DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 26

☆

5/13/2025

0 Comments

 
DRIXIE


THREE WEEKS LATER

UMUULAN, kaya hindi na lang ako lumabas ng apartment. Tahimik akong nakatanaw sa bintana, sinusundan ng tingin ang bawat patak ng tubig sa labas. Pero sa totoo lang, hindi talaga ulan ang iniisip ko. Paulit-ulit kong naaalala ang mga sandaling magkasama kami ni Finn—lalo na noong giniginaw ako at niyakap niya ako. Ngayon, parang hindi ko na alam kung paano na hindi siya hanapin.

Tatlong linggo na ang lumipas mula nang magpaalam siya sa akin. Talong linggo na rin akong paulit-ulit na gumigising, tumitingin sa phone, at nagbabakasakali na may mensahe siya. Kahit na araw-araw akong nagpapadala sa kanya ng text– wala akong natanggap na reply mula sa kanya. Pero kahit gano’n, hindi ko sinukuan ang paghahanap sa kanya—at ang pagtulong sa kaso niya.

Biglang tumunog ang phone ko mula sa dining table. Napabalikwas ako. Baka si Finn ‘to! Dali-dali kong dinampot at sinagot.

"Hello? Finn?"

"Hello, insan, si Lani ’to."

Napawi ang sigla sa mukha ko, at bumalik ang bigat sa dibdib ko. "Ah, insan. Ikaw pala. Napatawag ka? Kamusta na nga pala si Tita? Pasensya na, wala pa ‘yong pera. Pero may konti akong naipon kung kailangan niyo."

"Hindi na kailangan, insan. Actually, palabas na kami ni Mama ng ospital ngayon. Successful ‘yong operasyon niya."

"Huh? Paano ‘yong bills sa hospital?"

"May milagrong nangyari, insan. May nag-donate ng pera para kay Mama, deretso na raw sa ospital. Kaya agad siyang naoperahan."

"Talaga? S-Sino daw?"

"Hindi namin alam, insan. Gusto nga rin namin sanang magpasalamat, kaso ayaw sabihin ng hospital. Confidential daw, ayon sa nag-donate."

Hindi ako agad nakasagot. Pilit kong inaalala kung kanino ko nabanggit ang tungkol kay Tita.

"Ipagpapasa-Diyos na lang namin ni Mama ang pasasalamat," dagdag pa ni Lani. "Kaya insan, huwag mo nang ituloy ‘yong sa wanted target mo para sa gano’ng halaga. Baka mapahamak ka pa."

"S-Sige… Mabuti naman at okay na si Tita. Dadalaw ako diyan soon."

Nag paalam kami sa isa’t isa ng pinsan ko. Tapos pagkababa ng tawag, inilapag ko ang phone sa mesa at napaupo. Muli kong pinag-isipan kung sino ang maaaring gumawa noon para kay Tita. Hanggang sa…

Bigla akong natigilan.

Naalala ko. Nasabi ko kay Finn kung bakit ko kailangan ang reward money sa kanya na limang daang libo.

Malakas ang kutob ko.

Si Finn ang Good Samaritan na ‘yon!

Napalunok ako. Kasabay ng realization na ‘yon, may tumama ring panibagong determinasyon sa akin. Hindi dapat ako napipigilan ng ulan. Kahit bumagyo pa, hindi ako dapat tumigil sa paghahanap kay Finn.




PINUNTAHAN ko ang mga kalapit na bayan at establishment malapit sa warehouse—ang huling lugar kung saan nakita si Finn. Ginawa ko na ito noon, pero nagbabakasakali akong may tao pa akong hindi pa natatanong.

Hanggang sa gumabi na, patuloy akong nagtanong sa paligid kung may nakakita ba sa kanya. Pero imbes na sagot, ang nakuha ko lang ay panibagong sakit sa dibdib. Para bang kahit saan ako tumingin, nakikita ko ang mukha niya. Namamalik-mata lang ba ako, o talagang hinahanap na siya ng puso ko?

"Finn?"

Isang lalaki ang kinawayan ko, pero nang tuluyan siyang lumingon, napagtanto kong hindi siya si Finn. Muli lang akong naloko ng sarili kong paningin—parehas lang kasi sila ng suot na t-shirt.

"Sorry. Do I know you?" tanong ng lalaki, halatang nagtataka.

Umiling ako. "Sorry. Nagkamali lang."

Pakiramdam ko, may pumiga sa puso ko. Halos araw-araw, ganito ang nararamdaman ko tuwing sasapit ang gabi at wala akong natatagpuang bakas ni Finn.

At doon ko napagtanto ang isang bagay.

Hindi lang basta gusto ko siyang tulungan o siguraduhin na ligtas siya.

Gusto ko siyang makita. Gusto ko siyang makasama.

Dahil ang puso ko… tuluyan nang nahulog para sa kanya.

Napabuntong-hininga ako bago nagpatuloy sa paghahanap. Nakita ko ang isang tindero ng fishball sa kanto—isang taong hindi ko pa natatanong noong una akong pumunta rito.

"Good evening, kuya. Pwede pong magtanong?"

Ngumiti ang tindero at pabirong sumagot, "Kahit ano para kay Ms. Beautiful. Gusto mo, kuha ka na rin ng fishball. Libre lang for you."

Ngumisi ako pero agad akong bumalik sa pakay ko. Kinuha ko ang phone ko at ipinakita ang litrato ni Finn. "Hinahanap ko po ang taong ‘to. Baka nakita niyo po? Mga two or three weeks ago?"

"Aba, si pogi! Oo, nakita ko ‘yan. Pag mga gwapo’t magaganda, hindi ko agad nakakalimutan," nakangisi niyang sagot.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. "Saan niyo po siya nakita? Saan siya pumunta? Ilang beses niyo siyang nakita?" sunod-sunod kong tanong. Halos pabulong ang boses ko. Mabilis ang tibok ng puso ko, halos natabunan na nito ang sagot ng tindero.

"Isa-isa lang, miss. Mahina kalaban." Napatingin siya sa litrato ni Finn, saka muling ngumisi. "Nobyo mo ba ‘to? Bagay kayo, e."

Hindi ko alam kung paano sasagot. Naramdaman ko ang init sa pisngi ko pero agad akong nag-focus sa tanong ko.

"Bumili ‘yan dito sa akin. May kasama siyang lalaki—parang may sira sa ulo, tulala lang," sagot niya.

Nanikip ang dibdib ko. "Saan po sila pumunta?"

"Iyan ang hindi ko alam. Pagkatapos nilang kumain ng fishball, sumakay sila ng taxi."
Napabuntong-hininga ako. "Gano’n po ba? Sige, salamat po."

Bumalik ako sa kotse at agad naupo sa driver's seat. Sa pagkakataong ‘to, kahit hindi ito malaking lead, at least may nakuha akong bagong impormasyon.

Biglang nag-ring ang phone ko. Bago sagutin, sinilip ko muna kung sino ang tumatawag—ayoko nang madismaya kung hindi si Finn.

"Hello, Zella. Napatawag ka?"

"Pixie! Miss na kita. Kamusta? Nasaan ka ngayon?" tanong ni Zella, may halong saya sa boses niya.

"Alam mo na ‘yon," sagot ko.

"Ah, hinahanap mo pa rin siya." Bumaba ang tono niya, halatang nakikiramay sa nararamdaman ko. "Sorry, hindi ako maka-join. Sobrang dami ng pinapagawa sa akin ni Chief Reyes. Pati nga kay Detective Rave, e. Lately, mainit ulo niya. Tapos mag le-leave pa daw siya"

"Okay lang. Kaya ko naman sarili ko."

"By the way…" May bahagyang excitement sa boses niya. "Don’t tell kahit kanino, ha. May sasabihin ako sa ‘yo. About sa kaso ni Finn."

Agad akong na-alerto. "Ano ‘yon?"

"Nakwento kasi sa ‘kin ni kuya Zild… may tauhan daw si Mr. Kim na nag-talk na. Tapos ngayon, hinahanap nila si Michelle Sanchez—iyong dapat magiging lawyer ni Finn. Apparently, nandoon daw ‘yong babaeng ‘yon sa warehouse noon. At malaki ang role niya sa totoong nangyari sa kaso ni Finn."

Halos lumundag ang puso ko.

"Send mo sa ‘kin agad ang picture niya at lahat ng kaya mong malaman tungkol sa kanya.”

"Sige, akong bahala. Basta buksan mo ‘yong Find My Friend app mo para makita ko kung nasaan ka. And again don’t tell anyone. Confidential info ‘to."

"Yep. Ako’ng bahala. Salamat, Zella."

Sa loob ng tatlong linggo, wala akong konkretong lead sa paghahanap kay Finn. Pero ngayon, parang nag-iba ang ihip ng hangin.

May lead na ako.

At hindi lang sa paghahanap kay Finn—kundi sa kaso niya mismo.




MATAPOS ko makuha ang mga impormasyon na galing kay Zella tungkol kay Michelle, hindi na ako nag-aksaya ng oras. Kahit gabi na, agad akong pumunta sa bahay niya.

Ilang beses kong pinindot ang doorbell pero walang nagbukas ng pinto. Tahimik ang buong bahay, parang matagal nang walang tao. Sinilip ko ang mga bintana, umaasang makakita ng kahit anong palatandaan kung nasaan siya. Kung kinakailangan, papasukin ko ito—baka may ebidensya o anumang clue na makakatulong sa paghahanap ko sa kanya.

“Hija, si Michelle ba ang hinahanap mo?”

Napalingon ako. Isang matandang babae ang lumapit mula sa katabing bahay.

Mabilis akong ngumiti at nagkunwari. “Ay, magandang gabi po, lola. Opo, hinahanap ko po siya. Kaibigan ko po si Michelle. Hindi ko po siya makontak kaya nagaalala ako.”

Sorry Lola di ko gustong mag sinungaling. Kahit sabihin na kaibigan ko ang babaeng ‘yon bumabaliktad na ang sikmura ko. Pero kailangan.

Napailing ang matanda. “Ang babaeng ‘yon talaga… Simula nang magkaroon siya ng nobyo, halos hindi na siya umuuwi diyan.”

Napakunot ang noo ko. “Nobyo? Kailan niyo po siya huling nakita?”

“Mga tatlong linggo na ang nakakalipas, hija. May kinuha lang siya sa bahay tapos nagmamadaling umalis. Ako na nga ang nag-lock ng bahay niya. Mula noon, hindi ko na siya nakita.”

Napalunok ako. Tatlong linggo? Sakto sa araw ng pangyayari sa warehouse. Mukhang dito siya dumiretso pagkatapos niyang tumakas. Bakit kaya?

“Baka nga po nandoon siya sa boyfriend niya,” sambit ko. “Kilala niyo po ba kung sino ‘yon? Medyo may ugali kasi ‘yong kaibigan ko na hindi agad nagsasabi tungkol sa mga lalaki niya.” Dinagdagan ko ng tawa para magmukhang casual lang ang tanong ko.
Umiling ang matanda. “Hindi, hija. Pero ang alam ko, sa presinto nagtatrabaho ‘yong lalaki. Narinig ko silang nag-uusap minsan.”

Nanlaki ang mga mata ko. “Pulis po? I mean… pulis po ang nobyo niya?”

Kibit-balikat ang matanda. “Hindi ko alam. Hindi naman naka-uniporme. Ang mabuti pa, hija, umuwi ka na muna. Delikado sa paligid dito pag gabi, baka mapahamak ka.”

Nagpasalamat ako bago tumalikod at naglakad papunta sa motorbike ko. Habang naglalakad, mabilis kong tinatype sa phone ko ang isang text para kay Zella. Kailangan niyang malaman na may boyfriend si Michelle na nagtatrabaho sa presinto. Kailangan naming malaman kung sino iyon.

Pero bago ko pa man na-send ang mensahe— biglang may sumunggab sa akin mula sa likod.

“Anong—” Naputol ang sigaw ko nang maramdaman kong may mahigpit na braso na pumalibot sa katawan ko. Dalawa sila. Ang isa naman, may hawak na panyo at mabilis na itinakip sa bibig ko.

Nanlaban ako. Nagpumiglas. Pero sa bawat segundong lumilipas, ramdam ko ang unti-unting panghihina ng katawan ko. May kakaibang amoy ang panyo—parang pinapahina ako nito.

“Hoy! Bitawan niyo siya!”

Bago pa ako tuluyang mawalan ng malay, nakita ko kung sino ang sumugod para iligtas ako.

Ang taong matagal ko nang hinahanap.

“Finn…”

Sinuntok niya sa mukha ang isang goon. Napaatras ito, pero bago pa makalapit ulit si Finn, nasipa siya ng isa pa nilang kasama. Napaupo siya sa sahig.
Pero kita sa mga mata niya—hindi siya susuko.
​
Mabilis siyang tumayo at sumugod muli. Isang malakas na tadyak ang pinakawalan niya, sinundan ng suntok na bumagsak sa panga ng kalaban. Napalugmok ito sa lupa.

Binitawan ako ng isa pang goon kaya napahiga ako sa sahig. Sinubukan nitong suntukin si Finn, pero mabilis ang reaksyon niya. Naiwasan niya ito at agad na gumanti. Isang malakas na suntok sa sikmura, sinundan ng combo sa magkabilang kamao. At sa huli, isang matinding uppercut.

Bagsak ang kalaban. Ang natitirang goon naman, sinipa niya sa ulo bago pa makabangon.
“Stay down!”

Nang matiyak niyang wala ng malay ang dalawa, agad siyang tumakbo papunta sakin. Mabilis siyang lumuhod sa tabi ko, at dahan-dahang iniangat ang ulo ko, hinayaang mapahinga ito sa bisig niya. Ramdam ko ang init ng kamay niya, ang bahagyang panginginig ng kanyang mga daliri habang hinahawakan ako.

“Drixie? Drixie, wake up. I’m here.”

Gusto kong sumagot. Gusto kong sabihin sa kanya na naririnig ko siya.
Pero huli na. Dumilim na ang paningin ko. Pero sana… sana pag gising ko… nandito pa rin siya sa tabi ko.
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly