DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 20

☆

5/13/2025

0 Comments

 
FINN


BUKOD sa mahabang panahon na pagtatago para hindi mahuli—ito na marahil ang isa sa mga pinaka-delikadong bagay na ginawa ko sa tanang buhay ko. It was around 2AM, I infiltrated the Headquarters of Manila Police District as a janitor in disguise. Sinadya ko na ganitong oras gawin ito para wala ng masyadong tao sa paligid at inaantok na rin ang mga pulis para pansinin pa ang mga taga-linis.

Konting linis muna sa paligid hanggang sa mapasok ko ang office ni Sergeant Larry Gomez. Siya ang nagha-handle ng mga wanted list at assignment cases kaya ang opisina niya ang target ko. I went straight to his computer. I plugged in a USB flash drive and installed spyware. This virus would grant me access to the list of wanted individuals and whether Drixie had taken the mission to track them down. Sa pamamagitan no’n malalaman ko kung sino ang target niya at kung paano ko siya matutulungan sa paghahanap.

After a few minutes, I unplugged the drive and stood up. But before I could take a step, cold steel pressed against the back of my neck.

“Sino ka at anong ginagawa mo sa computer ko?”

Sa puntong ‘yon alam ko ng may nakatutok na baril sa likod ko. Pamilyar ang boses niya sakin. Si Sergeant Larry ang nasa likod ko. 

I put my hands up and took a deep breath. “Larry… wala akong masamang intensyon. May gusto lang akong tulungan na tao. Ako ‘to… kaibigan.”

Isa sa mga naging kaibigan ko noong journalist pa ko si Larry. Siya ang una kong nakukuhaan ng impormasyon tungkol sa mga sinusulat kong crime exposé bago ko makilala si Croc. We knew each other for a long time. Pero tinigil niya ang makipagtulungan sakin nang minsan siyang mahuli sa ginagawa namin. Mula noon wala na kaming komunikasyon. Akala ko nga noon siya si Croc– hindi pala. Sana mapagbigyan niya ko ngayon. I hope I’m still his friend.

Nang maramdaman ko na wala ng nakadikit na bakal sa batok ko, inalis ko ang suot kong cap. Tapos ay dahan-dahan akong humarap kay Larry.

“Kamusta kaibigan?”

“Finn? A-Anong ginagawa mo dito?” Nanlaki ang mga mata ni Larry pero muli niyang tinutok ang baril sakin. “Fox! H’wag kang kikilos ng masama!”

“Larry please! Hear me out. Alam ko nasira ko noon ang buhay mo pero tinanggap mo pa rin ako bilang isang kaibigan. At nagpapasalamat ako do’n. Kaya alam kong alam mo na inosente ako. Alam mong hindi ko magagawang pumatay ng tao. Pakiusap… h’wag mo akong ipakulong, Larry. I just need more time to prove that I’m innocent.”

Hindi siya sumagot at nanatili pa rin na nakatutok sakin ang baril niya. I don’t want to fight him. But if this is it for me– I will accept my fate.

Ilang saglit pa… ibinaba ni Larry ang baril niya kasabay ng isang buntong hininga. Nakahinga naman ako nang maluwag. Naibaba ko na rin ang mga kamay ko.

“May parte sa sarili ko na naniniwalang inosente ka. Naisip ko rin na baka may rason kung bakit nangyayari sayo ang lahat ng nararanasan mo ngayon. Pero… alam kong may karapatan ka pa rin na patunayan na inosente ka,” sambit ni Larry.

Naantig ang puso ko sa sinabi niya. I’ve done him wrong in the past that made his family crumble. But he’s still the guy I know. The one who will always do the right thing. More importantly… a friend. Kaya pagkatapos nito… sisiguraduhin ko na hindi na siya madadamay sa mga gagawin ko. Labas na dapat siya sa lahat ng problema ko.

“Salamat, Larry. Huwag kang mag-alala. Wala akong ginawang masama sa computer mo. Kailangan ko lang kasi tulungan ang isang private investigator na si Drixie Cortez. Ibinilin kasi siya sa akin ng Tatay niya.”

“Si Drixie? Anong klaseng tulong? Teka, ano bang ginawa mo sa computer ko?!”

Nagmamadali siyang pumunta sa computer niya na para bang may hinahanap.

Napahawak na lang ako sa likod ng ulo ko. “Ah– eh— Nilagyan ko lang ng maliit na program ‘yong computer mo para makita ko lang kung sino ang mga wanted na kukunin ni Drixie. Gusto ko kasi siyang tulungan maghanap. Huwag kang mag-alala wala akong nilagay na delikadong virus.”

“V-Virus?” Mas lalong bumilis ang pagsusuri niya sa mga programs at folders sa computer niya. “Langya ka talaga. Titirisin kita, e.”

Natawa ako nang konte. “Relax, pre. Promise para do’n lang yung nilagay ko. Hindi ko makikita ang browsing history mo.” 

“Ikaw talaga!!”

Sasakalin niya dapat ako pero agad akong umiwas. 

Wala siyang nagawa kundi mag kamot ulo.

“Wala kang pagbabago. Okay sige. May tiwala ako sayo. At kung para naman pala sa anak ni Gaston– pagbibigyan kita. Pero ito na ang huling pabor na gagawin ko para sayo at ito na ang huling beses na patatakasin kita. Alam mong malakas ang paniniwala ko sa batas kaya dapat ay dumaan ka sa tamang proseso.”

“Salamat, Larry. Aalis na ako at pangako… last na ‘to. Pero may ipapakiusap pa ako… kung maaari sana h’wag mo hayaan si Drixie na kunin akong target.”

“Titignan ko,” kibit-balikat na sagot ni Larry. “Matigas ang ulo ng anak ni Gaston. Akalain mong ‘yong pinakamahirap agad ang kinuha?”

Napakamot ulo na may kasamang pag-iling na lang ako. “Pasaway pala. Di bale. Basta pilitin mo.”

Tumango naman siya. Bago ako makaalis, napansin ko ang wanted poster ko sa wanted board. Seeing it made me feel so heavy. Pero nabigyan din ako ng determinasyon na ma-solve ang kaso ko kahit pa mag-isa lang ako.

“Pambihira, gwapong gwapo ka na naman sa sarili mo diyan pati sa wanted poster mo.”

Natawa ako sa sinabi ni Larry. “Hindi ah! Tinignan ko lang kung magkano reward sakin. Tsaka…” Sinuri ko ang board hanggang sa nakita ko ang wanted poster ng isang unknown person– ang mayor killer. “Ito! Hindi pa pala nahuhuli ‘to? When I’m done proving I’m innocent, I will solve this case.”

“Baka nga ikaw lang hinihintay niyan para ma-solve. Sige na. Umalis ka na at baka mahuli ka pa dito ng ibang mga pulis.”

“Sige, Larry. Salamat ulit. Paalam kaibigan… hanggang sa muli.”



USING the network of street beggars and bystanders, I found out that Drixie's target was hiding in a secluded bar, using a different name, and was actually a member of a biker gang.  Para makapasok sa kuta ng mga mapanganib na tao, nagpanggap akong isang pulis gamit ang pekeng ID at badge. 

Pagpasok ko sa loob, tumigil ang kwentuhan at tawanan ng mga bikers na nag-iinuman. Lahat ng mga mata ay nakatingin sakin… nang masama.

Kinakabahan ako. It felt like I stepped inside the wolves den. Pero hindi dapat ako mag pahalata.

Taas noo akong lumakad papunta sa gitna ng bar at sinigurado kong nakikita ng mga tao do’n ang pekeng police badge sa may sinturon ko.

“Makinig kayo!” Inilibot ko ang tingin sa paligid. “Hinahanap ko si alyas Bayawak! Walang mangyayaring gulo pag tinuro niyo siya!”

Isang malaking lalaki na balbas sarado ang tumayo sa upuan at lumapit sakin. I had to look up to see his face. 


“Bakit mo siya hinahanap?”

Dang! I almost laughed at his voice. Buti napigilan ko. Boses inipit na chipmunks kasi siya– taliwas sa laki ng katawan at tangkad niya.

I had to clear my throat to keep myself from laughing. Then I slowly reach underneath my jacket.


Biglang bumunot ng kani-kanilang mga baril ‘yong mga bikers sa paligid at tinutukan ako. Akala siguro nila bubunot din ako ng armas.

“Whoa! Easy lang, guys. Masyado kayong mainit.” Naglabas ako ng isang lapad na pera. “Gusto ko lang maglaro ng poker. Balita ko magaling daw dito si Bayawak.”

Isang lalaki ang tumawa. Lumapit siya sakin at inakbayan ako.

“Chillax, gang! Kaibigan pala ‘tong bumisita sa ‘tin,” sambit ng lalaki. Binaba naman ng mga bikers ang mga baril nila at nagpatuloy sila sa inuman at kanya-kanyang usapan.

Bumaling sakin ang lalaki at nakipagkamay pa. “Pare ako nga pala si Bayawak. Ano? Tara laro?”

“Mag uusap ba tayo o maglalagasan ng pera? Game!”



SA LOOB ng mahabang panahon kong pagtatago, marami akong nakilala at natutunan sa kanila. I learned how to do parkour, some self defense, computer programming, and even card games. I could say I’m more than good at one particular game– poker.

Pagdating sa pustahan o sugal—mahigpit ang patakaran ng biker’s gang. Magbabayad ang talo sa kahit anong paraan. Ang hindi sumunod ay makakatikim ng kaladkad o sagasa ng bikers gang. I knew about this before I went here. Inabot man ng umaga ang laro, tinalo ko si Bayawak sa harap ng mga gang members niya.

“Boss baka pwede naman nating pag-usapan ‘yong bayad ko sa ‘yo? Baka pwedeng installment o kaya kunin mo kong tauhan mo?” pakiusap ni Bayawak sakin.

“Installment? Hindi ako home credit, boy. Pero madali naman akong kausap, e. May ipapagawa lang ako sa ‘yo tapos quits na tayo. Mamayang hapon pumunta ka sa lugar na ‘to,” nakangising sambit ko at may inabot akong piraso ng papel na naglalaman ng isang address.


“Grocery store ‘to, boss, a? Anong gagawin ko dito?”

“May lalapit sa ‘yong babae diyan. Maganda, at pula ang buhok. Sasama ka sa kanya. At huwag mong sasabihin na ako ang nag papunta sayo.”


Tumawa siya nang konte. “Maganda pala, boss, e. Syempre sasama ako do’n. Kahit sa langit pa kami magpunta.”

Nagpintig ang tenga ko kaya’t agad ko siyang kinuwelyohan at tinulak sa pader. “Tarantado ka, ah! Makinig kang mabuti—kapag hinawakan mo siya at may ginawa kang masama, mayayari ka sa akin at sasabihin ko sa gang mo na hindi ka nagbayad sa ‘kin. Maliwanag ba?”

Tumango-tango naman siya na nanginginig pa. “O-Okay, boss. Y-yes po.”

After that, I used my phone to send an anonymous email to Sergeant Larry’s office. Nag-tip ako kung saan makikita si alyas Bayawak. I knew from Drixie’s conversation with the guy yesterday that she will go to Larry’s office for more information. Larry will give her the tip and she will use it to find the target.



BANDANG hapon sa grocery store kung saan ko sinabing pumunta si Bayawak… Palihim akong umaligid para masigurado kong ligtas si Drixie at magtatagumpay siya sa gagawin niyang pag huli.

“Bogart Muzon! Alam mo hindi ako naniniwala sa tadhana pero mukhang jackpot akong makita ka,” sambit ni Drixie.

Nag maang-maangan naman si Bayawak. “Bogart? Ah… eh… hindi ko alam ang sinabi mo?”

“Hindi ba? Eh ‘di ba ikaw ‘to?” Ipinakita ni Drixie ang wanted poster na may litrato ni Bayawak.

Napansin kong binilog ni Bayawak ang mga kamao niya kaya’t nagpakita ako sa kanya sa di kalayuan sa bandang likod ni Drixie. I stared fiercely at him. I wanted him to know that he will experience worse if he makes a bad move.

“You are under arrest. We can do this the easy way or…” Ipinakita ni Drixie ang taser niya. “…the hard way.”

Napangiti na lang ako sa ginawa ni Drixie. I’m feeling so proud of her. Napapahanga niya ko sa katapangan at angas niya.

Walang nagawa si Bayawak kundi ang sumuko. Mission accomplished. But I will stick around further until I’m sure that she can do it.




DRIXIE


PRESENT


IKINUWENTO at inamin niya sakin ang lahat. Palihim niya pala akong binabantayan noon at tinutulungan. Hanggang sa ika-pito kong case tinulungan niya ko noon.

“Mukha talaga akong stalker mo no’n, nakakahiya. Pero noong nagtutulungan kasi kami ng Papa mo sa kaso ko, ibinilin ka niya sa akin. Just in case daw na may mangyari sa kanya.I promised to him that I will keep you safe,” nakangiting sambit ni Finn habang abala pa rin sa pag-lock pick ng posas niya.

Hindi naman maalis ang ngiti ko kahit pa parang ang init ng mga pisngi ko. Naalala ko ‘yong mga araw na ‘yon sa kwento niya. 


“Alam mo… may aaminin din ako sa ‘yo,” sambit ko.

Saglit siyang tumigil at tumingin sakin.

“Kasi… ang totoo niyan– nakakaramdam talaga ako ng takot sa trabahong pinasok ko. Lalo na nung first time ko. Oo, gusto kong maging private investigator noon pa– pero ang totoo pangarap ko lang ‘yon noong bata pa ‘ko. At ginawa ko lang nang mawala si Papa,” sambit ko sabay kibit-balikat. “Ewan ko. Siguro kasi nung time na ‘yon gusto kong malagay sa panganib kasi feel ko mag-isa na lang ako. Hanggang sa… nahuli ko ang una kong wanted target at nasundan pa—unti-unting nabawasan ang takot ko at mas ginanahan ako sa trabaho ko.”


“Feel ko din kasi no’n na parang binabantayan ako ni Papa kaya mas lalo akong naging matapang. Pero ang totoo pala... ikaw– ikaw pala ang nagbabantay sa ‘kin. It was you who gave me strength to pursue my dream. Kaya… thank you,” dagdag ko pa. “Bakit hindi ka nga pala nagpakilala sa akin no’n? Tingin ko naman maiintindihan ko kaagad ang sitwasyon mo.” 

Ngumiti siya pero umiwas ng tingin. “Believe me. Gusto na kitang lapitan noon para pormal na magpakilala. Pero ang dahilan kung bakit huminto ako sa pagtulong sa ‘yo at nagpakalayo ay dahil natunton ako ng mga tauhan ni Mr. Kim. I realized that I’m just a danger to you. Ayokong madamay ka sa gulo ko at mapahamak nang dahil sa ‘kin– kaya pinili kong lumayo at magtiwala na lang na magiging ligtas ka.”

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Parang gustong lumabas ng puso ko sa dibdib ko sa bawat tibok. Ang saya ko– sobra! Parang uminit pa lalo ang paligid pero hindi nakaka-irita kundi nakaka-excite. Parang gustong tumalon ng mga binti ko. Iyong mga tenga ko parang guston pumalakpak.

“Pero ayun, bigla kang sumulpot sa harap ko. Aaminin ko hindi kaagad kita nakilala noong nahuli mo ko. Never pa naman kasi tayong nagkalapit at nag-usap. Pero nang masigurado ko na ikaw nga ‘yon– sinugurado ko na hindi ka madadamay sa sitwasyon ko kaya binalak kong takasan ka. Kaso… heto tayo ngayon… I’m sorry,” dagdag pa ni Finn. Parang bigla siyang nalungkot.

Umiling ako. Kung abot ko lang siya sana ngayon gusto kong hawakan ang kamay niya. “Wala kang dapat ihingi ng tawad. Again choice ko ‘to. At mukhang tadhana pa nga na magkatagpo tayo. Pagkakataon ko naman para tulungan ka. Let’s get outta here. Tapos hanapin natin ‘yong siraulong nag frame up sayo.”

“Alam mo may bagay talaga sa ‘yo na nagpapalakas ng loob ko. Hindi ko lang ma-pinpoint sa ngayon kung ano,” nakangiting sambit ni Finn. “Give me one sec. I think I figured it out.”

Napangiti ako nang malaki. Ewan ko ba pero parang nagagandahan ako ngayon sa sarili ko dahil sa mga sinasabi niya. Parang first time ko na ma-appreciate ang itsura ko.

Ilang saglit pa, natanggal ni Finn ang posas niya. “Got it! Voila!”

“Yes! Sabi ko na kaya mo!” 

Pinuntahan niya ko. Ginamitan din niya ng lock pick ang posas ko. 

“Don’t worry, gets ko na kaya madali na lang ‘to.”

Ilang segundo lang ay nakalagan niya na rin ako. 

“Thank you. Anong sunod na gagawin natin?” tanong ko.

“Gawin natin ‘yong plano mo kanina.”

Nagka-ngitian kami at nagkatitigan. Pero bigla na lang nag preno ang sasakyan at huminto. Hindi ko naibalanse ang sarili ko. Ang bilis ng pangyayari. Ang sumunod na lang na alam ko…

Natumba na kami sa sahig at nakapatong na ko sa ibabaw niya.

Medyo nahilo ako kaya’t di ako agad nakabangon. Ang tanging nagawa ko lang ay tignan siya. Nagkatitigan kami. Sobrang lapit ng mukha namin sa isa’t isa. Ramdam ko ang init ng hininga niya. At dahil sa titig niya… para bang hindi ako makagalaw. Hindi ko alam kung bakit pero parang gusto ko ‘yong sitwasyon namin.

“Drixie…” Bulong niya.

Iyong titig at boses niya parang nakaka-hypnotize. Para bang kusa na lang akong napapikit at nag abang sa susunod na mangyayari.

Bigla na lang may kumalabog. Pagbukas ko ng mga mata ko, bumubukas na rin ang pintuan ng truck. Nagmadali kaming tumayo ni Finn. Hinanda ko rin ang sarili ko para sa mangyayaring laban.

Nang tuluyang bumukas ang pintuan, kinailangan kong iharang ang mga kamay ko sa harap ng mukha ko dahil sa nakakasilaw na ilaw. Galing yata sa mga sasakyan na nasa labas.

“Hoy, babae! labas diyan,” dinig kong sambit ng isang lalaki. Tumambad samin ang tatlong lalaking dumukot samin kanina. Tinututukan nila kami ng baril.

Tumingin ako kay Finn. Tumango lang siya na para bang sinasabi niyang sumunod lang muna ako.

Wala akong nagawa kundi ang lumabas ng closed van truck ng nakataas ang mga kamay. Nang tuluyang makalabas—nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Rave.

“Rave?”

“Drixie!” Mabilis niya akong nilapitan at niyakap. “I’ve been worried. Sinaktan ka ba nila?”

Umiling ako. Pero anong nangyayari? Bakit kasama niya ang mga dumukot samin?


Nakarinig ako ng pagsara ng bakal at mabilis na pagpapaandar ng sasakyan.

“Finn?”

Hinanap ko agad si Finn. Hindi siya pinalabas ng sasakyan at umaalis na iyon. Kaya naman humiwalay ako kaagad kay Rave. Sinubukan kong habulin ang truck dahil alam kong nandon pa si Finn.

“Finn!!”

“Drixie wait!”

Hinawakan ako ni Rave sa braso pero agad akong nagpumiglas. Pinilit kong habulin ang truck.

“Finn!! Finn!! No!! Finn!!!”

Napaluhod na lang ako sa kalsada dahil sobrang layo na ng truck. Para akong binagsakan ng langit at lupa. Hindi pwede ‘to. Hindi pwedeng wala na siya.
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly