DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Chapter 11: Her Boyfriend?

☆

5/11/2025

0 Comments

 

until i'm over you

Kier

“VALENG? Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Ang tagal mong lumabas, panget!” sagot niya.

“Teka, malay ko bang hinihintay mo ako. Bakit ba?”

Inilahad ni Valerie ang kamay sa akin. “Bayad mo? Hindi ka kaya nagbayad kanina, tatakbuhan mo pa `ko, ah.”

Hala, kaya pala! Hindi pala ako nagbayad kanina. How could I forget about it?

“Ay, sorry, nawala sa isip ko,” sagot ko at hinanap ko ang wallet ko. 

Kinapa ko na sa bulsa at hinanap ko sa bag, pero wala akong nakita. Mukhang kamamadali kanina, naiwan ko pa yata ang wallet ko. “Sorry, Valeng, puwede bang ilista mo muna? O hindi kaya ihatid mo uli `ko sa bahay para maibigay ko sa `yo `yong bayad,” sabi ko.

Tinaasan lang niya ako ng kilay.

Bigla kong naalalang may free coupons nga pala ako sa isang Korean restaurant. Bigay sa akin ng isa sa mga professor ko for getting high marks.  Ang galing ko, `no? Siguro okay na muna itong pambayad.

“Sorry talaga. Naiwan ko yata sa bahay `yong wallet ko, eh.” Inilabas ko ang dalawang coupons at iniabot sa kanya. “Puwede na ba `to?” 

“Ano `yan?” tanong ni Valerie.

“Coupons. Good for two na `yan. Mas mahal pa yata `yan sa bill ng taxi ko kanina, eh.” Ipinakita ko sa kanya ang nakasulat sa coupons. “Free dinner ito sa Seoul Garden. Meron yata diyan sa malapit na mall. Hindi ko nga lang alam kung anong klaseng restaurant `yan.”

Biglang parang nagningning ang mga mata ni Valerie at na-excite. “Wow! Sige puwedeng-puwede na `yan. Tagabundok ka talaga! Korean Restaurant `yan!” Para siyang bata na tuwang-tuwa sa Korean coupon na `yon. “Yehey!”

Kinuha niya sa akin ang coupons at agad na inilagay sa bulsa niya.

“Quits na tayo, ah? Puwede n’yong gamitin `yan ng boyfriend mo,” sabi ko.

Nakapagtataka na biglang tumahimik si Valerie at nawala ang ngiti sa kanyang mukha.

“Uhm... may pasok ka ba bukas?” tanong niya pagkatapos.

“Wala naman. Bakit mo naitanong?” sagot ko.

“Tayo na lang ang gumamit nitong coupon. Pasalamat ko na rin sa pagbalik mo kanina,” sabi ni Valerie.

Nagulat ako sa pag-aya niya sa akin. Bakit naman kaya ako naisipang ayain ng dragon na `to?

Nag-check ako ng phone para tingnan kung may message si Jana. Pero till now, wala pa rin. Nag-chat na lang ako para alam niya kung nasaan ako.

Me:  Jana, my love, kakain lang ako with a new friend, her name is Valerie. Anak siya ni Kuya Gilbert. Naiwan ko kasi `yong wallet ko at wala akong pambayad sa taxi. Siya kasi nagmamaneho ng taxi. `Buti na lang, may free dining coupons ako. Wish you were here. Hope to chat with you later. I miss you.

Naghintay ako nang kaunti pero hindi pa rin online si Jana. Hindi naman kami magde-date ni Valerie. Saka hindi naman immature si Jana kaya okay lang siguro na samahan ko si Valerie.

“Ano na, Your Honor? Gutom na `ko. Huwag kang mag-alala, hindi ito date, `no. Puputi muna ang uwak bago kita i-date. Gusto ko lang kumain, saka mukhang dapat sabay na gagamitin ang coupons na ito. Hindi puwedeng isa lang. Sayang naman `pag hindi nagamit `yong isa,” dagdag pa niya.

Nakasulat nga sa coupons na single purchase lang, na dapat sabay na gamitin ang dalawang coupons.

“Wala rin akong balak i-date ka, `no! Hindi kita type at kay Jana lang ako,” giit ko. Bigla namang kumalam ang tiyan ko dala na rin ng gutom at pagod.

Natawa naman si Valerie. “Kitam? Gutom ka na. Tara na, ano?”

“Sige wala naman akong gagawin, eh. Saka oo nga, gutom na rin ako. Basta hindi ito date, ah?” sabi ko.

Nagkunwari siyang nasusuka. “Date mong mukha mo! Let’s go, Your Honor!”

Mukhang masiyahing tao itong si Valerie kahit masungit minsan at parang dragon. Sumakay kami sa taxi niya at pumunta sa Seoul Garden. Buffet restaurant pala ito at puro Korean food na hindi ko alam. May lutuan sa gitna ang table. 

Ano ba `yan! Akala ko kakain na lang, magluluto pa pala.  

Ibinigay ni Valerie ang coupons sa cashier. Kinuha lang ng cashier ang isang bahagi ng coupons at ibinigay kay Valerie ang natira. Itinago naman niya iyon. Pagkatapos, inihatid na kami ng waitress sa table namin.

“Kier, dito ka lang, hindi mo naman alam mga pagkain dito, eh. Ako na ang kukuha, ikaw na lang ang magluto. Basta ilagay mo lang diyan sa hotpot `yong mga dadalhin ko,” sabi ni Valerie.

“O-okay,” sagot ko.

Umalis si Valerie at kumuha ng pagkain. Mayamaya, bumalik siya. Hindi ko maintindihan ang mga kinuha niyang pagkain. Parang puro squid balls at dahon lang. Meron pang mukhang pechay na nilublob sa sauce ng afritada. `Buti na lang at may mga pagkain na alam ko. Kaya iyon na lang ang kinain ko. Natapos si Valerie sa pagkuha ng mga pagkain at siya na ang nagtuloy ng pagluluto.

Pagkatapos ng ilang minuto, natapos na niyang lutuin ang mga pagkaing hindi ko maintindihan. Tuwang-tuwa siya sa ginawa niya. Bakas sa mukha niya ang saya dahil nakakita ng pagkain. Mga dragon talaga, matatakaw.

“Na-late ka ba kanina, Your Honor?” tanong niya habang may laman pang pagkain ang bibig.

“Oo, pero ayos lang. Ang lakas mong kumain, ah?” sabi ko.

“Paborito ko kasi iyong anything about Korea,” sagot niya, sabay tanong. “Nasaan ang girlfriend mo?”

“Nasa Saudi nagtatrabaho.”

“Ah... kaya pala nag-e-emote ka kanina sa taxi. Wawa naman. Huhu,” pang-aasar pa niya sa akin. 

Akala ko, seryoso na ang pag-uusap namin kaso hindi talaga siya maubusan ng pang-asar. Parang bata. Ilang taon na kaya ang babaeng ito?

“Whoo! Ang anghang!” sabi ni Valerie, sabay inom ng tubig at paypay sa bibig gamit ang kamay.

“Ano ba `yang pechay na may afritada na `yan?” tanong ko.

“Tingin ko alien ka or taga-Mordor. Kimchi ang tawag dito. Gusto mo?”

“Huwag na lang. Hindi ako mahilig sa maanghang.”

Uminom si Valerie ng malamig na tubig at saglit na huminto sa pagkain. “Hindi ko pa nakikita ang mama ko,” bigla niyang sabi. 

Nagtaka ako at bigla niyang na-open ang topic na iyon. Tiningnan ko siya nang may pagtataka.

“Tinatanong mo kanina kung may bunga na ang pagtambay ko sa airport, `di ba?” dagdag niya.

“Ah... Oo nga pala. Sorry kung naitanong ko,” sagot ko. “Pero sabi ni Kuya Gilbert, may ibang pamilya na raw ang mama mo sa Dubai, `di ba? Bakit nagbabaka-sakali ka pa rin?”

“Iyon ang huli naming balita sa kanya. Pero ayokong maniwala. Gusto kong malaman mula sa kanya mismo ang totoo,” sagot niya.

“Bakit hindi ka magpunta sa Dubai at doon mo siya hanapin?” tanong ko.

“Hindi ko maiwan si Papa, eh. Mukha lang masayahin `yon sa harap ng iba, pero kapag mag-isa na siya, malungkot siya,” paliwanag niya.

“`Sabagay, ang tindi nga ng mga tugtugan niya, eh. Hugot na hugot,” sabi ko, saka bahagyang tumawa.

Ngumiti si Valerie at biglang kumanta. “Kung liligaya ka sa piling ng iba.” 

Nagtawanan kami.

Napansin kong maganda pala ang boses niya. “Maganda pala ang boses mo `pag hindi K-pop ang kanta.”

“Eh, di wow!” sagot niya.

Naikuwento ko kung paano kami nagkakilala ni Kuya Gilbert at tawa siya nang tawa.

“Ang lakas talagang humugot ni Papa,” sabi ni Valerie.

“Saan ka nga pala nagtatrabaho? Or nag-aaral ka rin ba?” tanong ko.

“Singer ako sa isang acoustic café bar,” sagot niya.

“Ah, kaya pala maganda ang boses mo. Si Jana `yong girlfriend ko, sintunado pero nakakatuwa siya kasi confident siyang kumanta kahit gano’n,” sabi ko habang nakangiti.

Muling nagtanong si Valerie. “Mukhang nakakatuwa nga siya. Ano’ng hitsura niya? Patingin nga ako.”

Iniabot ko sa kanya ang phone ko para ipakita ang picture ni Jana.

“Naks, `ganda niyan, ah? Suotan mo ng helmet `pagbalik niya. Baka mauntog at matauhan sa `yo,” sabi ni Valerie, sabay tawa.

Loko talaga `tong dragon na `to. Nabubusog yata `pag inaasar ako. Kailangang bawian ko `to.

“Bakit ikaw? Nasaan ba ang boyfriend mo?” tanong ko. You move, dragon!

“Nasa bahay nila,” sagot niya.

“I mean, nasaan ang picture niya?”

“Low batt ang phone ko, eh. Hindi ko maipapakita. Saka guwapo `yon, wala kang panama.”

“`Sus! Baka `di niya talaga alam na boyfriend mo siya,” sabi ko, sabay tawa.

“Eh, di wow. Gusto mo ng flying kick?” banta ni Valerie.

“Joke lang. Ito naman hindi na mabiro.”

I won again! Kier 2, Valerie 0. I’m still the undefeated alaskador. 

Nagpatuloy kami sa pagkain. Halos siya na lahat ang umubos. Ang takaw talaga ng dragon. 

“SALAMAT, Kier. Busog na busog ako,” sabi ni Valerie habang hinihimas ang tiyan niya. Nagpapahinga lang kami saglit.

“Hindi nga halatang nabusog ka. Ang dami mong nakain.”

Bigla siyang natigilan. “Oh, my God!”

Nagulat din ako. “O, bakit?”

“My Shane Moreno!” sabi ni Valerie at napahawak sa bibig.

Paglingon ko, may lalaking papasok sa restaurant. “Boyfriend mo? Bakit Shane Moreno? Maputi siya so, dapat Shane Mestiso,” biro ko, sabay tawa nang mahina.

“Huwag ka ngang maingay! Last mo na `yan, ah! Dito ka lang muna at mag-aayos lang ako,” sabi niya, saka biglang pumunta sa CR.

Naupo si Shane Mestiso, este Moreno sa kabilang table sa tapat namin. Inobserbahan ko siya, mukhang may hinihintay yata.
Artistahin ang mukha nito. Boyfriend kaya talaga ni Valerie `to?

Ang tagal ni Valerie sa banyo, nag-gown pa yata. Mukhang may ka-chat iyong boyfriend niya. Magka-chat yata sila, eh. Bakit kaya hindi na lang sila mag-usap nang personal tutal ay nandito naman sila peraho? Pareho pa lang sira ang dalawang ito, eh.

Siguro ganito sila mag-chat...

Shane: Labas kana diyan, bebe girl. Sabik na `ko sa `yo.
Valerie: Eh, teka lang. Nagsusuot pa `ko ng gown, saka nagme-make up.
Shane:  Huwag ka nang mag-make up. I miss you. I miss you.
Valerie: Hindi puwede, makikita mo ang tunay na anyo ko.
Shane: Ay, oo nga pala mukha ka nga palang dragon.

Natawa ako sa naisip ko. Ang tagal naman kasi nitong si Valerie. Gusto ko nang umuwi, eh.

Mayamaya pa, may dumating na babae at pinuntahan niya si Shane Moreno de Mestiso. Nagulat ako at biglang hinalikan ni Shane ang babae.

Teka lang hindi ba boyfriend ni Valerie `to? Sino `tong kasama niya?

Umupo iyong babae sa tabi ni Shane at inakbayan niya ito. Mayamaya pa, tinawag ni Shane ang waitress at nag-utos para dalhan sila ng pagkain. 

Aba! VIP pa pala ang babaerong ito. Nakakainit ng ulo. Hindi ba niya nakita si Valerie kanina? Ang tigas ng mukha!

Ilang minuto na ang nakakalipas, wala pa rin si Valerie. Mas maganda sana kapag siya ang makakita para makatikim ng dragon kick ang lalaking ito.

Hindi ko alam kung bakit uminit ang ulo ko. Napaka-asshole ng lalaking ito. Siguradong iiyak si Valerie kapag naabutan niya ang ganoon. Hindi puwede.

Mayamaya pa, hindi ko namalayang napatayo na ako sa inis. Hindi ko alam kung bakit pero mali talaga ang ginagawa ng Shane na ito. Pinuntahan ko si Valerie sa banyo at kinatok. “Valeng, `yong boyfriend mo!”

“Huwag ka ngang epal! Wait lang, ang sakit ng tiyan ko, eh. Bumalik ka na do’n,” sabi niya.

Aba, mukhang nag-Game of Thrones pa yata siya. Kaya pala ang tagal niya.

Masaya si Valerie ngayon at ayaw kong kapag lumabas siya, malulungkot or maiiyak siya sa makikita niya. 

Harap-harapan siyang niloloko sng tisoy na ito. Dapat ko yatang kausapin itong si tisoy.

Pinuntahan ko si Shane at ang babaeng kasama niya sa table nila. “Excuse me. Ikaw ba si Shane Moreno?”

“Ako nga. Sino ka at ano’ng kailangan mo?” maangas na sagot ni Shane.

Nagpasintabi ako sa kasama niyang babae. “Miss, excuse lang, ah? May sasabihin lang ako sa kasama mo.” Binalingan ko si Shane. “Pare `yong girlfriend mo kasi nandito, `tapos makikita kang may kasamang iba. Ayusin mo naman, pare. Magpakalalaki ka naman,” sabi ko.

Parang nagulat sila sa sinabi ko at sabay pa silang nagsalita.  

“WHAT?!”
​
Sakto namang lumabas si Valerie mula sa CR at tinawag ako. “K-Kier?”
NEXT CHAPTER
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly