DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 1

☆

5/13/2025

2 Comments

 
​DRIXIE


TINAWAGAN ako ni Chief Frank Reyes ng Manila Police para pumunta sa presinto nila ng 4PM. Tungkol daw sa lalaking scammer na nahuli ko kahapon. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang pumunta gayon wanted naman ‘yong dinala ko sa kanila. Pero pumunta nalang ako. Para na rin makita ko ang best friend kong si Zella. Baka sakaling makita ko rin si… Rave.

Pagbukas ko ng pinto…


“HAPPY BIRTHDAY!!”


Parang napatalon ang puso ko. Nagulat ako sa pagsabog ng confetti at tunog ng mga laruang torotot.

Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Basta mainit lang mga pisngi ko. Nahihiya ako dahil pati mga pulis, detectives, at mga nagtatrabaho sa presinto ay sinurpresa ako. Kumanta pa sila ng Happy Birthday song.

“HAPPY BIRTHDAY TO YOU! HAPPY BIRTHDAY TO YOU! HAPPY BIRTHDAY DEAR Drixie!”


“Today is April 20, ang pinaka special na araw ng bestfriend kong si Drixie,” sambit ni Zella. May dala siyang chocolate cake na may birthday candle pang nakasindi. “Happy Birthday, my Drixie Pixie!”

Siya si Zella Chen, ang bestfriend kong nerdy ang looks dahil sa oval glasses niya pero napaka-approachable. Medyo payat siya pero napaka masayahing tao niya. Mahilig siya mag bangs na hanggang kilay at mag curl ng buhok niyang kulay brown. Mahilig din siyang mag make up kaya kapansin-pansin lagi ang red na lips niya. She always has these soft, delicate features with a sweet yet confident expression.


“Drixie, happy birthday! Mag wish ka na at hipan mo na ‘yong kandila para makapagsimula na tayo ng celebration. Gutom na kami, eh,” nakangiting sambit ni Chief Reyes.

At ito naman si Chief Reyes. Nasa 50’s na siya kung di ako nagkakamali. Di pa naman gray ang buhok niya pero ‘yong bigote niyang makapal ganon na. Medyo malaki siyang tao, malaki ang tiyan dahil panay ang inom ng beer.


“T-Thank you,” nahiya kong sambit. Tapos ay hinipan ko na ‘yong kandila sa cake. Nagpalakpakan sila at mukhang tuwang-tuwa pa.


“KAINAN NA!!”

Nagkulasan na ang mga tao sa paligid at nag kanya-kanya nang kuha ng pagkain. May kaunting dekorasyon at mga balloons sa buong presinto. Meron din munting pa-catering.

 “S-Sinong may pakana nito?” tanong ko kay Zella. 

“Siyempre ako! Makakalimutan ko ba ang birthday ng best friend ko?”

Niyakap ako ni Zella. Ang hilig niya talagang mangyakap. Madalas ko siyang hinaharang pero dahil sa ginawa niya ngayon– hahayaan ko lang siya.

Nagtataka ako kanina kung paanong ang buong presinto ay sinurpresa ako. Kasi di naman ako close sa mga tao dito bukod kay Zella, Rave, at Chief Reyes. Mabait naman sila sa ‘kin pero di naman kasi ako dito nagta-trabaho. Hindi rin ito ang presinto kung saan ako naging Pulis dati. 

Minsan pa, nagagalit ‘yong iba dahil ako ang nakakahanap at nakakahuli ng mga wanted– kasi dapat sila ang nakakagawa no’n. Kaya pala, it was Zella after all. Para talaga siyang liwanag sa dilim. Napaka-optimist at masayahin. Hindi na ko magtataka ngayon na nakumbinse niya pati ang Chief na gawin ‘to kahit sa oras pa ng trabaho.

“Wala ba akong smile, besty? Kahit smile lang gift mo sa ‘kin oh,” palambing ni Zella.

Binigay ko ang gusto niya. Isang malaking ngiti. Ang totoo kanina ko pa naman gustong ngumiti. Magaling lang ako magpigil ng emosyon. Para sa ‘akin mas okay kasi na di laging magpakita ng totoong nararamdaman. Ayokong magpakita ng kahinaan. Pero para sa araw na ‘to at para sa best friend ko– pati yakap ibibigay ko.

“Awe, parang first time mo yata akong niyakap. Best day ever! Tara eat na tayo baka gutom ka na,” sambit pa ni Zella.

Habang kumakain kami sa desk ni Zella. Lumapit si Chief Reyes sa ‘min.

“Oh ano, Drixie, mag Pulis ka na ulit. Dito ka sa presinto ko. Masaya kami dito, o. Gagawin kitang detective. Lagi mo pa makaka-trabaho si Zella na IT expert namin dito. I could really use your skills.”

Heto na naman si Chief. Halos dalawang taon na niya akong inaawitan na mag Pulis ulit. Pero ayoko na talaga. Ayoko ng desk duties kahit may computer pa. Ayoko rin ng may boss na pwedeng kumontrol sa lahat ng desisyon ko at paraan ko.

“Chief alam mo na ang sagot ni Besty Drixie diyan,” sambit ni Zella at nagkatinginan kami.

“PASS!” Sabay naming tugon. Tumawa si Zella gano’n din ako pero mahina at matipid lang sakin. Nakipag-high five pa siya sa ‘kin.

Umiling-iling habang nakangiti nalang si Chief Reyes saka umalis.

A year ago, pati si Zella kinukumbinse akong maging detective dito, pero maging sa kanya hindi ako nagpatinag. Magkasama sila ni Chief Reyes noon na laging pinapaliwanag sa ‘kin na iba ang presinto na ito at hindi katulad sa bayarang presinto kung nasaan ako noon. Mukha namang marangal ang presinto na ito, kaya nga dito ko din dinadala kapag wanted ang mga nagiging target ko. Sigurado ako na napa-process ng tama. Kaya lang mas gusto ko talaga maging independent. Mas effective ako kapag walang nag-uutos sa ‘kin ng gagawin ko. Mas nakakagawa ako ng tama. At higit sa lahat ang sarap sa pakiramdam kapag nagpapasalamat sa ‘kin ang mga kliyente ko.

Narinig kong bumukas ang main door ng presinto kaya’t napalingon ako. Isa sa mga pulis doon ang pumasok.

“Uyyy! May hinihintay dumating. Mukhang kilala ko kung sino. Male-late daw siya. May inaasikaso kasi na case.”

Bahagyang nag-init ang mga pisngi ko sa panunukso ni Zella. Di ko siya pinansin at kumain na lang para itago ang mukha ko.

“Wait habang wala pa siya let me check you,” sambit ni Zella at hinawakan niya ko sa magkabilang pisngi. Sinuri niya ako na parang tinitignan bawat detalye ng mukha ko.

“Okay… Ang mata expressive pero mysterious tignan… Ang kilay well-defined– nice! Walang pimples at blemishes. Ang labi kissable at natural-pink pa rin ang kulay… Ang hair deep red pa rin at maayos na naka-ponytail. Fair skin parin ang besty kahit nakikipaghabulan sa labas. Good, good, good.”

Tinapik niya ako sa magkabilang braso. “You’re all good. Ang ganda-ganda mo Besty. Pag ayaw mo na maging P.I. mag artista ka nalang ako na manager at mag-aayos sa ‘yo.”

Pabiro ko siyang sinuntok sa braso.

“Aray! Walang suntukan. I’m fragile. Char!”


Ilang saglit pa, bumukas ulit ang main door ng presinto. Nang makita ko si Rave, para bang kusa nalang gumalaw ang mga tuhod ko– napatayo ako. 

Agad siyang lumapit sa ‘min.

“Hey! Sorry I’m late.”

Enter Rave Obryn, isa sa best detective dito sa Manila Police District. He’s a 5’11” tall guy with a physically fit body and fair skin. Masasabi kong siya din ang pinaka gwapo dito dahil sa mala-anghel niyang mukha pero matapang tignan. Bagay sa kanya ang curtain fringe niyang hairstyle– mukha siyang idol. Siya ang… siya ang…

“Yes you are, detective! Pero alam kong may magandang reason, di ba? And it spells G-I-F-T,” sambit ni Zella na nakatayo na rin sa tabi ko.

Gift? Anong sinasabi nito ni Zella? 

Nahiya ako kaya pabiro kong siniko ang bestfriend ko.

“Aray, Drixie! Two points ka na. I told you I’m babasagin.”

Tumawa nang konte si Rave at may inabot siya saking regalo. “Siyempre naman. Heto para sa ‘yo, Drix. Happy birthday… kapatid.”

Masaya naman ako dahil nandito si Rave pero may konting kirot talaga sa dibdib ko pag tinatawag niya ‘kong kapatid. Matagal ko na siyang gusto– di niya ‘yon alam. Never akong nagsabi kasi matagal niya na rin nilinaw na parang nakababatang kapatid ang turing niya sa ‘kin.

“S-Salamat, detective.”

Tinanggap ko ang regalo ni Rave. Ano kaya ‘to? Akala ko kanina chocolate or sapatos pero parang mabigat.

“Wow! Ano kaya ‘yan? Buksan mo na, besty,” sabik na sambit ni Zella.

Napalitan ang kirot na nararamdaman ko sa tuwa at hindi ko na naitago pa ang emosyon ko. Nakakahawa kasi talaga si Zella. Ang laki ng ngiti ko habang binubuksan ko ang regalo.

“Baril? Bakit baril?”

Ang gift ni Rave ay isang Glock 19 9mm handgun. 

Hinawakan ako ni Rave sa kanang balikat. “Alam ko di ka na gumagamit ng baril. Alam ko rin na kaya mo ang sarili mo– expert MMA fighter ka, e. Pero gusto ko ligtas ka lagi. Just in case lang naman ‘yan. Please lagi mong dalhin kapag aalis ka. Ayos na ang lisensya at registration niyan.”

Matagal na panahon na mula noong huli kong hawak ng baril. Simula noong maging Private Investigator ako, hindi ko naisip na humawak muli nito. Tiwala na kasi ako na kayang kaya ko protektahan ang sarili ko. Higit sa lahat, ang baril ay pwedeng makapatay ng tao. Iyon ang pinaka-ayaw ko. Pero dahil galing ito sa kanya– tatanggapin ko ‘to at iingatan.

“O-Okay– Thank you.” 

Gusto ko siyang tignan para makita niyang sincere ang pasasalamat ko pero di ko talaga kaya lalo kapag matagal. Nahihiya ako. Ayokong ipakita na nakangiti ako.

“You’re welcome. Para ‘di na ako nag-aalala kapag nanghuhuli ka ng mga wanted na tao,” sambit ni Rave. Hinaplos niya pa ako sa ulo.


“Awe, ang sweet naman. Group hug!” Biglang singit ni Zella.

Hindi ako naka-iwas. Bigla niya kaming niyakap ni Rave kaya’t nagdikit kaming tatlo. 

Huwag ganito kalapit, please. Parang mawawalan ako ng hininga at parang sasabog ang dibdib ko.







ONE WEEK na ang nakalipas mula noong last case ko. Walang kliyente at wala rin akong open case. Ang masama pa dito, ilang araw nang umuulan– wala tuloy mga ibon sa labas. Hindi makapag bird watching– bad trip!

Pumunta ako ng Manila Police Headquarters. Baka sakaling may open case sila o wanted person na gusto nilang ipa-trabaho sa ‘kin. Pagdating ko, dumiretso ako sa opisina ni Sergeant Larry Gomez. Siya kasi ang nagha-handle ng mga cases at wanted person.

“Good morning, Drixie! Ang aga mo yata,” bati ni Sarge.

“Morning, Sarge. Bored ako. Lakas ng ulan sa labas kaya walang ibon. Wala rin kliyente. Baka meron kayong open case for tracking or wanted na gustong ipahanap sa ‘kin?”

“Sabi ko naman sa ‘yo, e. Dapat nag pulis ka na lang ulit o kaya detective. Mas malaki ang maitutulong mo dito sa ‘min sa presinto. Palagi ka pang busy.”

Isa din itong si Sarge na namimilit sa ‘kin na mag Pulis ulit. Gaya ng iba lagi ko rin siyang tinatanggihan. Ayoko ng office work at araw-araw pumapasok. Gusto ko hawak ko ang sarili kong oras at higit sa lahat walang boss na biglang iibahin ang case ko.

“Pero sige! Dahil birthday mo last week, at wala pa akong regalo sa ‘yo– hahanapan kita ng case,” sambit pa ni Sarge habang nakaharap sa computer niya.

Habang hinihintay ko si Sarge, may lalaking paika-ika maglakad ang pumasok sa opisina niya.

“Oh Robert? Anong nangyari sa ‘yo?” tanong ni Sarge sa lalaki.

Tumabi ako sa sulok para hayaang umupo sa harap ng desk ni Sarge ‘yong lalaki.

“Putres, Sarge. Nakatakas si Fox sa ‘kin. Naniniwala na ko sa inyo,” sambit nung Robert. “Kaya pala tatlong taon na wala pa rin nakakahuli.”

“Tsk, tsk, tsk. Sabi ko naman sa ‘yo. Delikado ‘yong taong ‘yon,” umiiling na sagot ni Sarge. “Ano nangyari?”

“Nag pahabol ang loko. Akalain mong marunong pala mag parkour ‘yon. Sinundan ko. Kaya ito, bali binti ko.”

Hindi ko napigilang hindi matawa– buti na lang mahina lang. “Hindi ka naman pala marunong mag parkour, tapos sinundan mo?”

“Eh kailangan, e. Teka sino ka ba? Wait parang kilala kita. Denim jacket, pulang buhok… you’re the Red Hair Android,” sambit sa ‘kin ni Robert tapos ay bumaling siya kay Sarge. “Sarge kala ko robot ‘to? Bakit tumatawa?”

Red Hair Android– ‘yan ang tawag sa ‘kin ng ibang Pulis at Detectives dito kapag nakatalikod ako. Wala raw kasi akong emosyon. Hindi ko pinapansin ang mga ganong bagay. Sabi rin kasi ni Zella naiinis ‘yong iba sa ‘kin dahil ako ang nakakahanap ng mga matagal na nilang missing o wanted person cases.

Ang masasabi ko lang… Galingan niyo kasi.

“Drixie wag mong pansinin ‘tong si Robert. Ikaw naman Robert, tawagin mo si Drixie sa tunay niyang pangalan– mas magaling ‘yan sa ‘yo,” sambit ni Sarge. “Ginaya mo nga ba mag parkour si Fox kaya ka napilay?”

“H-Hindi, ah! Nagkamali lang ako ng tapak.” Minasa-masahe ni Robert ang binti niya. “Urgh! Ang sakit!”

Umiling si Sarge at tumawa nang konti. “Sinabihan na kita, ha. Tigas kasi ng ulo mo. Ano nga palang kailangan mo?”

“Ayun nga, Sarge. Baka naman meron ka diyan pambili ko lang pampamanhid. Please lang. Masakit talaga, e.”

“Anong pampamanhid? Libre doktor natin dito. Pumunta ka lang do’n. Pang-inom na naman iniisip mo ang aga-aga. Parang di ka detective,” sagot ni Sarge. Tapos ay bumuntong hininga siya. “Pero dahil nakita mo si Fox, mag-report ka kay Chief mamaya. Lead ‘yan. Tapos kita tayo sa bar mamaya libre na kita ng pang inom.”

“Ayos! Thank you, Sarge. Kapag magaling na ako, babawian ko ‘yong Fox na ‘yon.”

Tumawa lang si Sarge. “Huwag na. Baka mas malala diyan ang abutin mo.”

“Sa ‘kin mo nalang ibigay ‘yang case na ‘yan, Sarge!” Pagsingit ko. “I’ll find and catch that Fox guy.”


Napakamot sa likod ng ulo si Sarge. “Hindi pwede. Masyadong delikado itong si Fox. Double murder ang kaso nito. Baka kung ano mangyari sa ‘yo, Drixie. Bibigyan na lang kita ng iba.”


“Kaya ko ‘yan! Hindi ako marunong mag parkour pero kaya kong tumagal sa habulan. Kaya ko rin siyang patumbahin.”


Umiling si Sarge, tumingin siya sa ‘kin na parang nag-aalala.  “No, Drixie! He’s too dangerous for you. Tsaka baka malapit na siyang mahuli. Bumuo na ng team si Chief Reyes para sa isang manhunt operation sa kanya. Forget about him, ihahanap na lang kita ng iba.”

Hindi na ako umalma dahil mukhang di ko talaga siya mapipilit.

Muling bumaling si Sarge sa computer. Habang naghihintay tumingin ako sa board ng mga wanted poster. Nakita ko ang isang unknown wanted person. One million ang reward pero nakita ko na ‘to noon. Walang clue tungkol sa taong ‘to. Ang alam lang ng lahat ay siya ang pumatay sa dating mayor 4 years ago.

“Huwag mo ng pag interesan ‘yang mayor killer na ‘yan, Drixie. Wala pa rin tayong clue tungkol sa taong ‘yan. Baka tumanda ka nalang di mo pa nahahanap ‘yan. Tsaka sigurado delikado rin yan katulad ni Fox.”

Gusto ko sana ng ganong challenge, pero tama si Sarge kung wala kahit isang clue, wala akong mapapala. Isa pa, four years ago na ‘yon.

“Isa pa, di ko mahaharap sa kabilang buhay ang Tatay mo pag may nangyari sa ‘yo. Alam mo naman siya ang dating Chief namin dito,” dagdag pa ni Sarge.

Si Papa ang dahilan kung bakit ako nag pulis noon. Parehas kaming naging Pulis kahit magkaiba kami ng presinto. Namatay siya dahil sa isang aksidente pero noong buhay pa siya, kilala siyang disiplinado, mabait, at nirerespeto nilang lahat. Kaya mabait din ‘yong mga matatagal ng nagtatrabaho dito gaya ni Sarge. Sila kasi ‘yong mga naabutan ang pamumuno ni Papa noon.

Tumayo si Robert at nagpaalam kay Sarge. “Sarge sibat na ko. Maya na lang. Pero teka… sigurado ba kayong masamang tao ‘yon si Fox?”

Napakunot-noo ako at naghintay sa sasabihin pa nung Robert.

“Nung napilayan kasi ako binalikan niya ko para tulungan, e. Kung hindi niya ako binigyan ng first aid baka tuluyan na akong nalumpo.”

Kibit-balikat lang si Sarge. “Notorious daw ‘to sabi sa report pero baka nagbago na? Malay natin... Three years na siyang hindi nahuhuli, eh. Pero kung gusto niya i-redeem ang sarili niya, dapat ay harapin niya ang kaso. Bakit ka tatakbo kung ‘di ka guilty?”

“Sabagay. Sige na alis na ako,” paalam ni Robert at umalis na siya ng opisina ni Sarge.

Tahimik kong hinintay si Sarge hanggang sa mag print siya ng mga documents. Inabot niya ito sa ‘kin.

“Here you go, Drix. Drug dealer ‘yan. Hindi maasikaso ng mga tropa kahit ibang ahensya dahil sa dami ng mga pending na case. Ikaw na bahala.”

“Thank you, Sarge. Consider it done.” Kinuha ko ang mga files at umalis ng presinto. 

Habang palabas tinitignan ko na ang files ng target ko. Mukhang madali lang ‘to. Ang di maalis sa isip ko ay ‘yong Fox. Sino kaya siya? Bakit walang makahuli sa kanya for three long years?
next chapter
back to chapters
2 Comments
Berna Gleyo
6/12/2025 05:04:05 pm

gusto ko yung vibes ni zella ang happy lang. grabe pala ma-bored si drixie mga open case at wanted person ang gusto hahaha

Reply
JoeBeniza
6/18/2025 09:06:54 pm

Hi Berna! Thanks for reading and leaving a comment. Enjoy mo lang!

Reply



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly