DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 27

☆

5/13/2025

0 Comments

 
DRIXIE


NAGISING ako sa liwanag ng araw na sumisilip mula sa bintana. Sa unang tatlong segundo, inakala kong nasa sarili kong kwarto ako, pero nang mapansin kong malaki ang pagkakaiba ng paligid sa unit ko... agad akong bumangon.

Luminga ako sa paligid, pilit inaalala kung nasaan ako. Biglang bumalik sa akin ang nangyari kagabi—dalawang lalaking nagtangkang dumukot sa akin. Bago pa man tuluyang bumagsak ang talukap ng mga mata ko, naaninag ko si Finn. Pero totoo ba iyon? O ilusyon lang ng utak ko?

"Finn?"

Walang sumagot. Tahimik. Walang kahit anong ingay o kaluskos.

Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko. Paano kung panaginip lang na nakita ko siya? Paano kung nagtagumpay talaga ang mga dumukot sa akin? Pero kung bihag nga ako, hindi ba dapat nakagapos ako?

"F-Finn? Nandiyan ka ba?" Muli akong tumayo mula sa kama at marahang lumakad papunta sa pinto.

Pero bago ko pa marating ang pintuan... may narinig akong malumanay na tunog mula sa gitara.

Kasunod no’n ay isang pamilyar na tinig na kumakanta ng kantang Binibini ni Zack Tabuldo. Malamig. Malambing. Parang nanunuyo.

“Binibini… Alam mo ba kung pano nahulog sayo… Naramdaman lang bigla ng puso…Aking sinta ikaw lang nagparamdam nito.”

Sinundan ko ang tunog hanggang sa makarating ako sa sala. Doon, bumungad sa akin si Finn—nakaharap sa akin, nakatayo habang tinutugtog ang gitara, at... kinakantahan ako.

“Kaya sabihin mo sakin… Ang tumatakbo sa isip mo…”

Nanlaki ang mga mata ko. Maging ang balahibo ko sa braso ay nagsitayuan. Pakiramdam ko rin ay nag-init nang bahagya ang pisngi ko, at may kung anong kiliting gumapang sa tiyan ko.

Nakangiti lang si Finn habang tuloy sa pagkanta. “Kung mahal mo na rin ba ako?”

Nagsisimula na akong kiligin pero naalala ko bigla ang mga panahong hinahanap ko siya. Ang mga mensaheng ipinadala ko pero hindi niya sinagot. Ang mga oras na hinihintay kong magpakita siya, pero wala.

Huminga nang malalim si Finn bago bumirit— “Isayaw mo ako—”

PAK!

Natigil ang kanta niya nang bigla kong sampalin ang pisngi niya.

"Aw! Bakit?! Hinaharana kaya kita!" reklamo niya habang hawak ang pisngi.

"S-Sinisigurado ko lang na totoo ka," sagot ko, halos hindi makakukurap sa pagtitig sa mukha niya.

Nginitian niya ako. "I’m real. I’m here with you." Inilahad niya ang kamay niya para hawakan ang pisngi ko pero--

"Ito naman para sa pag-iwan mo sa ‘kin!" Sunod kong pinagsusuntok ang katawan niya, pero sinigurado kong hindi malakas.

Nataranta si Finn, hindi alam kung paano iiwas. Ipinangharang pa niya ang gitara niya sa mukha.

"Aray! Aray! Sorry na!"

Tumigil ako pero nakaabang pa rin ang kamao ko. "Magsimula ka nang magpaliwanag."

"Y-Yes, boss. Wait lang, ito na!" Mabilis niyang ibinaba ang gitara sa upuan. "Ba’t hindi effective ‘yung harana? Iba na talaga panahon ngayon.”

Sinamaan ko siya ng tingin. "Ano’ng binubulong mo diyan?"

"N-Nothing," sagot niya sabay pilit ngiti.

Pinagmasdan ko siya nang matagal. Kahit nakasimangot ako, hindi ko maitangging masaya ako na nakikita siya ulit. Totoo na siya at  nasa harap ko ngayon.

Huminga nang malalim si Finn. "I’m sorry… Alam kong galit ka dahil tinakasan kita. Alam ko rin na nasaktan kita sa ginawa ko. Pero sana maintindihan mo… ginawa ko ‘yon para sa kaligtasan mo. Ayokong mapahamak ka. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyari sa ‘yo."

Iniwas ko ang tingin. "Ano ba’ng sinasabi mo? Ang sabi ko, ipaliwanag mo kung bakit mo ako dinala dito. At anong lugar ‘to? Kung ano-anong sinasabi mo diyan. May nalalaman ka pang harana. Feeling mo siguro hinahanap kita? O kaya naman iniisip mong lagi kitang mine-message sa huling number na ginamit mo sa’kin? Or better yet—you think I missed you?" Napailing ako. "Feeling mo lang ‘yon!"

Ngumiti si Finn, abot-tainga.

"May gitara ka pa kanina. Akala mo naman gusto ko ‘yung boses mo. Hindi kaya... sobra," dagdag ko. Pero nagsisinungaling ako. Pinutol ko ang kanta niya dahil pakiramdam ko, matutunaw na ako sa boses niya. "FYI– Hindi ka rin magaling mag-gitara."

"Talaga? So ibig sabihin, na-miss mo nga ako?"

Napakunot ang noo ko. "Huh? A-Anong na-miss? Ang sabi ko—"

"Kasi na-miss din kita," mabilis niyang sambit. Nakangiti siya nang bahagya at nakatitig sa’kin.

Parang naging bato ako saglit. Hindi ko inasahang maririnig ‘yon mula sa kanya. Nararamdaman kong nag-iinit ang pisngi ko, kasabay ng mabilis na pagtibok ng puso ko.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Gulat na gulat ako sa sinabi niya. Pero alam kong totoo ito. Tumalikod ako, pilit tinatago ang ngiting hindi ko na mapigilan.

"A-Ano ba’ng s-sinasabi mo? N-Naiinis na ‘ko!"

"I said I missed you. Kaya nagpasya na akong magpakita sa ‘yo… dahil hindi ko na kayang hindi ka makausap at tignan ka lang sa malayo."

Nilingon ko siya, pero hindi ko siya matignan nang diretso. "S-So alam mo? Na hinahanap kita? B-Bakit ngayon ka lang... nagpakita?"

Bumuntong-hininga si Finn. "Sorry… Akala ko kasi mas mapo-protektahan kita kung malayo ako sa’yo. Ayoko lang talaga kasing mapahamak ka. Pero mali pala ako. Ako lang ‘yung talo. Kasi nasasaktan ako… sa bawat oras na wala ka sa tabi ko."

Kagat ko na ang hinlalaki ko para hindi ako tuluyang matunaw sa kilig. Pakiramdam ko, nanginginig na ako sa sobrang pamumula ng mukha ko.

"S-So ano... um... ano… 'yong ano..." Nag-clear ako ng lalamunan. "B-Basta! Galit pa rin ako."

Lumapit siya at marahang hinawakan ang magkabilang siko ko. "Sorry na, oh… Tell me how can I make it up to you? Please…"

Niyakap ko ang sarili ko. "N-Nilalamig ako."

Tila nabasa niya ang gusto kong mangyari. Pumunta siya sa likod ko at… Niyakap niya ako mula sa likuran.

"Is this better?"

Binilog ko ang kamao ko. Bigla ko kasing naisip na parang ang bilis yata. At dapat siguro suntukin ko pa siya dahil sa pang i-snob niya sakin. Pero wala na… nadala na ko ng init at gaan sa pakiramdam ng yakap niya.

Tumango ako. Napakalma din kasi ng yakap niya ang nagsusumigaw kong damdamin.

"Nasa’n ba tayo? Sinadya mo sigurong dalhin ako dito para makayakap ka, ‘no?"

"Maybe," sagot niya habang nakapatong ang baba niya sa balikat ko. "But we’re somewhere safe. And don’t worry… hindi na ako aalis pa sa tabi mo."




FINN

THREE WEEKS AGO


Dinala ko si Baron Kim sa isang apartelle, umaasa na makuha sa kanya ang pangalan ng taong nasa likod ng lahat ng nangyayari sa ‘kin. Pero wala akong mapiga. Dude was out of it—parang wala sa sarili.

“C’mon, dude. Work with me here. Hindi naman kita sasaktan. Tsaka isasauli rin kita sa tatay mo. I just need a name,” I said, kneeling on the floor. Pero si Baron? Nakasiksik sa sulok, namamaluktot na parang batang iniwan sa ulan.

“Ayoko na po. Parang awa niyo na. Huwag niyo na po akong saktan,” he kept mumbling, voice trembling. Paulit-ulit, as if those were the only words he knew.

I sighed, shaking my head. “Grabe. Whoever did this to you… walang kaluluwa, pre. You need a doctor. Pero wag ka mag-alala, tutulungan kita.”




PRESENT

HABANG nag-aalmusal kami ni Drixie, ikinuwento ko sa kanya lahat ng nangyari habang magkalayo kami. Mula sa pagsuko ko kay Mr. Kim hanggang sa pagpapagamot ko sa anak ng negosyante.

“We were making some progress on his recovery. Pero isang araw… pagbalik ko sa apartelle, after kitang i-check nang palihim… wala na siya. Hinanap ko, pero parang bula siyang nawala.”

Drixie frowned. “Saan naman kaya siya pumunta? Hindi kaya sa Tatay niya? O baka nahuli ulit siya no'ng sinasabi mong mastermind?”

“Iyon din ang hinala ko noong una. Pero nagpa-check ako ng CCTV sa apartelle. Mag-isa lang siyang lumabas. Then nagmatiyag din ako sa ospital kung saan naka-confine si Mr. Kim. Walang kahit anong bakas ni Baron do’n. Kaya naisip ko… since hindi pa siya fully recovered, baka kung saan-saan lang siya napadpad.”

Hindi pa man tapos kumain, tumayo bigla si Drixie. “Then let’s find him!”

Hinawakan ko siya sa braso para pigilan. “Relax ka lang. Kain ka muna. I asked somebody else to look for him. I have a better plan to finish this case. Lalo na ngayong may alas ako.”

Bumalik siya sa upuan, though halatang nagpipigil ng excitement. “Alas? Ano naman ‘yon?”

“Sasabihin ko mamaya.” Ngumiti ako, resting my cheek on my palm habang nakatitig sa kanya. “But for now… can I just spend the rest of the day… with you? May gusto kasi akong aminin sa ‘yo.”

Kitang-kita ko na bahagyang namula ang pisngi niya. Grabe ang cute niya. Parang naging maamong pusa ang leon.

“A-Aminin? Ano naman ‘yon?” she stammered.

“Later,” I teased. “But um… can I ask you to go on a date with me? This evening?”
Nanlaki ang mata niya. “D-Date? T-Tayo?”

Napangisi ako. “Oo. Tayong dalawa. Pero mamayang gabi pa ‘yon. For now, gusto mo bang lumabas? May spot dito for birdwatching.”

Biglang nagningning ang mata niya. “Talaga? Tara, bilisan mo na kumain!”

Natawa na lang ako. “Yes, boss. Pero wait lang—hindi ka pa sumasagot sa date proposal ko.”

Nagkunwaring nag-isip si Drixie. “Hmm… pag-isipan ko. Siguro… pag may nakita akong magandang ibon.”

I smirked, pero sa isip ko lang sinabi: Kaya ko binili ang bahay na ‘to dahil sa ‘yo. Kasi sabi sakin maraming magagandang ibon dito.

Pagkatapos kumain, nag-ready kami ng dadalhin—binoculars, tubig, at pretzel sticks.
​
“Shall we?” I offered my arm to her.

Nakangiti siyang kumapit. “Let’s go.”

Pero pagbukas namin ng pinto, isang pamilyar na mukha ang bumungad sa amin.

“Drixie?”

“Rave? Anong ginagawa mo dito?”
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly