DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 28

☆

5/13/2025

0 Comments

 
RAVE


FEW HOURS AGO


DAHIL sa mga kasong na-solve ko sa loob ng tatlong linggo, binigyan ako ng leave ni Chief Reyes. Kaya naman dumiretso ako sa apartment ni Drixie para ayain siyang magbakasyon—at para makabawi na rin sa lahat ng maling nagawa ko.

Huminga ako nang malalim bago kumatok. Diretsahan ko nang sasabihin sa kanya ang plano ko. Pero bago pa man dumampi ang kamao ko sa pinto, bigla itong bumukas. At isang babae ang tumambad sa akin.

“Drix!”

“Oops! Sorry, hindi ako si Drixie. Wala siya dito, e.”

Nanlaki ang mga mata ko. Sinipat ko nang maigi ang babae dahil hawig na hawig niya si Drixie.

“Ha? S-Sino ka?”

“Ako si Lani. Pinsan ni Drixie. Hinahanap mo rin ba siya?”

“O-Oo. Nasaan siya?” Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Naisip kong baka niloloko lang ako ni Drixie, pero hindi niya ugali ‘yon. At higit pa roon, may isang bagay akong napansin—mas maliit ang babaeng ito. Mga 5’4” si Drixie, pero ang kaharap ko ngayon? Tingin ko, nasa 4’11” lang.

“Hindi ko alam, e. Hindi rin niya sinasagot ang phone niya. Kaibigan ka ba niya?”

Tumango lang ako habang patuloy na nakatitig kay Lani.

“M-May dumi ba sa mukha ko?” tanong niya.

Parang bigla akong natauhan at mabilis na umiling. “S-Sorry! Hawig na hawig mo kasi si Drixie.”

Ngumiti siya. “Talaga ba? Parang hindi naman. Astig kaya ‘yong pinsan kong ‘yon. Private eye ‘yon, e. Ako, plate attendant lang.”

“Plate attendant?” naguguluhan kong tanong.

“Chos lang. Tagahugas ng pinggan ang ibig kong sabihin, pina-sosyal ko lang,” sagot niya, sabay tawa.

Napatawa rin ako nang bahagya pero may hiya pa rin. “Ah! Iyon pala ‘yon.” Nilinaw ko ang lalamunan ko at iniabot ang kamay ko. “Oh! Where are my manners? I’m Rave… Rave Obryn!”

“Ay, may gano’n? Ako ulit si Lani.” Tinanggap niya ang pakikipagkamay ko.

Abot-tainga ang ngiti ko. Hindi ko maintindihan pero parang natutuwa ako sa presensya niya. “I’m sorry for staring. You guys really look alike.”

“Ay ano daw? Guys? Babae po ako, kuya.”

Napatawa ako. “Ayan, alam ko nang hindi ikaw si Drixie. Magkaiba kayo. Tahimik siya at ikaw… masayahin.”

“Bad ka! Buti na lang pogi ka.” Ngumiti siya. “Masayahin din ‘yon si insan. Kaya lang, lumalabas lang ‘yong pagiging gano’n niya kapag ka-close niya o kumportable siya sa kasama niya.”

Nawala ang ngiti ko. Hindi masayahin si Drixie kapag magkasama kami. Siguro hindi pa talaga niya ako nakukuhang pagkatiwalaan. Hindi ko pa nakikita ang tunay niyang ugali.

“Mauuna na pala ako. Aalagaan ko pa si Nanay,” sambit ni Lani.

“Ah, sige, sige. Sabihan ko na lang si Drixie na hinahanap mo siya kapag nakita ko siya.”

“Salamat. Bye-bye, pogi!” Kumaway siya bago lumakad palayo.

Hinabol ko ng tingin ang papalayong pigura niya, saka ko inilabas ang phone ko at tumingin sa front camera.

“Pogi daw ako? Pogi nga siguro.”





HINDI sumasagot sa tawag at text si Drixie. Nang tanungin ko si Zella kung nasaan siya, inimbitahan niya ako sa coffee shop. Naabutan ko siya roon kasama si Zild, nagkakape.

“Detective! Nice to see na hindi ka na busy. Na-solve mo na lahat ng pending case mo?” bati ni Zella.

Naupo ako sa tapat nila. “Oo. Binigyan nga ako ni Chief ng leave, e. Gusto ko sanang magbakasyon at isama si Drixie para makabawi sa kanya. Kaso wala siya sa apartment niya. Nakita niyo ba siya?”

Nagkatinginan si Zella at Zild. Nag-uusap ang mga mata nila sa pamamagitan ng tango at iling.

Hanggang sa nagsalita si Zella, “Actually… Oo. We know where she is. At kasama niya na ‘yong taong hinahanap-hanap niya.”

“Hinahanap-hanap? Sino? You mean… si Finn?”

Tumango sila.

Parang may matalim na tumusok sa dibdib ko. Biglang pumasok sa isip ko ang imahe ni Drixie—masaya, tumatawa, at nasa tabi ni Finn.

“Ah… I see… so… magkasama na pala sila,” nakayuko kong sambit.

“Haay, detective.” Bumuntong-hininga si Zella. “Sayang kasi, e. Kung dati ka pa siguro nagtapat ng nararamdaman mo, baka kayo na ngayon. Tinuring mo lang kasi siyang kapatid noon, e. Hindi naman natin masisisi si Drixie kung nabaling sa iba ‘yong puso niya. Tsaka saksi ako kung gaano siya nangulila kay Finn. Araw-araw nag-e-effort siyang hanapin ‘yong tao. In love talaga siya. As in! First time ko makita na nagkagano’n ‘yong babaeng ‘yon.”

Hindi ako nakasagot. Para bang nag-blanko ang utak ko.

“So… as her friends, we have to support her. Kung doon siya masaya, maging masaya rin dapat tayo para sa kanya,” dagdag pa ni Zella.

“Ano ka ba? Give him time. Dirediretso ka naman, e,” singit ni Zild.

“Hindi ‘yan. He’ll understand. Di ba, detective? Cheer up!”

Bumuntong-hininga ako. 

Ganito siguro kapag detective. Nakakapag-solve ng mga krimen pero hindi ang problema ng puso.

Pinilit kong ngumiti kahit ang bigat ng nararamdaman ko. “I think tama kayo. So I guess, magbabakasyon na lang muna ako mag-isa. Soul searching muna.”

“Tama ‘yan, detective. Pero I think mas okay kung pupuntahan mo sila Drixie. Gusto mong bumawi, ‘di ba? They could use your help with the case. Mas maganda kung dalawa kayo ni Finn na po-protekta sa kanya.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Tinawagan kami ni Finn. May matindi siyang plano na tatapos sa kaso niya, kaya tutulungan namin siya. And for sure, tutulungan din siya ni Drixie. Baka maging delikado, kaya mas maganda kung nandun ka rin.”

“Sige. Text me their address. I’ll be on my way,” sagot ko. Tumayo ako at nagmamadaling umalis.



PAGDATING ko sa address na binigay sa akin, sakto namang lumabas ng pinto si Drixie at Finn. Napansin kong nakangiti siya habang nakahawak pa sa braso ng kasama niya. May kakaibang saya sa mukha niya—isang uri ng sigla na hindi ko pa nakita noon.

"Drixie?"

"Rave? Ano’ng ginagawa mo dito?" Halata ang gulat sa boses niya nang makita ako.

"Sinabi sa akin ni Zella kung nasaan ka."

"S-Si Zella? Alam niya kung nasaan ako? Paanong—"

Bago pa niya matapos ang sasabihin, sumingit si Finn sa pagitan namin at inabot ang kamay niya para makipagkamay.

"I think we haven't been properly introduced. I’m Finn."

Sinabi ko na sa sarili kong tatanggapin ko na iba na ang nasa puso ni Drixie. Pero ngayong kaharap ko na si Finn, may kung anong kumurot sa loob ko. Selos ba ‘to?

"Alam ko kung sino ka. I’m Rave. Drixie’s long-time friend." Tinanggap ko ang pakikipagkamay niya, ngunit pinisil ko ito ng bahagya.

Tumigas din ang hawak niya, tila ba nilalabanan ang pressure na ibinigay ko.

"Long-time, huh? Then I guess… I’m Drixie’s… hindi ko sure kung friend pa rin. I think maybe more than a friend," nakangising sagot niya.

"Ah, baka best friend. Kasi ang balita ko ako raw ang crush niya," sagot ko pabalik.

"Ah, crush. Baka matagal na ‘yon? Ang balita ko kasi ako raw ang hanap-hanap niya," bawi niya.

Habang nagkakagirian kami, hindi namin namalayan na iniwan na pala kami ni Drixie.

"Ah, kasi ikaw ang wanted person niya. Kaya ka niya hinahanap. Para sa reward."

"Reward? Hindi siguro. Hinahanap niya ako at ang yakap ko. Nagyakapan nga kami kanina, e."

Nanlaki ang mga mata ko. "N-Nagyakapan kayo?"

"Yep!" nakangising sagot ni Finn. "She loves my warm hugs."

"Hoy, kayong dalawa! Mauuna na ako, ha?! Sunod na lang kayo kapag tapos niyo ng pairalin ‘yang mga ego niyo!" sigaw ni Drixie mula sa malayo.

Sa wakas, bumitaw kami sa isa’t isa. Pero parehas kaming namumula ang mga kamay.

"Nakahawak ka pala sa kamay ko? Akala ko hangin lang," natatawang sabi ni Finn.

"Kamay mo pala ‘yon? Akala ko marshmallow," sagot ko, bahagyang ngumisi.

"So bakit ka nga nandito?" tanong niya.

"I’m here to help with the case. Pero hindi para sa ‘yo. Para kay Drixie."

"I can protect her. Pero tatanggapin ko ang anumang tulong na ibibigay mo. Kahit ayaw ko. Mas masisiguro ko naman na magiging ligtas si Drixie sa gagawin ko."

"Right. Fill me in with the plan."






FINN

HABANG abala si Drixie sa pagbi-bird watching, nakumbinse ako ni Rave na gusto niya talagang tumulong sa kaso. Nagtiwala ako sa kanya at ikinuwento ko ang lahat—mula sa kung paano ako na-frame up, ang mga natuklasan ko habang bihag ako ni Mr. Kim, hanggang sa kung paano nakatakas si Baron Kim mula sa mga kamay ko.

Maliban do’n, dahil dumating na rin si Rave, napagdesisyunan kong ipagpaliban muna ang date namin ni Drixie. Kailangan kong tapusin ang misyon sa lalong madaling panahon para makalaya na ako sa bangungot na ito—at higit sa lahat, para wala nang iba pang mapahamak dahil sa akin. Kaya habang nakaupo kami sa porch, inilatag ko sa kanila ang buong plano.

"...and that’s the plan. At ang target natin ay si Chief Francisco Reyes."

"What?! Bakit si Chief ang suspect mo? Imposible ‘yang sinasabi mo," mariing tutol ni Rave.

"Wait, may point si Finn," singit ni Drixie. "Kagabi pumunta ako sa bahay ni Michelle. Wala siya ro’n, pero sinabi sa akin ng kapitbahay niya na nagtatrabaho ang boyfriend niya sa presinto. Akala ko pulis, pero ang sabi ng ale, hindi raw ito naka-uniform. So bukod sa ‘yo, detective, si Chief lang ang madalas na hindi naka-uniform."

"Tama si Drixie. Iyan din ang isa sa mga dahilan kung bakit ko naisip na si Chief Reyes ang target natin. I’ve been looking into Michelle’s files on the internet, at madalas siyang may picture kasama si Chief. Other than that, sabi ni Drixie, gustong-gusto akong mahuli ng taong ‘yon," paliwanag ko.

"We still don’t have enough evidence to point fingers at him."

"Hindi mo ba naintindihan ang kwento ko kanina? Ang sabi ni Michelle habang bihag nila ako, mas makapangyarihan daw kay Mr. Kim ang boss niya. Sino nga ba ang mas makapangyarihan kaysa sa mga mayayamang negosyante? Siyempre, ang mga may hawak ng batas."

Rave crossed his arms. "Come to think of it… madaling napapakawalan ang mga tauhan ni Mr. Kim noon sa presinto."

"See?" Nakangisi kong sagot.

"Pero mali ka pa rin. May kapit si Mr. Kim sa NBI kaya imposibleng ang mas makapangyarihan sa kanya ay isang Chief lang ng isang presinto. The Chief doesn’t have enough motive nor power to be the mastermind. May iba pa bang tao na may personal na galit sa ‘yo? What if… kung sino man ang boyfriend ni Michelle ay hindi naman pala kasama sa operasyon niya laban sa ‘yo?"

Nanahimik ako saglit. Nakuha ko ang punto ni Rave. The Chief doesn’t have enough motive that I’m aware of. I’ve looked into him. Wala rin akong nakitang kaibigan o kamag anak niya na posibleng nagkaroon ng galit sakin noon dahil sa mga exposé ko.

Mas magaling nga siyang mag-analyze kaysa sa akin. Pero kahit na… mas gwapo pa rin ako. At the end of the day, ‘yun ang mas mahalaga.

"May naisip ako," sabi ni Rave, na tila napupuno ng bagong ideya ang utak. "Gagawin natin ang plano mo pero may mga idadagdag tayong targets—ang dalawang pulis na umaresto sa ‘yo noon. Give me their names."

"That’s a long shot. Pwedeng mga tauhan lang sila ni Mr. Kim. Pero sige, may naisip din akong dagdag sa strategies ko kung ta-target-in din natin sila."

"Wait. Since mas dumami ang target… kakayanin ba natin na tayong tatlo lang? Maybe we need Zella and Zild?" nag-aalalang tanong ni Drixie.

Hinawakan ko ang kamay niya, pinisil nang bahagya para pakalmahin siya. "They’re probably on the move now with the other mission. Pero huwag kang mag-alala… hindi ko hahayaang may mangyari sa ‘yong masama."

"I need the names," singit ni Rave. Tila nagmamadali ito, halatang gustong umalis kaagad sa harapan naming dalawa.

Binigay ko naman ang impormasyon at itinuro kung nasaan ang computer. Kaagad siyang pumasok sa loob ng bahay, iniwan kaming dalawa ni Drixie sa porch.

Hinawakan ni Drixie ang kabilang kamay ko, mas mahigpit kaysa kanina, na para bang takot siyang bumitaw. "Hindi ako nag-aalala sa sarili ko. Mas nag-aalala ako na baka… baka mawala ka na naman sa tabi ko."

Bahagyang uminit ang pisngi ko, at ramdam ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko—parang isang kabayong nagwawala sa loob ng dibdib ko. Hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin siya mula sa likuran, hinayaan ang init ng katawan ko na magsilbing panatag sa kanya.

She felt so warm in my arms. Too warm. Like home. Damn it. If only I could stay like this forever…

"Don’t worry… gagawin ko ang lahat para ‘di na mangyari ‘yon."

Pero…

Ugh!

Bigla niya akong siniko sa sikmura, sapat para mapaurong ako at mapasapo sa tiyan ko.

"Nakakarami ka na ng yakap, ah. Sinabi ko bang pwede? Huwag mo akong itulad sa mga naging babae mo. Akala mo makukuha mo ako agad? Hindi pa nga tayo nagde-date. Tse!"

She strutted away with a teasing smirk, flipping her red hair right into my face, na parang sinadya niyang dagdagan ang inis ko. Pero imbes na magreklamo, napangiti na lang din ako. Ang sarap sa pakiramdam na nandito siya, na kahit sa gitna ng kaguluhan, may isang bagay pa rin akong pwedeng panghawakan.
​
Sana… anuman ang mangyari sa hinaharap… hindi ito ang huling pagkakataon na magkasama kami at mayakap ko siya.
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly