DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 8

☆

5/13/2025

0 Comments

 
DRIXIE


ONE WEEK na ang nakalipas mula noong simulan ko ang paghahanap kay Fox. Totoo nga ang sabi nila–  ang hirap niya hanapin. Wala ng bagong lead mula kay Chief. At kahit alam kong wala akong mapapala, pinuntahan ko pa rin ang mga kamag-anak, iba pang kaibigan, at mga naging katrabaho ni Fox. Ang ending wala rin talaga akong napala.

Binasa ko rin ang mga articles niya sa internet. Gusto kong malaman kung paano siya mag-isip. Pero imbes na makakuha ako ng ideya, napabilib niya lang ako kung paano niya na expose ‘yong mga krimen na tinalakay niya sa articles niya. Magaling at matalino siya. Kaya siguro ang hirap niya rin talaga hanapin. Kahit mga dating kriminal na kilala ko, hindi rin nakatulong sakin. 

Umabot na ko sa puntong iniisip kong isantabi muna ang misyon kay Fox at tumanggap muna ng ibang kliyente. Pero bigla akong nakareceive ng message sa phone mula kay Rave. Nakikipagkita siya sakin dito sa isang coffee shop. May possible lead daw siya kay Fox para sakin.

Habang hinihintay ko siya, di ko mapigilan ang hindi mapangiti. Parang sasabog kasi ang emosyon ko. Ang init ng pisngi ko, dinig ko ‘yong tibok ng puso ko– sobrang excited ako. Ito ang unang beses ulit na kaming dalawa lang kaya nag-ayos na rin ako ng sarili. Iyong last time kasi nag-aaral pa ko. Naglagay ako ng konting powder sa mukha, lip tint sa labi, at nag lugay ako ng buhok. Parang date na rin kasi ‘to. 

Fifteen minutes ang lumipas bago siya dumating. Pero okay lang basta siya.

“Hi Drix! Sorry late na naman ako,” nakangiting sambit ni Rave.

Parang kusa namang tumayo ang mga binti ko. “O-Okay lang. Kakarating ko lang din.”

Umupo si Rave sa tapat ko. “Talaga? Buti na lang. May dinaanan pa kasi ako, e.”

Hinubad niya ang leather jacket niya at ipinatong sa katabing upuan. Kitang kita tuloy sa manipis niyang blue t-shirt ‘yong muscles niya. Ako naman umupo na rin. Pero agad kong iniwas ang tingin ko. Baka kasi mapansin niyang nakatingin ako sa biceps niya.

“I felt bad. Mukhang kanina ka pa dito. Your milkshake tells a different story. I’m really sorry, Drix.”

Crap! Napansin niyang ubos na pala ang milkshake ko kakahintay.

“H-Hindi! Mabilis lang talaga ako uminom,” katwiran ko na lang.

“Drix gusto mo ba ng cake or another round ng milkshake?”

Umiling ako. “Okay na ‘ko.”

“Sure ka? Baka kasi gutom ka, e. Alam mo naman na ayokong nagugutom ang little sister ko. Tsaka pinaghintay kita. Wait here.”

Hindi na ko nakatanggi. Tumayo na kasi siya at pumunta sa counter ng coffee shop para mag order.

Kinuha ko nalang ulit ‘yong phone ko para i-check ang reflection ko. Mas lalo akong kinakabahan ngayon dahil inaasikaso niya ko.

Ilang minuto pa, bumalik si Rave sa pwesto namin bitbit ang isang tray na may dalawang cup ng hot coffee at strawberry shortcake.

“Here. Ubusin mo ‘yan, ah. Masarap ‘yan,” nakangiting sambit ni Rave habang inihahain sakin  ang cake at coffee. “Pagkatapos mo diyan meron akong magandang balita para sa ‘yo.”

Uminom siya ng kape. Ako naman, kahit nahihiya, kinain ko ang piraso ng cake. 

“M-Masarap nga siya,” sambit ko. Napangiti ako kaya agad akong yumuko para di niya makita.

“Sabi ko sa ‘yo, eh. Wait.” 

Kumuha siya ng tissue. Tapos ay bigla niya akong pinunasan ng marahan sa gilid ng labi.

“Ayan, okay na. Sorry masyado palang maraming icing ‘yang cake na ‘yan,” sambit pa niya.

Para bang hindi ako nakagalaw sa ginawa niya. Normally, suntok ang aabutin sakin ng taong hahawakan ako pero dahil si Rave ‘to… para bang wala akong lakas.

“T-Thanks.”

Kinailangan kong magpigil ng paghinga saglit para lang makuha ko ulit ang sarili ko. Kailangan kong pigilan ang emosyon ko. Mabuti pa kakain na lang ako ng kakain. Pero dapat mas maingat na ako. Hindi ko na kakayanin kapag pinunasan niya pa ko ulit.

“Okay I think pwede ko ng sabihin sa ‘yo ang good news ko.”

Tumango ako.

“Sinabi kasi ni Zella sa ‘kin na nahihirapan ka raw hanapin si Fox. Ang sabi niya tulungan daw kita. Kaya binisita ko ‘yong kaibigan ko na programmer. May ginagawa kasi ‘yon na parang facial recognition software. I gave him Fox’s photos… Then… We got a hit! Alam ko na kung saan at paano mo mahahanap si Fox,” dagdag pa niya.

“T-Talaga? Saan?”

Ipinakita sakin ni Rave ang phone niya na may isang litrato ng babae sa social media. May caption itong… ‘Soft launching my new bae’ Then he swiped the screen, ang litrato naman ni Fox na nakatayo at topless ang nakita ko.

“Si Fox ba ‘yan?”

Tumango si Rave. “Hundred percent. This photo was taken 2 days ago sa isang lodge sa Tagaytay. I’m pretty sure nando’n pa siya at kasama niya ‘yong babae.”

Kinuha ko ang phone ko at binuksan ang notepad app nito. “Anong pangalan ng babae?”

Ayos bagong lead! Ito lang ang kailangan ko– name and location. Marami na kong magagawa sa impormasyon na ‘to.

Binigay ni Rave ang pangalan ng babae at sinend na rin niya ang photos sa phone ko.

“Wala akong ibang pinagsabihan niyan kundi ikaw. Alam ko kasing kailangan mo ang pabuya kay Fox,” sambit ni Rave at may inabot siyang maliit na kahon sakin– parang box ng relo. “And take this. Tracker ‘yan na nako-connect sa phone. Pag nahuli mo na, lagyan mo niyan kaagad. Para just in case na makatakas, kaya mo ulit siyang hanapin.”

“Maraming salamat, detective.”

Kinuha ko ang box at inilagay sa side pocket ng denim jacket ko.

“Welcome, Drix. Basta ipangako mo sakin…” Biglang hinawakan ni Rave ang kanang kamay ko na nakapatong sa mesa. 

Napasinghap ako nang konte. Heto na naman. Hindi na naman ako makagalaw.

“Mag iingat ka. Kapag masyado ng delikado, tawagan mo ako. Kapag busy ang phone ko, kontakin mo si Zella.”


Tumango na lang ako. Mabuti na lang at tinanggal niya naman agad ‘yong pagkakahawak niya sa kamay ko. 


“Speaking of Zella. Alam mo bang hindi pa daw siya nagkagusto kahit kanino? She never fell in love?” tanong ni Rave. “I mean may ganon bang klaseng tao?”

Tumango ako. “Hindi ko alam kung may past trauma si Zella pero ‘yon nga ang sabi niya– hindi daw siya nakakaramdam ng romantic feelings kahit kanino. Kahit sa artista or idols. Sinabi niya kaagad sa ‘kin nu’ng una palang kaming magkakilala.”

“Okay? So ako lang pala ang walang alam?” Natawa si Rave tapos ay uminom siya ng kaunting kape.  “Damn! Some detective I am.”

Parang nagiging kumportable na akong kausap si Rave ngayon.

Tumawa ako nang marahan. Para sa kanya hindi ako mag pipigil masyado ng ngiti. Ito na rin ang oras para lagi kaming magkausap kaya itutuloy ko ang topic. 

“Hindi mo naman malalaman ‘yon kung hindi niya sasabihin. Tingin ko dahil mas prefer ni Zella mga nakakatakot na bagay kaya hindi siya nakakaramdam ng kilig kahit kanino. Alam mo naman ‘yon mas gustong nakakakita ng bangkay at parte ng katawan ng tao or mag open ng topic tungkol sa mga aliens kaysa manood ng chick flick o makipag-date.”

Ang dami kong nasabi. Kumportable na talaga akong kasama siya. Maybe next time ako na mag-aaya sa kanyang mag kape. Tingin ko kaya ko na ‘yon.

“Kailan niya sinabi sayo ‘yon?” tanong ko pa.

Bumuntong hininga siya. “Nung isang araw. Tinanong ko kasi siya kung pwede akong manligaw sa kanya.”

“M-Manligaw? Liligawan mo… siya?”

Para bang biglang piniga ang puso ko. Agad din nawala ang ngiti sa mga labi ko. Tila nagpaulit-ulit sa isip ko ‘yong sinabi niyang gusto niyang ligawan si Zella.

Bahagya siyang umabante at tumingin sakin nang diretso. “Drix can you help me out? Hindi talaga ako papayag na di ako gusto ni Zella at wala na kaagad akong pag-asa. I mean, I think may chance pang magka-gusto siya sakin. Kaya… baka pwede mo akong ilakad sa kanya? Like a little sister helping a big brother out? Please… I really like her.”

Iniwas ko ang tingin sa kanya at bahagya din akong yumuko. Itinago ko ang mga kamay ko sa ilalim ng mesa dahil binilog ko ang mga ito nang napakadiin. Kinailangan kong kagatin ang mga labi ko para ituon doon ang sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko. Ang hirap huminga. Ang hirap magsalita.

Bakit ganito? Bakit sa dinami-dami ng tao sa bestfriend ko pa? At nagpatulong pa siya sakin? Kaya ba kapatid lang ang turing niya sakin dahil si Zella ang gusto niya?


“Titignan ko ang magagawa ko,” bulong ko. Hindi ko alam kung narinig niya. Ang sakit kasi habang sinasambit ko ‘yong mga salitang ‘yon.


Sinilip ko siya saglit. Bahagya na rin siyang nakayuko at hindi na nakangiti. 


“I’m-I’m sorry, Drix. I think kalimutan mo na ang sinabi ko at mag focus ka na lang sa paghahanap kay Fox?”

Tumango ako at mabilis na tumayo. Tama, gusto ko na ngang umalis na at mag focus sa paghahanap kay Fox.

“Mabuti pa nga. Aalis na ako. Salamat ulit sa tulong,” mabilis kong sambit.

Aalis na dapat ako nang bigla niya akong hawakan sa braso.  “Drix, wait! Are you okay?”

Tumango lang ako pero hindi ako humarap sa kanya. Baka kasi kapag nakita ko siya di ko na mapigilan ang nararamdaman ko. Baka tumulo ang luha ko dahil ang sakit sakit na talaga.

“Okay lang ako. But please… wag mo na akong tatawaging little sister mo. Just call me by my name,” nanginginig kong sambit.

Binitawan niya na ako kaya’t dirediretso akong umalis ng coffee shop. Hindi ko siya nilingon. Nagmadali akong magsuot ng helmet. Tapos ay mabilis kong pinaandar ang motorbike ko.

Kagat-kagat ko ang labi ko habang bumabyahe. Pipigilan ko ang umiyak kahit mahirap– at kahit masakit. Gusto ko din pigilan ang isip ko. Naaalala ko kasi ‘yong mga araw na magkakasama kaming tatlo. Na-realize ko para pala akong anino noon sa kanilang dalawa.

Pero hindi! Hindi ako dapat magalit sa kanila lalo na kay Zella. Galit ako sa sarili ko dahil umasa ako. Ganito pala kasi ang pakiramdam. Ang sakit! Sobrang sakit! Ganito pala kapag nalaman mo na… umasa ka pala sa wala.




TUMATAKBO ang oras. Wala akong panahon para damdamin pa ang nalaman ko mula kay Rave. Sapat ng naramdaman ko ang sakit at naisigaw ko na sa banyo kanina ng dalawang oras ang nararamdaman ko. 

I think okay na ko. Back to being myself. Or atleast papunta na doon. Pero ngayon mas matibay na ko dahil wala na akong gustong lalaki. Wala na akong gusto kay Rave. Mabilis man pakinggan pero ito ang sasabihin ko sa sarili ko para makapag-move on.

Back to work. Kailangan mahuli ko na si Fox. Inalam ko ang lahat ng pwedeng malaman tungkol sa babae sa picture na binigay ni Detective. Lahat ng info tungkol sa kanya nasa social media lang. Nalaman kong mayaman, sosyal, konyo, at mahilig magpa-spa ang babae. Every after a day, pumupunta siya sa isang mamahaling spa sa Tagaytay kaya’t doon din ako nagpunta.

Inabangan ko siya sa labas ng spa bago ako pumasok. Ang disguise ko, isang mayamang nerd. Naka pony-tail ang buhok ko, nakasuot ako ng malaking eye glasses, ang top ko ay long sleeve collared shirt with bow tie, below the knee na skirt, at sneakers. Nagdagdag din ako ng make-up at kunwaring freckles sa pisngi ko. May dala din akong fake designer bag– fake lang ‘to dahil wala naman ako pambili ng totoo. Gagamitin ko lang para ipakita ang kunwaring status ko sa buhay.

Ilang minuto rin akong naghintay hanggang sa dumating siya, may kausap siya sa phone kaya’t mukhang di niya ko napansin. Dirediretso lang siyang pumasok sa loob ng spa. 

Naghintay ako saglit bago sumunod sa kanya. Kailangan hindi ako mahalata na siya ang pakay ko.

Pagpasok ko sa loob, naroon siya sa waiting lounge at nakaupo. May kausap pa rin siya sa phone. Habang nagpapalista ako sa receptionist bilang customer, pinag-aralan ko kung paano siya magsalita at makipag-usap. Kailangan ko ito para malaman ko kung paano ko malalaman kung nasaan si Fox.

Ilang saglit pa…

“Okay, bes. It’s my turn na. Call you later.” Itinago ng babae ang phone niya sa pink na designer bag matapos makipag-usap.

Tumayo siya pero agad akong humarang sa harap niya. 

“OMG! Jillian, is that you?” Kunwaring matining ang boses ko.

Tinaasan niya ko ng kilay. “Excuse me, do I know you?”

“Gosh! Nakalimutan mo na ba? Schoolmate tayo nung college. But you probably don’t know me. I was just a nobody.”

“Siguro nga. I don’t know kasi ‘yong mga nobody or…” Tinignan niya ko mula ulo hanggang paa.  “Nerdy like you.”

Kunwaring tumawa na lang ako. Basa ko na ang ugali niya. Alam ko na ang gagawin.

“Yea. I‘m a nerdy girl. But at least my boyfriend likes me this way. Hinihintay niya nga ako sa car. Isn’t he so sweet?”

Nameywang ang babae at tinaasan ulit niya ko ng kilay. “The nerve! Are you implying na ako lang nandito because I don’t have a boyfriend?”

Lumingon-lingon ako at nagkibit-balikat. Parang mas lalo siyang nainis.

“How dare you?! Pumunta ka right now sa Polaris Restaurant. My boyfriend is in that luxurious restaurant for business. He’s probably trying to buy that place, you know. Look for Damon Lee and tell him I sent you. Para makita mo hinahanap mo at mapahiya ka.”

Binangga niya ako at pumunta na siya sa private room para sa spa session niya. Hinayaan ko lang siya dahil nakuha ko na ang pakay ko.

Ngumisi ako at bumulong.

“Thanks for the tip.”
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly