DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - Chapter 18

☆

5/13/2025

0 Comments

 
RAVE


HINDI ko alam kung saang lugar nila ako dinala. Pero mukha itong isang abandonadong warehouse ng mga kagamitan na pang construction. Kasalukuyan akong nakagapos sa isang upuan na pinalilibutan ni Mr. Armas at lima pang lalaki na siguradong tauhan din ni Mr. Kim. 

Sinusubukan nilang alamin mula sakin ang kinaroroonan nila Drixie. Kanina pa nila ako sinusuntok sa sikmura pero wala silang mapapala. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama kay Drixie.

“Tatanungin kita ulit… nasaan si Ms. Cortez at ang puganteng si Fox?” tanong ni Mr. Armas.

“Wala kang mapapala sakin.”

“Matigas ka ha!” 

Isang suntok na naman sa sikmura ang binigay niya sakin. Nahirapan akong huminga ng ilang segundo pero nabawi ko naman nang dumura ako ng dugo.

“Huwag lang… ako makawala dito. Lakas ng loob niyong… kumidnap ng isang alagad ng batas,” banta ko sa kanila. Tinignan ko sila nang masama habang tinitiis ko ang hirap at sakit ng katawan.

“Bobo ka ba? Nakita mo na ngang hindi ako nakakulong ngayon. Sa palagay mo ba kaya kami ng alagad ng batas?” Tumawa si Mr. Armas at ang mga kasamahan niyang lalaki ay sumabay rin.

Hinawakan niya ako nang mahigpit sa buhok.  “Uulitin ko ulit. Nasaan si Ms. Cortez at si Fox?”

“Hindi ko… alam. Baka kasama ng nanay mo,” sagot ko. Pinilit kong tumawa para asarin sila.

Kahit anong gawin niyo sakin. Di ko isusuko si Drixie.

Sinuntok niya ko ulit. Sapul ako sa sintido kaya’t napalingon ako. Ilang segundo rin na parang nawalan ako ng paningin.

Sunod ay pinisil niya ng isang kamay ang magkabila kong pisngi at iniharap niya ko sa kanya. “Mukha ba akong nakikipag-biruan sa ‘yo?!”

Isa sa mga kasamahan ni Mr. Armas ang lumapit sa kanya. “Boss James, hindi na raw ma-recover ng mga IT ‘yong tracker na tinanim nila sa phone ni Ms. Cortez. Meron daw nag-disable. Kailangan mo daw pigain ‘yang si detective.”

Tinanguan ni Mr. Armas ang kasamahan at muli siyang bumaling sakin. “Narinig mo ‘yon, detective? Hindi naman talaga dapat tayo hahantong sa pagkakataong ‘to, e. May peste lang kasing nag disable ng bug. Kaya nung tinanong mo ko tungkol sa kaso ni Fox kahapon—natunugan ko ng baka may kinalaman ka do’n.”

“Wala… akong alam… sa sinasabi mo.”

Hindi talaga ako. Pero kung sino man ang gumawa no’n– maraming salamat sayo.

“Talaga? Tignan natin kung hindi kita mapakanta,” sambit ni Mr. Armas, saka siya bumaling sa mga kasama niya. “Kunin niyo ‘yong pang kuryente ko. Prituhin natin ‘tong ungas na ‘to.”

“Prituhin? Bakit pang kuryente di ba dapat mantika?” sambit ng isa sa mga lalaki.

“Bobo! Ikaw ang piprituhin ko, e.” Inambangan ng hampas ni Mr. Armas ‘yong lalaki. “Basta kunin niyo ‘yong pangkuryente!”

Tumawa nang konte ‘yong mga kasamahan niya. Parang excited pa silang makita na gagamitan ako ng torture device.

“Kung ako sa ‘yo, detective, magsasalita na ko. Minsan pa naman natutusta mga kinukuryente ko. Nag e-enjoy kasi ako masyado. Pag namatay ka… hahanapin nalang namin nang mano-mano ‘yong dalawa. Pero pahihirapan namin sila katumbas ng paghihirap namin na hanapin sila. Okay ba ‘yon?” sambit ni Mr. Armas.

Sinubukan kong magpumiglas sa pagkakagapos ko.  “Huwag niyong idadamay si Drixie!”

“Drixie? Si Ms. Cortez ba ang tinutukoy mo? Bakit? Mahalaga ba siya sa ‘yo?”

Hindi ko siya sinagot. Mas minabuti kong subukan na kalagan ang sarili ko.

Ilang saglit pa, biglang humalakhak si Mr. Armas.

“Alam mo, detective– tingin ko ‘di na natin kailangan ng kuryente. May naisip na akong paraan para tulungan mo kami.”

Bigo ang mga tangka kong magpumiglas. Masyadong mahigpit ang ziptie at duct tape na pinang-gapos nila sakin.

“Kung tutulungan mo kaming hanapin ang dalawa—pangako walang mangyayaring masama kay Ms. Cortez. Si Fox lang naman ang pakay namin. Hindi mo naman siguro gusto na madamay ang isang inosente at mahalagang tao para sa ‘yo—para lang sa isang pugante na mamamatay tao, ‘di ba?”

Alam ko inosente si Fox at tama lang na makamit niya ang hustisya. Pero anong gagawin ko ngayon na pati ang buhay ni Drixie nasa peligro na? 

“Ano detective? Isipin mong mabuti. Hindi mo naman kilala ‘yong Fox na ‘yon. Pero si Ms. Cortez…”

Tama siya. Hindi ko naman kilala si Fox. Si Drixie lang ang importante sakin. 

Tila bigla kong naalala ang mga panahon na magkausap at magkasama kami ni Drixie. Kahit masakit ang katawan ko nagawa kong makaramdam ng ginhawa habang inaalala ‘yong una naming pagkikita. Ang saya kahit nasa ganito akong sitwasyon ngayon. Hanggang sa naalala ko rin ‘yong huli namin pagkikita kung saan nasaktan ko siya. Kailangan kong bumawi sa kanya. Kailangan ko siyang iligtas. Higit sa lahat… nangako ako kay Chief Gaston Cortez noon– na poprotektahan ko si Drixie kahit anong mangyari at sa kahit anong paraan.


“Ano, detective? Do we have a deal?”




FINN


KINUHA ko ang pagkakataon habang naliligo si Drixie. I used my laptop to search the internet for her aunt who needs financial help. Naalala ko kasing iyon ang rason niya kung bakit kailangan niya ang reward sakin. Her aunt needed it for surgery.

Nahanap ko naman agad– thank you social media. Nalaman ko rin kung saang hospital ito naka-confine. Using my own money through a bank account I borrowed from a friend a long time ago, I donated half a million to the hospital as an anonymous angel donor. Sinabihan ko ang hospital through email na ang pera ay para sa Tita ni Drixie. I thought about doing this just in case our plan fails. Paraan ko na rin ito para pasalamatan siya– sa lahat ng tulong na ginagawa niya sakin ngayon.

Ilang minuto pa, nang marinig kong bumukas ang pintuan ng banyo, agad kong sinara ang laptop. Then I turned to her. She’s already wearing a pullover sweater and blue jeans but her hair was still a little wet.

“Drixie—okay lang ba kung iwan muna kita dito? Kailangan ko kasing mag grocery ng mga kailangan natin. Kasi sabi mo, ‘di ba, baka magtagal tayo dito—kasi ang sabi nong Rave na ‘yon ‘wag tayo umalis dito at sinusunod mo kahit ‘di naman dapat?”

Yea. Di naman dapat pero sumusunod kami. Kung maka-utos kala mo girlfriend niya si Drixie.

Pinupunasan ni Drixie ang buhok niya gamit ang twalya pero bigla siyang huminto at tinignan niya ko ng masama. I just smiled at her in return.

“Sasama ako. Wait lang,” she said. Tapos ay pumunta siya sa harap ng kwarto at binuksan ang pintuan.

Sinundan ko naman siya.

“Drixie– Wala ka pa rin bang tiwala sa ‘kin hanggang ngayon? Hindi naman ako tatakas.”

Ayoko siyang isama dahil baka delikado. Matagal na kong di pumupunta dito sa Baguio. Hindi ko alam kung may mga tauhan si Mr. Kim dito. Mahirap na.

Huminto siya at biglang humarap sakin. “Bakit kaya mo bang bumili ng napkin ko? Hindi mo rin kaya alam ang brand ng shampoo, sabon, at iba pang mga kailangan ko.”

“E ‘di ilista mo. And my dad said– easy lang ang pagbili ng napkin para sa babaeng gusto mo.”

“G-Gusto?” Para bang nagulat siya sa sinabi ko. Bigla siyang tumalikod.  “Tigilan mo nga ako sa mga kalokohan mo.”

Abot tenga naman ang ngiti ko. “Kalokohan? Hindi ba pwedeng katotohanan? Serbisyong pag-ibig lamang?”

Pumasok siya sa loob ng kwarto. Susunod dapat ako pero bigla niyang sinara ang pinto. Tinamaan tuloy ako sa ilong.

“Agh! Shoot!”

Nadale na naman ang ilong ko. Teka… bakit ko ba kasi sinabi ‘yon?





SA GROCERY store… Nabili na namin ang lahat ng kailangan namin pero bakit kaya ayaw pang umalis ni Drixie? What else is she looking for?

“Drix? Parang… nabili na natin lahat? May damit ka na rin dito,” sambit ko, tapos ay hininaan ko ang boses ko. “Tsaka ‘di tayo pwedeng magtagal. Baka may makakilala sa akin o kaya sa ‘yo. Naka-couple cap lang kaya tayo.”

“Tigilan mo na nga ‘yang couple cap na ‘yan. Kanina ka pa. Parehas lang na plain black ang cap natin. Sandali lang talaga may hinahanap lang ako.” She said as she keeps looking around. “Nasaan na ba kasi ‘yon? Nandito lang dapat ‘yon, e.”

Kinalkal ko ang mga napamili namin sa shopping cart. “Ano pa bang hinahanap niya? May napkin naman na siya dito, sabon, shampoo, toothbrush,” I whispered. “Kaya pala ang sungit niya. May dalaw siya.”

“Dito ka muna, Finn. May hahanapin lang ako.” 

Mabilis na lumakad si Drixie at iniwan ako dito sa chocolate section.

“Ano ba kasing hinahanap niya at ayaw niyang sabihin sa ‘kin?” I whispered to myself. I looked around. Suddenly, I remembered something. 

Lumapit ako sa isang lalaking staff ng grocery store. “Excuse me. Sir, meron ba kayong Pretzel? Iyong sticks.”

“Ay wala pa, sir. Naka-storage pa po. Mamaya pa po ilalagay sa shelves.”

“Gano’n ba?” 

Tinanaw ko si Drixie. Nasa malayo na siya pero kita ko pa rin na naiinis na siya.

Muli akong bumaling sa lalaking staff. “Baka pwede ka namang mag-out non kahit isang box lang, oh? Kasi tignan mo…” Tinuro ko sa kanya si Drixie.  “…she’s been looking for that snack. Iyon lang nagpapasaya sa babaeng ‘yon. Baka pwede mong pagbigyan? Napakagandang babae, ‘di ba? Sayang naman kung malulungkot siya.”

“Oo nga po. Girlfriend niyo po ba ‘yan, sir?”

“Girlfriend?!” My heart seems to have skipped a beat. Nagulat ako do’n. Pero teka baka tinatanong niya dahil nagustuhan niya si Drixie. Baka pormahan niya pa? I should protect her.  “Ah– oo– Oo! Tama! Girlfriend ko ‘yan! Parang lioness ‘yan pag wala sa mood, e. Kaya please tulungan mo naman akong pasayahin siya.”

Ngumiti ang lalaki. “Sige po, sir. Ikukuha ko kayo. Papaalam lang ako sa tita ko. Siya po may-ari nito, e.”

“Thanks, bro. You’re a lifesaver.”

Nakahinga ako nang maluwag.

Buti na lang wala si Drixie. Kung narinig niya ‘yon baka nasuntok ako. Siguro kailangan ko ng bawasan ang mga biro ko sa kanya. Baka napipikon na ‘yon. Pero kusa kasing lumalabas ang mga linya ko sa kanya, e. Hindi kaya…

 “Nakakainis ang grocery na ‘to! Wala ‘yong hinahanap ko. Lumipat tayo sa iba,” reklamo ni Drixie habang palapit sakin.

“Whoa! Wait lang. Chill ka lang muna dito. May kukunin lang ako.” 

Ako naman ang umalis at iniwan siya saglit. Sinundan ko ‘yong lalaking kausap ko kanina. Pumasok siya sa loob ng isang kwarto. Hinintay ko siyang lumabas doon at saktong may dala na siyang mga boxes ng pretzel sticks. 

“Sir heto na.”

Inabot niya sakin ang tatlong pack boxes ng pretzel sticks.

“Nice! Salamat, bro.”

Pagkakuha ko, agad akong bumalik kay Drixie.

“Ito ba ang hinahanap mo?”

Parang nag ningning ang mga mata niya. “Yes! Yan nga!” 

Agad niyang kinuha sakin ang mga pretzel sticks tapos ay… 

Bigla niya akong niyakap.

Parang nanigas ang buo kong katawan. My heart seems to have skipped a beat. Hindi ko akalain na yayakapin niya ko. At hindi ko rin alam kung bakit ganito ang reaksyon ko.

Bigla siyang bumitaw sa pagkakayap sakin. Umiwas pa siya ng tingin. “S-Salamat. Kanina ko pa ‘to hinahanap. Saan mo nakita?”

Ako rin parang biglang hindi na makatingin sa kanya nang diretso. “I uh… I asked around.”

She chuckled. “Bakit ‘di ko naisip ‘yon? Thanks again.”

“Anytime,” nakangiti kong sagot.

Kinuha ko ang cart at akma ng pupunta sa cashier.

“Wait! Paano mo nalaman na ito ang hinahanap ko?” Bigla niyang tanong.

Napalunok ako. Hindi niya dapat malaman kung paano. At least, not yet.

“Just a—just a hunch. Tara na. Bayaran na natin ‘to,” I suggested. 

Tinulak ko na ang push cart papunta sa cashier. Nilingon ko siya at parang may iniisip siya. Di kaya iniisip niya pa rin kung paano ko nalaman na pretzel ang hinahanap niya? I hope she’ll just buy what I said.

After a while, sumunod na siya sakin sa cashier at sinama sa babayaran namin ang mga pretzel niya. Buti na lang hindi niya na tinanong ulit.



HABANG bumabyahe pabalik, napag-usapan namin ni Drixie kung paano ko nagagawang makatakas noon sa mga humuhuli sakin. Sinabi ko sa kanya kung paano dahil gusto kong maging komportable na siya sakin at magtiwala pa lalo.

Pagkatapos namin i-park ang sasakyan sa harap ng cabin rest house ko, nagtatawanan kaming lumabas ng sasakyan.

“Sabi ko na, e. Ginamitan mo ng bobby pin ‘yong posas ko sa ‘yo no’n kaya ka nakawala,” sambit ni Drixie. 

I chuckled.  “Okay, a magician never reveal his secrets pero sige exempted ka. Dahil ikaw lang ang nakahuli sa ‘kin sa loob ng mahabang panahon.”

“Told ya, I’m the best. Paano naman kapag zip tie handcuffs?”

“Easy lang. Gamit ka lang ng sharp object. Pero pag wala pwede rin ang sintas. With enough pressure, you can cut through the plastic.”

She slowly nodded.  “Oo nga, no? Galing, ah. Iyong mga skills mo pang kriminal talaga, ‘no?”

“Grabe ka naman sa kriminal. Pero sige. Basta ikaw ang pulis at ikukulong mo ko sa puso—” Hindi ko natuloy ang banat ko nang bigla niyang takpan ng kamay niya ang bibig ko.

“Sshh… Sinara mo ang pinto kanina ‘di ba? Bakit bukas?” Bulong niya.

Agad kong binaba ang pinamili namin. Masama ang kutob ko dito.

“Hawakan mo ‘to,” sambit niya sakin. Inabot niya sakin ang phone niya at nag labas siya ng taser. Tapos ay dahan-dahan siyang lumakad papunta sa pinto ng cabin. “Dito ka sa likod ko.”

“Teka, ‘di ba dapat ako ang nasa unahan?” Protesta ko. Nilagay ko sa bulsa ang phone niya.

Pagbukas namin ng pinto…

Dalawang armadong lalaki ang agad na tumambad samin. They immediately pointed their guns at us. Paglingon ko sa likod, isa pang lalaking may baril ang nanutok samin. Wala kaming nagawa ni Drixie kundi ang magtaas ng mga kamay.
NEXT CHAPTER
back to chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly