DASH STORIES
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP
  • HOME
  • STORIES
    • Grimrose Academy
    • Until I'm Over You
    • Catching Fox
  • Bookmarks
  • ABOUT
  • THE AUTHOR
  • PRIVACY POLICY
  • TERMS & CONDITION
  • CONTACT
  • SITEMAP

Catching Fox - CHapter 16

☆

5/13/2025

0 Comments

 
RAVE


UMUULAN ng malakas sa labas. Panibagong araw pero parang wala pa rin akong gana sa lahat ng bagay. Karaniwan lagi akong ganado pumasok at magpatugtog ng rock music bago umalis ng bahay. Pero ngayon… parang ang bigat ng pakiramdam ko. Mas masarap lang tumingin sa bintana habang nakikinig ng kanta ng Air Supply na All Out of Love.

Nagsimula ito noong mag-usap kami ni Drixie sa coffee shop ilang araw na rin siguro ang nakalipas. Sa totoo lang—hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Guilty lang ba ko sa nagawa ko kay Drixie? O baka naman kahit lumipas na ang maraming taon… gusto ko pa rin siya.

Akala ko nakalimutan ko na ang totoong nararamdaman ko sa kanya. Akala ko epektibo na ituring ko lang siyang nakababatang kapatid. Akala ko kapag ginusto ko si Zella talagang mawawala na ang pagtingin ko kay Drixie. Mali pala. Nasasaktan at nalulungkot ako ngayon dahil alam kong galit siya sakin. Pero paano ko ngayon ipaparamdam sa kanya na gusto ko talaga siya? Lalo na ngayon na nasaktan ko ang damdamin niya.

Nakumpirma ko pa naman na talagang gusto niya ako. Akala ko simpleng paghanga lang pero mas higit pala doon. Pero nasaktan ko siya. Siguro para sa kanya– na kumpirma niya na– na wala akong gusto sa kanya. Kahit hindi ‘yon ang totoo, iyon ang kinilos ko.

Gusto ko siyang tawagan para mag sorry at para magkita kami ulit. Para masabi ko na sa kanya ang totoo kong nararamdaman. Pero paano ang pangakong binitawan ko sa dating Chief– ang tatay niya– noong police officer pa lang ako? Ang hirap… pero ang sarap balikan ng mga panahong ‘yon…



MANY YEARS AGO

Sa opisina ni Police Chief Gaston Cortez…

“Chief, pinatawag niyo raw po ako?” tanong ko kay Chief Cortez.

“Rave, kailangan ko sana ng tulong mo, e. Okay lang ba?”

“Si Chief naman, oh. Kahit ano syempre. Mentor kita, e,” nakangiti kong sagot.

“Salamat. Meron kasi akong biglaang trabaho na kailangan tapusin. Ang problema– nangako kasi ako sa anak kong si Drixie na mag bi-bird watching kami ngayon dahil wala naman siyang pasok sa school bukas. Kaso—heto, biglang natambakan ng trabaho.”


“No problem, Chief. Ako na gagawa ng mga trabaho mo diyan. Puntahan mo na ang anak mo. Baka magtampo pa ‘yon.”

Umiling si Chief Cortez. “Ah hindi, hinde. Ang mga ganitong gawain– ang chief ang dapat gumagawa. Ang gusto ko sana samahan mo muna ang anak ko.”

“Oh s-sige, Chief. Saan ko ba siya makikita?”

“Nasa seaside lang ‘yon. Pag may nakita kang babae na may dalang binoculars, siya na ‘yon. Mahaba ang buhok, at mukhang masungit pero mabait. Di ko masabing kamukha ko dahil sa nanay nag mana. Teka i-send ko na lang nga sa phone mo ang picture niya para makita mo siya kaagad.” Hinanap ni Chief Cortez ang phone niya sa mga bulsa ng kasuotan niya pati na rin sa paligid. “Sa’n na ba ‘yong cellphone na ‘yon? Kanina lang gamit ko ‘yon. Tinext ko pa nga ang anak ko. Nagiging makakalimutin na ko, a.”

Natawa ako nang konte. “Okay na, Chief. Tingin ko kaya ko siyang hanapin. Ako na bahala.”

Natawa rin nang konte si Chief Cortez na napakamot pa sa ulo. “Sige. Pag nahanap ko ‘yong telepono ko ite-text ko rin siya na papasamahan ko siya sa ‘yo at magpapaliwanag na rin ako. Baka nagtatampo na ‘yon. Gamitan mo na lang ng detective skills para hanapin siya. Kayang kaya mo ‘yon. Alam ko namang detective ang hahantungan mo pagdating ng panahon.”


“Mukhang magkakatotoo ‘yan, Chief. Ikaw ba naman nagtuturo sa ‘kin, e. Sige po, lalakad na ko.”

“Sige, sige. Mag ingat kayo, ha. Heto pera. Baka magutom ‘yon. Matakaw pa naman ‘yon. Samahan mo na lang muna at paki-hatid na rin sa bahay. Ituring mo siya na parang nakababata mong kapatid. Kahit ngayong araw lang,” sambit ni Chief.

Inabutan niya ko ng pera pero tinanggihan ko ito kaagad.

“Chief, wag na, ako na ang bahala. At kahit hindi lang ngayong araw. E, parang tatay na rin po kita. Kaya kapatid ko na rin ‘yon si Drixie. Basta ako na ang bahala. Ililibre ko ang little sister ko.”

“S-Sigurado ka? Pero kung marami siyang orderin– tawagan mo ko at ita-transfer ko sayo ang pambayad.”

“Don’t worry, Chief. I got this.”



PAGDATING ko sa seaside ng isang mall sa Pasay, naglakad-lakad ako para hanapin si Drixie. Ilang minuto rin bago ko nakita ang isang babaeng nakasilip sa binoculars. Hindi ko makita ang mukha niya pero tugma sa sinabi ni Chief Cortez na mahaba ang buhok ng anak niya at may dalang binoculars.

I cleared my throat as I approached her. “Hi! Are you Ms. Drixie Cortez?”

“Sino nagtatanong?”

Tama nga si Chief Cortez. Paran g masungit ang anak niya.

“I’m Officer Obryn. Ipinadala ako ng Papa mo para samahan ka.”

Patuloy lang siya sa pagsilip sa binoculars. Hindi man lang niya tinignan kung sino ang kumakausap sa kanya.

“Hindi ko kailangan ng kasama. Pwede ka ng umalis.”

Napalagok na lang ako. Ibang klase! Anak ba talaga ‘to ni Chief Cortez? Bakit mukhang hindi sila parehas ng ugali? Mabait si Chief tapos itong anak niya parang mananapak na ewan.

Pero baka naman masama ang timpla niya dahil ako ang nandito imbes na ang Papa niya.

“Um—‘di pwede, e. Kasi ang bilin ni Chief bantayan daw kita. Pakainin pagkatapos mo d’yan tapos ihahatid kita sa bahay niyo.”

“Mukha ba akong 7 years old para samahan?!” sagot niya na medyo paos.

Naramdaman ko agad na parang naiyak siya. Tingin ko galit siya dahil di siya sinipot ni Chief Cortez.

Hindi na ako sumagot. Umupo na lang ako sa malapit at binantayan siya.

Ilang saglit pa, bigla kong naalala ang bilin sakin ni Chief Cortez. Parang naging pangalawang tatay ko na si Chief kaya dapat maging kuya ako sa anak niya. Dapat pagsabihan ko ‘to si Drixie.

“Drixie… alam mo– naiintindihan ko kung bakit parang masama ang timpla mo ngayon. Pero sana maintindihan mo rin si Papa mo– maging proud ka sa kanya. Dahil sa dedikasyon niya sa trabaho kaya malinis ang kapulisan natin dito sa lungsod. Sa lahat ng pulis na nakilala ko– ang Papa mo talaga ang pinaka mahusay at totoo sa serbisyo. Kaya kung nagkukulang siya ng oras sa ‘yo, sana patawarin mo siya. Kasi nagagawa niya naman nang maayos ang trabaho niya.”

“Alam ko,” biglang sagot ni Drixie na nakasilip pa rin sa binocular. “Proud naman ako sa Papa ko. Kaya lang…” Ibinaba niya ang binocular at humarap sakin.

Sa mga sandaling ‘yon parang bumagal saglit ang oras. Hindi ko napigilang mapatitig sa mukha niya. Napangiti ako nang napakalaki. Sobra akong nagandahan sa kanya.

“Ka… ya… lang…” Mabagal niyang sambit. Nakatitig din siya sakin na parang nagulat pa yata.

Dahil parang hindi niya na naituloy ang sasabihin niya, pormal akong nagpakilala at nag-alok na makipag kamay.

“Um, hi! I’m Rave.”

Napatingin siya sa kamay ko pero agad siyang umiwas. Tumingin lang siya ulit sa dagat.

Sinuri ko ang kamay ko. Hindi naman madumi ang kamay ko at mga kuko ko. Bakit kaya siya biglang umiwas ng tingin?

Napakamot-ulo na lang ako at nag segue. “Um tapos ka na ba mag bird watching? Gutom ka na ba? Saan mo gusto kumain?”

“Zipper mo bukas.”

Agad akong napatingin sa baba ko. Bukas nga ang zipper ng pantalon ko. Mabilis akong tumalikod at isinara iyon.


“S-Sorry. Sira na siguro ang zipper ng pants ko kaya biglang bumaba. Ipapaayos ko ‘to bukas,” paliwanag ko at humarap na ko ulit sa kanya.

Hindi pa rin siya tumitingin sakin. Nakakahiya! Sana lang di niya isipin na sinadya ko ‘yon.

“Okay lang. Hindi mo kailangan mag-explain,” sagot niya.

Nakahinga ako nang maluwag. At least pinansin niya pa rin ako at hindi siya tumakbo o kung ano.

“T-Thanks. Kain na tayo?”

Noong araw na ‘yon nakilala ko si Drixie. Kumain kami sa isang pizza resto kung saan kami nagtanong ng mga bagay tungkol sa isa’t isa. Matipid siya sumagot pero okay lang. Tapos ay inihatid ko siya sa bahay nila. Pag-uwi ko sa apartment na tinutuluyan ko, hindi ko na siya maalis sa isip ko. Tingin ko na love at first sight yata ako. Parang lahat kasi ng hinahanap ko sa babae nasa kanya– matapang at matalino.



KINABUKASAN, hindi ako nag-aksaya ng panahon. Pumunta ako sa opisina ni Chief Cortez para pormal na magpaalam na liligawan ko ang anak niya.

“Officer Obryn, good morning. Anong maitutulong ko sayo?” tanong ni Chief Cortez sakin habang abala siya na nakatingin sa mga dokumento.

“Good morning, Chief.” Huminga ako nang malalim. Tapos ay umupo ako sa harap ng desk ni Chief Cortez. “Chief… may gusto sana akong sabihin sa ‘yo. Tungkol kay Drixie.”

Ibinaba ni Chief Cortez ang dokumentong binabasa sa desk. Inalis niya rin ang reading glasses niyang suot. “Anong tungkol sa anak ko?”

Mula sa mukhang mabait, parang biglang naging nakakatakot ang presensya ni Chief Cortez. At naramdaman ko na parang mabigat ang tingin niya sakin.

Napalunok ako at bahagyang natakot. Pero desidido ako. Gusto ko talaga si Drixie.

“Chief… gusto ko po ang anak niyo. Sana—Sana payagan niyo akong ligawan siya.”

Hindi sumagot si Chief Cortez. Nabalot ng katahimikan ang buong silid. Dinig na dinig ko tuloy ang bawat kabog sa dibdib ko pati na rin ang pag galaw ng kamay ng orasan. Ilang saglit pa, kahit may aircon ang silid, isang butil ng pawis ang tumulo mula sa sintido ko.

Mukhang dapat nag isip-isip muna ako? Katapusan ko na yata ‘to. Iniisip siguro ni Chief Cortez kung paano niya ko ililigpit. Patay!

Ilang saglit pa, biglang bumuntong hininga si Chief Cortez. Tapos ay tumayo siya at tumalikod. “Alam mo, Rave… Mabuti kang tao at minsan nakikita ko ang sarili ko sa ‘yo. Alam ko rin na malinis ang hangarin mo. At ‘yong anak ko mukhang nagkagusto rin siguro sayo. Panay kasi ang banggit niya sa pangalan mo kagabi. Pero ito ang gusto kong intindihin mo. Usapang lalake ‘to.”

Humarap siya sakin. Lumapit siya at ipinatong niya ang kamay sa balikat ko. “Kilala ko ang anak ko. Wala siyang karanasan sa mga bagay na gusto mong mangyari. Kung tutuusin, tingin ko nga bata pa siya para sa ganong bagay– kahit nasa wastong gulang na rin naman siya. Kaya isipin mong mabuti, kasi baka humahanga lang sa ‘yo si Drixie. Baka hindi kayo parehas ng nararamdaman. Kapag hinayaan kita—pwedeng masaktan lang ang anak ko. Kasama sa relasyon ‘yon, e. At ‘yon ang ayaw ko mangyari. Alam mo kung bakit?”

Hindi ako sumagot at naghintay lang ng mga sasabihin pa ni Chief Cortez sakin.

Bumuntong hininga ulit si Chief Cortez. “Rave… iniwan kami ng Mama niya. Para sa ‘min ni Drixie sobrang sakit non. Kaming dalawa na lang ngayon sa buhay. Kaya sana pagbigyan mo muna ako. Mas gusto ko kung magiging kuya ka na lang niya. Iyon ang kailangan niya sa ngayon.”

Dismayado ako. Pero naiintindihan ko si Chief Cortez. Mas tama na intindihin ko ang sitwasyon nila kaysa ang sarili kong kagustuhan. Medyo mahirap lang tanggapin pero para sa kanya gagawin ko ang gusto niya.

Tumayo ako at inalok ko siyang makipagkamay. “Naiintindihan ko, Chief. Sorry sa nasabi ko. Mula ngayon ituturing ko na lang siyang nakababata kong kapatid at po-protektahan ko siya bilang kuya.”

Tinanggap niya ang alok ko at nginitian niya ako. “Salamat, Rave. Sana ipangako mo rin na magiging kuya ka pa rin niya kung sakaling may mangyaring masama sa ‘kin.”

“Pinapangako ko, Chief. Pero, ano ka ba? Wala ‘yan. Ikaw pa! Ikaw na yata pinaka-magaling na pulis. Walang mangyayari sayong masama.”

Pagkatapos non nagkayayaan kami ni Chief Cortez na mag-inuman mamaya pagkatapos ng trabaho.



PRESENT

DAHIL sa pangakong binitawan ko noon kay Chief Cortez, kinalimutan ko ang nararamdaman ko kay Drixie at ibinaling ko ito sa iba. Pero ngayon… naisip ko na marahil ito na ang tamang panahon para saming dalawa. Lalo na ngayong sigurado na akong higit pa sa paghanga ang nararamdaman niya sakin. Higit sa lahat, mas mapoprotektahan ko siya kung magiging kami. Mas matutupad ko ang pangako ko kay Chief Cortez.

Biglang tumunog ang phone ko. Tumatawag si Drixie kaya’t agad ko itong sinagot.

“Hello? Drixie?”

“Rave… kailangan ko sana ng tulong mo.”
NEXT CHAPTER
Back to Chapters
0 Comments



Leave a Reply.

HOME | ABOUT | CONTACT | THE AUTHOR | PRIVACY POLICY | TERMS & CONDITION | SITEMAP | BOOKMARKS
Proudly powered by Weebly