DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 14: The Broken Dragon

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

AGAD akong pumunta sa harap ng stage para panoorin ang banda ni Valerie. Unti-unti na ring pinapapasok ang mga tao sa bar.

Habang nakapuwesto ako sa harap ng stage, bumaba muna si Valerie at kinausap ako. “Kier, kinakabahan talaga ako.”

“Hala, lagot!” biro ko.

Pabiro niya akong sinuntok sa braso. “Nakakainis ka talaga!”

Mahina akong tumawa, saka nagseryoso. “Teka, `di ba matagal mo nang ginagawa `to? Bakit kinakabahan ka pa rin?”

“Si Shane kasi mapapanood niya ako. Nagbabanda ka dati, `di ba? Any tips, Your Honor?”

“Hmm... Let me think...” Nag-isip ako saglit. “Once you’re up there, try to imagine that you are alone with someone or something that you love. That you are just performing for him or for it.”

Marahan siyang tumango na parang naintindihan naman ang sinabi ko. “Thanks, Kier, `buti na lang, nandito ka,” sagot niya at umakyat na uli sa stage.

Mayamaya pa, all set na ang lahat. Nasa loob na rin ang lahat ng audience.

“Good evening, Shaners! Excited na ba kayong makita at mapanood si Shane Moreno?” sigaw ng host.

Naghiyawan naman ang mga tao, tanda nang pagka-excite nilang makita ang kanilang idol.

“Mayamaya lang, nandito na si Shane Moreno! Kaya habang naghihintay, may I please welcome... Valerie and the SZ Diary!”  sigaw uli ng host.

Aba! Ni-retain pala nina Karlo ang pangalan ng banda namin. May mga ilan na pumalakpak at nag-cheer. Kasama ako doon siyempre.

“One! Two! Three! Go! I know a place. Where the grass is really greener…. You could travel the world
but nothing comes close to the golden coast… California girls, we’re unforgettable. Daisy dukes bikinis on top. Sun-kissed skin, so hot we’ll melt your Popsicle. Ooooh, Oh, Ooooh."

“California girls, we’re undeniable. Fine, fresh, fierce, we got it on lock. West coast represent. Now put your hands up.”

Wow! Ang galing pala nitong si Valerie. Hindi ko akalain na may talent ang dragon. Sing and dance pa. Hanep! Ang lambot ng katawan niya at parang easy lang sa kanya na pagsabayin ang sayaw at kanta. Wow!

Nagpalakpakan ang mga tao at mukhang nagustuhan nila ang performance ni Valerie.

“Thank you, guys! Ako nga po pala si Valerie and they are...” Itinuro niya ang mga kabanda niya. “The SZ Diary band, we’ll be right back after a short break!”

Pumunta sila sa backstage. Sumunod naman ako agad para batiin sila.

Pagpasok ko, naabutan kong nagse-celebrate sila para sa isang malinis na pagtugtog kaya binati ko sila. “Congrats, guys! That was awesome!” At nakipag-high-five ako kina Rex at Karlo.

Pagkatapos, inalok ko rin ng high-five si Cheska.

Tinaasan lang niya ako ng kilay. “Sure ka?”

“Huwag kang makipag-high-five diyan, insan, baka mabali ang buto mo,” sabi ni Karlo. Bigla silang tumawa ni Rex. 

Pero ngumiti naman si Cheska. “At least, may blaso akong kayang makipaglaban.”

Muling nagtawanan sina Karlo at Rex. 

“Anong blaso? Baka braso? Bulol ka pa rin talaga sa R!” pang-aasar ni Rex sa babae.

Natakot akong makisabay sa tawanan dahil hindi ko pa naman gaanong kilala si Cheska. Baka makatikim pa ako ng Lariat, iyong finisher move ng mga wrestler, gamit ang mga braso. Masakit iyon! 

Biglang yumakap sa akin si Valerie. Ikinagulat ko iyon, pero agad naman siyang bumitaw. “Kier! Thank you. Effective `yong advice mo.”

“Talaga? Ang galing-galing mo nga, eh. So, sino or ano’ng inisip mo?” tanong ko.

“Secret!” sagot ni Valerie at nginitian lang ako. “Nandiyan na ba si Shane?”

“Tingin ko, wala pa. Baka dumating siya sa next set n’yo, kaya galingan mo,” payo ko.

“Yeah! Kayang-kaya na!” sabi ni Valerie nang may determinasyon sa mukha.

Pagkatapos ng ilang minutong break, biglang pumasok si Miss CJ. “Guys! Mag-prepare na kayo, second set na. Baka mahuli kayo. Tulad ko, nang makita ko siya, huli na ang lahat.”

“Ano raw?” tanong ko kay Valerie.

“Ganyan talaga `yan si Miss CJ, puro hugot,” sagot niya.

Agad silang umakyat sa stage para sa next set. Bumalik naman ako sa puwesto ko kanina. 

“Excited na ba kayong makita si Shane?” tanong ni Valerie sa audience. Muling naghiyawan ang mga ito.

“Ako rin, eh. Mayamaya nandito na po siya. Pero bago `yon, here’s our next song, titled ‘Para Sa Akin.’”

Pa-cute naman `tong next song ni Valeng, sabi ko sa isip ko.

“Kung ika’y magiging akin.`Di ka na muling luluha pa. Pangakong `di ka lolokohin. Ng puso kong nagmamahal.”

Habang kumakanta si Valerie, biglang nagkaroon ng bulungan sa paligid na dumating na raw si Shane Moreno at papasok na sa bar. Naghiyawan na nga ang mga tao sa likuran ko. Paglingon ko, nakita ko pa ang iba na nagtutulakan na para makita ang idol nila. Napansin ko ring biglang ginanahan si Valerie sa pagkanta. Pa-show off talaga.

“Kung ako ay papalarin. Na ako’y iyong mahal na rin. Pangakong ikaw lang ang iibigin. Magpakailanman.”

Nandito na nga sa bar si Shane, natanaw ko na siya. Nagmamadali siyang pumunta sa backstage habang in-assist ng mga bouncers.

Bago tuluyang tumuloy sa backstage, napahinto siya sa gilid ng stage at pinanood si Valerie. Nagpa-cute naman ang dragon at tumingin kay Shane habang kumakanta.

“`Di kita pipilitin, sundin mo ang iyong damdamin. Hayaan na lang tumibok ang puso mo. Para sa akin.”

Umalis na si Shane at dumeretso sa backstage. Dahil doon, natigilan si Valerie sa pagkanta at nagsimulang magkamali sa lyrics.

“Kung ako ay mamalasin. At mayroon ka nang ibang mahal. Kung ika’y magiging akin…”

Hindi na naituloy ni Valerie ang pagkanta. Natulala lang siya at nakatingin lang sa gilid ng stage. Nang mawala si Shane sa paningin ng mga tao, nabaling kay Valerie ang atensiyon nila. Tuloy ang banda sa pagtugtog pero si Valerie tulala lang at hindi na kumakanta. Nagtatawanan ang mga tao. Ang iba naman, may sariling mga usapan na. Mukhang hindi na nila napapansin si Valerie.

Naisipan ko siyang i-cheer para matauhan siya. “Go! Valerie! Ang galing mo!” 

Mukhang napansin ni Valerie ang pagtawag ko dahil napatingin siya sa akin. Out of the hundreds or thousands of people talking in this room, she was able to reach my voice. 

Ngumiti si Valerie at kumantang muli. “`Di kita pipilitin, sundin mo ang iyong damdamin. Hayaan na lang tumibok ang puso mo. Para sa akin.”

Napansin siyang muli ng mga tao at mukhang manghang-mangha sila sa boses ni Valerie kahit nagkamali siya kanina.
Pagkatapos niyang kumanta, nagpalakpakan ang mga tao. May mga sumisigaw pa at nagtsi-cheer sa kanya.

“More! More! More! Ang galing!”

“Wohoo! Galing!”

Hindi more, more practice ang isinisigaw nila kagaya ng pang-aasar ko sa kanya kanina. It looked like they loved Valerie’s performance and they wanted more.

Dahil sa cheer ng mga tao, Valerie performed another song. This time, lalo niyang ginalingan at natuwa naman ang lahat. 

Pagkatapos niyon, nagpaalam na si Valerie sa mga audience. “Thank you, guys! Maraming salamat po! Once again it’s Valerie and the SZ Diary. Mapapanood n’yo na si Shane in a bit, so diyan lang kayo!”

Dumeretso uli sila sa backstage at sumunod naman uli ako. Naabutan kong nagtatawanan sila dahil inaasar nila si Valerie.

“Mula ngayon ikaw na si Tamemeng Valeng!” pang-aasar ni Rex kay Valerie. 

Tawa naman nang tawa si Karlo. Si Cheska naman, busy na magbuhat ng dumbbells. Tingin ko, kapag hindi tumutugtog, UFC fighter nga ang babaeng ito.

“Eh, sorry na, guys. Ang guwapo ni Shane!” katwiran ni Valerie habang kinikilig-kilig pa.

“`Buti, natauhan ka. Akala ko magkakalat tayo kanina, eh,” sabi ni Rex.

“May nakita kasi ako kaya natauhan ako,” sabi ni Valerie at tumingin sa akin nang may ngiti sa mga labi.

Napangiti rin naman ako. `Buti, nakatulong ako kahit papaano.

“Guys, hindi ko na mapapanood si Shane. Magkikita kami ni Coleen, eh. Mauuna na `kong umalis,” paalam ni Rex sa amin.

“Sabay na ako sa `yo, bro. Monthsary n’yo ba ni Coleen? Sama ako, babatiin ko lang kayo,” singit ni Karlo.

“Takte ka talaga, Karlo. Universal Third Wheel ka talaga,” sabi pa ni Rex.

“Gano’n talaga `pag single. Makiki-monthsary na lang sa iba,” paliwanag naman ni Karlo.

Nabaling naman ang atensiyon ni Karlo sa akin. “Ay, oo nga pala, Kier, matagal ko na kayong hindi nababati ni Jana. Magagalit sa akin si Jana nito, eh. Ilang monthsary na ba ang hindi ko nababati sa inyo?”

“Sira ka talaga. Lumakad na nga kayo,” sagot ko. Nagtawanan kaming tatlo nila Karlo at Rex. Pagkatapos, nagpaalam na sila at umalis na.

“Tara na, Kier, labas na tayo dito baka may makakuha ng puwesto natin malapit sa stage,” yaya ni Valerie.

“Eh, paano si Cheska?” 

Hindi naman kami pinansin ni Cheska at tuloy pa rin siya sa pagbubuhat ng dumbbells.

“Busy si Cheska. May laban `yan next month sa underground UFC. Halika na,” sabi ni Valerie.

Mukhang tama pa pala ang hula ko kanina. UFC fighter pala talaga ang babaeng ito. Ano kaya ang mangyayari kapag one day napikon siya kina Karlo?

Pumunta kami ni Valerie sa puwesto ko kanina sa may unahan ng stage.

“Handa na ba kayo kay Shane Moreno?!” pasigaw na tanong ng host sa mga audience.

Muling nabuhayan ang mga tao at kanya-kanya ng cheer.

“Hindi ko na kayo paghihintayin. Ladies and gentlemen, get ready to be Shanerized!”

Ano raw? Shanerized? That was not even a word.

Naghiyawan ang mga tao. Ito namang dragon na kasama ko, kilig na kilig na at tili pa nang tili. Nabalot ang buong café bar ng isang malakas na tunog mula sa mga speakers sa paligid. May boses mula sa mga iyon na nagka-count down.

Ten... Nine... Eight... Seven...

“Oh, my gosh! Excited na ako, Kier!” sigaw ni Valerie habang inaalog-alog ang braso ko.

Six.. Five... Four... Three... Two...

Shanerized!

Natatawa talaga ako sa Shanerized. Naalala ko iyong kanta ng Beegees na “Staying Alive.” Ah, ah, ah, ah, Shane-rized, Shane-rized. Ah, ah, ah, ah, Shane-rizzzeed! 

Lumabas si Shane na bukas ang butones ng damit na pang-itaas habang sumasayaw kaya nagtilian nang sobrang lakas ang mga babae.

Okay, so, may six-pack abs siya. Pero `sus… meron din ako niyan!

Nakakabingi ang hiyawan at tilian ng mga tao. Si Valerie naman, parang hihimatayin na sa kilig at sa tili. Nang magsimulang kumanta si Shane, lalo pang naloka ang mga babae.

Naririnig ko ang iba sa mga tao na nasa paligid.

“Oh, my God, those abs!”

“Shane, akin ka na lang!”

“Shane, iuuwi na kita!”

“Shane, naligo ako para sa `yo!”

“Shane, ang hot mo!”

Nakapitong kanta si Shane bago matapos ang concert. Tingin ko, bingi na iyong tainga ko dahil sa mga tili at hiyawan ng mga babae.

“Kier, samahan mo ako. Magpapakita ako kay Shane. May VIP access ako sa meet and greet niya sa backstage,” aya ni Valerie sa akin.

“Ikaw na lang, Valeng. Dito na lang ako,” tanggi ko.

Pero hindi siya nagpatinag, hinawakan niya ang kamay ko at nagmadali kaming pumila sa meet and greet booth ni Shane.
Ang haba ng pila. Ang daming gustong magpa-picture at magpa-autograph kay Shane. Hindi ko alam na ganito pala kasikat ang morenong ito.

Matapos ang ilang minutong paghihintay, malapit na ang pila namin.

“Kier! Malapit na tayo. Kuhaan mo kami ng picture, ah?” excited na sabi ni Valerie at ibinigay sa akin ang phone niya.

“O, baka hindi ka naman makapagsalita kapag ikaw na ang nandoon, ah. Relax ka lang,” payo ko.

Mayamaya pa, nasa harap na ni Valerie si Shane. “H-hi, Shane! P-pa-autograph, p-please.” At iniabot niya kay Shane ang isang CD album nito.

“Shane, kilala mo pa ba ako? It’s me Valerie!” 

Tiningnan ni Shane si Valerie. “Sorry, hindi,” masungit niyang sagot. Yumuko siya at pinirmahan na ang album.

Natulala lang si Valerie. Mukhang hindi niya akalain na hindi na siya makikilala ni Shane. Kinuha na niya ang album nang mapirmahan na iyon ng lalaki. Napayuko na lang siya at hindi gumalaw sa kinatatayuan.

“Miss, magpapa-picture ka ba? Marami kasing nakapila,” tanong ni Shane kay Valerie.

Hindi umimik si Valerie, umalis siya sa pila at umupo sa isang sulok. 

Naisip kong puntahan siya pero bago iyon, kinausap ko muna ang babaeng nakapila sa likuran ko. “Miss, ikaw muna. Basta ako ang next sa `yo, ah?”

“Sege po, Koya,” sabi ng babae.

Agad kong pinuntahan si Valerie. Tinabihan ko siya. “Valeng. Okay ka lang ba?”

Mayamaya, narinig ko na siyang umiiyak. Hindi ko alam kung bakit pero biglang nag-init ang ulo ko. May nagpaiyak sa kaibigan ko. Gusto ko nang sugurin si Shane. Pero this time, dapat makasiguro muna ako kaya minabuti kong tanungin muna si Valerie.
​
“Valeng, magkakilala ba talaga kayo ni Shane?”
NEXT CHAPTER
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly