DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 3

☆

5/13/2025

0 Comments

 
DRIXIE

MALAKAS na tugtugin mula sa isang banda sa stage, nagsasayawang mga ilaw sa madilim na malawak na silid, at mga taong nag-iinuman sa paligid, iyon ang bumubuo ng gabi sa isang bar dito Maynila. Dito sa bar na ito ko ita-trap ang target ko na si alyas Buto. 

Tahimik lang ako na naghihintay sa harap ng bar stand at umiinom ng orange juice. Palihim akong nagmamasid dahil ilang sandali na lang dapat nandito na ang target.

“Hi Miss! Can I buy you a drink?” 

Nakaka-irita na. Pangatlong lalaki na ‘to na nag-alok sa ‘kin. 

Gaya ng mga nauna, tinignan ko lang siya nang masama.

Napaatras siya at mukhang napalagok pa. Akala ko titigil na pero humirit pa.  

“Grabe naman. Nakikipag-kaibigan lang naman ako sa magandang katulad mo. Pero ‘yan ang gusto ko… ‘yong wild. Kaya pala red hair.”

Hindi ko inalis ang masama kong tingin sa kanya. Gusto kong makita niya na kapag nag pumilit pa siya, hahalikan niya ang sahig ngayong gabi.

“Makaalis na nga. Sungit! Sayang ganda mo.”

Good! Buti marunong ka sumuko. Pero nakaka-bad trip na. Ang tagal ng alyas Buto na ‘yon. Tatlong oras na ko dito.

Malapit ko ng maisip na baka natunugan ang trap ko nang biglang…

“Hi, meron akong napanalunan sa inyo, kukunin ko na. My name is Charlie Rodriguez. Sino ang kakausapin tungkol du’n?” Isang lalaki ang nagtanong sa bartender at malapit siya sa ‘kin.

Tinignan ko muna siya mula ulo hanggang paa. Sinugurado ko kung siya talaga ang target at kung may dala siyang armas.

“Hey! Ikaw si alyas Buto ‘di ba?”

Humarap siya sa ‘kin at tila tinignan din niya ang buo kong kasuotan. “Bakit? Score ka ba? Meron ako dito.”

Good. Pinakita niya sa ‘kin ang dala niyang droga. Hindi ko alam kung amateur ba siya o sadyang effective ang red hair ko sa ganitong pagkakataon. Hindi niya inakala na nandito ako para hulihin siya. At dahil pinakita niya ang droga, pwede na kong mag citizen arrest kapag nanlaban siya.

Huminga ako nang malalim. Didiretso na sana ako sa citizen arrest dahil bad trip na ko kakahintay pero kailangan ko munang kumalma. Mas maganda kung susuko siya ng walang gulo.

“Actually, nandito ako para arestuhin ka. Pero pwede natin pag-usapan muna,” mahinahon kong sambit.

“Pambihira! Miss, magkano ba ang kailangan mo?”

Tila umakyat ang dugo ko sa ulo ko. Ayoko sa lahat ‘yong akala nila pwede akong mabili ng pera.

Sarkastiko akong tumawa tapos ay uminom ako ng orange juice. I need to cool down. Kausapin ko muna siya baka sakaling sumuko nang maayos. Not my strong suit pero kailangan. Ayokong mauwi sa habulan o gulo ito.

“I’m sorry pero hindi uubra ‘yan sakin. Kaya sana sumama ka na lang nang maayos sa presinto. Alam ko natatakot kang makulong pero sana maintindihan mo– na may mga kasalanan talaga na dapat pagbayaran sa kulungan. Kapag tapos ka na magbayad ng oras sa selda, doon mo lang masasabi na talagang malaya ka na. Mas masarap mabuhay ng gano’n, ‘di ba?”

Naka-kunot noo lang siya.

May sinabi ba kong mahirap intindihin? Parang walang pumasok sa kanya. Kailangan ko pa talagang ayusin ang communication skills ko. Hindi kaya dahil sa facial expression ko. Dapat ba kong ngumiti?

Ngumiti ako nang napakalaki habang bukas na bukas ang mga mata ko na nakatingin sa kanya. Para makita niya na mabait ako.

Naka-kunot noo pa rin siya. “Ba’t ganyan ka ngumiti? Siraulo ka ba?”

That’s it! Bad trip na talaga ako!

Agad kong inalis ang ngiti sa mga labi ko at tinignan ko siya nang masama. Tapos ay hinanda ko na ang mga kamao ko.

Bigla siyang bumuntong hininga at tila natulala sa lamesa. “Alam mo, Miss… tama ka.”

Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti naman at natauhan siya sa sinabi ko.

“You’re making the right decision,” nakangiti kong sambit.

“Tama ka talaga, Miss. Pero… asa ka!” 

Mabuti nalang at handa pa rin ako. Susuntukin niya dapat ako pero agad ko itong nasangga. Mabilis ko siyang binigyan ng hand chop sa lalamunan. Para siyang susuka na napahawak sa leeg. Tapos ay mabilis ko rin inuntog ang ulo niya sa bar stand. Nagmistulan siyang lantang gulay na na napahiga sa sahig.

Agad kong kinuha ang zip tie handcuffs ko at ipinang-tali ko ito sa mga braso ni alyas Buto.

Pagtingin ko sa paligid nakatingin na ang mga tao sa ‘kin. Nakita ko rin ‘yong tatlong lalaki na nagtangkang lumapit sa ‘kin kanina. Parang na-stuck ang mga panga nila– mukhang di sila makapaniwala.

“Mag-inuman lang kayo diyan. This is Private Investigator business,” sambit ko sa mga tao.

Job done! Another one added to my arrest record na wala pang mintis.










SUMAMA ako sa mga pulis na dumakip kay alyas Buto. Gusto kong makita ang wanted posters sa presinto kung merong mga malalaking halaga na reward sa paghahanap.

At para bang binigyan ako ng tadhana ng sagot. Isang malaking wanted poster ang nandoon. A reward of 500,000 for any information leading to the arrest of Finn Oliver Extrella aka FOX. This is it! Pag nahuli ko ‘tong taong ‘to may pang pa-opera na si Tita.

Magtatanong sana ako ng mas detalyadong impormasyon kay Chief o kay Sarge kaso wala na sila sa presinto. Alas dose na din kasi ng gabi. Mga night shift officers nalang ang nandoon. Tawagan ko nalang si Lani.

“Hello? Drixie?” Sagot ni Lani sa kabilang linya.

“Lani, ipaopera mo na si Tita. Ako na ang bahala sa 500,000 na magiging bill. Nakakita na ko ng target para do’n?”

“S-Sigurado ka ba, insan? Baka masyadong delikado ‘yan? Okay lang naman kahit magkano, eh. Uutang na lang ako sa bumbay o kaya lalapit ako kay Mayor. Baka mapahamak ka pa diyan.”

“Akong bahala. Kayang kaya ko ‘tong target na ‘to. Basta alagaan mo na lang si Tita. At paki sabi sa kanya na magpagaling siya.”


“Sige, insan. Mag iingat ka. Kapag masyadong delikado huwag ka na lang tumuloy, ah.”

"Okay sige, bye.”

“Sige. Maraming salamat talaga, insan.”

Pag hung-up ko ng phone, pupunta na dapat ako sa motorbike ko nang lumapit sa ‘kin si Sara. Si Sara ay isang batang lansangan. Biktima siya ng kahirapan pero matiyagang nagtitinda ng kendi at mani kahit anong oras para makatulong sa magulang.

“Ate Drixie!” Lumapit at yumakap siya sa ‘kin.

“Uy Sara. Gabing gabi na, a. Bakit nasa labas ka ba? Nagtitinda ka pa ba?”

“Hindi na po, ate Drixie. Hinihintay ko nalang si Mama. Tapos uuwi na po kami sa ilalim ng tulay.”

Mabuti at dito siya sa presinto pinaghihintay ng Mama niya. At least, safe siya kahit gabing gabi na. Pero mas mabuti sana kung hindi siya umaabot ng ganitong oras.

“Ganon ba? Sige sasamahan muna kita dito hanggang sa makarating si Mama mo.”

Natuwa siya at mukhang excited pa. “Talaga po? Yehey! Kwentuhan mo po ako, ate Drixie. May nahuli ka po na kalaban?”

Natawa ako sa sinabi niya. 

“Siyempre naman!” Lumingon-lingon muna ako sa paligid. Ayokong may makakita sa ‘king iba. Kay Sara ko lang ginagawa ‘to. “Di ba ako si…”

“SUPER INVESTIGATOR RED ANDROID!”

Sumabay siya sa pag sambit. Ako naman taas noo at nakapamewang pa. Tuwang tuwa siya. Pumapalakpak siya habang tumatalon-talon pa.

Umupo kami sa waiting shed na nasa labas ng presinto. Ikinuwento ko sa kanya ang ginawa kong paghuli kay alyas buto ng may konting exaggeration at medyo pang batang detalye.

“Wow! Ang galing! Gusto ko din maging kagaya mo balang araw, ate Drixie,” sambit ni Sara. Mukhang bilib na bilib siya sa kwento ko. “Aarestuhin ko ang mga kalaban kahit hindi ako Pulis.”

“Wait! Hindi gano’n a. Siyempre Pulis pa rin ang pwede. Sila lang ang pwedeng mang-aresto. Ang ginawa ko ay citizen arrest.”

“Ano po ‘yong sisisen ares?”

Ang cute talaga ng batang ‘to. Di ko mapigilan ngumiti.

“Citizen arrest. Ano umm… Dahil hindi Pulis si ate Drixie pwede lang ako mang-aresto ng kriminal kapag nakita ko ang isang tao na nakagawa, gumagawa, o gagawa ng krimen. Pero delikado ‘yon ,a. Wag mong gagawin. Pwede kang mapahamak. Kami lang na mga expert na ang pwedeng gumawa no’n bukod sa mga Pulis. Kaya kapag may nakita kang gumagawa ng masama– isumbong mo sa mga Pulis. Si Ate Drixie minsan ang ginagawa– tumatawag ako ng Pulis bago ko hulihin ‘yong mga kalaban.”

“Ang hirap naman po pala ng chicken arrest. Sumbong ko nalang po sa Pulis at kay… Super Investigator Red Android!”

Tumawa kami. Kiniliti ko pa siya sa tagiliran para lalong tumawa. “Ikaw talaga? Ang cute cute mo!”

Ang totoo niyan madalas di ko nasusunod ang rules ng citizen arrest. Sinasalo nalang ako ni Rave at ni Chief Reyes. Ang mahalaga nadakip ko ang kriminal.

Ilang saglit pa, dumating ang Nanay ni Sara. Nagpasalamat sila sa ‘kin at nagpaalam bago umalis. 

Bago sumakay ng motorbike, tinignan ko ang wanted poster ni Fox. 

Anong klaseng tao kaya ‘to? Paano niya nagagawang magtago at makatakas lagi? Hmm… dahil ba gwapo siya? Ang gwapo nito hindi mukhang wanted. Parang kasing gwapo niya si Rave.

Agad akong umiling-iling.

Ano bang sinasabi ko? Kakabisaduhin ko lang ang mukha niya para kapag nakita ko siya– huli agad siya sa ‘kin. Higit pa do’n, dapat ihanda ko ang sarili ko. May dahilan kung bakit mataas ang pabuya sa kanya, baka delikado talaga siya. Pag nagkataon, itong misyon na ‘to… pwedeng maging kapalit ay ang buhay ko.








KINABUKASAN, maaga pa lang nandito na ko agad sa presinto. Hinihintay kong pumasok si Sarge at si Chief Reyes. Ang naunang dumating ay si Sarge. Pag-upo pa lang niya sa opisina niya, pumasok na ako agad.


“Sarge! May iba ka pa bang impormasyon tungkol sa wanted na ‘to? Kailangan ko ang reward sa kanya.” Pinakita ko sa kanya ang wanted poster ni Fox.

Napakamot-ulo si Sarge. “C’mon, Drixie! Sinabi ko na sa ‘yo na masyadong delikado ‘yang si Fox. Bakit kailangan mo ng ganyang pera? San mo gagamitin?”

“Kailangan ng Tita ko pang pa-opera.”

Hindi sumagot si Sarge. Nakatingin lang siya sa ‘kin na para bang nag-iisip. Hindi ko rin inalis ang tingin sa kanya. Gusto kong makita niya na desidido ako at walang makakapigil sa ‘kin.

Hinilot ni Sarge ang sentido ng kanyang ulo. Kasunod ay bumuntong hininga siya. “Manang mana ka talaga sa tatay mo. Siya, sige! Bahala ka. Kausapin mo si chief para makakuha ka ng lead kung paano hahanapin ang lalaking ‘yan.”

“Salamat, Sarge. Ililibre kita pagtapos nito,” nakangiti kong sambit.

“Kahit huwag na. Basta mag-ingat ka. At balitaan mo ko kapag may progress ka.”

“Oo ba! Or magugulat ka na lang bitbit ko na siya sa harap mo.” 

Umalis ako agad ng opisina ni Sarge. Tapos ay dumiretso ako sa opisina ni Chief Reyes.

“Chief! May impormasyon ka daw para dito sabi ni Sarge,” sambit ko at pinakita ko sa kanya ang wanted poster ni Fox.

Nagulat si Chief Reyes. Halos mapatalon siya sa kina-uupuan niya. “Si Fox?! Jusko naman! Delikado ‘yang talipandas na ‘yan, Drixie! Kalimutan mo na ‘yan. Bibigyan ka nalang namin ng ibang case.”

Tumayo si Chief Reyes. Nilapitan niya ako at inakbayan. “Halika punta tayo kay Larry. Ipaubaya mo na sa ‘kin ‘yang Fox na ‘yan. Mahuhuli ko rin ‘yan.”

Hinawi ko ang kamay ni Chief Reyes at bahagyang lumayo. “Pwede ba, Chief! Huwag niyo na akong ituring na parang bata. Kaya ko ang sarili ko. Napatunayan ko naman ‘yon sa dami ng mga nahuli kong kriminal, di ba?”

“Drixie, hindi naman sa gano’n. Alam mo namang para na rin kitang anak. Sakin ka ipinagkatiwala ng pakner ko bago siya namatay– ang Papa mo. Kaya ayokong may mangyari sa ‘yong masama. Itong FOX na ‘to, tuso ‘to, at mapapahamak ka lang pag tinarget mo siya. Kaya please, hija, give this up,” pakiusap ni Chief Reyes.

Hindi ako nagpatinag. Malaki ang utang na loob ko kay Chief Reyes dahil sa kabaitan niya sa amin ni Papa. Pero kailangan ko talaga hanapin at hulihin si Fox.

“Chief, kung anak ang turing mo sa ‘kin, bibigyan mo ko ng impormasyon tungkol kay Fox. Pero kung ayaw mo, hahanap na lang ako ng ibang makakatulong sa ‘kin tungkol sa taong ‘to.”

Aalis na sana ako pero biglang isinara ni Chief Reyes ang pinto. 

“Drixie sandali!” Bumuntong hininga siya. “Kung ‘di talaga kita mapipigilan. Ang mabuti pa… umupo ka muna para masabi ko sa ‘yo ang lahat ng nalalaman ko tungkol kay Fox. At kung bakit delikado ang mamamatay tao na ‘yan.”

Tama ka, Chief. Nothing and no one can stop me. I’m going to catch that Fox. Kahit buhay ko pa ang nakataya.

NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly