah. Easy-han n’yo lang po.”

“Valerie! Kanina ka pa hinihintay ni Shane sa backstage. Sabi ko naman sa `yo, huwag mong paghihintayin, eh. Ako lang ang sanay na maghintay sa wala.” 
Hindi talaga siya mauubusan ng hugot.

“May mga bago kayong bandmates. Punta ka na do’n,” dagdag pa niya.
Tumango naman ako. “Sige po.” Agad akong pumunta sa backstage para makilala ang mga bago naming katrabaho.

Bigla kong naisip na baka may surprise sa akin si Shane for Valentine’s. Deep inside, kinikilig ako. Kutob ko kasi kaya siya nauna dito dahil may something. Ano kaya iyon?

Pagpasok ko sa backstage sinalubong agad ako ni Shane. “Val! Kanina ka pa namin hinihintay. Kailangan nating mag-last practice. Mamaya na ang show, o!” 

Mukhang wala palang surprise. Nakakalungkot. Well, it was my fault. Nag-expect ako, eh.

“Sorry, Shane, medyo na-traffic lang.” Ang bossy talaga niya, lalo na ngayon na may gusto siyang makuha.

“Oo nga pala. Ito si Karlo guitarist natin, si Cheska on bass, at si Rex sa drums. Sila na ang magiging bandmates natin,” pagpapakilala sa akin ni Shane sa new bandmates namin.

Nagbatian naman kami pero naka-work mode si Shane ngayon. “Okay, guys. Later na ang mga usapan,  ah? Kailangan nating galingan ito. Wala dapat magkakamali. Let’s start practicing.”

Umaandar na naman talaga ang pagiging bossy ni Shane kaya agad kaming nag-practice. Naiintindihan ko naman siya. This could be his big break. Nakasalalay sa performance namin na ma-discover siya. Gagalingan ko na lang para sa kanya. Gusto kong matupad niya ang kanyang mga pangarap. Sana nga, ma-discover siya.

Pagkatapos ng practice, nagpahinga kami at kumain. Pagsapit ng gabi, nagdatingan na ang mga tao. Napuno ang bar ng mga magkakasintahan na nagse-celebrate ng Valentine’s Day. Meron ding mga group of friends lang dahil mga single yata. 

Pangatlo kami sa mga magpe-perform ngayong gabi. Kaya may oras pa kami para makapaghanda.

Habang nasa backstage, napansin kong kinakabahan si Shane. Malakas ang mga paghinga niya at parang pinagpapawisan siya sa isang sulok habang nakasandal sa pader.

Nilapitan ko siya at inalok ko ang panyo ko sa kanya.  “Shane? Are you okay?”

Kinuha naman niya ang panyo at nagpunas ng pawis. “Kinakabahan ako, Val. Alam kong matagal na nating ginagawa ito, pero dahil sa chance na ma-discover ako, para bang first time ko ito.” 

Niyakap ko siya nang mahigpit at sinubukan kong palakasin ang loob niya. “Shane. Kaya natin `to! Ikaw ang pinakamagaling dito sa bar. Kaya for sure, magugustuhan ka nila. Just be yourself. Just do what you always do.”

And remember that I am always here for you. Gusto kong sabihin pero parang hindi iyon ang time para magparamdam ako sa kanya.

Bumitiw kami sa yakap. Hinawakan niya nang mahigpit ang dalawa kong kamay. “Salamat, Val. Pagkatapos ng gabing ito, labas tayo. May gusto akong sabihin sa `yo.”

Nginitian ko naman siya. “That can wait. Let’s prepare para sa performance.”
Tumango si Shane. Mukhang gumaan naman ang loob niya at nawala ang kaba. “Yep! Let’s do it!”


Next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly