DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 12: Troublemaker

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier 

“WHAT the hell are you talking about?!” gulat na gulat na sabi ni Shane. Maging ang kasama niyang babae, parang hindi rin makapaniwala sa sinabi ko.

Bigla sinampal ng babae si Shane. “I was told na playboy ka, Shane, pero hindi ako naniwala! You’ve just prove them right!” At nagmamadali siyang umalis.

Lumapit si Valerie sa akin at nagtago sa likuran ko.

“Look what you’ve done, dude! Sino ka ba? Sino ba `yang sinasabi mo? Wala akong girlfriend and that was my date you ruined!”  sigaw ni Shane sa akin.

Itinuro ko naman si Valerie na nagtatago sa likuran ko. “Heto, o. Nandito sa likuran ko. Sabi niya, boyfriend ka niya, eh.”

Sinilip ni Shane si Valerie sa likuran ko. At base sa expression ng kanyang mukha, parang hindi nga niya kilala si Valerie. Pilit namang itinago ni Valerie ang mukha niya.

Inis na inis na umalis si Shane. Narinig ko siyang napabulong. “Geez, what’s wrong with these people?”

Pag-alis ni Shane, sinipa ako ni Valerie sa tuhod at napatalon ako sa sakit. “Aray! Aray! Bakit?”

“Nakakainis ka talagang panget ka! Bakit mo ginawa `yon?” tanong niya.

“Teka lang, sabi mo kasi boyfriend mo siya, eh. At may kasama siyang iba. I was doing you a favor. Malay ko bang imaginary boyfriend mo lang pala,” paliwanag ko. Bigla naman niyang tinapakan ang paa ko. “Aray! Ano ba’ng problema mo?”

Padabog na lumabas si Valerie ng restaurant. Bakas sa mukha niya na inis na inis siya. Nagtanong naman ako sa waitress kung okay na ang lahat. `Buti na lang at walang kaming leftovers kaya nakalabas ako agad.

Sinubukan kong habulin si Valerie pero paglabas ko, wala na siya. Hindi ko na siya makita. Lumipad na yata ang dragon. 
Bakit kaya nagalit sa akin iyon? Siya naman ang may kasalanan, eh. Sana sinabi niya na imaginary boyfriend pala niya iyong Shane. Hindi ko sana nasira iyong date ng tao.

Sino nga ba iyong Shane Moreno na iyon? Parang narinig ko na ang pangalan niya dati. Makauwi na nga lang, malaki naman na ang babaeng iyon at may taxi pa siya.

Palabas na ako ng mall nang maalalang wala nga pala akong dalang pera.

Anak ng kimchi!

Nagmadali akong pumunta sa parking lot, baka nandoon pa si Valerie. Pero pagdating ko, wala na ang taxi ni Kuya Gilbert sa paligid. Patay! Mukhang maglalakad pa yata ako pauwi.

Tatawag na lang ako ng ibang taxi. Pagkatapos paghihintayin ko na lang sa labas ng apartment para kunin ang pera ko at makapagbayad ako. Agad akong pumunta sa taxi bay area ng mall. Sobrang haba ng pila pero wala akong choice.

Tiningnan ko ang phone ko para i-check kung may message na si Jana pero wala pa rin. Nag-type ako ng message sa kanya.

My love, bakit kahit isang message wala? Alam kong busy ka. Pero sana naman makahanap ka ng time sa akin. Kahit kaunti alam kong puwede ka namang mag-message sa akin. Gusto ko lang naman malaman kung kumusta ka.

I was about to hit the send button to send it to her, but I deleted it and sent this instead...

I miss you, my love.

Naisip ko... Paano kaya kung walang Delete button or hindi na puwedeng burahin kung ano man ang naisulat mo na? Siguro lahat ng tao, alam agad ang saloobin ng kausap nila. Minsan kasi, what we really feel or mean would be the first message that we type until we delete it and change it to something else. 

Haays... kung ano-ano ang naiisip ko. Dala na lang siguro ng pangungulila ko kay Jana.

Habang naghihintay, nag-browse na lang ako sa social media. Busy ako sa pagba-browse nang biglang may kumalabit sa likod ko.

“Kuya! Kuya! Palimos po. Ay `wag na po pala wala nga pala kayong pera.”

Paglingon ko, si Valerie pala—nang-aasar na naman at tawa pa nang tawa. Hindi ko alam kung bakit, pero sumaya ako nang nakita siya. Siguro dahil alam kong may sasakyan na ako pauwi.

“Valeng! Saan ka pumunta? Akala ko umuwi ka na, eh,” tanong ko.

“Ini-stalk si Shane,” sabi niya at kinikilig-kilig pa. “Bakit ka nakapila diyan, eh, wala ka namang pera?”

“Bigla kang nawala, kaya no choice,” sagot ko naman.

“Pauwi na nga rin sana ako, `tapos nakita kita. `Lika na sabay ka na sa `kin,” nakangiting alok niya.

Am I dreaming? Parang good mood yata ang dragon at inalok akong sumabay.

Naglakad kaming muli papunta sa parking lot. Habang naglalakad, abot-tainga pa rin ang ngiti ni Valerie. Napapakanta-kanta pa siya.

“You make me feel like I’m living like a teenage dream. Na, na, na, na, na, na.”

“Naks! Good mood, ah? Ano’ng nangyari?” tanong ko.

“Hindi ko alam, basta masaya ako,” sagot niya habang nakangiti.

“Ang weird mo talaga minsan,” sabi ko pa.

Mayamaya pa, nakarating na kami sa parking lot at sumakay na sa taxi.  Agad kaming umalis ng mall dahil gabi na at kailangan ko na rin makauwi agad para kay Pogi.

“Sino ba `yong Shane Moreno na `yon?” tanong ko habang bumibiyahe kami.

Napakunot-noo naman si Valerie, “Seriously? Hindi mo talaga siya kilala?” 

“Bakit sino ba siya?” tanong ko uli.

“My God! Ano ba `tong lalaking `to? Hindi ka ba nanonood ng TV?  He’s a pop singer, sikat kaya siya.”

Huminto saglit ang taxi sa stoplight. Iniabot ni Valerie sa akin ang phone niya. “Ito siya, o. Swipe mo lang. Marami akong pictures niya.”

“Sabi mo low batt na ang phone mo kanina?”

Ngumiti siya. “Eh, kasi baka makilala mo siya, mabisto mo pa ako.”

Tiningnan ko ang mga picture ng idol slash imaginary boyfriend niya.

“I’m sure nakita mo na siya sa isang billboard or may song siya na narinig mo na,” sabi pa ni Valerie.

“I think hindi siya gano’n kasikat. Nakita ko na nga ito sa isang commercial. Hulaan ko, tatay niya si Kuya Germs, `no? German Moreno?” sabi ko, sabay tawa.

Pero hindi natawa si Valerie. “Ang corny mo talaga. Hindi, `no. Korean ang nanay niya. Half Korean kaya siya.”

“Half Korean-Half... shitzu?” pang-aasar ko, sabay tawa uli.

“Eh, di wow. At least siya guwapo at magaling pang kumanta,”  sabi niya.

“May talent ba talaga `yan? Baka gusto mo lang siya dahil guwapo siya?”

“Oo naman, `no! Teka, bakit parang insecure ka yata sa kanya? Tsk, bad `yan, Your Honor. Aminin mo na lang kasi na siya guwapo at ikaw hindi,” sagot niya, sabay tawa nang mas malakas.

“Insecure? Hindi, ah. Hindi ko lang talaga siya kilala,” giit ko.

“He started singing do’n sa café bar kung saan ako kumakanta two years ago. Si Shane ang pinakasikat na entry ng bar dati every Friday. Naabutan ko siya do’n. At unang kita ko pa lang noon sa kanya, crush ko na siya,” pagkukuwento pa ni Valerie kahit hindi ko tinatanong. “Ang bait-bait kaya ni Shane. `Tapos siya ang naging mentor naming mga newbie noon. Lagi pa nga kaming nakakapag-usap dati, eh. Sabi pa niya, ako raw ang pinakanagustuhan niya sa mga nakatrabaho niya sa bar."

“Kaya lang...” Biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Valerie.  “Simula nang sumikat siya at nakakuha ng big break sa mga studio at TV, hindi na siya bumalik sa bar at nakalimutan na rin niya kami. Marami siyang naging haters sa amin dahil doon. Pero ako? Todo suporta pa rin sa kanya.”

Aasarain ko sana si Valerie na hindi na siya kilala ng crush niya pero mas minabuti ko nang tumahimik na lang dahil baka masaktan pa siya. “I see, magkakilala naman pala kayo dati. Kaya pala nagtatago ka kanina,” sabi ko na lang.

Hindi siya nagsalita at patuloy lang sa pagmamaneho.

“Sorry kanina, ah? Akala ko lang naman kasi boyfriend mo talaga `yon kaya sinugod ko,” sabi ko.

Napangiti naman si Valerie sa sinabi ko.  “Ang tapang mo nga kanina, eh. Pahiya ka nga lang.” 

“At least, wala nang ka-date `yong crush mo  at alam mo na rin na wala siyang girlfriend. May pag-asa ka pa,” sabi ko at nagtawanan kami.

Matapos ang ilang minutong biyahe, nakarating kami sa apartment na tinutuluyan ko. Bago ako bumaba ng taxi, kinausap ako ni Valerie. 

“Kier, you seem to be a good guy. Thank you for this day. Ang suwerte ni Jana sa `yo.”

Nagulat ako. Hindi ko alam na may soft side pala ang dragon. I mean, hindi ko akalain na magpapasalamat siya. Napangiti naman ako sa sinabi niya. “Wala `yon. Pero hindi ka ba magso-sorry sa mga pang-aasar mo sa akin?”

“Hindi! Nakakatuwa kang asarin, eh. `Pikon mo kasi,” sagot niya, sabay tawa.

Sino kaya iyong pikon sa amin? “Ikaw kaya `yong pikon,” sabi ko.

“Tse! Bumaba ka na nga!” sabi niya.

Nakangiti akong bumaba ng taxi. Papasok na ako sa apartment nang bigla kong maisip balikan si Valerie. Kinatok ko ang bintana niya para buksan niya iyon. “Valeng, hintayin mo nga pala ako dito. Ibibigay ko `yong bayad sa paghatid.”
“Huwag na. Libre ko na `yon,” tanggi niya.

“Talaga? Salamat. Labas ka muna diyan. May ipapakilala ako sa `yo,” sabi ko.

Bumaba si Valerie ng taxi. Agad naman akong pumunta sa apartment ko. Pagbukas ko ng pinto, biglang kumaripas ng takbo si Pogi. Akala ko sasalubungin niya ako pero bigla siyang lumabas at pinuntahan si Valerie.

“Pogi!” tuwang-tuwang sabi ni Valerie. Kinarga niya ang aso at dinilaan naman siya nito sa pisngi. Tuwang-tuwa rin si Pogi na makita si Valerie base sa buntot niyang ang bilis ng galaw. 

Bigla akong natulala habang pinagmamasdan sila. Ganoon na ganoon si Pogi kapag nakikita niya si Jana.

Sa sobrang kalikutan ni Pogi, ibinaba na siya ni Valerie. 

Nilapitan ko sila at kinarga si Pogi. “Pogi baby, meet Ate Valerie.”

Hinaplos ni Valerie ang ulo ni Pogi. “Hala, nakakatuwa naman. Kilala mo pa ako. Ang cute-cute mo talaga, Pogi. Puwede ko ba siyang dalawin minsan?” tanong niya.

Tumahol si Pogi. Gusto niya yatang sabihin na dapat pumayag ako. Kaya pumayag naman ako. “Oo naman. Mukhang gusto ka naman niya, eh.”

“Yehey!” sabi ni Valerie. 

Para talaga siyang bata minsan.

Muli niyang hinaplos si Pogi at nagpaalam na. “Kier, kailangan ko nang umuwi. Salamat uli, ah?” Pagkatapos ay binigyan niya ng kiss si Pogi sa ulo. “Bye, Pogi!”

Hinawakan ko ang kamay ni Pogi at kunwari ay nagpaalam siya kay Valerie. “Bye, Ate Valeng. Ingat ka.”

Napangiti naman si Valerie. Sumakay na siya sa taxi niya at umalis na. 

Nakakatuwa rin pala itong si Valerie. It was a long day, but it was a great and funny experience.

Pumasok na kami ni Pogi. Hindi ko maipaliwanag pero ang saya ng araw na ito kahit puro asaran at may mga kamalasan. It felt good to have a new friend.

Pagtingin ko sa phone ko, may message na si Jana sa Messenger. Sa wakas, kompleto na ang araw ko!

Jana: My love, I’m sorry for not being able to chat with you lately. Sana hindi ka nagtatampo. Kumusta ka? I miss you so much.

Me: Hello, my love! Heto, kakauwi ko lang. I’m okay. But I really missed you. Kumusta ka diyan? Makakapag-chat ba tayo nang matagal ngayon?

Jana:  I’m sorry, Kier. Marami pa akong gagawin na blueprint revisions mamaya, then I have to sleep early for tomorrow. Binibisita kasi kami ng mga clients kaya sobrang busy ko talaga.

Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng tampo sa kanya ngayon.

Me: Okay lang, naiintindihan ko naman. Basta ayos ka lang at kumakain ka sa oras.

Jana: Thanks, my love. Don’t worry babawi ako sa `yo. Kumusta kayo ni Pogi?

Me: Okay rin naman siya. Heto kain lang nang kain, saka likot lang nang likot. Miss ka na rin niya.

Jana: Got your message earlier. I am glad to know that you got a new friend. Please don’t make yourself alone all the time. Get along with your friends, ha?

Me: Yes, my love. Sana magkaroon ka ng oras someday.

Jana: I’ll try, don’t worry. Promise me you’ll see your friends or your new friend.
Me: I promise.

Jana: Sige na, my love. I have to go. Take good care. I love you.

Me: Likewise, I love you, too.

​
So that was how it went. Malayo si Jana. Hindi ko nakikita, hindi ko nakakausap nang matagal, pero wala akong magagawa. Kahit masakit, kahit mahirap, at kahit nakakahina ng loob. Nagtitiis ako dahil mahal ko.

Natulala na lang ako sa kisame at nag-imagine na sana nandito siya sa tabi ko.

Ilang saglit pa, biglang tumunog ang phone ko. Si Tita Jizelle pala ang tumatawag kaya agad ko iyong sinagot.

“Hello, Tita, kumusta po? Napatawag po kayo?” sabi ko.

“Hello, Kier, mabuti naman kami. Kumusta ka diyan? Kumusta ang pag-aaral mo?” tanong ni Tita Jizelle sa kabilang linya.

“Okay naman po, Tita. Malapit na ang Bar exam. Bakit po kayo napatawag?” tanong ko.
​
Narinig kong napabuntong-hininga si Tita Jizelle. “May kailangan kang malaman tungkol kay Jana.”
next chapter
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly