DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 13: From Dragon To An Idol

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

“ANO PO ang tungkol kay Jana?” nakakunot-noo kong tanong kay Tita Jizelle. Kinakabahan ako. Ano kaya ang ibig niyang sabihin?

“Kasi, Kier...” 

“`Ma, si Kier ba `yan?” narinig kong tinawag ni Jana si Tita Jizelle kaya naputol ang sasabihin ng ginang sa akin.

Pagkatapos, biglang naputol na ang linya at hindi na uli tumawag si Tita Jizelle. Nag-aalala ako. Ano kaya ang dapat kong malaman?

Agad akong nag-send ng message kay Jana para malaman kung ano man iyon.

Me: My love, ano `yong sasabihin sana sa akin ni Tita?

Hindi nag-reply si Jana kaya kinulit ko pa siya.

Me: Jana? Please reply.

Hindi talaga nag-reply si Jana. Natataranta na ako. Ano ang dapat kong malaman?
Kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko.  Nakakainis talaga. Bakit wala siyang sagot sa mga message ko?
Muli akong nag-message.

Me: Jana, tawag ka naman, o. My love, please.

Pagkatapos ng ilang minutong paghihintay, biglang tumawag si Jana. Agad ko naman iyong sinagot. Sa wakas!

“Hello, Kier, sorry ngayon lang. Huwag mong intindihin si Mama nagbibiro lang `yon,” sabi niya sa kabilang linya.

“Eh, bakit hindi mo ako agad tinawagan?” tanong ko.

“Sorry, nag-uusap pa kasi kami ni Mama. Mag-aral ka na, my love. Malapit na’ng exam, `di ba?”

Sa sinabi ni Jana, alam kong meron talagang gustong sabihin si Tita Jizelle kanina. Ano kaya iyon?

“Oo malapit na pero bukas na ako mag-aaral. Wala naman akong pasok, eh. Pero ano ba talaga `yong gustong sabihin ni Tita?”

“Huwag mo na ngang intindihin iyon. Sige na. Matulog ka na, para bukas, marami kang lakas,” giit ni Jana.

“Hindi naman kasi magsasabi ng gano’n si Tita kung wala talaga siyang gustong sabihin. Ano nga `yon?” pamimilit ko dahil gusto ko talagang malaman. Ayaw kong mag-isip ng kahit na anong bagay. Dapat malaman ko mismo sa kanya ang totoo.

“Okay, sige. Uhm..” sabi ni Jana. “Ano... Uhm... Baka makauwi kami diyan for vacation after ng Bar exam.”

Kung kanina ay kinakabahan, ngayon ay natuwa na ako dahil sa sinabi niya. “Wow! Talaga? Yes! Thank you, my love. lalo akong ginanahang mag-aral.”

“Sige na, Kier. Marami pa akong gagawin. Baka matulog na rin ako pagkatapos ko dito. Good night. I love you,” sabi ni Jana.
 
Base sa tono ng boses niya, mukhang pagod na nga siya. Kaya kahit gusto ko pa siyang kausapin, tinapos ko na ang tawag.

"Sige, my love. Good night and I love you. See you soon.”

Pagkatapos naming mag-usap, hindi ko alam kung bakit pero parang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Biglang pumasok sa isip ko na parang may itinatago pa rin si Jana. Parang hindi ang pag-uwi nila ang gustong sabihin ni Tita Jizelle.

Naisip kong mag-send ng message kay Tita Jizelle pero baka masamain iyon ni Jana at isipin niyang wala akong tiwala sa kanya.

Napabuntong-hininga na lang ako. I guessed I had to trust her. Ganito pala ang LDR. Mas kailangan mong sundin ang puso mo kaysa ang isip mo.

Bago ako natulog, naisip kong mag-send uli ng message kay Jana.

Me: Good night, my love. You will always be in my heart.




NAGING maayos naman ang tulog ko. Pero hindi pa rin matanggal sa isip ko kung ano nga ba ang gustong sabihin ni Tita Jizelle kagabi. May tiwala naman ako kay Jana. Hindi ko lang talaga alam kung bakit parang ang bigat ng naramdaman ko pagkatapos naming mag-usap kagabi.

Nag-almusal muna kami ni Pogi bago ko siya ilabas para mamasyal sa park. Habang kumakain, naisip kong buksan ang TV. Matagal ko nang hindi nagagawang manood ng TV, parang wala kasing magandang palabas. Pero baka tawagin na naman akong tagabundok ng Valeng na iyon kapag wala akong alam sa mga nangyayari sa TV.

Inilipat ko nang inilipat ang channel pero wala talagang magandang palabas. Hanggang sa nanood na lang ako ng anime. Dragon Ball ang title.

Frieza: Ako ang pinakamalakas sa buong galaxy. Hindi mo `ko kayang talunin, Son Goku.
Son Goku: Tumigil ka, Frieza. Paulit-ulit nang nire-replay `to at lagi kang natatalo.


Inilipat ko na lang sa news ang TV dahil mukhang pinaglalaruan ng dubber ang anime na iyon. Pagdating sa news channel... 

“Aba! Si Shane Mestiso pala `tong nasa TV,” sabi ko. “Sigurado, nanonood ang dragon.”

Interviewer: So, Shane, saan ang next mong concert or mall tour?

Shane: Me and my manager have decided to pay tribute to the place where I was born.

Interviewer: Are we talking about your place of birth, kung saan ka ipinanganak?

Shane:  No! I mean kung saan ako nagsimula bilang artist. Sa CJ Café Bar.

Interviewer: Wow! This is good news, folks! Can you tell us more about it, Shane?

Shane: We made some arrangements with Miss CJ, the owner. And we are set to perform there next week on Saturday.

Interviewer: Thank you, Shane! O, mga fans ni Shane, this is your chance to see your idol perform live! Shane, once again please invite your fans to your upcoming show.

Shane: Iniimbitahan ko po kayong lahat na manood sa aking upcoming tribute concert sa CJ Café Bar on Saturday, next week. May meet and greet din po tayo. For more info, visit Ticketopia.com. Tickets are also available at Ticketopia booth. See you there!

Pinatay ko na ang TV dahil tapos na akong kumain at lalabas na rin kami ni Pogi. If I remembered it correctly, sabi ni Valerie, tumutugtog siya kung saan unang tumugtog si Shane. Siguro nagtatatalon na sa tuwa ang fangirl na dragon dahil muling tutugtog ang crush niya sa café bar kung saan siya kumakanta.

Lumabas na kami ni Pogi at pumunta sa park. Ang laki ng ipinagbago ng park na ito kumpara two years ago. May man-made mini lake na may bridge na pang-lovers na, may malaking puno sa gitna, at mas peaceful na ring tingnan dahil sa mga nadagdag na puno at statues. All thanks to my lovely girlfriend, ideas niya lahat ito. Proud na proud talaga ako kay Jana.
Nagpatuloy kaming mamasyal ni Pogi. Then we went to the place where I pulled my heart out and offered to my only one—ang garden ng park. Kung saan tumigil ang mundo ko nang makita ko ang babaeng nagbigay ng kulay sa black and white kong buhay.

Napabuntong-hininga ako habang ini-imagine ang nakaraan namin ni Jana. “Miss ko na si Mommy mo, Pogi.”
Pagkatapos naming mamasyal ni Pogi, minabuti kong bumalik na sa apartment dahil kailangan ko pang mag-aral. 
Pagdating namin doon, nagulat ako nang makita si Valerie na naghihintay sa labas.

“Valeng? Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Kier!” Nilapitan niya ko habang tumitili-tili pa. “Oh, my God, Kier!” Hinawakan niya ang braso ko at niyugyog iyon. “Napanood mo ba sa TV kanina? Oh, my gosh!” 

Kitang-kita kong namumula siya at hindi mapakali. “Anong napanood? `Yong laban ba nina Frieza at Goku?” pabiro kong tanong.

Pinalo niya ako sa braso. “Hindi! Si Shane may gig sa bar namin!”

“Oh, ano’ng gagawin ko?” 

“Kami ang unang entry bago siya. Mapapanood niya akong mag-perform!” sabi ni Valerie na halatang sobrang excited talaga dahil sa tono ng boses niya.

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko. Ano naman ang kinalaman niyon at nandito siya sa labas ng apartment ko? “Eh, bakit ka nga nandito?”

Tumawa siya. “Hindi naman ikaw ang ipinunta ko dito, eh. Si Pogi kaya,” sabay haplos sa ulo ni Pogi, “Hi, Pogi, did you miss Ate Valeng?”

“Ang weird mo talaga,” sabi ko. Papasok na ako sa apartment nang pigilan ako ni Valerie. 

 “Joke lang. Ito, o.” Iniabot niya sa akin ang kung ano.

“Ano `to?” tanong ko habang tinitingnan ang isang papel na parang ticket.

“Free ticket sa gig ni Shane Moreno,” sagot niya.

“Hindi ko pa alam kung wala akong gagawin next week, eh. Pero salamat dito.”

“Kitam! Paano mo nalaman na next week ang gig? Eh, di nakita mo nga sa TV kanina!” sabi ni Valerie.

“Unfortunately, yes.”

“Punta ka, Kier, please. Kinakabahan kasi ako, eh,” pamimiilit niya.

Actually, gusto kong tumanggi dahil hindi ko naman kilala si Shane pero... I couldn’t seem to refuse her. She came all the way here just to give me a free ticket. 

“O-okay. Sige itsi-cheer kita do’n. Sasabihin ko... More! More! More practice!” biro ko, sabay tawa pero bigla niyang tinapakan ang paa ko. “Aray! War freak ka talagang dragon ka.”

“Basta punta ka, ah? Agahan mo!” utos pa ni Valerie. “Alis na ako, Kier. May practice pa kami.”

“Sige salamat uli. See you next week,” sagot ko na lang.

“Bye, Pogi!” paalam niya at hinaplos pa ang aso ko.

Medyo malayo na si Valerie nang muli siyang bumalik. “Kier, kunin mo ang number ko para kapag nasa labas ka ng café bar, masusundo kita. Para hindi ka na pumila.”

“O-okay,” sagot ko. Ibinigay niya sa akin ang number niya at ini-record ko naman iyon sa phone ko.

Umalis na si Valerie. Pumasok na kami ni Pogi sa apartment.  

Himala, hindi ako tinawag na panget ng dragon. May sakit yata.




I’VE SPENT the weekends doing chores, playing with Pogi, and studying. Minsan, nakakausap ko si Jana sa phone pero sobrang saglit lang. Nagpaalam na rin ako sa kanya na pupunta ako sa isang gig next week at pinayagan naman niya ako.
Concert na ni Shane. Inagahan ko ang pagpunta dahil baka mabugahan pa ako ng apoy ng dragon. Pagdating ko, marami nang nakapila sa labas ng café bar kahit mamaya pa iyon magbubukas. Mukhang marami ngang fans itong si Shane.  Nag-text ako kay Valerie para malaman niyang nandito na ako.

Mayamaya pa, lumabas si Valerie mula sa loob ng café bar. At… nagulat ako sa nakita kong hitsura niya.

Maganda pala ang dragon kapag nakaayos. Blonde na may halong green sa dulo at straight ang buhok niya na talagang bumagay sa kanya.

“Hi, Your Honor! Thanks for coming!” bati ni Valerie.

“Uhm, excuse me? Nasaan po `yong kaibigan kong dragon?” nagbibiro kong tanong, sabay kunwaring may tinatanaw sa likuran niya.

“Ang corny mo talaga,” sagot niya na may kasamang pabirong hampas sa braso ko. “Tara, pasok na tayo sa loob.” 

Habang papasok kami sa bar, naisip kong asarin siya. “Nice look, parang Lady Gaga, ah.” Bigla niya akong siniko sa tiyan. “Argh! Joke lang.”

Pagpasok namin, ipinakilala ako ni Valerie sa may-ari ng bar. “Miss CJ, si Kier po, friend ko.”

“Hello po,” bati ko naman sa babae.

“Naku friend, diyan nagsisimula yan, eh. Diyan din nagtatapos,” sagot ni Miss CJ.

“May hugot, Madam?” tanong ni Valerie, sabay tawa.

“Alam mo naman... hugot is life!” sagot naman ng babae.

Dumeretso kami ni Valerie sa backstage dahil gusto raw niya akong ipakilala sa mga bandmates niya. Pagpasok namin nagulat ako sa nakita ko.

“Holy shit, Insan! Ano’ng ginagawa mo dito?!” sabi ni Karlo na pinsan ko at dati kong bandmate. Nilapitan niya ako at nakipag-high-five sa akin.

“What the—? Ikaw ang gitarista nila?” gulat kong tanong.

Biglang sumingit ang isa ko pang dating bandmate na agad ko ring nakilala, si Rex. “Nandito rin ako, bro!”

“Rex, pare, kumusta?”

 Nasorpresa ako. Hindi ko akalain na makikita ko rito ang mga kaibigan ko na matagal ko nang hindi nakikita.
Sumingit si Valerie at nagtanong. “You guys know each other?”

“Mga dati ko silang kabanda. Si Karlo, pinsan ko `to,” sagot ko habang nakaakbay kay Karlo. “So, kayo ang tumutugtog para dito kay Valeng?” tanong ko naman kay Rex.

“Oo, bro. Magaling `yang si Valeng. Balang-araw sisikat `yan for sure.”

“Eh, di wow,” sabi ni Valerie. “`Nga pala, si Cheska, bassist namin,” dagdag niya at ipinakilala sa akin ang isang babae na medyo malaki ang katawan na parang UFC fighter yata.

“Hello!” sabi ko pero hindi ako pinansin ni Cheska.

“Ganyan talaga `yan, bro. Pero tingnan mo ang braso. May braso `yan na kaya kang ipaglaban,” sabi ni Rex. Natawa sila ni Karlo.

Naalala ko iyong panaginip ko dati tungkol sa bandmates ko. Kaya pala hindi ko kilala iyong dalawang bagong member nina Karlo at Rex… kasi sina Valeng at Cheska pala iyon. 

Akalain mo iyon, parang unti-unti yatang nagkakatotoo ang panaginip ko. Sana nga. Maganda pa naman iyong last part.
Biglang pumasok si Miss CJ. “Guys, parating na si Shane. Magsisimula na tayo. Valeng, maghanda ka na.”

Lumabas na sina Cheska, Karlo, at Rex mula sa backstage. Pumunta sila ng stage para mag-set up at mag-sound check.
Naiwan naman kami ni Valerie. 

“Kier, kinakabahan ako.”

Hinawakan ko siya sa balikat at sinubukang palakasin ang kanyang loob. “Tiwala lang. Mga kabanda ko dati ang mga kasama mo ngayon. Hindi ka mapapahiya sa mga `yan.”

Huminga siya nang malalim at nag-ayos ng buhok. “Sana mapansin ako ni Shane. How do I look?”

Sasabihin ko sana na mukha siyang dragon pero hindi, eh. Iba talaga ang hitsura niya ngayon. Aaminin ko ang ganda niya.

"You look good. Now break a leg!”

Tinitigan niya ako nang matagal at nginitian.  Pagkatapos ay nagmadali na siyang pumunta sa stage. 
​
Haay... wish I could play music with them. I suddenly missed performing in a band.
Next CHapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly