DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 16: Valerie's Past Part 1

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

HABANG binabasa ko ang diary ni Valerie, napapangiti ako. Hindi ko alam kung bakit. Parang may kakaibang puwersa, parang nabubuhay ang mga cells ko. 

Dear Mobile Diary,

Today I met and, I think, made a new friend. His name is Kier “Panget” de Leon. Pasahero siya ni Papa, isang Law student, at lagi siyang nagpapasundo sa taxi namin. Kaya lang itong araw na ito, may sakit si Papa kaya ako ang nag-volunteer na sunduin si Kier. Akalain mo `yon, siya pala `yong pangit na mayabang na may-ari sa cute na aso na si Pogi sa airport. Ewan ko ba, pero `pag nakikita ko siya parang lagi akong may urge na lagi siyang asarin. Ang pikon niya kasi, eh. Pero mukhang mabait naman siya. Kaya lang ayaw niya sa K-pop kaya ayaw ko na din sa kanya. 

Ang daming nangyari ngayong araw, hindi ko ma-explain pero parang ang haba ng araw na ito kasama siya. Una, dahil masyado siyang mapilit mag-shortcut, naligaw tuloy kami. Napagtripan pa kami ng mga lasing sa isang tindahan, `buti na lang, malakas ako. `Tapos `ayun doble-malas, nasira naman ang taxi sa isang madamong lugar na parang malayo pa sa kabihasnan. Inis na inis si Kier sa akin at sa mga nangyari, pero nag-e-enjoy ako `pag naaasar siya. Dahil malapit na siyang ma-late, minabuti kong paunahin na siya. That time, mukhang sobrang napikon ko siya kasi hindi niya ako pinansin nang umalis siya. Sumobra yata ako. Sorry naman.

Akala ko gagabihin ako sa lugar na `yon. Nagulat ako nang bumalik si Kier na may kasamang mga mekaniko. Alam niyang late na siya pero bumalik siya para sa akin. In fairness, diary, gentleman naman pala siya kahit papaano. `Tapos sabi pa niya, hindi niya ako kayang iwang mag-isa sa lugar na iyon. Hindi ko ma-explain, pero parang kinilig ako nang bumalik siya at nang sinabi niya sa akin iyon.  

Nakakatuwa si Kier. I think we will be good friends. Kaso ang loko, hindi nagbayad sa akin bago umalis. Kinailangan ko pa tuloy siyang sunduin sa school niya. Ngayon ko lang na-realize, puwede ko naman siya singilin sa ibang araw pero hindi ko alam kung bakit mas pinili kong hintayin siyang lumabas ng school. Pero ang nakakainis doon paglabas niya, naiwan pa pala niya ang wallet niya. Pero para siyang si Batman, ah, may contingency plan. Binigyan niya ako ng free dining coupons sa Seoul Garden at kumain kami doon. Busog na busog ako, ang sarap talaga ng Korean food. The best!

Pagkatapos ng doble-malas, sinuwerte naman ako sa free Korean food. Meron pa, diary, nakita ko si Shane Moreno sa Seoul Garden. Gusto kong mapatili sa tuwa kaya lang maraming tao. Grabe ang guwapo pa rin niya talaga. Kaya lang, may date pala siya sa ibang babae nang araw na iyon. Pero to the rescue si new friend Kier, akala talaga niya, boyfriend ko si Shane. Uto-uto talaga. Sinugod niya si Shane pati `yong babae. `Tapos, `ayun, akala tuloy ng babae may girlfriend talaga si Shane kaya agad siyang umalis. Very good, kasi sa akin lang si Shane. Kaso nagalit sa amin si Shane. 

Alam kong kasalanan ko pero natuwa ako sa tapang ni Kier. Una, nainis ako kay Kier kaya sinubukan kong habulin si Shane nang umalis siya ng restaurant. Pero habang naglalakad, natatawa ako na natutuwa, para akong tanga na ngumingiting mag-isa. Hindi ko alam kung dahil ba nakita ko si Shane or dahil sa ginawa ni Kier na pagtatanggol sa akin. Basta ang saya-saya ko ngayong araw na ito. 

Dahil memorable ang araw na ito, itinago ko ang ibinigay ni Kier na coupons. Sa tuwing makikita ko ang mga coupons, lagi kong naaalala si Kier. Hindi ko alam kung bakit, alam kong dapat mas naaalala ko si Shane pero sa `yo lang ako hindi magsisinungaling, diary; naiinis ako kay Kier pero hindi siya mawala sa isip ko.

`Tapos, pauwi na sana ako nang makita ko si Panget na nag-aabang ng taxi pero wala namang pera. Patawa talaga. Paano kaya niya babayaran ang taxi? Naawa ako kaya isinabay ko na, hinatid ko pa siya sa kanila. Ang bait ko talaga. Ewan ko kung bakit, but I think I enjoyed being with him. Tawa ako nang tawa `pag kasama siya. `Tapos, dahil sa pagtawag niya sa akin ng dragon, parang gusto ko na tuloy ang mga dragon.

Ako ang pinaka-cute na dragon, parang si Toothless. Huwag kang kokontra, diary, bubugahan kita ng apoy.

Ang masasabi ko lang, mukhang magiging mabuti kaming magkaibigan. Ang suwerte ni Jana sa kanya.

That’s all for today, diary. Until my next unforgettable moments.
—Valerie


Aba, aba! Teka, siya kaya iyong pikon sa amin, `di ba? Lagi nga siyang talo sa asaran namin. Saka siya naman iyong may kasalanan kung bakit kami naligaw. Nakakatawa talaga si Valerie, tanggap na niyang dragon siya. Kaya pala si Toothless na iyong wallpaper niya sa phone.

Nakakatuwa, naging memorable pala para sa kanya ang araw na iyon. Itinago pa niya iyong dining coupons. Kahit pala naiinis siya sa akin noong sinugod ko si Shane, mukhang na-appreciate pa rin niya iyon.

Natapos kong basahin ang isa sa mga diary entry ni Valerie. Akalain mong may soft spot pala ang dragon.

Pero bakit parang may kakaiba akong nararamdaman pagkatapos kong mabasa iyon?

Bakit napapangiti ako nang sobra?

Ewan ko pero ang sarap sa pakiramdam. Bakit parang nakakatuwa na malaman na hindi ako mawala sa isip niya?

Ayokong mag-isip ng kung ano-ano. Pero bakit tingin ko, parang may something? Ewan!

Hindi ko dapat iyon bigyan ng malalim na kahulugan. Pero masaya rin ako na naging kaibigan ko si Valerie.

Natulala ako sa kisame. Hindi na naman ako makatulog. Naiisip ko ang mga pang-aasar ko kay Valerie at para na akong tanga na tumatawang mag-isa. Mayamaya pa, nakatulog na ako…





KINABUKASAN, maaga pa lang, may kumakatok na sa pinto. At siguradong si Valerie iyon. Ang lakas ng katok niya kaya nagising ako agad at pinagbuksan siya.

“Good morning! Ang aga mo, ah?” bati ko kay Valerie, sabay hikab.

“Akin na ang phone ko,” utos ni Valerie. 

Ang aga-aga ang sungit ng dragon na `to. Galit pa rin siguro siya sa nangyari kagabi.

Agad kong isinauli ang phone niya. “Ito, o, sorry nadala ko kagabi.”

Agad na kinuha ni Valerie ang phone niya at tiningnan kung nabuksan ko iyon. Hindi siya nagsalita, mukhang hindi naman niya nalaman na nabuksan ko nga ang phone niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba ang totoo. Kaya lang baka lalo siyang magalit.

Nginitian ko siya habang tinitingnan niya ang phone.

“Bakit ka nakangiti? Ano’ng problema mo?” tanong niya.

“Wala lang. Nag-almusal ka na ba? Gusto mong kumain?” alok ko.

“Hindi na. Aalis na ako,” sagot ni Valerie at tumalikod na paalis.

Mukhang galit pa nga siya. Minabuti kong subukan na makipag-ayos sa kanya. “Valeng, galit ka pa ba? Sorry sa ginawa ko kagabi. I just can’t stand his face while you were crying.”

Hindi siya umiimik pero hindi rin siya umalis sa kinatatayuan niya.

“Patawarin mo na sana ako, o. Sorry... Sorry na please,” pakiusap ko pa.

Bigla siyang humarap sa akin nang nakangiti, “Anong sorry? Walang sorry-sorry? Ano ka Super Junior? Libre mo muna ako! Kain tayo?”

Ano raw? Anong Super Junior? Weird talaga ng dragon na ito. 

Napangiti na lang ako dahil mukhang magkakabati naman na kami. “Sige, magbibihis lang ako. Pasok ka muna,”  sabi ko.

Tumuloy si Valerie sa apartment ko. Agad naman siyang nakita ni Pogi. “Pogi!” tawag niya sa aso.

“Laro muna kayo diyan ni Pogi. Mabilis lang ako,” sabi ko.

Nagmadali akong magbihis sa kuwarto para makalabas kami agad. Mayamaya, “Tapos na ako. `Lika na.”

“`Sama natin si Pogi?” tanong niya.

“Sige.”

Pumunta kami ni Valerie sa isang malapit na food park at nag-order ng pagkain kasama si Pogi.

“Binuksan mo ba `yong phone ko kagabi?” tanong niya.

Bigla akong nabilaukan at agad na uminom ng tubig. “Hindi, ah. Hindi ko nga alam ang pattern niyan, eh,” giit ko na may halong kaba. Baka mabuko niya ako.

She looked at me suspiciously; parang may kutob siya na nabuksan ko nga ang phone.

Bigla kong iniba ang usapan para hindi niya mahalata. `Buti na lang ako si Batman, may contingency plan. “Ah. Valeng, kuwento ka naman. Ano ba kayo ni Shane dati? Base sa pictures n’yo na ipinakita mo sa akin kagabi, parang more than friends kayo, eh.”

Biglang nalungkot si Valerie. Nagbaba lang siya ng tingin. Binawi ko na lang ang tanong. “Ah, Valeng, sorry hindi mo kailangang magkuwento. Sorry kung na-bring up ko `yong topic.” 

“Hindi, okay lang. Dapat ko na nga ikuwento sa `yo para hindi ka na napapahiya kapag sinusugod mo siya,” sabi niya at biglang tumawa.

Mayamaya, tumigil si Valerie sa pagtawa at nagsimulang magkuwento. “Yes, we were more than just friends… or para sa akin we were more than friends. It all started sa café bar. Sarado na ang bar nang gabing iyon at naisipan kong mag-stay para mag-practice. Nagkamali kasi ako sa performance ko nang gabing iyon at inis na inis sa akin ang bandmates ko. Hindi pa sina Karlo ang mga bandmates ko noon.”

“`Tapos?” sabi ko habang ngumunguya.

“`Tapos `ayun na nga. Ganito `yong nangyari...”



Two years ago…

Valerie

HINDI ko naman talaga sinasadyang magkamali. Pero parang nasa sa akin ang lahat ng sisi kung bakit ang pangit ng tugtog namin. Siguro nga, tama sila. Hindi bale, practice na lang.

Mukhang umuwi na ang lahat at ako na lang ang nandito. Umakyat ako sa stage at nagsimulang kumanta at sumayaw. Nang matapos ko ang isang song-and-dance number, may biglang pumalakpak sa isang sulok.

“Wow! Ang ganda naman ng boses mo,” sabi ng lalaking hindi ko kilala.
Napaatras naman ako at bahagyang natakot. “Sino ka? Sino’ng nandiyan? Binabalaan kita, marunong ako ng self defense!” babala ko para matakot kung sino man ang parang stalker na iyon.

Mayamaya, umalis ang taong iyon sa madilim na sulok. Nakita ko tuloy kung kung sino siya. “Shane?”

“Ikaw naman, ikaw na nga itong pinupuri, eh,” sabi ni Shane. “Late na, ah, bakit nandito ka pa?” 

Grabe! Sobrang nahiya ako, hindi ko alam na nanonood pala siya. Parang hihimatayin yata ako. “Ah... eh... nagpa-practice lang. Uuwi na rin ako mamaya. Ikaw, bakit nandito ka pa?” nahiya kong tanong.

“Nakatulog ako sa sulok. Kagigising ko lang,” sagot ni Shane.

“Ay, sorry kung nagising kita. Uuwi na ako.” Kinuha ko ang mga gamit ko at bumaba na ng stage. 

Paalis na sana ako nang bigla siyang lumapit sa akin. “Wait! Kung gusto mo, puwede kitang tulungang mag-practice?”

“T-talaga? S-sige. I mean… huwag na, Shane! Nakakahiya sa `yo,” sabi ko, then I looked away.

“I can see a lot of potential in you. Maybe I can share with you my knowledge about performing,” pilit pa niya.

Biglang umakyat si Shane sa stage at inabot ang kamay niya sa akin. Nakatingin lang ako sa mukha niya at sa sobrang cute niyang ngiti. Parang may gusto na ako sa kanya. Hindi ako agad nakapagsalita at talagang natulala lang. 
Bumilis ang tibok ng puso ko. Malapit na. Malapit na talaga akong himatayin.

Bahagya niyang iginalaw ang kamay niya kaya natauhan ako. Humawak ako sa kamay niya at hinila niya ako paakyat sa stage. Kaso napasobra ang hila kaya medyo napayakap ako sa kanya. O baka naman sinadya ng katawan kong magpayakap?

Oh, my gosh! Sobrang lapit namin sa isa’t isa. Nakatitig lang si Shane sa akin. Hahalikan ba niya ako? Bakit ganito siya makatingin? Shocks! Ang guwapo niya, lalo sa malapitan.

Teka lang, ang bilis yata. Kaya lang bakit ganito? Para talaga akong na-hypnotize ng tingin niya. Mayamaya, hindi ko namalayang napapikit ako. Napapikit dahil nakaabang sa halik… ni Shane.


​
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly