DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
  • Bookmarks
  • ASK ME
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

GDFIL - Chapter 15

☆

6/30/2025

Comments

 

grims do fall in love: Till death do us part

VAN

NANG MAGISING ako natagpuan ko nalang ang sarili ko na nakaupo sa isang upuan na gawa sa bakal. Maririnig sa paligid ang tunog ng pagpatak ng tubig at maaamoy ang bagong sementong sahig. Napapikit ako nang maramdaman ang kirot sa aking batok. Sinubukan kong hawakan iyon pero nakagapos pala nang mahigpit ng makapal na duct tape ang mga braso at binti ko. 

“What the—?” 

Sinubukan kong magpumiglas pero sa sobrang higpit ng gapos, halos hindi ko naigalaw ang braso’t binti ko. 

Paglinga ko sa paligid, doon ko lang nalaman na nandito pala ako sa isang madilim na kuwarto na walang bintana. Tanging dalawang bombilyang mapusyaw ang ilaw ang nagsisilbing liwanag. Ang isang nasa itaas ko ay mukhang malapit nang mapundi. Ang isa naman, iniilawan ang isang mesa na may nakahigang babae. Hindi ko makita kung sino siya dahil nakalingon ang ulo niya palayo akin. 

Where the hell am I? And who’s that girl? 

“Help! Somebody help me! Help!” Nag-echo lang ang sigaw ko habang sinusubukan kong kumawala sa gapos. 

Bumaling ako sa babae at nakitang wala siyang gapos. Naisip ko agad na kapag nagising siya, baka pakawalan niya ako. 

“Miss! Miss, wake up! Come on, please! Wake up!” It was to no avail. Kaya itinuloy ko na lang ang paghingi ng tulong. “Help! Somebody, help!” 

Tumigil ako nang bigla akong makarinig ng kalabog sa hindi kalayuan. Parang pintuang bakal na binuksan. 

“Sino’ng nandiyan? Tulungan mo `ko, please!” 

Ilang saglit pa, nagliwanag ang buong paligid kasabay ng tunog ng pagbukas ng fuse box. Nakakasilaw ang liwanag kaya napapikit ako. Pagkatapos, nakarinig ako ng mga yabag papunta sa akin. Dahan-dahan akong nagmulat at nakita ang limang lalaki. 

“Van... Kyle... Chua...” 

Narinig ko ang pagtawag sa akin ng lalaking nasa gitna. Unti-unting luminaw ang aking paningin at nakilala ko ang taong nasa harap ko. 

“K-Kobe? Ano’ng ibig sabihin nito?” 

Hindi siya sumagot. Nanlilisik ang mga mata niya sa akin. 

“What the hell is wrong with you? Is this a prank? Pakawalan mo ako dito ngayon na!” Utos ko.

“Kobe is not here, my dear Kyle,” sabi ni Kobe. 

“Hoy, naka-drugs ka na naman yatang lalaki ka. Anong dear Kyle? Pakawalan mo nga ako dito,” utos ko ulit. 

Umiling siya habang masama pa rin ang tingin sa akin. 

“Ah gano’n, ha? Kapag ako nakawala dito, yari ka sa ‘kin. Tigilan mo na `to habang may pasensiya pa ako,” pag-aangas ko. 

Luminga ako sa paligid at nakita ko na napapalibutan pala kami ng mga bakal na tubo at parang bagong semento ang mga pader. Iyon pala ang naaamoy ko kanina. Parang nanggaling na ako dito pero hindi ko matandaan kung kailan. 

“Where are we, Kobe? This place... looks familiar.” Patuloy akong luminga sa paligid at napansin ko uli ang babae sa mesa. “Sino `yong babae? Bakit wala siyang malay? Ano’ng ginawa mo?”

Sinubukan kong magpumiglas pero ayaw talaga. “Pakawalan mo na nga ako! Kung ano man `tong ginagawa mong kagaguhan, `wag mo akong idamay,” dagdag ko pa. 

“Ah siya ba?” Pumunta si Kobe sa babae. “Siya ang una kong sinaniban pero dahil hindi siya makalapit sa `yo, lumipat ako sa katawang ito.” 

Iniharap niya sa akin ang ulo ng babae at nang makita ko kung sino ito... 

“B-Bea?” Nanlaki ang mga mata ko at nanayo ang mga balahibo ko sa batok. “S-si Bea `yan, hindi ba? Bakit siya nandito? Bakit wala siyang malay?” 

Bumilis ang tibok ng puso ko na para bang hinahabol ako ng kung ano. Kinutuban ako nang masama. “Hoy, Kobe, whatever the hell you’re doing... s-stop it now. H-hindi na maganda `tong t-trip mo,” nauutal kong sabi. 

Muling lumapit sa akin si Kobe. “Kobe... is not here!” sabi niya sa boses na parang sa demonyo at bigla akong sinampal. Napangiwi at napabaling ang mukha ko sa lakas ng sampal niya. Agad humapdi ang pisngi ko. 

“Van Kyle Chua, you will pay for what you did to me. Tonight I shall see you suffer,” sabi ni Kobe sa garalgal na boses. Parang kaboses niya ‘yong nagbanta sa akin sa telepono na papatayin ako. 

Haharap pa lang ako uli sa kanya para itanong kung bakit niya ako sinampal nang bigla akong suntukin sa sikmura ng isa sa mga lalaking kasama niya. Napadura ako at biglang nahirapang huminga. Parang sumikip ang buong tiyan ko. 

“Simula pa lang `yan, Van. Dinala kita dito para lunurin nang paulit-ulit. Gaya kung paano ako nalunod sa pagmamahal sa `yo,” sabi ni Kobe at bigla akong sinampal uli. “Pero bigla mo akong iniwan!” 

Hindi ko iyon masyadong naramdaman dahil ramdam ko pa ang sakit sa aking sikmura. 

“What... are you... talking about?” 

“Natatandaan mo ba ang lugar na `to? Dito tayo nagkikita noon dahil hindi ako puwedeng makita ng mga paparazzi. Marami tayong pinagsaluhang sandali dito noon. Pero dito mo rin biglang tinapos ang lahat sa atin kung kailan handa na akong iwan ang pag-aartista para sa `yo,” sabi ni Kobe habang nanlilisik at lumuluha ng dugo ang mga mata niya. “Isipin mong mabuti kung sino ako!” 

“What... the... hell...” 

With Kobe’s face talking like a girl whom I left before, it was really hard to imagine what was really going on. Pero bigla kong naalala yung babala ni Saydie—yung tungkol sa Vengeful ghost or whatever that was—na kaya raw itong sumanib sa tao. Nung nabanggit ni Kobe ang tungkol sa paparazzi at pagiging isang aktor, bigla kong naalala yung babaeng madalas kong makita dito dati. At sa isang iglap, bumalik lahat ng alaala tungkol sa lugar na ’to.

“P-Paula?” sabi ko. Nanginginig pa ang mga labi ko.

“Yes... my dear Kyle,” sagot niya pero parang dalawang boses ang naririnig ko. Pinaghalong boses ni Kobe at isang boses-babae. 

“H-how?” 

“Hindi na mahalaga kung paano. Ang importante mamamatay ka nang nahihirapan. Ipaparanas ko sa `yo ang katumbas ng paghihirap ko noong ginago mo `ko!” 
Tumabi si Kobe at pumalit sa harap ko ang isa sa mga tauhan niya. Bigla akong tinadyakan nito sa dibdib. Natumba ako kasama ang kinauupuan ko. Pagkatapos, pinalo pa ng matigas na bagay ang likod ko. Bigla na lang may nagtakip ng puting tela sa buong mukha ko. Iginalaw-galaw ko ang ulo ko para subukang tanggalin iyon pero bigla na lang may humawak sa magkabilang gilid ng ulo ko para hindi na ako makapalag. 

Sinubukan kong magsalita at sumigaw. But the only thing I was able to produce were muffled sounds. Sobrang higpit ng telang nakatakip sa mukha ko at tanging liwanag sa ilaw ang nakikita ko. Naghahabol na ako ng hininga at mabilis na ang pagkabog ng aking dibdib. Lalong tumindi ang kaba ko nang marinig ang matining na tunog ng pagkiskis ng bakal na parang binuksang gripo. Sumunod naman ang tunog ng umaagos na tubig. 

“Lulunurin kita! Lulunurin kita! Lulunurin kita!” dinig kong sabi ni Kobe nang may halong babaeng boses uli. 

Galit na galit siya. Nanginig na naman ako sa takot. Mabigat at mabilis na ang bawat paghinga ko. Then I felt water starting to pour on my face. Nabasa ang tela na nakabalot sa ulo ko. Malakas ang buhos ng tubig. Sinubukan kong ibuga ang tubig na nainom ko na pero patuloy ang pag-agos niyon sa mukha ko. Itinikom ko ang aking bibig pero hindi nagtagal, lalo akong nahirapang huminga dahil nalulunod na ang mukha ko. Naninikip na ang lalamunan ko at parang nauubusan na ng hangin ang katawan ko. 

Nang tila malapit nang mawala ang diwa ko, biglang tumigil ang pag-agos ng tubig at may nag-alis ng tela sa ulo ko. Ibinuga ko agad ang tubig mula sa bibig ko at napa-ubo. Nanatili akong nakapikit dahil sa bigat ng mukha ko. Bigla ko na lang naramdaman na itinayo nila ako mula sa kinauupuan ko. `Tapos, sinabunutan ako para itingala. Doon ako napadilat ng kaunti. 
Nakita ko ang mukha ni Kobe na malapit sa mukha ko. 

“Naramdaman mo ba? Ganyan na ganyan, Van! Ganyan na ganyan ako nalunod sa pag-ibig ko sa `yo pero isa ka lang palang gago na inasahan kong magbibigay ng kulay sa buhay ko!” 

Hindi ako nakasagot dahil hinang-hina ako at naghahabol pa rin ng hininga. 

“Minahal kita, Van! Ibinigay ko sa `yo ang lahat! Tinalikuran ko ang lahat para sa `yo! Pero isa lang pala ako sa mga biktima mo! Sinira mo ako! Nawalan ako ng career dahil sa `yo! Nagpakamatay ako dahil sa `yo! Kaya ngayon katapusan mo na at isasama kita sa impiyerno!”

Tila tumagos sa puso ko ang mga sinabi niya. Hindi ko alam na may nagawa pala akong mali. Hindi ko alam na nagpakamatay siya dahil sa akin. Hindi ko alam na ang sarili ko lang pala ang mahalaga sa akin. Ngayon, heto na ang karma ko. 

“Any last words?” tanong niya. 

“P-Paula... I’m sorry.” 

“Too late for forgiveness, Van. I will see you in hell.” 

Muli akong tinadyakan ng isa sa mga tauhan niya kaya natumba uli ako sa sahig. Binalot uli nila ng basang tela ang ulo ko at muli akong nilunod sa malakas na agos ng tubig. Pero nang akala ko ay katapusan ko na, biglang nawala ang tubig at ang basang tela sa aking ulo. 

Agad na itinayo ang upuan ko at doon ako napabuga ng tubig. Umubo-ubo ako. Ang sakit ng dibdib ko, parang may umiipit. Muli akong sinabunutan para itingala. 

“Kulang pa, Van! Kulang pa! Pahihirapan pa kita! Dapat mong maramdaman ang pakiramdam ng walang taong nariyan para sa `yo! Dapat mong malaman kung ano ang pakiramdam ng walang sasagip sa `yo! Katulad ko na umasa sa `yo pero iniwan mo!” Gigil na gigil at garalgal ang boses na aking naririnig. 

Nagmulat ako at tila nakikita ko ang mukha ni Paula na lumuluha ng dugo. 

“No one can save you. Even the Grim Reaper who was guarding you.” 

Binitawan niya ang ulo ko at nanatili lang akong nakayuko, thinking about everything that I had done up to this point, including Saydie. Kung hindi ko sana siya tinakasan at niloko, wala sana ako sa ganitong sitwasyon. 

“Take his shirt off,” dinig kong utos ni Paula sa mga tauhan. “Put a hole in his body and fill it up.” 

Pinunit ng isa sa mga tauhan niya ang T-shirt ko. Nakita ko ang anting-anting na ibinigay sa akin ni Detective. If only I can have this removed or destroyed, Saydie would find me and she would come to save me. 

Tumawa ako na kunwaring hindi natatakot sa kanila. I had to trick them in removing my necklace para mahanap ako ni Saydie. 

“What’s funny? Natutuwa ka ba dahil sa ginawa mo sa akin? Hayup ka talaga! Papatayin kita!” sabi ni Paula.

“I’m sorry. It’s just hard to imagine everything that you’re trying to say when you’re using the face of my friend.” 

Sumigaw siya na parang galit na galit. Susunggaban sana niya ako pero mabilis akong nagsalita. “You’ve just made a terrible mistake. Now that my necklace has appeared, my Grim Reaper will come and save me. And she will reap your heads off.” Natigilan siya at hinawakan ang kuwintas ko. “That’s right. That’s a magical necklace,” dagdag ko pa. 

“Gano’n pala, ha? Only... if you have this,” sabi ni Paula, saka hinila ang kuwintas ko at ibinato sa sahig. Tinapakan pa niya iyon at narinig ko ang pagkabasag ng maliit na salamin. 

Muli niya itong pinulot at ibinigay sa isang tauhan. “Itapon mo `to. Mabilis!” 

Kinuha naman ng tauhan niya ang kuwintas at nagmamadaling lumabas ng silid. 

“Your last hope is gone, Van,” sabi ni Paula at naglabas ng patalim. “Huwag kang mag-alala, sasamahan kita sa impiyerno!” Tumabi siya at ibinigay ang patalim sa tauhan niya. Ang isa namang lalaki ay hawak ang water hose. 

Saydie? Where are you? She should have been here by now! 

“This will surely kill you now, Van. And I’ll be watching you suffer until you die,” sabi ni Paula. 

“Lay one finger on him and I will drag you all down to the Death Lord’s presence!” 

Napangiti ako nang um-echo sa buong kuwarto ang isang pamilyar na boses. Napalingon silang lahat sa likuran at nakita ko ang nag-iisang dahilan kung bakit ako biglang nabuhayan ng loob. 

Finally, Saydie…

Inilahad niya ang palad at lumabas doon ang mahabang karit. Pinaikot niya ito sa ere nang ilang beses, saka itinarak ang dulo sa sahig. Nanlilisik siyang tumingin kay Paula. 

“Vengeful spirit... your time in this world is over!”
NEXT CHAPTER
Comments
HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS | ASK ME
Proudly powered by Weebly